Chapter 9

NAKAUPO si Lauri sa kanyang kama at nababalutan ng kumot. Nakatitig siya sa pinto ng kanyang kwarto. Nahigit niya ang hininga nang bumukas iyon at pumasok doon si Isaak bitbit ang isang tray. Sinundan niya ito ng tingin hanggang makalapit ito sa kanya. Noon niya lamang napansin ang suot nito. Naka-T-shirt na puti at naka-tuck in sa asul na slacks.

Nakaramdam siya ng hiya. Papasok yata ang binata sa trabaho kanina pero siya pa ang inintindi nito. Pero hindi niya itatanggi sa sarili ang kakaibang naramdaman. She was touched by what he did. Pakiramdam niya ay napaka-importante niya para rito.

"Kumain ka muna, Lauri." 

Inilapag ni Isaak sa night table ang tray na may lamang isang baso ng tubig at pagkain. May apple pa roon na nabalatan na at hati-hati na.

Umiling siya. "Hindi ako gutom."

"Kailangan mong kumain, Lauri."

"Hindi ako nagugutom... At paano ako makakakain p-pagkatapos ng nangyari kanina."

Napayuko siya. Bumabalik sa isipan niya ang nangyari kanina at ang nakasulat sa bato. Hindi niya alam kung sino ang may pakana ng lahat ng iyon. Mula sa tangkang pagsagasa sa kanya at ang katotohanang nagawa ng taong iyon ang ganoong klase ng pagbabanta kanina ay sigurado siyang higit pa roon ang kaya nitong gawin. Nagsisisi siya. Sana pala ay pumayag na siya nang sabihin ni Isaak na ire-report nito ang pangyayari noong birthday ng kanyang ninong. Disin sana ay hindi na umabot sa ganito ang nangyayari sa kanya.

Rinig niya ang malalim na buntong-hininga ni Isaak. Umupo ito sa tabi niya. Umangat ang kamay nito sa gilid ng kanyang sugat na kanina ay ito rin ang gumamot. Marahan nitong hinaplos iyon.

"Alam kong natakot ka sa nangyari kanina. I'm so sorry, Lauri."

Nag-init ang mga mata niya nang mabasa ang lungkot sa mga mata nito. Hindi man sabihin ng binata pero alam niyang sinisisi nito ang sarili. 

"Hindi mo kasalanan 'yon, Isaak."

Paulit-ulit itong umiling. Malungkot itong tumitig sa kanya. "Nangako akong po-protektahan kita pero nahuli ako. Nangyari pa rin sa 'yo ang bagay na 'yon."

"Hindi mo naman obligasyon ang protektahan ako," mariing giit niya.

"Pero gusto kong protektahan ka, Lauri," mariing giit nito. "At nabigo ko maski ang sarili ko." 

Hindi na niya napigilan ang muling pagpatak ng kanyang mga luha. Mabilis niya itong niyakap. Pagkatapos ng ginawa nito nang unang gabi na may nagtangka sa kanya, sa lahat ng ginawa nito para mabantayan at maprotektahan siya at sa pagdating nito kanina ay hindi niya kayang nakikitang sinisisi nito ang sarili dahil sa nangyari sa kanya. 

"Hindi mo kasalanan, Isaak. Wala kang kasalanan. You did everything to make me safe. Ang taong iyon ang may kasalanan at dapat humingi ng kapatawaran. Hindi ikaw! Huwag mong sisihin ang sarili mo, please!" Dahil nasasaktan ako.

Naramdaman niya ang pag ganti nito sa kanyang yakap. Napapikit siya at isinubsob ang mukha sa dibdib nito habang patuloy sa pagpatak ang mga luha.

Kanina sa kotse ay matagal bago siya natigil sa pag-iyak. Hindi siya nito binitawan at iniwan. Sa bawat hikbi niya ay mas humihigpit ang yakap nito sa kanya. At ni hindi niya inakala na ang yakap ng binata ang magiging kapanatagan niya nang mga oras na iyon at nang tumahan siya ay saka lamang ito humilay sa kanya. Pinunasan nito ang basang basa niyang mukha at saka iyon marahang hinaplos.

"Iuuwi na kita, Lauri."

Pinangko siya nito at inilipat sa kotse nito. Noon niya napansin ang itsura ng kanyang kotse. Nasa gitna iyon at nakatagilid. Kahit sa sahig ng kalsada ay may mga nakakalat na bubog.

