TWENTY SEVEN
TWENTY SEVEN
("Nandyan ka na ngayon?") Maxine asked nang sabihin ko sa kanyang nasa airport na kami ni Herritt.
"Palabas na. I'll update you later. Sasakay muna kami paalis." matapos kong maibaba ang tawag ay mabilis na kaming ginitgit ng mga photographers. Ilang estasyon sa tv ang nakita kong naka-ukit sa kanilang mikropono habang sinusundan kami ng tanong.
"Ano hong nararamdaman nyo matapos nyong makabalik ngayon sa sariling bansa?" tanong ng isang kilalang estasyon.
"It's good to be back. I love Philippines." maiksing sagot sa kanya ni Herritt bago ito nginitian ng tipid. Kinagat ko ang aking labi para pigilan ang pag-ngiti. Herritt is such an ass. Halatang halata sa kanyang boses na puro kaplastikan lang ang kanyang sinabi.
"Anong mga na-miss nyo rito sa Pilipinas." tanong ng isa pang media.
"The places. Uhm, the foods. Adobo, right? Sinigang." naghagikhikan ang mga tao sa paligid. I was so distracted by the flash. Yumuko nalang ako at sinundan ang nasa harap ko. Ilang mga tanong pa ang sinagot ni Herritt habang naglalakad kami palabas.
Mabuti at may dumating nang convoy para mabilis kaming makaalis doon. "Hindi mo na sana sinagot yung mga tanong nila." natatawang wika ko kay Herritt habang papunta kami sa aming tutuluyan.
"They asked a lot kaya pinagbigyan ko na. Nag-enjoy rin naman ako." he giggled. Ilang sandali pa ay muling tumawag si Maxine sa akin.
("Saang hotel?") bungad nyang tanong.
"Sa Sofitel muna kami. Maybe we'll stay here for the next three days. Depende kung magpapa-iwan na si Herritt." biro ko. Herritt raised his brow on me. Ngumisi ako at muling binalingan si Maxine sa cellphone.
("I'll be there. Hintayin nyo ako.") tumatawang ibinaba nya ang tawag.
Saglit lang ang nilagi namin sa loob ng sasakyan at nakarating na agad sa hotel. Una kaming nagpahinga. We had separate rooms. Mas pinili kong maidlip muna dahil sa haba ng flight namin kanina bago ako nagising sa isang malakas na tunog likha ng aking cellphone
("Saan ka na? Andito na ako!") I can sense her excitement. Napaupo ako sa aking kama bago inunat ang aking katawan.
"Sige, I'll meet you later. Mag-aayos muna ako." nagpalit lang ako ng panibagong damit. Doon kami sa buffet nagkita ni Maxine. I saw her choosing her own food ng lapitan ko ito.
"Mukhang masarap ang isang iyon. Why not try it." wika ko. Lumingon sya sa akin at halos malaglag ang hawak nyang pagkain ng yakapin nya ako.
"Chloris!" mangiyak ngiyak nitong sigaw sa pangalan ko. Kulang nalang ay tumulo ang kanyang sipon sa sobrang tuwa at iyak. Hindi ko mapigilan ang malawak na pagngiti.
"Maxine, your plate's gonna fall." paalala ko sa kanya. She stood straight after that and starts sobbing. Ginabayan ko sya paupo at doon ko sya pinakatitigan ng matino. "I missed you so much, Max." banayad kong wika.
"I missed you, too. Nakakainis ka talaga! You look beautiful... No, more than that. Halos hindi na kita makilala. You're on the news and it seems like you're so unreachable now." sumbong nya na parang bata.
My heart aches and at the same time flattered because of what I heard. I finally made my dream come true. But I sacrificed so many things for that. Ngayon ay hindi nalang iyon basta pangarap dahil nakamit ko na iyon.
"Whatever happens, you're still my bestfriend. Hindi naman ako nagbago, Max. Nakamit ko lang ang pangarap ko. I'm still the old Chloris Buenfuerte."
Ngumuso ito sa akin bago sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. "You mean you still live in the past?"
"Not that!" mabilis kong sagot sa kanya. It's been eight years. I recover from the heartache I had before. And of course I've already moved on from that person. Kung nasaan man sya ay masaya na ako para sa kanya. "Bata pa tayo noon, ano ka ba?!"
