Twenty-Two: Her Current Situation

And we know it's never simple never easy
Never a clean break no one here to save me
You're the only thing I know
Like the back of my hand

- Breathe

⚛-⚛-⚛-⚛-⚛-⚛

Third Person

Hindi na napigilang umiyak ni Celine sa harap ng mag asawang si Mr. and Mrs. Milan. The two just calmly sat on the sofa while watching the girl cry in pain. Hindi sila nag salita, o naawa manlang sa babaeng konting konti nalang ay mapapaluhod na sa sahig.

"Please, huwag po yung shop namin ang kunin niyo. Importante po yun para sa pamilya namin-"

"So is it our fault Ms. Torres?" Mrs. Milan cut her off. "We warned you, right? Many times already."

Celine nodded. "W-Wala naman po akong masamang intensyon noong mag kasama kami nila Wayne. Humingi lang po sila ng tulong."

Marahang tumayo si Mr. Milan at napayuko naman si Celine. Bumuntong hininga muna ang presidente bago magsalita.

"Sa tingin mo ba, maniniwala kami sa mga paliwanag mo?"

Hindi nakasagot si Celine. She fixed her eyes on the floor and sobbed quietly. Natatakot siya sa mga susunod na ibabatong mga salita sa kanya ng mag asawa. And this time, she will have to endure all of it alone. Since there is no one to save her. There is no Kendric Milan to protect her, to hold her hand and promise her that everything's going to be okay.

"Wala akong pakielam sa kahit na ano pang dahilan ang meron ka. Kung bakit kasama mo si Wayne Carell at Vino Herson. Kasama mo sila at yun ang importante."

"Pero wala naman po akong masamang-"

"But they are my son's friends, Celine. And what did we told you?" Tanong ni Mrs. Milan. "Lumayo ka sa anak namin. And anything or anyone who has connections with him. Simple rule. But you kept on breaking it."

Tuloy tuloy na humikbi si Celine. She covered her mouth to prevent from making any sound since she doesn't want to look pathetic in front of her ex's parents, pero mukhang hindi niya yun mapipigilan. Ang buong akala niya'y naubos na ang luha niya noong mga nakaraang araw pero nagkamali pala siya. Masakit para sa kanya tuwing naiisip niyang nadamay pa ang pamilya niya sa gulong ito. At kahit na ano pang gawin niyang pakiusap sa mga Milan ay wala siyang mapapala.

She can't hold it back anymore.

She ran to get outside of the office and almost stumbled on her way out. People's been throwing her cold glances which concludes that not even one person would dare to help her. Alam ng lahat ang tungkol sa namamagitan kay Kendric Milan at Celine Torres, tulad ng iba ay hindi sila sang ayon dito. Iyon ang kailangan nilang paniwalaan.

Namumula siyang lumabas ng building at pumara ng taxi. She felt lucky to have small amount with her to go home in peace. Atleast, hindi siya pagtitinginan ng mga taong makakasalubong niya dahil sa pamumula ng kanyang mukha.

Tahimik lang na naupo si Celine matapos sabihin ang kanyang home address.

She tried hard to divert her attention by staring quietly outside the window. Because something inside Celine is trying to tempt her. And that temptation is certainly, not a good idea.

Kendric... babe...

•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•

Celine

Salon hair stylist, two thousand pesos a month.

Package delivery job, three thousand five hundred a month.

Seven eleven: Cashier, eight thousand a month.

Jamie's ukay-ukay: assistant, one thousand a month.

Elias' bar: Pole dancer, five thousand a month.

Nagpangalumbaba nalang ako sa mesa sabay buntong hininga. Paano ko na iaahon ang pamilya ko ngayon? Saan ako kukuha ng pangpakain sa kanila para sa mga susunod na linggo? Konti nalang ang stocks namin dito sa bahay at nagsisimula na kaming magipit.

"Anak, kain na tayo?" Tawag ni mama mula sa pinto.

Tumayo na ako at naglakad papunta sa kainan para lang madatnan ang ulam na hindi pa siguro magkakasya sa aming lahat. Si mama, si papa, si Nica, Ayson at ako.

Masyado kaming marami para sa tinolang may apat lang na manok.

"Ma?" Tawag ko. Nakangiti niya akong nilingon.