Dumating si Eman habang ikinakabit ni Isaak ang seatbelt sa kanya. "Nakatakas, Isaak," hinahapong anito.

Agad na namumbalik ang takot sa kanyang puso. Nag-angat siya ng tingin kay Isaak at mahigpit siyang napakapit sa braso nito. Nakita niya ang mariin nitong pagpikit at ang pagtiim ng bagang nito. Namumula ang buong mukha. Ngunit nang tingnan siya ay isang maliit na ngiti ang nakita niya rito. At hindi niya inaasahan nang dampian nito ng halik ang sentido niya.

Isinara nito ang pinto. May sinabi si Isaak kay Eman na tinanguan ng huli bago ito umikot sa driver's seat. Si Eman ay nanatili roon habang sila ni Isaak ay nagtungo sa kanilang bahay. Buhat din siya nito hanggang sa makarating sa kanyang kwarto. Hindi ito umalis at hindi siya iniwang mag-isa. At hanggang ngayon, makalipas ang ilang oras ay narito pa rin ito sa tabi niya.

"U-Uuwi ka na ba?" tanong niya rito nang tumayo ito bitbit ang tray. Hindi ito pumayag na hindi siya kumain kahit ilang subo pero sa huli ay naubos niya iyon. "O pupunta na sa trabaho?" dugtong niya.

"Hindi ako aalis, Lauri. Dito lang ako," mabilis nitong sagot."

Nakagat niya ang ibabang labi. Para siyang nakahinga nang maluwag sa naging sagot nito. Isipin pa lang na aalis ito ay kung saan-saan na tumatakbo ang isip niya. Pakiramdam niya oras na mawala ito sa kanilang pamamahay ay papasukin siya roon ng taong may masamang pakay sa kanya at baka sa pagkakataong iyon ay magtagumpay ito sa kung ano mang binabalak nito sa kanya.

"Paano ang trabaho mo?" 

"Nagpaalam akong emergency, Lauri." 

Marahan siyang tumango. Narinig niya ang marahan nitong buntong-hininga. Muli nitong inilapag sa night table ang tray at umupong muli sa tabi niya. 

"Magpahinga ka na."

Tumango siya. Inalalayan pa siya nitong humiga at inayos pa ang pagkakakumot sa kanya.

Nanatili si Isaak na nakaupo sa tabi niya. Marahan nitong hinaplos ang kanyang ulo. Para 'yong isang hele na naghahatid sa kanya sa pagtulog. Bago siya tuluyang kainin ng antok ay naramdaman niya pa ang isang dampi ng halik sa kanyang noo.

⊱╼╼╾╾⊰

NAGISING siyang muli sa mahinang boses na nagsasalita. Nagmulat siya ng mga mata at sa swivel chair agad na nasa tabi ng kanyang kama tumama iyon. Hindi katulad kanina na bukas ang lahat ng ilaw, ngayon ay ang dalawang lampshade na lamang na nasa night table niya na nasa magkabilang gilid ng kama ang bukas.

Inilinga niya ang paningin sa kabuoan ng kanyang kwarto nang makarinig muli ng nagsalita. Natigil iyon sa tabi ng bintana. Nakatagilid ang lalaki roon. Malamlam lamang ang ilaw na nagmumula sa lampshade kaya naman hindi niya ganoong makita ang mukha ng taong nakatayo roon. Pero kahit pa dahil alam naman niya kung sino iyon base sa boses nito.

Sinilip niya ang maliit na orasan sa night table. Nagulat pa siya nang makitang mag-aalas tres pa lamang ng madaling araw.

"Did I wake you up?"

Sinundan niya ng tingin si Isaak nang maglakad ito palapit sa kanya. Umikot ito at umupo sa swivel chair.

"Hindi ka ba natulog man lang?"

"Umidlip ako."

Tinitigan niya ito. Hindi niya alam kung nagsasabi ba ito ng totoo. 

"I really did, Lauri," sambit nito na parang nababasa ang paghihinala niya. "Are you okay now?"

Tumango siya. "Kanina pa, actually. S-Salamat!"

