Isinulat ng Tadhana ni acheloisly
Isinulat ng Tadhana ni acheloisly
Isinulat ng Tadhana
Hunyo 06, 1983
Hindi daw isang mabuting gawi ang pagbabasa ng liham ng may liham subalit paano kung ang pangingialam mong ito ay siya palang isinulat ng tadhana para sa iyo?
Abala sa pag-sasaayos sina Nina ng kani-kanilang gamit sa bagong bili nilang bahay nang dumating ang kartero. May kanya-kanyang ginagawa ang ate at mga magulang niya kaya naman siya na ang lumabas upang kuhain ang sulat mula sa kartero.
"Magandang umaga! May sulat para sa'yo." Nangunot ang noo niya sa sinabi ng kartero, itatanong pa sana niya kung kanino galing ang sulat ngunit mabilis na umalis ito lulan ng bisekleta.
Dahil sa kuryosidad binuksan niya ang sulat at binasa ng hindi man lang tinitignan kung para kanino talaga ito at kung sino ang nagpadala. Liham iyon ng pag-ibig, tila ba isang binata na may lihim na pagsinta sa isang dalagita na hindi magawang aminin ang tunay nitong nararamdaman kaya naman idinaan nalang sa sulat.
Ilang linggo pa ang lumipas, araw-araw na nakatanggap si Nina ng sulat. Ang tanging nakalagay lang sa sobre ay ang selyo, pangalan niya at lugar nila, ni ang apelyido niya ay hindi nakasaad rito, sa palagay niya ay para talaga sa dating nakatira sa bahay na nilipatan nila ang sulat at nagkataong kapangalan niya ito. Sa araw-araw namang nakalipas na natatanggap niya ang sulat ay hindi niya nakaligtaang basahin iyon, bawat letra, bawat pangungusap, bawat tuldok ay tinatandaan niya at sa tuwing babasahin niya ang mga sulat may kung anong humahalukay sa kanyang kalamnan at puso.
"Mahal kong Agustin----iyon ba ang dapat na maging panimula ko?" Tanong ni Nina sa sarili ng nagpasya siyang tugunin ang mga sulat at magpanggap bilang ang dating Nina na nakatira sa bahay na nilipatan nila. Natawa nalang siya sa sarili niya at kahit alam niyang mali ang gagawing pagpapanggap, tumuloy pa rin siya. Sino ba naman kasi ang nagsabing magiging isa siyang Pilibustero oras na magpanggap siya.
Matagumpay na naisulat ni Nina ang unang tugon niya sa liham ni Agustin at matagumpay rin siyang nakapagpanggap bilang ang Nina na talagang napupusuan ng binata.
Sa araw-araw na nagpapadala ng sulat si Agustin ay siya ring araw-araw na pagtugon ni Nina sa mga liham pag-ibig nito. Labis ang kagalakan na nararamdaman ni Nina sa tuwing susulat siya ng liham para kay Agustin at sobrang lakas naman ng kabog ng kanyang dibdib kapag binabasa niya ang lihim ng binata, sa kanyang palagay ay umiibig na siya rito kahit na hindi pa sila nagkikita ng harapan.
Ika-dalawampu't tatlo ng Agosto taong isang libo siyam na raan at walongpu't apat, isang taon ng nagpapalitan ng sulat si Agustin at Nina, ngayon ay nakatanggap muli si Nina ng liham, isa iyong imbitasyon, inaanyayahan siya ni Agustin na dumalo sa kaarawan ng kaibigan nito, disco party daw ang magaganap.
"Naku Nina, umayos-ayos ka ah. Baka ikapahamak mo ito. Kapag may napansin kang kaduda-duda, lisanin mo na agad ang lugar na iyon!" Ang Ate Isabel niya na makailang ulit na siyang binilinan, ilang ulit na niyang sinabi rito na mabuting tao si Agustin pero hindi pa rin ito mapakali kaya nakangiting tumango nalang siya dito.
"Ate, ayos lang ako." Aniya at niyakap ang kanyang ate.
"Umuwi ka bago mag-alas siete ah!"
"Opo. Nakapag-paalam na rin naman ako kay inay at itay, huwag mo na akong alalahanin pa."
Pagdating sa lugar kung saan gaganapin ang disco party ng kaibigan ni Agustin ay nakakabinging ingay ang siyang sumalubong sa kanya, ito ang kauna-unahang beses na dadalo siya sa ganitong uri ng pagtitipon lalo na't taong-bahay siya, sa bahay at eskuwelahan lang umiikot ang mundo niya ngunit mukhang mababago na lahat ng iyon simula ngayon. Inilinga ni Nina ang paningin sa paligid, hinahanap niya si Agustin.
"Nina?" Isang baritonong boses ang tumawag sa kanya, kinalabit rin siya nito kaya agad niya itong nilingon. "Magandang hapon. Nagagalak ako dahil pinaunlakan mo ang aking paanyaya."
Sobrang bilis ng kabog ng dibdib ni Nina ng masilayan niya ang nakakatunaw na ngiti ni Agustin subalit isang bagay ang pumaibabaw sa isip niya, kilala siya ng binata? "A-alam mong ako si N-nina?"
"Ang Nina na talagang pinadadalhan ko ng sulat ay iyong babaeng masungit na dating nakatira sa bahay ninyo. Bago mo pa man tugunin ang mga liham ko tatlong taon ko ng pinadadalhan ng sulat si Nina pero ni minsan ay hindi niya ako tinugon. Kaya naman nagulat ako ng may matanggap akong mga sulat mula kay Nina, akala ko siya na iyon kaya pumunta ako sa bahay ninyo, nagkataong pumasok ka noon sa eskuwelahan at ang ina mo lang ang nandoon, doon ko nalamang nagpapanggap ka pala bilang si Nina Agoncillo."
Pinamulahan ng pisngi si Nina dahil sa hiya. "Labis akong nadala ng kuryosidad at pagkagalak kaya tinugon at binasa ko ang mga sulat, ako'y patawarin mo n-ngunit... kung nalaman mo na pala noon pa man na hindi ako si Nina Agoncillo bakit nagpatuloy ka sa pagpapadala ng sulat?"
"Sabihin nalang natin na napasaya mo ako sa mga sulat mo."
Inangat ni Nina ang paningin kay Agustin. "Anong ibig mong sabihin."
"Mahal na mahal ko si Nina ngunit hindi ko naman inakalang mas mamahalin ko pala si Nina."
"Pasensya, hindi kita maintindihan."
"Nina dela Cruz, mahal kita. Handa ka bang tanggapin ang pag-ibig ko?"
"A-Agustin..." Nagkanda-utal-utal si Nina at hindi alam ang sasabihin.
"Maaari ba kitang ligawan? Mahal na mahal kita aking sinta, handa akong sungkitin ang mga bituin alang-ala sa iyo."
Sa simpleng palitan ng sulat ay minahal at nakilala na ni Nina si Agustin ngunit hindi niya inaasahang magagawa nitong magtapat ng pag-ibig sa kaniya ngayon kaya hindi niya alam kung paano ito tutuginin subalit sa huli ay nagawa niyang sambitin ang mga katagang magpapasaya ng labis sa binata. "Mahal din kita at tinatanggap ko pag-ibig mo."
Ito na nga siguro ang isinulat ng tadhana para sa kanya, para sa kanila.
━━━━━━━━ ✤ ━━━━━━━━
𝔱𝔥𝔢 𝔢𝔫𝔡
@acheloisly
©All rights reserved 2021
09|08|21
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top