Aghoy: My Little Guardian by kulinnn_

Aghoy: My Little Guardina by kulinnn_, winner of Lagim sa Unang Pagsinta contest.

Tiningala ko ang kalangitan pagkababa ko ng sinakyang dyip. Ang kaninang naghahalong kulay kahel at bughaw ay unti-unting binalot ng kadiliman.

Nilingon ko ang kahabaan ng kalsadang araw-araw kong tinatahak papasok at pauwi ng trabaho. May mga poste naman ng ilaw sa magkabilang gilid ng kalsada pero magkakalayo naman ang bahay dito sa amin. Kaya kung sino man ang maglalakad dito nang mag-isa tuwing gabi ay siguradong makakaramdam ng takot.

Dahil nagtitipid pinili ko nalang ang maglakad kaysa sumakay ng tricycle kahit pa nagtitindigan ang mga balahibo ko. Idinadaan ko nalang sa panalangin ang takot na nararamdaman ko gabi-gabi.

Ngumiti ako at nagsimula nang maglakad. Kung noon ay namomroblema ako sa gagawing pag-uwi, ngayon ay hindi na. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, ang isang tila maliit at hindi ko maipaliwanag na liwanag na palaging nakasunod sa akin simula noong tumuntong ako ng bente singko anyos ay nagbibigay ng kapanatagan sa puso ko. Tila ba palagi akong ligtas dahil doon.

Tulad ng nakagawian, bago pa man ako makapasok sa gate ng aming bahay ay nilingon ko iyon. "Salamat," nakangiti kong sabi na tila ba maiintindihan ako niyon.

Pero hindi ko inaaasahan na iyon na pala ang huling gabi na makakasama ko siya. Habang pauwi ako nang sumunod na gabi ay napansin kong wala na ang liwanag na iyon. Hindi na takot ang lumukob sa akin habang naglalakad ako pauwi, kung 'di pagkabigo.

Pagkabigo na maski sarili ko ay hindi maipaliwanag kung bakit kailangan kong maramdaman iyon dahil lang sa isang maliit na liwanag.

Kinabukasan, nang makarating ako sa pinagta-trabuhan kong publishing company ay unang bumungad sa akin ang kumpulan malapit sa office table ko. Nagtataka akong lumapit doon. Sa gitna ng mga babae kong officemates ay naroon ang isang matangkad na lalaki, may dilaw na buhok at singkit na mga mata.

"Hoy, Althea, ang swerte mo naman at katabi mo si pogi," matinis ang boses na ani Vangie— ang aming HR.

Hindi ko siya pinansin. Pilit kong isiniksik ang sarili sa kumpulan. Nang makalapit ako sa lamesa ko ay saktong dumating ang Manager namin kaya mabilis na nagsialisan ang mga nakapalibot sa hula ko'y bagong empleyado namin.

"Hi."

Nilingon ko ang lalaking may dilaw na buhok. Nakatayo siya sa gilid ng lamesa ko. Lalo namang sumingkit ang mga mata niya dahil sa pagkakangiti.

"Hello," nakangiti kong bati. "Bago ka?"

"Oo," nakangiti pa ring aniya. "By the way, I'm Cein," pakilala niya.

Tinanggap ko ang pakikipagkamay niya. "Althea. Nice to meet you, Cein."

Dahil kay Cein ay hindi naging tahimik sa office. Nakahinga ako nang maluwag ng sumapit ang uwian. Sa wakas ay matatahimik din ang tenga ko.

"Bye, Cein! Ingat ka pauwi." Hindi lang yata isang beses kong narinig 'yan mula sa officemates ko.

Tumayo na rin ako pagkatapos ayusin ang mga gamit ko. Naglalakad na ako palapit sa elevator nang maramdaman kong may nakasunod sa akin. Nang lingunin ko 'yon ay nakita ko si Cein. Hindi ko siya pinansin. Tahimik kaming dalawa sa elevator hanggang sa makababa iyon.

Pero nakarating na ako sa aming lugar ay doon ko pa lamang napansin na nakasunod pa rin siya sa akin. Muli, hindi ko na lamang pinansin iyon.

Ngunit nang sumunod na araw ay ganoon ulit ang nangyari. Nakasabay ko siyang muli sa pag-uwi. Tiningan ko siya sa kabilang gilid ng kalsada. Diretso lang itong nakatingin sa unahan habang naglalakad.

Doon na sumagi ang isang pakiramdam sa puso ko. Pakiramdam na para bang matagal ko na siyang kilala at nakakasabay sa paglalakad sa kalsadang ito.

Inisip ko buong magdamag ang tungkol sa pagkakasabay namin ni Cein, maging ang pakiramdam na parang matagal ko na siyang kilala. Inisip ko pa kung nakita ko na ba siya rito sa lugar namin noon pero wala akong maalala. Gwapo si Cein kaya naman sigurado akong kung nakita ko na siya noon ay maaalala ko siya ngayon.

Hinintay ko ang kinabukasan kung makakasabay ko ba siyang muli. At hindi nga ako nabigo. Tulad kahapon ay nasa magkabilang gilid kami ng kalsada.

