Finale

BUKOD sa mga braso ni Lauri na namumula pa rin at may kaunting sugat, si Eman at Daniel ay parehong may mga sugat at pasa sa mukha at ilang bahagi ng katawan dahil sa pakikipagpambuno kay Lucas. Pero laking pasalamat nila na bukod doon ay wala na silang ibang iniinda. Gayunpaman ay hindi pumayag ang mga magulang niya na hindi sila madala sa ospital kahit pa nga sinabi nila ng mga kaibigan na okay lang sila.

Ngayon ay naroon ang mga kaibigan sa silid na inoukupa niya roon sa ospital. Magkakatabing nakaupo sa pangtatluhang sofa sina Hera, Alicia at Paulene. Samantalang si Daniel ay nakatayo sa kabilang gilid at nakasandal sa tabi ng bintana. Habang si Eman ay nakatayo sa tapat ng paanan ng kamang kinahihigaan niya at nakahalukipkip sa dingding. Silang apat ay pare-parehong nakasuot ng hospital gown.

Alas diyes pa lamang niyon ng umaga. Alas tres nang makarating sila kanina sa ospital. Dahil marahil sa pagod ay agad siyang nakatulog pagkatapos siyang i-eksamin ng doktor. At nang magising siya, ilang saglit lang ay dumating naman ang mga kaibigan niya.

"Pakialemero kasi ang lalaking 'yan! Kung hindi kasi nakialam, hindi na sana tayo napunta pa roon," mariing ani Eman. Na kay Daniel ang nanlilisik na tingin. Bumaling ito sa kanya. "Hahabol na sana ako sa inyo ng babaeng iyon pero hinarang ako ng isang ito sa resort kaya nahuli pa kami ng Lucas na 'yon."

"Tinatanong kita kung bakit naroon ka, 'di ba? Hindi ka naman siguro invited ni Alicia? Pero hindi ka sumasagot. At kung sinabi mo agad ang sitwasyon—"

Umalis sa pagkakahalukipkip si Eman at akma yatang lalapitan ang kanyang kaibigan ngunit agad na nakapagpigil. "Sinasabi ko na sa 'yo na huwag kang makialam pero patuloy ka pa rin. O ano'ng napala mo? Sa halip na mailigtas agad si Lauri pare-pareho pa tayong napunta roon."

"Huminahon ka, pwede?" aniya kay Eman.

Marahas itong napabuga ng hangin. "Bwisit kasi 'to, eh." Turo pa nito sa kaibigan. Kung magtitigan ang dalawa ay parang nagbubugbugan na sa ganoong paraan.

Malalim siyang napahinga at nahilot ang sentido. Nagtanong lang naman siya sa mga ito kung paano ba napunta ang mga ito roon dahil hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin siya makapaniwala nang makita niya ang mga ito sa labas ng bahay na iyon lalo na si Eman. Umaasa pa naman siya na isa ito sa unang makakakita sa kanya dahil nga alam niyang nasa paligid niya lang ito palagi pero naging bihag din pala ito ng mag nobyo. Pero pagkatapos ng pagtatanong niya, ito at nagtalo na ang dalawa. Gusto niya tuloy isipin na hindi lang sa pakikipaglaban kay Lucas nagmula ang mga galos ng mga ito. Hindi na siya magtataka kung sasabihin ng dalawa na nagpambuno din ang mga ito.

"At ikaw?" Si Paulene kay Hera. "Sabi mo titingnan mo lang si Lauri, hindi ba?"

"Eh, sila ang nakita ko sa parking lot, eh." Turo nito sa dalawang lalaki. "Nagkakagulo 'yong tatlo kaya nilapitan ko. Tinutukan ako ng swiss knife ni Lucas kaya wala na kaming nagawa kung 'di sumakay ng kotse ng bwisit na 'yon."

"Oh, God! I'm so sorry, Hera!" Nag-alala pa siya kahit tapos na. Kung siya nga noong tutukan ni Jillian ay para na siyang papanawan ng ulirat dahil sa labis na takot, kaya tiyak niyang malala pa roon ang naramdaman ng kaibigan.

"It's not your fault, Lau. But I'm mad at you. Hindi mo man lang nasabi sa amin na may nagte-threat na pala sa 'yo."

Tumango ang dalawa nitong katabi. Ang tingin sa kanya ay para bang napakalaki ng kasalanan niya sa mga ito.

"Ayoko lang na mag-alala pa kayo. At katulad nito, nadamay pa kayo."

"Kahit pa! Inis pa rin ako. Parang hindi ka nagtitiwala sa amin."

Napabangon siya. "It's not like that."

