Chapter 8

MALALIM na nagpakawala ng buntong-hininga si Lauri. Nag-inat-inat siya saka muling ipinagpatuloy ang pagtitipa sa kanyang laptop. Pagkauwi pa lamang ay ang powerpoint presentation na ang inintindi niya para sa kanyang research defense.

Napapagod na muli niyang itinigil ang ginagawa. Hinilot niya ang nananakit na sentido. Nitong mga nakaraang araw, ramdam niya ang dumodobleng pagod. Hindi na lang physically tired, kung 'di maging mentally. At itanggi man niya nang itanggi, ay alam niya ang isa sa dahilan niyon.

Mariin siyang napapikit nang maalala ang tawag na natanggap niya a week ago.

Nasa tapat siya ng kotse na nakaparada sa parking lot sa university. Bukas na ang pinto at papasok na sana siya roon nang mag ring ang cell phone niya. Nang tingnan niya iyon ay nangunot ang noo. Galing iyon sa isang unknown number.

Hindi niya iyon sinagot dahil hindi naman naka-save ang number nito sa kanya. Hindi niya hilig sumagot ng unknown number. Baka kung sino pa iyon. Kung mahalaga ang sasabihin nito ay magte-text naman siguro ito. Tumigil din naman ang tawag kaya nagpatuloy na siya sa pagpasok ng kotse. Pero bago pa mabuhay ang makina niyon ay muli 'yong tumawag. 

"Sino ba 'to!" inis na aniya saka sinagot iyon. "Sino 'to?"

"Lauri Jade! It's me, Alyana!"

Napanganga siya sa narinig na pangalan. Hindi niya nagawang umimik agad at saka mariin siyang napapikit. 

Tumikhim siya at saka pilit na ngumiti. "Hey! Kumusta?" masiglang aniya. Pilit na sinasabayan ang sigla ng nasa kabilang linya.

"I'm good! Ang magaling kong kaibigan na matagal na hindi nagparamdam kumusta naman?"

"I'm okay, Alyana." Tumatango pang aniya na para bang maski sarili ay gustong kumbinsihin.

"Long time no talk, ha!" natatawang ani ng kausap. "Kung hindi yata ako tumawag hindi ka magpaparamdam." Rinig niya ang tampo sa boses nito. "And I haven't seen you in forever, Laur. Wala rin akong balita sa 'yo. Nagbakasali nga lang ako ngayon kung ito pa ang cell phone number mo. Mabuti na lang sumagot ka dahil kapag tumatawag ako sa 'yo noon hindi ka naman sumasagot, kaya naisip ko na baka nasa London ka. Anyway, nasa Pilipinas ka ba ngayon? How about London? Did you go through with your plan to study there?"

Humigpit ang hawak niya sa manibela habang pinapakinggan ito. Mariin siyang napapikit nang maramdaman ang pag-iinit ng kanyang mga mata.

Kaibigan niya si Alyana at classmate noon sa fashion design. Lahat ng plano nila sa buhay ay sinasabi nila sa isa't isa especially kapag tungkol sa fashion. Kaya naman ito ang unang nakaalam ng plano niyang mag-aaral sa London. Pero matagal na sila nitong hindi nagkakausap at nagkikita. Dahil pinili niya iyon. Pinili niya itong kalimutan.

"Laur, are you still there?"

"Ah, o-oo. Sorry."

"You know what, I missed you! Mukha namang nandito ka sa Pilipinas. So, I'll send you an invitation for my fashion exhibit on Saturday. Let's meet there, okay?"

"F-Fashion exhibit?"

"Yep! I posted it on my social medias."

"Oh." Hindi niya alam dahil hindi naman niya nakita. Matagal nang panahon simula noong mawalan siya ng gana sa kahit anong social media. Pero hindi niya iyon sinabi sa kaibigan.

"I'll wait you there, okay? Makakapunta ka naman, 'di ba? Ito na 'yong katuparan sa planong sinasabi ko sa 'yo noon, Laur, kaya dapat naroon ka!"

"I... Uhm, I-I'll try, Aly."