Humalukipkip sya sa narinig at inismiran ako. "You sure you're okay with him having a relationship with... Someone else?"
Hindi ko pa pala sinasabi kay Maxine iyong tungkol sa nakita ko dating dati pa. I think now's the right time to start digging about the past. "Ah, you mean with Eclaire? Alam ko na iyon matagal na and it's nothing now."
Pinagkunutan ako ng kilay ni Maxine. I asked her why. Tumawa lang ako sa kanyang reaction. "It's nothing now." ulit nya sa mga huling salitang binitiwan ko. "So okay na sa iyo kahit ipaalam kong engage na silang dalawa ngayon?"
Napatigil ako saglit sa paghinga. I quickly turned my head to the other side. "Good for them." rinig ko ang kaunting pagkawasak sa natitirang bahagi ng aking sarili na patuloy na umaasa. "Eclaire's my friend and so as Kei. Masaya akong magiging sila rin sa huli."
Inilingan ako ni Maxine bago kumuha ng karampot sa kanyang pagkain. "Sabi mo, eh."
Nang bandang gabi ay kasama na namin si Herritt sa tabi ng malaking pool sa labas. Nagkukwentuhan silang dalawa ni Maxine habang ako naman ay tahimik lang at pinapakiramdaman ang hangin sa aking balat.
"We were classmates since first grade." nahimigan kong kwento ni Maxine kay Herritt. "May isa pa kaming laging kasama. Maybe you know Kei Hendricks."
Agad akong tumingin sa kanilang dalawa. "Max!" banta ko sa kanya. Herritt doesn't know anything about Kei. Hindi naman namin napagkukwentuhan si Kei pwera nalang noong araw na nalaman naming may girlfriend na ito.
"I know him!" napatuwid ng likod si Herritt at ngumisi sa akin. "Yung gwapo, right?" sa akin nya idinirekta iyong tanong. Sumulyap sa akin si Maxine.
Gwapo? Huh! Hindi naman sya ganoon ka-gwapo. Malay ko ba kung nadala lang sa posing iyong picture nya dati. O hindi naman kaya ay inedit lang.
Noong mga panahon na tanda ko pa ang bawat bahagi ng kanyang mukha at katawan ay masasabi kong patpatin pa sya noon at mukhang may sakit sa baga.
"Malay ko. Don't ask me. Ilang taon ko na syang hindi nakikita." parehas akong nginisian nina Maxine at Herritt. May ibinulong si Max sa kanya na parehas nilang ikinatawa.
"Gusto mo ba makita, Chlo?" napa-maang ako sa tinanong ni Max. Umirap ako sa kanilang dalawa at isinandal ang likod sa lounger.
"Para kayong mga bata." saad ko sa kanila at ipinikit na ang mga mata. Ayoko nang magtagpo ang mga landas namin. No way!
Kinabukasan ay isinama ko si Maxine sa cruise na paggaganapan ng fashion show. Pinapanood namin sa kanya iyong final rehearsal ng mga modelo bago namin inimbitahan ang lahat ng staffs at models para kumain roon nang sabay sabay.
Mamayang gabi na gaganapin ang show. May red carpet bago sumakay ng cruise at hanggang doon lang ang lahat ng media. High-profiled models were directly invited.
Pinadalhan na namin sila ng sulat at ang iba ay ipinost na iyon sa twitter thanking us for inviting them. May mga artista rin, malalaking personalidad at ibang mga business tycoons kaming inimbitahan.
The full list of attendees circulated around twitter. Ang ibang mga fans ng dadalo ay mabilis iyong pinag-usapan.
"Did you invite Eclaire?" bulong sa akin ni Maxine habang kumakain kami. Naputol ang pagbo-browse ko sa social media sa tanong nyang iyon.
Halos ala una palang ng hapon at mamaya pang alas otso ang simula ng show. Magtatagal lang iyon ng humigit kumulang dalawa o tatlong oras.
"Nakalimutan ko." wika ko at nginuyang mabuti ang pagkain sa aking bibig. Muli kong tinuon ang mata sa aking cellphone.