"Parang hindi lang maganda sa pakiramdam na may inililihim ka sa amin. Oo nga't hindi naman lahat ng tungkol sa 'yo ay dapat alam namin, Lau, pero parang ibang usapan na kapag ganitong bagay," ani Paulene na bakas din ang pagtatampo sa boses.

"I-I'm sorry."

"Pero sana sa susunod ay magsabi ka naman sa amin, Lauri. Kaibigan mo kami. Gusto namin na madamayan ka man lang namin sa mga panahong ganoon."

Nag-init ang kanyang mga mata. Lalo na nang lumapit din ang mga ito at niyakap siya. Nasanay na nga yata siya na kapag may hindi magandang nangyayari ay nakakalimutan niyang may mga kaibigan siya. Hindi siya natutong magsabi sa mga ito, at maski sa mga dati niyang kaibigan. Nasanay siyang sinasarili ang lahat ng nararamdaman. Ngayon niya napagtanto na hindi naman pala masamang magsabi ng nararamdaman sa mga kaibigan. At ang malaman na handa ang mga ito na makinig sa kanya ay para bang ibang gaan ang hatid sa kanyang puso.

Inusisa pa ni Hera kung paano nalaman ni Paulene at Alicia na naroon sila sa ospital. Kanina noong dumating ang mga ito ay panay ang iyak ni Alicia. Panay raw ang paghahanap ng mga ito sa kanila roon sa resort. Nalaman lang daw ng mga ito na may hindi magandang nangyari nang humahangos na dumating doon si Isaak.

Nilingon niya ang bedside cabinet na nasa gilid ng hospital bed. Sa tabi ng flower vase na kilalagyan ng pink roses ay naroon ang kanyang relo. Katulad ng ipinag-aalala niya, nabasag nga iyon. Marahil sa higpit ng pagkakatali sa kanyang mga braso. Ibinigay iyon sa kanya ni Isaak nang nagdaang araw bago sila nito maghiwalay. Nakukutuban na niyang may alam na ito tungkol sa nagtatangka sa kanya lalo pa noong sabihin nitong may GPS tracker ang relo na iyon. Ngayon niya pinagtatakhan kung paano sila nahanap ng nobyo na wala ang tulong niyon.

"Pakiramdam ko bida ako sa isang action movie," pagku-kwento ni Hera.

"Bida sa action movie, wala ka ngang ginawa kung 'di umatungal," kontra ni Daniel na nasa tabi na ng mga ito.

"Huwag ka nga! Kwento ko 'to kaya huwag kang kumontra."

Nawala sa mga nagtatalong kaibigan ang atensyon niya nang makita ang paglapit sa kanya ni Eman. Hinila nito ang pang-isahang upuan at inilapit sa kama.

"Ayos ka lang?"

Tumango siya rito. "Ikaw?"

Tumango rin ito. Sabay silang napahinga nang malalim na pareho nilang ikinatawa.

"Thank you, Eman, for always watching over me."

"Parang sisibakin mo na 'ko niyan, ah?" natatawa nitong ani.

Natawa rin siya. "Baka nananawa ka na kasi," biro niya. "Ilang taon mo na rin akong binabantayan, ha."

"Ilang taon na nga—" Natigilan ito na lalo niyang ikinatawa. "Paano mo—" Napailing ito. "Hindi ko na pala kailangang magtanong."

"Curious lang ako kung paano ba kita naging bodyguard."

"It's confidential."

Nginiwian niya ito na ikinatawa nito.

Umayos siya ng upo. "Paano nga?"

Ngumuso ito at tumitig sa kanya na parang pinag-iisipan kung sasagutin ba ang tanong niya. Bago ito nagbuga ng hangin. Umayos rin ito ng upo saka nagsalita, "Pinag-aral ako ng mga magulang mo simula sekundarya hanggang magkolehiyo ako, Lauri. Kaya naman noong kolehiyo ay hiniling nila na bantayan kita kapalit ng dating bodyguard mo."

"Pinag-aral?" At dating bodyguard? Hindi niya alam ang tungkol doon.

"Oo. Every year ay nagbibigay ng scholarship ang kumpanya ninyo."

Nangunot ang noo niya.

"Hindi mo alam 'yon?" Tumango siya. Umiling-iling naman ito na para bang disappointed na hindi niya alam ang tungkol doon. "Mababait ang mga magulang mo, Lauri. Marami na silang natulungan lalo na sa mga tulad namin na lumaki sa bahay-ampunan. Ang mga magulang mo ang tumulong para makapag-aral ako kaya malaki ang utang na loob ko sa kanila, Lauri. Kahit ang bahay-ampunan na kinalakihan ko ay tinutulungan nila. At sa pagkakaalam ko ay hindi lang iyon. Marami pa."