Hindi niya pa kayang humarap dito. Lalo na sa estado niya. Siguradong kapag nalaman nitong hindi siya natuloy sa pagpunta sa London at nag-aaral siyang muli ay maraming magiging tanong ito. Hindi pa siya handang magsabi rito.

"Oh, come on, Lauri Jade! Almost five years na tayong hindi nagkikita. Don't you miss me?" Nahimigan niyang muli ang pagtatampo sa boses nito.

"Of course, I missed you! It's just that..." Hindi niya magawang ituloy dahil hindi niya alam kung ano bang dapat na sasabihin dito. Napapikit siya at pinuno ng hangin ang baga.

"Why? Are you busy?"

"U-Uh, kinda."

"Ow, sayang naman! I really want you to be there."

"I'm sorry, Aly. I can't promise!"

Malalim na bumuntong-hininga ang kaibigan. Ramdam niya roon ang lungkot. Nakaramdam siya ng pagsisisi. Hindi niya alam kung bakit niya ba ito ginagawa.

Muli siyang nagmulat. Tiningnan niya ang mga nakatambak na papel sa kanyang harapan at ang presentation na ilang oras na niyang ginagawa at hindi matapos-tapos. Naisubsob niya ang mukha sa lamesa.

Nang mga nagdaang araw na abala siya sa research paper niya para bang hirap na hirap siya at ramdam na niya ang sobrang pagod. Sa tuwing nakikita niya ang blockmates niya na nahihirapan pero kita niyang nag-eenjoy sa ginagawa ng mga ito ay hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit. Dahil alam niyang masaya ang mga ito sa ginagawa nila dahil iyon ang napili ng mga itong gawin. Hindi katulad niyang napipilitan lang dahil nadiktahan.

Gusto na niyang sumuko. Gustong gusto na niyang sabihin sa kanyang mommy na ayaw na niyang ipagpatuloy ang pag-aaral at gusto na lamang niyang tuparin ang mga dating plano. Lalo pa noong makita niya sa social media ang mga fellow students niya noon sa fashion design. Ang iba sa mga ito nag-e-enjoy na sa ibang bansa habang doon nagta-trabaho. Ilan pa sa mga ito ay may mga sarili ng boutique at kahapon lang ay ginanap nga ang fashion exhibit ng kaibigan niyang si Alyana na hindi niya nagawang daluhan. Dahil sa totoo lang pakiramdam niya ay napag-iiwanan na siya. At sa puso niya ay may namumuhay na inggit para rito.

Kung sana lang ay nagawa niya ang planong magpunta sa London, nasa pangalawang hakbang na sana siya para maisakatuparan ang pangarap niya. 

"Nagkita na naman ba kayo ng number one enemy mo?"

Tinapunan niya ng tingin si Hera. Tulad niya ay nakasandal ito sa railings. Naroon sila sa labas ng room at naghihintay sa susunod na professor.

"Araw-araw salubong ang kilay mo. Araw-araw ba kayong nagpapambuno ni Sir Isaak?" 

Walang emosyon siyang napangiti at napailing. Kapag talaga mainit ang ulo niya si Isaak agad ang naiisip ng mga kaibigan niyang dahilan. Hindi niya nga napagkikita ang isang iyon. Minsan ay sabay na lumalabas ang sasakyan nila pero hindi na siya nito hinaharang para alamin kung saan siya nagpupunta. Mukhang nanawa na rin ito sa wakas sa pakikialam sa buhay niya. Mabuti nga iyon dahil baka hindi na niya ito masanto. Hindi niya pa nakakalimutan ang kasalanan nito sa kanya. 

Nagtungo si Hera sa harapan niya at namewang. "Seryosong away na ba 'yan? Dahil kung oo, hindi ako magdadalawang isip na paliparin ang kamao ko sa kanya kahit gaano pa siyang ka-gwapo! Bibigwasan ko talaga siya." Itinaas pa nito ang isang nakakuyom na kamay.

Akala ba niya hindi seryoso ang naging away namin noon?

"Gagawin mo 'yon? Samantalang dati tuwang tuwa ka pa kapag nag-aaway kami," nakangiwing aniya.