Bumukas ang bibig ng binata ngunit walang salitang lumabas doon. Namamangha siya nitong tinitigan kasabay ng pagsilay ng matamis na ngiti sa labi nito. Kung sa ibang pagkakataon baka nasiringan na niya ito dahil sa reaksyon nitong iyon pero ngayon ay wala siyang maramdaman kung 'di pagkahiya. Ngayon lang ba nito narinig ang salitang salamat sa kanya kaya ganoon na lang ang pagkamangha nito? Gusto niyang mainis pero hindi niya mahagilap iyon.

"Sino'ng kausap mo kanina?" pag-iiba niya ng usapan. 

Agad nawala ang ngiti nito at tumikhim. Nakita niya pa ang pag-aatubili rito pero kalaunan ay nagsalita rin, "Tinawagan ko ang mga magulang mo, Lauri."

Mabilis siyang napaupo dahil sa narinig. "Ano? D-Don't tell me..."

Tumango ito. 

"Bakit mo sinabi!" sigaw niya. 

Nakita niya ang gulat na rumehistro sa mukha ng binata. Mukhang hindi nito inaasahan ang pagsigaw niya kaya natigilan ito. Napahilamos siya ng mukha. Pilit niyang pinapahinahon ang sarili.

"Hindi mo na dapat sinabi pa sa kanila, Isaak."

"What happened to you is a serious matter, Lauri, at kailangan nilang malaman ang lahat ng iyon," mariin nitong ani at may pagpapaintindi roon.

"Bakit pa nga? Wala din naman silang pakialam! Siguradong ako na naman ang sisisihin nila! Ang sasabihan nila ng pabaya! Na ako ang may kasalanan kung bakit nangyari ang mga 'yon!"

"Lauri, calm down!"

Naramdaman niya ang hawak ni Isaak sa mga braso niya. Ni hindi niya napansin na nakalapit na ito sa kanya at nakaluhod na siya sa kama. Mabilis ang paghinga niyang napaupo muli. Mariin niyang nasabunutan ang sarili ngunit mabilis na pinigilan iyon ni Isaak. Inilayo nito ang mga kamay niya sa kanyang buhok at pinanatili nito ang hawak doon.

Napaangat ang tingin niya sa mukha ng lalaki nang humaplos ang palad nito sa kanyang pisngi. Naroon ang awa at lungkot sa mga mata noo. Pero mas lamang ang huli.

"Iyon ba talaga ang iniisip mong magiging reaksyon nila?"

"Dahil ganoon naman palagi, Isaak. Kailan ba sila nagmadaling umuwi kapag nalalaman nilang may sakit ako at kung may nangyayari sa akin? Uuwi sila pero galit nila ang palaging sumasalubong sa akin. They never cared about me. Baka mamamatay na lang ako, ang mahalaga pa sa kanila ay ang mga negosyo nila."

Sunod-sunod na pumatak ang luha sa kanyang mga mata kasabay ng pangangatal ng labi. Parang pinagsama-sama sa isang video tape at paulit-ulit na pinaandar sa utak niya ang mga pangyayari noon. 

"Elementary ay madalas akong madapa kapag naglalaro. Palaging galit ni mommy ang sasalubong sa akin. Pwede akong maglaro pero hindi ako pwedeng umuwing umiiyak at may sugat. Kapag nagkakasakit ako tanging katulong ang nasa tabi ko. Lahat ng pangit nakikita nila sa akin, pero kailanman hindi nila nakita ang magaganda kong ginagawa. At kinuha nila ang pangarap ko at basta lang itinapon sa kung saan."

Wala pa siyang pakialam noon kahit wala mang oras ang mga magulang niya sa kanya. Naiisip niya kasing naibibigay naman ng mga ito ang mga gusto at mga pangangailangan niya. Pero nang ilayo ng mga ito ang pangarap niya, para bang ginising siya ng pangyayaring iyon. Nakita niya ang mga kulang na oras ng mga ito sa kanya. Mas nakalaan ang oras ng mga ito sa trabaho at negosyo. Mas napagtuunan niya ng pansin ang bawat galit ng mga ito sa tuwing may nagagawa siyang mali, gaano man iyon kaliit. At doon niya napansin na ni minsan kahit pa may sakit siya ay hindi magmamadaling umuwi ang mga magulang niya para makita siya at maalagaan. Sa halip ay pagagalitan pa siya at sasabihang pabaya.