Alam niya na kung bakit malapit ang puso ng kanyang mga magulang sa mga lumaki sa bahay-ampunan pero wala siyang ka-ide-ideya tungkol sa ginagawa ng mga ito. Napagtanto niyang kahit pala siya ay walang alam tungkol sa mga pinag-gagagawa ng mga magulang niya. Her heart swell with pride knowing that her parents were doing such things. Napangiti siya roon.

"Mamimiss kong bantayan ka, Lauri. Chill na trabaho lang pero paldo-paldo sa sahod."

Malakas na natawa siya sa huli nitong sinabi. Inusisa niya pa ito sa kung ano'ng plano nito kung hindi na niya ito magiging bodyguard. Anito ay balak nitong mag-apply sa kanilang kumpanya. Naputol lang ang kanilang kwentuhan nang pumasok sa silid ang kanyang mga magulang kasama ang kanyang Ninong Bryan, ang mga magulang ni Isaak, at ang huli ay ang kanyang nobyo.

⊱╼╼╾╾⊰

"KANINA ka pa gising?" tanong ni Isaak. Umupo ito sa tabi niya.

Ngayon lang ito nakalapit dahil kanina ay hindi siya tinigilan ng Ninong Bryan at Ninang Josephine niya na panay ang pagpaparating ng pag-aalala. Kumalma na ang mga ito at naka-upo na roon sa sofa kasama ang kanyang daddy at mommy na nagtatalop ng apple. Samantalang bumalik na sa kani-kanilang room ang mga kaibigan pagkarating ng mga ito. Kasama ni Hera ang dalawa pang kaibigang babae.

"An hour ago?"

"Pasensya na kung kinailangan kong umalis agad kanina nang magising ka."

"It's okay, love. Pero ano'ng balita sa pinuntahan mo?"

"Kay Lucas ang bahay sa subdivision. Hiniling niya sa mga magulang niya na bilhin iyon bilang early gift sa graduation nito."

"Pero ginamit niya iyon para magmanman sa akin?"

Tumango si Isaak. "At si Lucas ang nagtulak sa nobya nito na gawin ang mga bagay na iyon."

Naaalala niyang sinabi nga iyon ni Jillain. Malalim siyang napabuga ng hangin.

"Lucas really has a habit of getting into trouble, Lauri. Kahit sa dating unibersidad na pinasukan ay marami na itong issue. At ang pinakahuli kaya napalipat siya rito ay dahil sa muntik na nitong pagkakakulong. For molesting his ex-girlfriend."

Hindi makapaniwalang napanganga siya. Akala niya, katulad ni Hernan ay sadya lang itong makulit. "I can't believe it."

Marahang humaplos ang kamay ng nobyo sa kanyang ulo, pababa sa kanyang pisngi. "Did they hurt you?"

Ilang ulit na nitong natanong iyon kanina pero umiling pa rin siya. "No." At katulad kanina ay hindi na rin niya sinabi rito ang sakit sa braso dahil sa mahigpit na pagkakakapit doon ni Lucas. Ayaw na niyang dagdagan pa ang galit na nakita niya rito kanina.

Tiningnan nito ang parehong pulsuhan niya. Hindi na iyon kasing pula kanina pero may kaunting kirot pa rin dahil sa ilang maliliit na sugat doon.

"Masakit pa ba?"

"Hindi na gaano."

Malalim itong nagpakawala ng hangin. Kinabig siya nito at mahigpit na niyakap. "I'm so scared, Lauri. Para akong sinasakal sa pag-aalala nang hindi ko na kayo ma-contact ni Eman bago ako magpunta sa resort. Hindi ko kailanman mapapatawad ang sarili ko kung may hindi magandang nangyari sa 'yo."

Lumayo siya rito. Inangat ang mga kamay at hinaplos ang parehong pisngi nito. "I'm sorry, love. Palagi na lang kitang pinag-aalala."

"Kaya nga dapat hindi ka na umalis sa tabi ko para hindi na ako mag-alala pa."

"Pwede ba naman 'yon?" natatawang aniya. "But how did you find us? Nasira ang relo."

"Kay Leticia."

"Leticia?"

"She is half-sister of that woman, Lauri."

"Ni Jillian?" Tumango si Isaak. Pinanlakihan siya ng mga mata sa nalaman. "What?"