Nagkibilit-balikat si Hera. "Malay ko ba kung away lang 'yon ng mga taong in love."

Napatuwid siya ng tayo at nagsalubong ang mga kilay niya. "Ano?!"

Muli itong nagkibit ng balikat. "Naisip ko kasing baka gusto ninyo lang ang isa't isa at hindi ninyo parehong maamin kaya idinadaan ninyo sa away."

Nakangiwi at hindi makapaniwalang tinitigan niya ang kaibigan. "Saan mo napagpupulot 'yan?"

Umirap ito. "Ganoon kakumplikado minsan ang pag-ibig, Lauri."

"Hindi ako kailanman magkakagusto sa lalaking 'yon, 'no! At hindi kami nag-away!"

"Eh, kung gano'n bakit busangot ang mukha mo lagi?"

"And you don't look okay either, Lau," nag-aalalang ani Alicia. "Palagi ng mabilis mag-init ang ulo mo noon pero doble ngayon. Are you okay? May problema ba?"

"True, girl! Tsaka napapansin ko na parang ang lungkot mo this past few days," ani Paulene.

Nag-aalala na ang tingin sa kanya ng tatlo at nakaabang sa magiging sagot niya. Malalim siyang napabuntong-hininga.

"Problemado lang ako rito." Angat niya sa research paper. 

Partly, yes. Out of hundred percent, sa thirty percent niyon ay nakahalo ang pagiging problemado niya kung magagawa niya nang maayos ang research paper niya lalo pa't magulo ang isip niya nitong mga nagdaang araw. Kapag hindi, tiyak na katakot-takot na galit ang maabot niya sa ina.

Forty percent ay ito, ang kanyang mommy.
Hindi niya magawang buksan sa kanyang ina ang tungkol sa nararamdaman niya. Nawawala ang tapang niya kapag susubukan niya dahil natatakot siyang baka hindi ito pumayag sa gusto niyang itigil ang pag-aaral at sundin na lang ang mga dating plano. Natatakot siyang baka mas tumindi ang sama ng loob na nararamdaman niya para rito. At ayaw niyang tuluyang mauwi iyon sa galit at pagkamuhi.

"Iyan lang ba talaga? Hindi dahil kay Sir Pogi? O sa ibang bagay?"

Umiling siya. "Ito lang talaga, Hera."

"You sure you're okay?" paniniguro pa ni Alicia.

Ngumiti siya. "Okay lang, Alice. Huwag ninyo akong intindihin."

Nakagat niya ang ibabang labi. Kayang magsinungaling ng isang tao sa pag gamit ng ngiti at pagsasabi ng okay lang pero hindi kailanman magagawang lokohin ang sarili. Kung sana nga lang na bawat pagsasabi niya na okay lang siya ay nagiging okay talaga ang lahat baka maya't maya niya 'yong binabanggit.

"We're struggling too, Lauri. But we can get through this, right?" nakangiting ani Hera.

Nakangiti siyang tumango. Sa pagkakataong iyon ay sinsero na.

"Para sa ekonomiya!" sigaw pa ni Paulene kasabay ng pagsuntok sa ere.

Natulala sila rito saka sabay-sabay na natawa sa kalokohan ng kaibigan.

Nakalabing lumapit sa kanya ang mga kaibigan. "Oh!" Nabigla siya nang yakapin siya ng ito.

"Mas maganda ka kapag ngumingiti, Lau. Kaya dapat palagi kang naka-smile," ani Alicia.

"Tama! Hindi 'yong para ka laging may dalaw," pagsusungit ni Hera.

Mahina muli siyang natawa. Ipinulupot niya rin ang mga braso sa mga ito. Nakaramdam siya ng gaan ng puso. Sa apat na taong pagkakakilala niya sa mga kaibigan, madalas nakakalimutan niyang mas matanda siya lalo kapag sinasakyan niya ang trip ng mga ito. Kung wala ang mga ito, baka umpisa pa lang sumuko na siya. 