"Hindi ako lumaking puno sa pagmamahal ng mga magulang ko, Isaak. Mas ramdam ko ang kakulangan ng pagmamahal nila kaysa sa kasaganahan ng mga ibinibigay nilang materyal na bagay."

Napatungo siya at naitakip ang mga kamay sa kanyang mukha at doon malakas napahikbi. At nauwi iyon sa malakas na hagulgol nang maramdaman niya ang yakao ni Isssk.

"I'm sorry! Hindi ko alam na ganoon, Lauri. I'm so so sorry!"

Rinig niya ang malalim na pagbuga nito ng hangin kasabay ang paghigpit ng yakap nito sa kanya.

Noon niya lamang naisip, hindi siya kailanman nayakap ng ganoon ng kanyang mga magulang. Wala siyang mahalungkat na alaala roon. Pero para bang sapat na ang yakap ni Isaak sa kanya nang mga oras na iyon. Parang pinunan niyon ang mga kulang.

Hindi niya alam kung gaano katagal siyang umiyak habang yakap siya nito. At hindi niya namalayang nakatulugan niya 'yong muli. Nagising siyang muli na nakahiga na at maliwanag na ang buong paligid. 

Tiningnan niya ang oras. Alas-diyes na ng umaga. Luminga siya sa kwarto. Walang bakas doon ni Isaak. Naisip niyang baka umuwi na ang binata o baka tumuloy na sa trabaho nito.

Napatitig siya sa swivel chair na nasa tabi ng kanyang kama. Para bang nakikita niya roon si Isaak na nakaupo at tinititigan siya. Mas naramdaman niya ang pamumugto ng mga mata nang ngumiti siya.

"Maraming salamat, Isaak."

"You're awake?"

Mabilis na napalingon siya sa pinto. Kapapasok lamang doon ni Isaak, bitbit muli ang isang wooden tray. Isinara nito ang pinto bago lumapit sa kanya. Habang siya ay bahagyang nanlalaki ang mga mata.

"N-Nandito ka pa?" Hindi niya inaasahan na makikita niya pa ito roon. Pinasadahan niya ito ng tingin. Ganoon pa rin ang suot nito. Hindi man lang yata ito umuwi.

"Kumain ka muna. Mamaya ay may pag-uusapan tayo," sabi nito na hindi man lang pinansin ang tanong niya. 

Umupo siya. Inilapag naman nito ang dala sa kama bago ito umupo sa swivel chair. May tsaa, tubig at egg sandwich sa tray.

"Kumain ka na ba?" tanong niya rito bago dalhin ang egg sandwich sa kanyang bibig.

"Oo, Lauri. Kumain na ako habang gumagawa niyan."

Natigilan siya sa pag-nguya. "I-Ikaw ang gumawa nito?" 

Nakangiti itong tumango.

Natulala pa siya rito hanggang sa maramdaman niya nag pag-iinit ng mga mata niya. Napayuko siya nang mangatal ang labi niya. Dinala niyang muli ang sandwich sa bibig at nakangiting kumagat doon habang namamasa ang mga mata.

Wala siyang maalala na ipinag-gawa man lang siya ng ganoon ng mga magulang. Wala naman siyang hinihiling na malaki. Ang gusto niya lang ay maramdaman ang pag-aalaga at pagmamahal ng mga ito. Pero bakit kay Isaak niya natatanggap ang pag-aalagang hinahanap niya mula sa mga ito? Sa tao pa na parati ay galit niya ang natatanggap mula sa kanya.

Napaiwas siya ng tingin nang tumungo si Isaak at pilit na sinisilip ang mukha niya. "Are you crying?"

Umiling siya saka muling kumagat sa tinapay. Pero hindi na niya napigilan pa ang sunod-sunod na pagpatak ng mga luha at mahihinang hikbi. Nanlalambot ang puso niya dahil sa lahat ng ginagawa ng binata para sa kanya. 

"Hey!"

Kinuha ni Isaak ang sandwich sa kamay niya. Iniurong nito ang tray at mas lumapit sa kanya. Hinawakan nito ang mukha niya at itinaas iyon. Pero pilit siyang yumuyuko. Ang dami ng beses na nakita nito ang kahinaan niya sa loob lamang ng ilang oras.

"Hindi ba masarap ang sandwich?" nag-aalala nitong tanong. Pero lalo lang nanlambot ang puso niya roon. 