"You forgot?" hindi makapaniwalang tanong nito. Halos puno iyon ng hangin at tinaasan ako ng kilay. "She's one of most sought actresses in this country, Chlo. Modelo rin sya at halos mukha nya ang makikita mo sa Edsa."
"How would I know? I don't live here." simple kong sagot at kumuha ulit ng makakain at sinubo iyon.
Bumuntong hininga sya. "Oh my God, I can't believe you. Kaibigan mo rin iyon. Don't you want to see her?"
I don't. Wala akong plano.
"Walang upuan, Maxine. I also want to add more people but we wouldn't want this fashion show to be overly crowded. Ilang beses na namin ito ginawa ni Herritt at ito na ang may pinaka-maraming guests."
Maxine gave me another sigh. Uminom ako mula sa aking wine habang si Herritt ay tahimik na nakikinig sa amin. "Kung hindi mo lang inamin sa akin na nagkagusto ka rin kay Kei dati ay iisipin kong bitter ka sa kanilang dalawa."
Naibaba ko ang aking baso at mariing tinitigan si Maxine. Is she testing my patience? And I'm not bitter because of that. Engage na sila. Engage! Itinaga ko na iyan sa aking isip.
"Excuse me!" tawag ko sa isang staff. Mabilis itong tumayo at lumapit sa akin. "Add another seat on the left side and prepare an invitation card for Eclaire Vasseur. I want a confirmation by this afternoon."
"Is that all, Madam?" tanong sa akin noong staff. Nakakunot ang noo ko habang tumatango at ikinumpas na ang kamay ko para lumayo na sya.
"Wait!" pigil ni Maxine. Huminto iyong lalake at muli kaming nilingon. "How about Kei?" tanong nya sa akin.
"Max..." ngumiti ako ng pilit. "Eclaire is enough. Kei is too much." muli ako nitong tinaasan ng kilay. I don't like what's happening here.
"Kei is a Hendricks, Chloris. Baka nakakalimutan mo? He's now---"
"Another seat for that person. Thank you." wika ko roon sa lalake at pinaalis na ito. Ayokong malaman kung ano na sya ngayon.
"Ang hot naman, Chloris." singit ni Herritt. Sinamaan ko lang sya ng tingin bago ito lumingon kay Maxine at nagkibit ng balikat.
Hapon nang bumalik ako sa hotel at saglit na nagpahinga. I left Herritt and Maxine, sinabi ko sa kanilang kailangan ko ng beauty rest. Nakahiga lang ako sa aking kama habang katitigan ang kisame.
I want to take a nap. That would do. At least kapag tulog ay hindi mo aalalahanin ang mga bagay na nangyayari sa kasalukuyan at mga bagay na mangyayari pa lamang.
Ilang minuto ko sigurong ipinikit ang aking mata bago ako muling napadilat. I can't sleep! Nakakainis! Naiinis ako sa aking sarili dahil pumayag akong imbitahin si Eclaire at si Kei.
Iyon pang dalawang tao na ayaw ko nang makita pa sa tanang buhay ko ay makikita ko mamayang gabi. I sounded so pathetic like I'm waiting for something that's never gonna happen.
My phone beeped. Doon ko lang naiwala ang inis sa aking sarili. An email was sent to me. It was a confirmation na dadalo si Eclaire mamayang gabi.
"Akala ko ba ay most sought actress ka? Bakit wala kang sched mamayang gabi?! Bakit pupunta ka sa fashion show ko?! Or you just cancelled your appointment to tease me?" inis na inis na sigaw ko roon sa cellphone ko at hinagis iyon sa aking gilid.
Saglit akong kinabahan nang muntikan iyong tumalon palabas sa aking kama.
Bago tuluyang gumabi ay nagbabad lang ako sa aking bathtub. Kung hindi pa ako binulabog ng tawag ni Herritt ay hindi pa ako aahon doon.
Agad akong nagbihis at nagpaayos na ng aking buhok at make-up. Itim ang sinuot kong dress. Maiksi ang palda sa harap at mahaba naman ang sa likod. Sinuot ko rin iyong kulay pulang mahabang coat na may malaking ribbon sa bandang leeg.
Simple lang ang ayos sa aking buhok na isang mahigpit lang na pony tail. Nilagyan lang nila ako ng itim na extension na halos umabot ang haba sa aking baywang.