Naalala niya ang mga dating kaibigan. Nakaramdam siya ng lungkot at pagsisisi dahil sa hindi pakikipag-usap sa mga ito. Nang pag-aralin kasi siyang muli ng ina at nang naisip na baka hindi na niya matutupad ang pangarap ay labis siyang nasaktan. Kaya naman iniwan niya sa isang sulok ng kanyang silid ang lahat ng may patungkol sa pangarap niya, maski ang mga kaibigan niya.

Alam niyang napaka-selfish at immature niya sa bagay na iyon, pero iyon lang ang alam niyang paraan noon para makapagpatuloy.

⊱╼╼╾╾⊰

"OH, soda."

Inilapag ni Daniel ang limang soda sa kanilang harap. Lunch time at kasalukuyan silang kumakain sa Greenhouse. Hindi naman iyon kalayuan sa university kaya iyon ang lagi nilang dinadayo. Isa 'yong maliit na karaoke bar sa loob, sa labas niyon ay may computer shop. Kapag umaga ay nagtitingda roon ng breakfast hanggang dinner. At pagsapit ng alas otso ng gabi ay bukas na ang karaoke bar.

Minsan na rin nilang dinayo iyon ng gabi. Madalas namang nagpupunta roon ay 'yong mga gusto lang mag chill habang kumakanta. Hindi katulad ng malalaking club na napuntahan nila na lasing kung lasing.

"Ah! Solve!" ani Paulene na humihimas pa sa tiyan.

Saglit lang silang nagpahinga. Palabas na sana sila nang may mapansin siyang lalaki sa dulong lamesa na kahanay ng pinto. Nag-iisa ito roon. Siksik na siksik sa tabi ng bintana. Nangunot ang noo niya nang nag-iwas ito ang mukha. Nakasuot ito ng ball cap kaya hindi niya makita ang mukha. Hindi naman ito mukhang suspicious, para ngang kilala niya nang madaan ng tingin niya kanina.

Gusto niyang makasigurado kaya lumipat pa siya hanggang sa harapan nito para mas kilalanin ito.
At tama nga siya, kilala niya! Napanganga pa siya nang mapagsino iyon. Napapikit ito at mahinang napamura. Akala mo'y nahuli sa isang kasalanan.

"Kilala mo, Lau?" tanong ni Daniel.

Nilingon niya ang mga kaibigan. Nagtataka ang tingin ng mga ito sa lalaki bago may nagtatanong na tingin nang tingnan siya.

"Anak siya ng kaibigan ng parents ko."

Sabay-sabay na tumango ang mga kaibigan niya. Si Daniel naman ay nangungunot ang noo at nanghahaba ang nguso.

"Mauna na kayo. Susunod na lang ako." 

"Sure ka?" naninigurong tanong ni Alicia.

"Oo, sige na. Susunod agad ako."

"Hihintayin na kita."

"Huwag na, Daniel. Mauna na kayo. Susunod din ako agad."

"Pero—"

"Sige na," may pinalidad na aniya.

Matalim ang mga mata nito nang tapunan ng tingin ang lalaki sa lamesa saka tumango sa kanya. "Gamitin mo 'to mamaya. Mainit." Inabot nito sa kanya ang payong. Agad na niyang tinanggap iyon.

Isang beses pang tinapunan ng tingin ng mga kaibigan niya ang nasa lamesa saka umalis ang mga ito. Sinilip niya pa ang pinto. Nang makalabas ng Greenhouse ang mga ito ay saka siya muling pumasok. 

"Ano'ng ginagawa mo rito?"

Pasimple nitong inilinga ang mga mata nang hindi inililikot ang ulo. "Huwag tayo rito mag-usap, Lauri," bulong nito. Hindi niya nga halos narinig iyon.

Hinawakan nito ang braso niya at hinila siya palabas. Sa back door ng Greenhouse sila dumaan, at sa likuran niyon siya nito dinala. May nakaparada roong kotse. Binuksan nito ang front passenger seat. Walang imik naman siyang pumasok doon. Agad naman itong umikot sa driver's seat.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niyang muli pagkaupong-pagkaupo nito.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito bago sumagot, "Pinababantayan ka sa 'kin ni Isaak."