"Nagmamadali po kasi ako... May pag a-applyan ako ngayon kaya kailangan ko na pong maghanda. Hindi na din siguro ako makakasabay sa inyo."

Nakita kong nawala ang ngiti niya at napatingin din sa direksyon ko sila papa.

"Ganun ba? O sige anak, mag iingat ka. Gusto mo ba magbaon?" Tanong ni mama at tumayo pa pero agad rin akong umiling.

"Okay lang po, hindi pa ako gutom. Sige mag aayos na po ako."

Agad akong tumalikod at dumiretso sa kwarto. Sumandal ako sa pinto pagkasara nito saka bumuntong hininga dahil sa pagod.

Sa totoo lang, gutom na ako. Pero ayos lang yan at kaya ko pa namang tiisin. Hindi ko ikakamatay 'to.

Naghanda ako ng formal na damit na pwede kong suotin. Marami akong pupuntahang interview ngayon, lahat ng meron susubukan ko. Yung mga binasa ko kanina ay ang ilang trabaho pa lang na nahanap ko kahapon. Pupuntahan ko ang lahat ng yun pero siyempre hindi kasama yung bar, hindi naman ako ganung klase ng tao na ibebenta ang sarili kong katawan para lang sa pera.

Pagkatapos maligo at mag ayos ay agad na din akong nagpaalam saka umalis.

"Ma, aalis na po ako." Paalam ko sa mama kong kasalukuyan nang naghuhugas ng plato. Pinunasan niya muna ang kamay niya bago ako hinayaang magmano. Niyakap din niya ako.

"Huwag mo kami masyadong iisipin anak, kailangan mong ipagpatuloy ang pag aaral mo ha? Huwag mong kakalimutan yun."

"Opo. I love you mama."

"I love you too 'nak."

Nung oras na yun, akala ko maiiyak na ako dahil sa awa. Ayaw nilang alalahanin ko sila pero kapag hindi ko naman inisip ang kapakanan nila, sila lang din ang mahihirapan. Kung hahanapin ang perang ipinambili ng Illian Company sa shop namin, kaunti nalang ang maipapakita namin. Pinambayad kasi namin ng utang ang iba, ng kuryente, tubig at pagpapa ayos ng bahay. Kaya nga kahit papaano ay masaya ako kasi maganda na ang bahay namin. May pintura na, at hindi na din butas ang bubong. Nakapagpadagdag kami ng isa pa ulit na kwarto para daw sakin.

Pero aanhin naman namin ang lahat ng yun kung pagdating din ng susunod na tatlong buwan eh wala na kaming pangtustos?

Hay. Ito yung pinakamahirap sa pagiging gipit eh. Ito yung isang bagay na kahit kailan hindi maiintindihan ng mga mayayamang katulad ng mga nagpapahirap sa akin ngayon.

Kailangan ko nang magmadali at hindi ako pwedeng magsayang ng oras. Mabubuhay kami, kahit gaano pa sila karami na magtulungan para tapak-tapakan ako. O kaya kahit sila nalang, kahit pamilya ko na lang ang makaraos. Ayoko lang talaga nung dinadamay sila.

"Para! Para po manong!" Tawag ko sa paparaang tricycle. Agad naman akong nakasakay at sinabi ang una kong pupuntahan. Yung salon na naghahanap ng hair stylist. Malapit lang yun dito.

Marunong naman akong manggupit ng buhok kaya susubukan kong mag apply doon, baka sakaling tanggapin ako.

•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•°•

"Ay pasensya na. May nauna na sa'yo at kinuha ko na din siya. Tumingin ka nalang sa iba pang ukay-ukay diyan, baka kailangan din nila ng kasama tulad ko." Sabi ng babaeng si ate Jamie sabay turo sa mga katabi ng pwesto niya.

Napapikit nalang ako sa inis. Kahapon ko lang yun nakita eh, bakit may nakakuha na agad? Paano naman nangyari yun? Mas maagang pumunta sakin yung tao ganun? Tsk, nakakainis.

"S-Sige po. Salamat nalang."

Tumango nalang ang babae saka tinalikuran ako. Naglakad na din ako palayo, hindi ko na alam kung saan ako pupunta.