"Cein!" tawag ko sa kanya. Mabilis siyang lumingon sa akin. Ikinaway ko ang kamay ko. Pinapalapit siya. "Dito ka. Sabay na tayo."

Nakangiti siyang naglakad palapit sa akin. "Natatakot ka?" tanong niya nang makalapit sa akin.

"Hindi, ah! Naisip ko lang na dalawa lang naman tayo kaya magsabay na tayo." Nagpatuloy kami sa paglalakad.

"Palagi ka bang naglalakad dito?" Tumango ako. "Bakit hindi ka sumasakay? Hindi ka ba natatakot?"

"Nagtitipid ako dahil may pinapaaral pa ako. At oo. Hindi na ako takot dumaan dito hindi tulad noon."

"Talaga? Bakit?"

Tanging ngiti lang ang isinagot ko. Gusto ko mang banggitin sa kanya ang tungkol sa liwanag na palaging nakasunod sa akin sa pag-uwi pero baka isipin niyang nababaliw ako.

Nagkwentuhan kami habang naglalakad hanggang sa hindi ko na namalayan na nakarating na kami sa tapat ng bahay namin.

"Hoy, lumampas ka na yata!" natatawa kong sabi.

"Hindi. Hinatid talaga kita," matamis ang ngiting aniya.

"Okay. Salamat sa paghatid," nakangiti kong sabi.

"Pasok ka na," aniya at kumaway.

Bago pa man ako makapasok sa gate ng aming bahay ay nilingon ko siyang muli. "Ingat ka sa pag-uwi. Salamat ulit." Nakangiti siyang tumango.

Simula nang gabing iyon ay naging malapit kami ni Cein sa isa't isa. Sabay kaming pumapasok sa trabaho, nagla-lunch at umuuwi. Ramdam ko rin ang pag-aalaga niya sa mga simpleng bagay tulad ng pagdadala ng mga paborito kong pagkain.

Hindi rin niya nakakaligtaan ang magdala ng payong na madalas kong katamaran na gawin noon pa man. Kaya naman kapag biglang bumubuhos ang ulan ay hindi na ako parang basang sisiw na nakakarating sa bahay.

Palagi ko rin napapansin ang kakaibang titig niya sa akin. Titig na para bang puno ng pagmamahal ngunit mayroong pangungulila.

Sa mga ginagawa niya ay hindi ko namalayan na nagugustuhan ko na siya at hindi na buo ang bawat araw ko na hindi siya nakikita. Kaya naman nagpasya akong umamin sa kanya.

"May sasabihin ako."

Natawa kaming dalawa nang sabay naming banggitin iyon. Kasalukuyan kaming naglalakad pauwi.

"Ikaw na muna," natatawa kong sabi at tumigil sa paglalakad. Saktong sa ilalim ng poste ng ilaw kami tumigil kaya nakikita ko ang gwapo niyang mukha.

"Ikaw na ang mauna. Ladies first."

Ngumiti ako. "Sige. Pero 'wag kang mabibigla, ha?"

Tumango siya. Inisang-tabi ko ang hiyang nararamdaman. Pakiramdam ko kasi kapag hindi ko nasabi ngayon ang nararamdaman ko ay hindi ko na 'yon kailanman masasabi pa.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. "Gusto kita, Cein."

Ang magandang ngiti niya ay unti-unting nawala. Nakaramdam ako ng kaba dahil doon. Paano kung layuan niya ako?

"Sigurado ka ba?"

"Oo naman," mabilis kong sagot.

"Paano kung hindi ako ang inaakala mong ako, Althea. Matatanggap mo pa rin ba ako?"

Nalito ako sa tanong niyang iyon. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hindi lang tao ang mayroon sa mundong ito, Althea. Naniniwala ka ba doon?"

"O-oo naman. Mayroong mga multo at aswang," sabi ko. "Pero bakit mo itinatanong?"

"Gusto kong malaman kung matatanggap mo ba ako kahit ano pa ako."

Ilang segundo akong hindi nakasagot at nanatiling nakatitig sa kanya. May lungkot na bumalatay sa mga mata niya kahit pa nakangiti ang labi niya nang hindi agad ako nagsalita.

"Oo, Cein. Matatanggap ko kahit ano ka pa."

Napaatras ako at napaupo dahil sa gulat nang walang sabi-sabing biglang may dumaang liwanag at nagbago ang itsura niya. Ang dilaw niyang buhok ay umaabot na ngayon sa sahig. Humaba rin ang magkabila niyang tenga.

Nakanganga at nanlalaki ang mga mata ko habang nakatitig sa kanya. Malungkot siyang ngumiti.

"Ngayon mo sabihin, tanggap mo pa rin ba ako, Althea?"

Hindi ko alam kung ilang minuto ko siyang tinitigan. Pinoproseso sa isip ang nakikita. Ngunit hindi nagbago ang tibok ng puso ko. Pangalan niya pa rin ang isinisigaw niyon.

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top