Napapikit siya. "Oo, alam ko! Pero bakit..." Tiningnan niya ang kabuuan nito. Naka-white polo shirt, maong pants at sneekers. May itim na back pack pa sa likod ng katawan at may school ID pa. Mukha talaga itong estudyante. Ibang-iba sa itsura nito noong unang beses na makita niya ito. "Binabantay mo ba ako sa ako sa university?" hula niya.

Napakamot ito sa ulo at nag-iwas ng tingin. Nakita niya ang pag-aatubili nitong magsalita. 

"Eman!" sigaw niya rito.

"Lagot ako nito," nakangiwi at naiiling na mahinang sabi pa nito.

Napahilamos ito sa mukha bago siya hinarap. Malalim pa muli itong bumintong-hininga. Nawawalan na ng pasensya pero pilit siyang naghintay sa sasabihin nito.

"Oo, Lauri."

"What? Paanong..."

"Sikretong kinausap ni Isaak ang head ng school mo maging ang mga bodyguards. Sinabi niya sa mga 'yon ang nangyari sa 'yo at humingi siya ng pahintulot para payagan akong makapasok sa school at magkunwaring estudyante nang sa gano'n ay mabantayan kita roon."

Hindi niya naitago ang gulat sa narinig. "Ano? At pumayag ang head ng school?" 

Tumango ito. "Naisip ni Isaak na baka estudyante rin ang taong nagtakang sumagasa sa 'yo. Nananahimik pa ang taong iyon. Hindi natin alam kung babalikan ka ba niyon o naghihintay ng pagkakataon niya. Kaya mabuti na ang naniniguro, Lauri."

"Kaya hanggang sa school nagmamanman ka?" 

Tumango si Eman. 

Napabuga siya ng hangin. Hindi siya makapaniwalang naisip ng mga ito ang tungkol doon. At wala man lang siyang kaalam-alam. Pagkatapos ipakilala sa kanya ni Isaak si Eman ay hindi niya na rin nakita pa ang huli. Para itong isang hangin. Hindi niya nakikita pero alam niyang nakabantay sa kanya. Noon niya pa iniisip kung anong paraan ba ang ginagawa nito para mabantayan siya nang hindi nagpapakita sa kanya. Iyon pala ay ganito ang ginagawa nito.

Si Isaak. "Sinasabi mong si Isaak ang may pakana ng lahat ng ito?"

"Oo, Lauri."

Napahinga siya nang malalim. "Nakakausap mo ba siya?" malumanay ng tanong niya.

"Of course. Araw-araw kitang ibinabalita sa kanya."

Kung gano'n alam niya ang lahat ng nangyayari sa akin samantalang wala akong kaalam-alam sa nangyayari sa kanya?

Tumikhim siya. Gusto niya pa sanang itanong kay Eman ang tungkol sa binata pero naalala niyang galit pa nga pala siya roon.

"May napansin ka na bang kakaiba?"

Umiling si Eman. "Hindi ko na pwedeng sabihin sa 'yo ang tungkol diyan, Lauri."

"Ano? Bakit hindi mo pwedeng sabihin sa akin? Sa akin may nagtatangka kaya dapat alam ko!"

"Hindi gustong ipaalam ni Isaak. Kaya nga pasikreto akong nagmamanman sa 'yo. Alam niyang busy ka sa pag-aaral kaya ayaw niyang dumagdag pa iyon sa mga iisipin mo. At kapag nalaman no'n na nagkausap tayo ngayon siguradong malalagot ako roon."

Problemado pa itong napakamot sa ulo kaya nakaramdam siya ng kaunting awa rito.

"Huwag kang mag-alala hindi ko sasabihin."

"Talaga? Sabi mo 'yan, ha!" malaki ang ngising sabi nito. 

⊱╼╼╾╾⊰

PAGKATAPOS ng pag-uusap nila ni Eman ay hindi na niya ito nakita pang muli. Ni hindi man lang nga siya nito inihatid pabalik ng university at hinayaan lang siyang maglakad. Dahil baka may makaalam daw na magkakilala sila at mabuko pa itong bantay niya. Masyado itong magaling magtago. Hindi niya alam kung saang sulok ng unibersidad ito nagpupunta at kung paano siya nito nababantayan sa ganoong paraan. 