Nakakainis. Nakakaasar. Para kasing nananadya yung tadhana eh. Ito na lang yung pinakahuli na trabahong pwede kong pag apply-an tapos nakuha pa ng iba. Saan na ako pupunta niyan? Babalik na naman ako sa simula, iikutin ko ulit yung buong lugar para makakita ng mga pwedeng pasuking trabaho.

Nakakainis. Ang sarap magmura. Ang sarap umiyak.

Pumunta ako sa burger machine at umupo sa isang stall doon. Nginitian ako ng nagtitinda. Babae siya at sa tingin ko ay kasing tanda ko lang siya.

"Ano po yun?" Tanong niya.

Tumingala ako at nakita ang pictures ng mga burger, meron ring mga inumin. Natakam tuloy ako bigla.

Kinagat ko ang labi ko nang maalalang nag iipon nga pala ako. Hindi ko kaya kung bibili ako ng burger tapos pati inumin, baka bandang huli mapilitan akong maglakad pauwi.

"Isang ganun nga, miss." Turo ko sa pinakamurang burger at pinakamaliit na din siguro. Tumango lang siya at nagsimula nang magluto ng burger pattie. Nagpangalumbaba lang ako at tahimik siyang pinanood na magluto.

Haay. Ang dami ko nang napuntahan pero wala pa ring nangyari. Hindi ko naman pwedeng sabihin na malas lang ako ngayong araw na 'to dahil ilang araw na akong naghahanap ng trabaho pero ilang araw na din akong hindi natatanggap. Siguro, malas lang talaga ako.

Hindi ko tuloy maiwasang alalahanin ang mga nangyari sa mga pinuntahan ko kanina.

--

"Oo kailangan namin ng manggugupit, pero ang hinahanap kasi namin ay marunong din sa pagrerebond, pagkulot, pagkulay at iba pa. Pasensya na, hindi ka namin pwedeng kunin kung panggugupit lang ng buhok ang kaya mo."

--

"Delivery job 'to miss. Package delivery job. Hindi ka pasado dahil hindi malayong hindi mo kayanin ang trabahong ito. Mas makabubuti sa amin kung lalaki ang kukunin naming trabahador."

--

"Napagdesisyunan na kasi naming hindi kami kukuha ng mga working student at puro mga ganap na nagtatrabaho lang talaga ang tatanggapin namin dito para mag cashier. We do not want your business in school to interrupt our store and your schedules. Sorry but we cannot accept you, Miss Torres.

--

Tuluyan nang bumagsak ang ulo ko sa mesa. Bumuga ako ng hangin dahilan para lumipad ang kaunting buhok sa itaas ng noo ko.

"Ito miss oh, libre ko na."

Napatingin ako sa babae at nakitang inabutan niya ako ng isang can ng softdrinks. Walang kibo ko itong tinitigan. Bakit niya ako linilibre?

"Mahirap di'ba? Lalo na para sa ating mga wala masyadong kaya sa buhay. I'm Gina by the way."

Napatingin ulit ako sa kanya. Nginitian niya lang ako sabay lipat ng linuluto niya sa burger bun.

Napangiti na lang din ako at tumango. Mukhang nakaka relate sa akin si ate.

"Celine."

"Anong nangyari?" Tanong niya ulit. "Halatang pagod na pagod ka eh."

Nagkibit balikat ako. "Wala akong mahanap na trabaho. Napagod lang siguro, wala pa akong kinain simula agahan eh."

"Ano? Three pm na ah?"

"Yun nga eh. Kaya siguro ganito ang itsura ko ngayon." Natatawa kong sambit sabay bukas ng coke in can. Iniabot na sakin ni Gina ang burger at ibinigay ko naman sa kanya ang bayad. Tinitigan niya ang pera ng makitang sobra ang ibinayad ko sa kanya.

"Para dito sa soft drinks."

"Ah, hayaan mo na. Sabi ko libre ko na di'ba? Minsan lang kasi kung may kumain dito at kung suswertehin makakakwentuhan ko pa. Kaya treat ko nalang yan sa'yo. Huwag ka nang mahiya."

Aangal pa sana ako pero binigyan niya ako agad ng isang malawak na ngiti kaya bandang huli ay napilitan na lang din akong huwag magbayad. Ang bait bait naman niya, nakakahiya na din kung tatanggihan ko pa.

"Okay. Thank you ha?"

"Wala yun."

Nagsimula na akong kumain ng burger. Si Gina naman ay busy sa paglilinis at pagpupunas.