Ang make up naman ay simple ngunit glamoroso. Mahaba at makapal ang dulo ng aking false eyelashes. Patusok ang eyeliner sa itaas ng aking mata at pinaghalong puti ang itim ang eye shadow. Pula ang ipinalagay ko sa aking labi.
Matapos kong maayusan ay dumiretso na ako sa venue. Herritt was there, agad ko syang nilapitan at hinalikan ang kanyang pisngi. "Is everything good?" hindi ko maiwasang pansinin ang kanyang suot.
Itim ang kanyang pambaba at polo sa loob. Small blocks of yellow and black ang disenyo ng sa jacket. There's also this cloth na ginawa nyang belt para sa kanyang pants.
Nang mapatingin ako sa kanyang mukha ay matamis itong ngumiti sa akin. "Everything's perfect." may ibang panauhin nang pumasok sa loob ng cruise. Magkahiwalay namin silang kinausap ni Herritt.
Ilang kaunting pictures ang pinagsaluhan namin. Kabang kaba ako dahil sa kada taong pumapasok ay napapalinga ako.
Just what the hell, Chloris? Enjoy yourself! Ilang mga kilalang tao ang kaharap mo ngayon!
"I first bought your product in Macau. Mabuti at naisipan nyong magtayo agad ng branch dito sa Pilipinas. It's really good to be back in your own country." kwento sa akin ng isang matanda. I've watched her movies when I was young.
Hindi na ako magkandamayaw sa pagkausap ng mga bisita pagkatapos noon. Hinihintay nalang namin na makarating ang lahat bago maumpisahan ang fashion show.
We followed the same theme we had before. Ang kulay ng lugar ay pinaghalong ginto at pilak. Ang naglalakihang chandelier ay nasa itaas ng nilalakaran ng mga modelo.
Pa-letrang U ang kanilang dadaanan at sa gitna noon ay mayroon ding mga gintong kulay ng upuan. Marmol na may halong puti at pilak naman ang sa sahig. May maliliit na ilaw sa gilid na nagsisilbing liwanag sa mga manonood. May mga nakasabit rin sa itaas na ilang mga palamuting gintong halaman.
I was talking to one of our guest when someone tapped my shoulder. Agad akong ngumiti at saglit na humingi ng paunmahin sa pagputol ng aming usapan.
Nilingon ko ang kumalabit at nakita ko si Maxine. She's wearing a fitted red dress. Mahaba ang sleeves na umaabot hanggang sa kanyang siko. Patusok ang puti nyang sapatos at mataas ang salaming takong noon.
Mukha kaming sasabog dahil parehong nangingibabaw ang pula sa amin.
"Kanina ka pa?" tanong ko sa kanya.
"Hindi naman. Kakarating ko lang." inaya nya akong tumayo muna sa aking silya kahit pa sa likod ko lang naman sya nakaupo.
"Excuse me." wika ko roon sa naunang kausap at sumama na kay Maxine. "Where are we going? Si Herritt?" luminga ako sa paligid. "Ah, iyon." hihigitin ko sana si Maxine papunta kay Herritt nang hatakin ako nito ng mahigpit.
"Hindi r'yan." angil nya at patuloy akong ginabayan sa kung saan. "Sina Eclaire." wika nya at agad kong natanaw ang isang babae na may suot na kulay asul na dress. Diretso ang gupit sa tela ng damit. Humulma lang iyon nang dahil sa postura ng kanyang katawan.
May nakasabit ding putting fur sa kanyang mga kamay at hawak ang isang itim na maliit na bag sa kanyang kanan.
My knees almost trembled when I saw her face. Mas lalo syang gumanda. Maamo ang kanyang mukha. Simple at hindi gaanong halata ang suot na make up.
Mabilis na dumako ang mata ko sa isang kamay na nakahawak sa kanyang baywang. Daig ko pa ang nilalagnat sa init ng aking pakiramdam kahit iyong mga kamay ko ay parang inilubog sa yelo.
I followed the arm... Saglit akong nabulunan at hindi agad nakalunok ng laway.
To the shoulders... to his face. Humiwalay ang aking kaluluwa nang magtiim bagang ito ilang sandali pagkatapos magtama ng aming mga mata.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top