"Masarap," humihikbing aniya. 

"Kung gano'n bakit umiiyak ka? May masakit ba sa 'yo? Please, tell me, Lauri."

Hinarap niya ito nang mabakas ang frustration sa boses nito. Agad nitong pinahid ang luhaan niyang mukha. Bakas ang pag-alala sa mga tingin nito sa kanya. 

"Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito? Bakit mo ako pinoprotektahan? Bakit mo ako inaalagaan?" Gusto niyang itanong ang mga iyon sa binata pero tanging hikbi ang lumabas sa kanyang bibig.

"Is it because of what happened last night?"

Hindi niya nagawang sagutin iyon. Malalim at mabigat ang pinakawalang buntong-hininga ng binata bago siya nito kinabig at ikinulong sa isang mahigpit na yakap.

"Hindi na muling mangyayari 'yon, Lauri. Hinding hindi ko na hahayaang malagay ka pa sa kapahamakan."


⊱╼╼╾╾⊰

PINILIT niyang ubusin ang sandwish na ginawa ni Isaak kahit pa panay ang singhot niya. Maski ang tsaa na hindi niya ganoong hilig ay inubos niya. Ayaw niyang mauwi sa wala ang effort nito sa pag-gawa ng mga iyon.

Lumabas ang binata bitbit ang tray. Siya naman ay nag shower dahil kailangan daw siya nitong makausap sa sala sa ibaba.

Nakaharap sa salamin, at nababalutan ng tuwalya ang katawan, tiningnan niya ang kanyang mukha na may pahabang sugat sa kaliwang pisngi. Hindi naman iyon ganoong kalalim pero mahapdi pa iyon.

Nang haplusin niya iyon ay naalala niya ang batong tumama roon at ang nakasulat doon. Alam niyang maraming nakakakilala at tumatawag sa kanya ng bitch. Pilit niyang hinahagalip sa isip kung sino sa mga nakabangga niya ang may kakayahang gumawa sa kanya nito. Bukod kay Lucy ay wala na.

Nangyari ang unang pagtatangka sa kanya pagkatapos ng ginawa niyang pagpapahiya kay Lucy sa birthday party ni Hera. Iyon kaya ang dahilan ni Lucy kung sakali mang ito ang may pakana ng lahat ng ito? Kung gano'n nalalagay sa kapahamakan ang buhay niya dahil sa simpleng away?

Pero sa kabila ng kaalamang si Lucy lang ang alam niyang may matinding galit sa kanya pero hindi niya talaga maramdaman dito iyon. Sinasabi ng instinct niya na hindi ito ang gumagawa ng mga iyon sa kanya. Kung gano'n ay sino?

Hanggang sa pagbibihis ay iniisip niya ang tungkol doon. Kahit nang pababa siya ng hagdan ay hindi iyon nawala sa isip niya kaya naman hindi niya agad napansin ang mga tao sa kanilang sala.

"Lauri!"

Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mommy niya na ngayon ay palapit na sa kanya. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito bagay na hindi niya inaasahan. At mas ikinabigla niya nang ikulong siya nito sa isang yakap.

"Oh, what did you do! Sinasabi ko na sa 'yo noon pa na lumayo ka sa away!"

Napapikit siya at nagsasawang napabuntong-hininga. Akala niya'y nag-alala na ito. 

Ano pa bang inaasahan mo, Lauri, yayakapin ka at iiyakan dahil muntik ka ng mapahamak?

"Look at your face!" galit na sabi ng kanyang ina nang makita ang sugat sa mukha niya. "Oh, my God, Lauri!" histerya nito.

"Calm down, Barbara," mahinang saway rito ng kanyang ama na humawak sa kanyang ina at inilayo sa kanya.

Tiningnan niya ang mga tao sa likod ng mga ito. Nakaupo sa pahabang sofa ang kanyang Ninang Josephine at Ninong Romeo. Sa pang-isahang sofa na kaharap ng mga ito ay naroon ang panganay ng mga ito.

Tumayo si Isaak at lumapit sa kanila.

"Mabuti pa'y maupo po muna kayo, Tita Barbara."

Agad ngang naupo sa tabi ng kanyang ninang ang kanyang ina. Samantalang nanatiling nakatayo ang kanyang ama sa gilid, may ilang hakbang ang layo sa mga ito.