Lumipad na naman ang isip ko dahil sa sandaling katahimikan. Naisip ko lang kasi yung kung ano ang sasabihin ko kapag umuwi ba ako ng bahay. Malamang, katulad ulit ng dati. 'Mama pasensya na po, hindi ako sinwerte na makahanap ng trabaho' o kaya naman 'bukas nalang po ulit, baka pag nagkataon matanggap na ako'.

Minsan nahihiya na din ako eh. Kumbaga kasi ako yung inaasahan nila ngayon pero ako mismo kahit trabaho manlang hindi ako makahanap. Kaming dalawa ni papa ang naghahanap ngayon ng mapagkakakitaan, si mama kasi kakagaling lang sa sakit. Masyado siyang nabigla ng bilhin ang shop namin, hindi niya matanggap. Napilitan lang kasi silang ibenta yung shop kasi hindi din biro ang halagang in-offer ng Illian Company. Pero ngayong wala na ang shop at wala na silang pinagkaka abalahan, doon na nagsimula yung lungkot ni mama. Nagkaroon siya ng matinding lagnat at kakarecover niya palang, hindi siya puwedeng magpagod.

"Kahit ako nakaranas din ng paghihirap noon. Sobra din sa pakiramdam ano? Parang ang sarap nang magpakamatay."

Natawa ako sa sinabi niya. Ano daw? Magpakamatay? Kahit naman hirap na ako sa buhay hindi pa naman ako umabot sa punto na naisip kong magpakamatay.

"Naisip mo nang gawin yun?" 'Di makapaniwala kong tanong na tinanguan niya. "Paano?"

"Um, ready na akong magbigti pero nahuli ako nung nanliligaw sa akin."

Nanlaki ang mga mata ko at napatakip ng bibig. Seryoso siya? Bigti? Grabe naman!

"Buti nalang nailigtas ka!"

Natawa siya at umupo na din. "Yun nga eh."

"Eh nasaan na yung nanliligaw sa'yo?"

"Um..."

Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiting nagpapahalata sa sagot sa tanong ko. Tinaas ko ang dalawa kong kilay sabay ngiti habang hinihintay siyang magsalita. Siyempre, iba pa rin yung sa kanya mismo nanggaling ang sagot.

"Ayun. Tinulungan niya akong makabangon tapos na inlove na din ako."

Sabi na nga ba eh. Mukha namang masaya siya sa boyfriend niya ngayon, sana hindi maging miserable ang kwento nila 'di tulad ng iba, 'di tulad ko. Lalo na at dumating na pala siya sa point na naging suicidal na siyang tao, kung masasaktan ulit siya baka may mas malala pang mangyari.

"Simula noong dumating siya sa buhay ko, ang saya saya. Nagkaroon din ako ng inspirasyon para magpatuloy. Tapos grabe din yung pagsisisi ko dahil pinagtangkaan ko ang sarili kong buhay. At the same time, grabe din ang pasasalamat ko sa kanya."

Hinarap niya ako saka nagtanong ng isang tanong ni hindi ko inaasahan.

"Eh ikaw Celine, paano mo pala inaalis ang stress mo?"

Natahimik ako.

Paano ko inaalis ang stress?

Hindi ko inaalis. Kusang natatanggal. Kusang natatanggal tuwing kasama ko siya. Nakakalimutan ko ang mga problema ko dahil katabi ko siya. Sumasaya ako sa bawat oras na magkasama o magkausap kami. Siya lang ang stress reliever ko.

Siya na ngayon ay nawala na din.

"H-Hindi ko alam... ano... kain siguro. Kain o kaya ligo. Yun."

"Ah, okay." Nagpangalumbaba siya at tumingin sa malayo. Hindi na din muna ako nagsalita, nakakagulat talaga ang tanong niya sakin. Stress reliever. Siya lang kasi talaga ang stress reliever ko at wala nang iba. Kaya hindi ko siya maiwasang maisip bigla.

"Alam mo, may isa pa akong pampatanggal ng stress."

Tiningnan ko siya. "Ano?"

"Alam mo yung tulay diyan? Yung Tala bridge?"

Yung tulay sa gilid ng kalsada? Yung sobrang habang tulay na tubig yung ilalim?