"Ang totoo niyan ay kagabi ko lang din nalaman. Kinumpirma ko pa kay Leticia kaya nagtagal bago ako nakasunod sa inyo roon resort. Ayaw niya pang magsalita dahil ayaw niyang makialam sa buhay ng kapatid. Kung hindi ko pa sinabi ang nangyayari sa 'yo ay baka hindi ko siya makumbinsi na magsalita. At nang hindi ko kayo makontak ay sa kanya muli ako bumalik. Mabuti na lamang at may alam siyang lugar na maaaring pagdalhan sa 'yo ni Jillian. Ang dating bahay niyon at ng ina nito."

Kung gano'n totoo ang sinabi ni Jillian na namatay ang tatay nito at galit sa kanila ang tunay nitong asawa. Pero hindi niya inaasahang si Leticia pa ang half-sister nito. Hindi lang maliit ang mundo, napakarami rin nitong dalang rebelasyon.

"Thank you for saving us, love. I'm forever grateful for everything you've done for me," madamdaming aniya. Sa isip ay ilang ulit na nagpapasalamat dito.

Humalik ito sa kanyang labi. Hindi alintana ang panunukso ng kanyang Ninong Bryan.

⊱╼╼╾╾⊰

HINDI na rin sila nagtagal sa ospital. Agad silang na-discharge noong sumunod na araw. Sa bahay niya na ipinagpatuloy ang ilang araw na pagpapahinga.

Si Lucas at Jillian ay sinampahan ng kaso ng kanyang mga magulang at maski ng mga magulang ni Hera at Daniel. Hindi pumayag ang mga ito na hindi magbabayad ang dalawa sa ginawa sa kanila. Maaaring makulong ang dalawa for kidnapping and grave threat. Pinakamatagal ang dalawang taon para kay Jillian, samantalang pitong taon para kay Lucas.

"Love."

Natigil siya sa pagtitipa sa cell phone at pakikipagkumustahan sa mga kaibigan nang marinig ang boses ni Isaak. Agad niyang ibinaba ang hawak at tinakbo ang pagitan ng kama at pinto ng kwarto niya. Agad siyang lumambitin sa leeg nito at hinalikan ito sa labi.

"How are you?"

"Sabi ko naman sa 'yo okay na. Pwede na ngang pumasok."

Matunog 'tong napangiti. "Makulit. One week nga, Lauri."

"Ang O.A. naman kasi ng one week. Magaling na nga 'tong sugat ko, oh?" Inangat niya pa ang mga kamay at pinakita iyon. Totoong wala na ang galos doon, wala ring naging peklat doon. "One week na lang ang ipapasok ko, Isaak. Baka mamaya niyan hindi pa ako maka-graduate?"

Natatawa nitong piningot ang kanyang ilong. "Okay. Kapag napapayag mo sila Tita."

"Yes! Sabi mo iyan, ha?"

"Pero bago iyon, may gustong kumausap sa 'yo. Nasa ibaba."

Nangunot ang noo niya. Hawak nito ang kamay niya nang bumaba sila. Si Leticia ang nakita niya sa kanilang sala, bagay na hindi niya inaasahan. Sa lamesa sa tapat nito ay may isang baso ng juice. Tiyak niyang si Isaak ang nagbigay niyon dito. Agad naman itong tumayo nang makita siya. Napahinga siya ng malalim nang makita ang pilit na pilit na ngiti nito. Natitiyak na niya kung bakit.

"Iwan ko muna kayo."

Tumango siya kay Isaak. Sinundan niya pa ito ng tingin nang magtungo ito sa kanilang kusina. Saka niya binalingan si Leticia. Nakangiti ito habang nakatingin sa pinuntahan ang nobyo. Naroon pa rin ang paghanga. Pero nang bumaling sa kanya at nakita ang tingin niya ay nabura ang ngiti nito at tumikhim. Muntik na siyang matawa roon.

"Maupo ka."

"Salamat."

Umupo siya sa katapat nitong upuan. Ilang segundo pa na walang nagsalita sa kanila. Nababasa niya ang pagkailang rito. At hindi siya sanay na ganito ito sa harap niya. Mas sanay siya sa Leticia na i-e-eksamin ang suot niya, na magpapahatid palagi ng takot para sa mga magulang niya pero prangkang sasabihin sa kanya na pagod na itong makita ang galit nito.

"I'm sorry, Inari," pauna nitong sinabi. Nakatungo na ito. "Nahihiya ako sa 'yo. Hindi ko naisip na may ginagawang ganoon sa 'yo si Jillian. Kaya naman nagpunta ako rito para personal na humingi ng tawad bago man lang ako magresign."

"Ano bang sinasabi mo? Wala kang kasalanan, Leticia. Hindi mo kailangang magresign dahil lang sa ginawa ni Jillian."