Inusisa pa siya ng mga kaibigan tungkol kay Eman. Sinabi na lamang niyang matagal sila nitong hindi nagkita kaya nagulat siyang naroon ito.

Hanggang sa pag-uwi ay si Isaak ang laman ng isip niya. Hindi niya akalaing aabot sa ganoon ang gagawin nito para mabantayan siya. Parang dumoble ang tibok ng puso niya. Naalala niya ang huling away nila ng binata. Nagalit ito dahil sa labis na pag-aalala sa kanya. Natakot ito dahil akala nito ay may nangyari ng hindi maganda sa kanya.

Ipinilig niya ang ulo. Ayaw niyang papuntahin sa kung saan ang tungkol doon. Itinigil niya iyon sa bagay na concern lang ang binata sa kanya. Iyon lang.

Pero aaminin niya, sa isang daang porsyento, ito ang umoukupa ng natitirang tatlumpong porsyento niyon. Dahil ayaw man niyang aminin sa sarili pero naninibago siya sa pakikitungo sa kanya ngayon ni Isaak. Hindi siya sanay na nakikita ito at hindi siya papansinin. Hindi siya sanay na dinadaan-daanan lang siya nito. Hindi na siya sanay na hindi ito nanghihimasok sa buhay. 

Tinatahak niya ang madilim na parteng iyon ng subdivision nang makarinig siya ng busina na pumutol sa mga iniisip niya. Nang tingnan niya ang side mirror ay nakita niya ang humaharurot na motor. Isang kurap lamang ay mabilis na pumantay iyon sa kanyang sasakyan. Nagsalubong ang mga kilay niya nang bumaba ang tingin niya sa suot nitong denim jacket. Kasabay ng malakas at paulit-ulit na busina ng sasakyan sa kung saan. Ngunit huli na nang maisip niya ang panganib. Kasabay ng malakas niyang sigaw ay mariin niyang natapakan ang break nang may lumipad na bagay sa kanyang bintana dahilan ng pagkabasag niyon. 

Muntik nang tumama ang kanyang mukha sa manibela kung hindi lang dahil sa suot niyang seatbelt. Mabilis ang hingang ini-angat niya ang tingin sa nabasag niyang salamin. Mula roon ay nakita niya ang pamilyar na sasakyan ni Eman na mabilis na humahabol sa motor.

Bumaba ang tingin niya sa sahig ng sasakyan. Humigpit ang kapit niya sa manibela pagkatapos niyang makita ang doble ng kamay niya ang laki ng bato at ang nakasulat doon. Bitch Must Die.

Nangatal ang buong katawan at pakiramdam niya ay pangangapusan siya ng hininga. Mabilis na dumaloy ang mga luha sa kanyang mukha. Noon lang tuluyang sumagi sa isip niya kung gaano kadelikado ang sitwasyong kinaroroonan niya.

"Lauri!"

Mabilis siyang napalingon nang bumukas ang pinto ng kotse niya. Ang takot at pangambang kumakain sa sistema niya ay mabilis na pinalitan ng kapanatag nang makita niya si Isaak. Hinihingal ito at bakas sa mukha ang halo-halong galit, takot at pag-aalala. Tumalikod ito at rinig niya ang malulutong nitong pagmumura.

Nang hinarap siya nitong muli ay marahan nitong hinaplos ang mukha niya. Noon niya lamang naramdaman ang hapdi roon. 

"Okay ka lang? Wala bang ibang masakit sa 'yo," puno ng pag-aalalang tanong nito habang tinitingnan ang kabuoan niya.

Nangangatal ang labing tumango siya. Muling namalibis ang mga luha sa kanyang mga mata. Muli niyang narinig ang malulutong na mura mula sa binata nang makita iyon.

"Shhh... Narito na ako, Lauri. Narito na ako."

Malakas siyang napahagulgol nang mabilis na ikinulong siya ni Isaak sa mga bisig nito. Aaminin na niya at hindi na kailanman itatanggi pa, nararamdam niya ang kaligtasan sa mga bisig nito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top