"Tala bridge?" Ulit ko na tinanguan niya. "Hindi ko alam ang Tala bridge na sinasabi mo. Pero alam kong may tulay banda diyan malapit sa restaurant.

"Doon nga."

Huh? Tala bridge pala ang pangalan nun?

"Anong meron doon?"

"Sobrang ganda kaya doon kapag gabi, pwedeng pagtambayan kung naghahanap ka ng magandang pwesto para makakita ng stars. Doon ako nagmumuni muni minsan."

Ha? Wala naman nga masyadong pumupunta doon eh. Dinadaan daanan lang ng mga tao at sasakyan na parang walang makikitang espesyal doon sa tulay na yun.

"Ayaw lang pumunta ng iba kasi may multo daw doon sa ilalim ng tulay. Pero sus, huwag kang maniwala doon. Promise, sobrang ganda. At tiyaka, yung name na Tala bridge ako lang ang may gawa. Hindi talaga yun ang pangalan niya."

"Ganun ba? Akala ko pa naman yun talaga ang tawag sa bridge na yun."

Natawa siya. "Hindi. Pero seryoso, maganda talaga doon."

Um-oo nalang ako. Hindi ko talaga alam kung totoo ba ang sinasabi niya. Sa Tala bridge magandang tumambay? Napaka dilim pamandin doon sa tulay na yun, walang ilaw. Pero okay lang naman dahil may nakalaan talagang daan sa gilid para sa mga tao kaya walang mga aksidente. Pero hindi ko pa rin inexpect na maganda pala doon.

Hindi ko namalayang maga-apat na oras na pala akong nakikipag kwentuhan kay Gina, marami din kaming napag usapan. Pagbukas ko ng cellphone ko para tingnan ang oras ay six thirty na pala. Dahil doon ay nagmadali na akong tumayo at inayos ang sarili ko, kailangan ko na ulit kumilos.

"Sige Gina, mauuna na ako. Thank you ha?"

"Thank you din. Sana bumalik ka ulit dito."

"Ay oo, baka mapadalas ako." Natawa kaming dalawa sa sinabi ko. Pero totoo naman eh, baka lagi akong pumunta dito lalo na kapag gusto ko ng kakwentuhan. Masaya kasi siyang kausap.

"Sige, bye!" Pamamaalam ko na sa kanya at umalis. Tumigil ako sa paglalakad at inilibot ang paningin ko sa paligid.

Saan ba ako magsisimula? Ah, doon ulit sa pinaka unang dapat gawin. Paghahanap ng trabaho.

Bumuntong hininga ako. Nakakapagod yun, iniisip ko pa lang kinakapos na ako agad ng hininga. Hindi naman kasi lahat ng trabaho dito ay naghahanap ng bagong taong papapasukin nila, kaya kailangan kong suyuin ng maayos kada lugar na madadaanan ko.

Kaya ko ito, para sa pamilya ko.

Maglalakad na sana ako ulit nang biglang tumunog ang cellphone ko. Kinuha ko ito at binasa ang caller ID. Si papa.

"Hello papa? Napatawag ka po?"

[Anak, nasaan ka?]

"Ay, nandito pa rin po sa labas. Bakit po?"

Nagpakawala siya ng mahinang pagtawa mula sa kabilang linya na ipinagtaka ko. Anong meron?

[Anak may magandang balita ako. Nakahanap na si papa ng trabaho.]

Trabaho? May trabaho na si papa?!

Nanlaki ang mga mata ko at napatakip ng bibig. Para akong nanalo sa lotto sa sobrang saya.

"Seryoso ba 'yan papa? Anong trabaho?"

[Security guard anak. Sa supermarket. Night shift daw ako pero ayos lang yun, kayang kaya ko naman.]

Natigilan ako. Security guard? Hindi ba't napaka delikadong trabaho no'n? Tapos sa gabi pa?

Papa naman, bakit mo naman pinapabayaan ang kalusugan mo? Gising ka buong gabi? Paano pa kung may magtangka sa super market na 'yon at masaktuhang ikaw ang nagbabantay?

[Ay anak, sige mamaya nalang ulit tayo mag usap pag uwi mo. Sasakay na din ako pauwi ng bahay. Mag iingat ka. Bye anak.]

Narinig ko na lang na naputol ang linya. Walang gana kong ibinaba ang cellphone ko mula sa tenga ko.