"Maupo ka muna, Lauri."

Nagpatianod siya sa akay ni Isaak. Iniupo siya nito sa single sofa na nasa tabi ng kinauupuan nito kanina, saka ito umupo muli roon.

"We heard what happened to you last night, hija. Are you okay now?" nag-alalang tanong ng kanyang Ninang Josephine.

Pilit na ngumiti siya. "Okay lang po ako, ninang."

"Mabuti naman kung ganoon, hija. Kanina lang namin nalaman ang nangyari. Sobra akong nag-alala sa 'yo kaya agad akong tumakbo rito kanina pero tulog ka pa raw sabi ni Isaak kaya pinabalik na lamang niya ako rito ngayon."

Nilingon niya pa si Isaak. Nakatingin ito sa kanya. Ngumiti ito. Ibinalik niya ang tingin sa kanyang ninang. "Pasensya na po, ninang, kung nag-alala po kayo."

"Ano ka ba, hija. Natural lamang iyon. But, thank our God at walang masamang nangyari sa 'yo."

"Kalat na sa buong subdivision ang nangyari dahil maraming nakakita sa kotse mo, hija. Pero huwag kang mag-alala dahil walang nakakaalam na sa 'yo iyon," ani ng kanyang ninong.

"Naroon pa rin ang kotse?" tanong niya kay Isaak.

"Wala na, Lauri. Pero nanatili iyon doon nang ilang oras dahil kinailangan ng mga pulis."

"Kung gano'n, napasok na ng mga pulis ang nangyayari sa akin?"

"Hindi ipapaalam sa publiko ang nangyari, Lauri, kung iyon ang inaalala mo. Dahil mas mahihirapan tayong hanapin ang may kagagawan nito. Siguradong mag la-lie low na naman iyon bago kumilos muli at mas mahihirapan tayong mahuli siya."

Nakahinga siya nang maluwag sa sinabi ng binata. Mabuti pa nga iyon, na alam ng mga pulis ang nangyayari sa kanya dahil mas mararamdaman niyang safe siya. Pero nag-alala siyang maraming makaalam niyon. At hindi niya gusto iyon. Ayaw niyang mag-alala pa ang mga kaibigan niya.

"Bakit hindi ninyo pa hagalipan, Isaak. Napakasimple ng ginagawa ng taong iyon kaya siguradong walang mataas na tao ang nag-uutos doon. Sariling kilos niya iyon."

Nagsalubong ang mga kilay niya dahil sa narinig sa kanyang ama. Mariin siyang napakapit sa arm rest ng sofa.

"We're doing our best, Tito—"

"Simple, dad?" Inangat niya ang tingin dito. Tulad niya ay salubong ang mga kilay nito. Hindi niya alam kung dahil sa nangyayari sa kanya o dahil sa pagputol niya sa sinasabi ni isaak. "Sasagaan ako ng taong iyon at pinagbabantaan! Simple ba iyon?"

Hindi niya nagawang pigilan ang bahagyang pagtaasan ng boses ang ama. Hindi ito nakasagot at lalo lang lumalim ang gatla sa noo.

Napapikit siya at malalim na bumuga ng hangin. Nang mag mulat muli ay sa mga magulang ni Isaak tumama ang tingin niya. Nang makita ang gulat sa mukha ng mga ito ay nahihiya siyang napatayo.

"Lauri?" tawag ni Isaak. Hindi niya ito pinansin.

"I-I'm sorry pero gusto ko po munang magpahinga," aniya na sa godparents niya nakatingin.

"O-Oh, sige, hija," sabi ng ninang niya na bakas pa rin ang gulat.

Mabilis siyang umalis doon at muling umakyat sa kanyang kwarto. Pagkasara pa lang ng pinto ay bumuhos na ang mga luha niya. 

Napaupo siya sa gilid ng kama at naisubsob doon ang mukha. Mas masakit pa ang katotohanan na nasa kapahamakan na siya ay wala pa siyang maramdaman ni katiting na pag-alala mula sa magulang niya kaysa sa katotoohanang may nagtatangka sa kanya. 

"Bakit ba hindi ko man lang maramdaman ang pag-alaala mula sa inyo!"

Malakas siyang humahagulgol nang maramdaman ang yakap mula sa kanyang likuran.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top