"Pero kung makikita kita ay palagi ko ring maaalala ang mga ginawa niya. Mahihiya lang ako sa 'yo, Lauri. At siguradong hindi rin gugustuhin ng mommy mo na maging sekretarya niya pa ako kapag nalaman niyang kapatid ko 'yon kaya ito lang ang nararapat na gawin ko, Lauri."

"Hindi mo naman kailangang gawin ito, Leticia. Pwede kong kausapin si Mommy."

Ngumiti ito. "Mabuti na rin siguro ito, Lauri. Noon pa naman gusto ko na rin munang magpahinga sa trabaho. Gusto ko munang magtravel bago man lang sumapit sa kwarenta ang edad ko," natatawa pa nitong ani. Bagaman nahalata niyang pilit lang iyon.

Siguro nga ay iyon ang plano nitong gawin pero nakikita niya ang lungkot sa mga mata nito. Kaya sigurado siyang hindi nito lubusang gusto ang magresign bilang sekretarya ng kanyang mommy.

Tumayo na ito kaya tumayo rin siya. "Salamat, Lauri. Kahit may pagka-brat ka noon, alam kong mabait ka kaya mamimiss kita."

Nilapit niya ito at niyakap.

"Huhupa rin ang tungkol dito. Sana bumalik ka," aniya nang makalayo rito. Nakangiti itong tumango.

Nagpaalam na ito. Ihahatid niya pa sana ito sa pinto pero pinigilan siya nito. Nilingon siya nito bago ito tuluyang makalapit sa pinto. Malapad ang pagkakangiti.

"Masaya ako para sa inyo ni Sir Isaak, Lauri."

Mabigat ang hangin na napakawalan niya nang tuluyan itong maklabas. Nalulungkot siya dahil nagsakripisyo pa ito dahil sa nagawa ng kapatid. Pero wala rin naman siyang magagawa sa naging desisyon nitong iyon.

⊱╼╼╾╾⊰

ILANG araw bago ang kanyang graduation day ay dinalaw niya si Jillian. Muli siyang humingi rito ng tawad for what she did to her. Galit pa rin ito pero nakikita niya rin ang pagsisisi rito.

Maski siya ay labis na nagsisisi sa nagawa niya rito. Kung hindi dahil doon ay hindi sana nito nagawa ang mga bagay na iyon at wala sana sa kulungan ang dalaga. Napakahirap na dala sa puso ang pagsisisi kaya pinag-aaralan niya rin na mapatawad ang kanyang sarili. She learned from her mistakes at alam niya na hindi magtatagal ay tuluyan niyang mapapalaya ang sarili.

"Okay na?" tanong ni Isaak nang makapasok siya sa kotse nitong nakaparada sa labas ng kulungan.

Tipid na ngumiti siya. Tumango kasabay ng malalim na pagbuga ng hangin.

"I'm very proud of you, love," anito at humalik sa kanyang pisngi.

Napakarami niyang realization sa buhay. Napakarami ng sikretong kanyang nalaman. May pangarap na nalayo ngunit muling naibalik. Hindi nasunod ang daloy ng buhay niya sa kung paano niya ito pinlano at maraming bagay ang pinagsisihan niya. Pero sa mga planong hindi inaasahan at ang pangyayari na hinding hindi niya kailanman pagsisihan ay ang pagdating ng taong ito sa buhay niya. Ang mahalin ang kaharap.

"Thank you so much, Isaak," madamdaming aniya. Walang sawang pinakatitigan niya ang gwapo nitong mukha.

"Hm? For what?"

Noon ay sumagi sa isip niya ang mga tanong kung bakit siya nito pino-protektahan at inaalagaan. Hindi lang nito binigyan ng sagot ang mga iyon, ipinaramdam pa nito iyon.

"Dahil naroon ka noong mga panahon na kailangan ko ng tulong, ng pag-aalaga at ng kasama." Hinaplos niya ang mukha nito. "Salamat dahil niyakap mo ako at minahal sa kabila ng hindi magandang pakikitungo ko sa 'yo noon." Nag-init ang mga mata niya habang sinasabi ang mga salitang iyon at hindi lumipas ang dalawang segundo ay pumatak na ang mga luha niya.

Nakita niya ang paglamlam ng mga mata ng binata. Umangat ang kamay nito at pinunasan ang dinadaluyan ng kanyang mga luha.

"Thank you for always keeping me close in your heart, Isaak."

Kasabay ng pagsilay ng matamis na ngiti ang paghinga nito nang maluwag. He didn't say a word. But the spark of joy and love that she saw in his eyes is enough. More than enough.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top