Tumingala ako sa langit. Gabi na. Madilim na at puro ilaw na lang ang nagbibigay ng liwanag sa buong paligid. Halata namang wala na din akong mahahanap ngayong trabaho. Isa lang ang ibig sabihin nito, uuwi na naman akong walang dalang magandang balita.

Ayoko munang umuwi. Wala naman akong kailangang gawin kaya maglalakad lakad nalang muna ako. At isa pa, wala naman akong kailangang sabihin sa kanila para magmadali ako.

Tala bridge. Subukan ko kayang pumunta doon? Wala namang masama kung susubukan kong tingnan, baka sakaling totoo ang sinasabi ni Gina na maganda doon. Oo nga, doon nalang ako pupunta.

Nagsimula na akong maglakad ng tahimik habang lutang.

Buti pa si papa may nahanap nang trabaho, ako wala pa din.

Pero nakakabigat lang kasi ng loob yung part na malamang security guard ang trabaho niya. Marangal ang trabahong yun pero siyempre kung papipiliin ako, ayokong mamasukan si papa sa ganoong klase ng trabaho. Paano kung may mangyaring masama sa kanya? Paano kung may makipaglaban bigla sa kanya?

Malakas si papa. Kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya pero siyempre hindi naman sa lahat ng oras ganoon palagi. Tapos may edad na din siya, madali na lang siyang mapagod. Idagdag pa yung night shift ang schedule niya, lagi siyang kulang sa tulog. Mahihirapan siya pati na din ang katawan niya.

Kaya kahit may nakuha na siyang trabaho, maghahanap pa din ako. Hindi ko pa alam ang sweldo niya sa trabahong yon pero mas maganda pa rin kung pati ako ay may kikitain para madali kaming makakaahon.

Napansin ko nalang na nakarating na pala ako sa gusto kong puntahan. Dito sa Tala bridge.

Pumihit ako paharap sa tubig sa ibaba at sumilip, hindi tulad ng ibang tulay na marumi, ang tubig dito ay sakto lang. Hindi siya yung nangungulay itim at nangangamoy dahil sa dami ng basura.

Humawak ako sa sementong pangharang sa gilid ng bridge na ito at tumingin sa taas. Literal akong napanganga sa nakita.

Ang ganda nga. May stars nga. Oo kahit saan ka nakatayo makakakita ka ng stars pero iba dito sa parteng ito. Kasi nakikita mo na ang stars tapos nakikita mo pa yung tubig sa baba. Tuloy nagrereflect yung ilaw ng mga bituin sa langit dito sa tubig. Saktong sakto masarap pa ang simoy ng hangin.

Tama nga si Gina, maganda dito. Mukhang makikihiram ako sa tambayan niya ah?

Dito nalang muna ako. Masakit na ang paa ko kakalakad at ayoko pang umuwi. Dito ang pinaka magandang pwesto para sa akin ngayon. Mag e-earphones nalang ako para hindi ko marinig ang konting sasakyang dumadaan.

Bumaba ang paningin ko sa sementong pinaglalapatan ng kamay ko ngayon. Makapal naman at matibay din. Eh kung subukan ko kayang tumayo dito?

Napangiti ako at nagpasyang umakyat. Dahan dahan akong tumungtong habang nakakapit ng mahigpit. At nang makuha ko na ang balanse ko ay dahan dahan akong tumayo, nalula pa nga ako sa tubig sa baba.

Nang tuluyan na akong makatayo ay tumitig lang ako sa malayo at pinakiramdaman ang hanging dumapo sa pisngi ko habang nililipad ang buhok ko. Humugot ako ng malalim na hininga saka ito pinakawalan ng nakangiti.

Pwede din pala akong makaramdam ng katahimikan.

Ako lang ang nakatayo dito sa gilid ng tulay, ako lang ang tao dito. At wala na ring dumadaan na mga sasakyan. Madilim ang paligid at mga bituin lang ang kasama ko.

Pakiramdam ko hindi ako maaabot ng mga problema ko dito.

Ang tahimik lang kasi ng paligid. Walang maingay. Walang nagsasalitang iba. Walang sumisigaw-

"HOY MISS! NASISIRAAN KA NA BA?! HUWAG KANG TATALON!"

וווווווווווווווווו×

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top