Chapter 7
"ANG tagal na nating hindi gumigimik. Parang nakakalimutan ko na tuloy ang lasa ng alak," malungkot ang boses na ani Alicia.
Nasa restroom si Lauri at ang mga kaibigan niya. Katatapos lang ng huling klase nila sa araw na iyon. Nakaharap ang mga ito sa salamin at nag-aayos habang siya ay nakasandal sa sink at naghihintay.
"Parang nauuhaw nga ako sa beer, eh," si Paulene.
"Huwag naman kayong mandemonyo! Parang awa ninyo na!" naiiyak na hiyaw ni Hera.
Pare-pareho silang abala sa kanya-kanyang research paper kaya naman wala silang oras na gumimik. Graduating na sila kaya hindi sila pwedeng magpa-chill chill na lang. At naging maganda pa nga iyon. Dahil kahit ang pag gimik ay ipinagbawal muna sa kanya ni Isaak bago ito umalis. Baka hindi niya ito magawang sundin kung sakali.
"Ikaw, Lau, hindi mo namimiss gumimik?"
Alam na niya ang ganoong tanong ni Alicia. Kung sa ibang pagkakataon ay baka sakyan niya ito at sabihing namimiss niya at sa huli ay mauuwi nga sila sa gimikan.
Tutok ang tingin sa kanya ng tatlo. Nakangiti pa na parang alam na ng mga ito na good news ang maririnig sa kanya.
Tinitigan niya pa ang mga kaibigan, pinatatagal ang tensyon, saka siya madramang sumimangot at umiling na ikinabagsak ng balikat ng mga ito. Sabay-sabay na nagmaktol ang mga ito na mahina niyang ikinatawa.
"Bumili na lang kayo ng alak at sa bahay ninyo kayo uminom," aniya pa habang patuloy sa pagmamaktol ang mga kaibigan.
Lumabas sila ng restroom. Nasa gilid si Daniel, nakasadal sa dingding, at naghihintay sa kanila.
"Ang tagal ninyo!" reklamo nito.
Agad na hinambaan ito ng kamao ni Hera. "Huwag kang magreklamo! Tuktukan kita riyan!"
Natatawang umilag dito si Daniel at sa kanya lumapit. Sinamaan niya naman ito ng tingin nang akbayan siya nito. Natatawa nitong inalis iyon.
"Saan tayo?" tanong ni Alicia.
"Tara kina Kino," si Hera.
"Kino na naman!" nananawang ani Daniel.
"Oh, sabing huwag kang magreklamo!" singhal ni Hera.
"Ano, Lau, tara?" baling sa kanya ni Paulene
Walang gana siyang tumango.
Sinabihan siya ni Isaak na huwag magpapagabi sa labas dahil baka doon humanap ng tiyempo ang taong iyon. Hindi naman niya mapipigilan iyon dahil minsan ay alas-siyete na natatapos ang ibang klase niya. Pero ngayon naman ay maaga pa. Five-fifteen pa lang. Maliwanag pa naman kaya sumama muna siya sa mga kaibigan niya.
Maingay nang dumating sila sa cafe nila Kino dahil halos mapuno iyon ng mga estudyante. Mabuti na lamang at nakakita pa sila ng bakanteng table sa likurang bahagi.
"Wala naman pala si Kino. Dito ka pa nagyakag," nagrereklamong ani Daniel.
"Si Kino ba ang ipinunta ko rito, ha!" ani Hera na nakataas na muli ang kamao.
"Eh, sino pala kung hindi?"
"Ano bang ipinupunta sa cafe, ha, Lorenzo?" Umirap si Hera.
Tahimik siyang umiinom ng iced latte habang pinapanood ang pagbabangayan ng dalawa. Hanggang walang pahintulot na pumasok sa isip niya si Isaak. Tatlong araw na pero hindi pa ito bumabalik mula sa Batangas. Ayaw man niyang aminin pero naninibago siya na walang sasakyan na nakabuntot sa kanya sa tuwing papasok at uuwi siya. Pero hindi naman nito nakakaligtaang magpadala ng text messages at minsan pa'y tumatawag. Kapag sumasaktong mainit ang ulo niya dahil sa pagod sa school o kapag may hindi magandang nangyari ay hindi niya pa rin naiiwasang sungitan ito.
Para siyang tumawag ng demonyo dahil bigla siyang nakatanggap ng text message. Nang tingnan niya ay mula iyon sa binata.
Isaak: Where are you?
Iyon ang palagi nitong unang itinatanong. Kapag sinabi niya rito na nasa labas pa siya ay agad itong tatawag, o kung hindi man ay sunud-sunod ang text na puro pagpapaalala na mag-iingat siya. At kapag sinabi niyang nasa bahay na, sasabihin nitong isara lahat ng bintana at pinto. Daig pa nito ang mga magulang niya na tatawag lang para manermon.
Bago niya pa masagot ang text message ni Isaak ay nabaling ang atensyon niya sa maiingay na bagong dating—ang grupo ni Hernan. Luminga ang mga ito pero nang walang makitang bakante ay itinuro sila ni Kino.
Naningkit ang mga mata niya habang pinapanood ang paglapit ng mga ito sa pwesto nila. Limang nag-ga-gwapuhang lalaki. Kung kumilos at magsalita ay bakas ang pagiging conceited. Sa kwento ni Hera, galing ang mga ito sa isang unibersidad sa Santa Cruz. IT students ang mga ito roon. Lumipat sa kanilang unibersidad at pare-parehong nagshift sa kursong engineering. Kaya ayan, doon naghahasik ng kayabangan.
Bumalik sa isip niya si Isaak. Madalas niyang nakikita ito noong kolehiyo ito. Nasa tabi ng department ng mga ito ang building ng high school kaya naman madalas niya itong nakakasalubong noon. Marami rin itong barkada pero hindi naman ito kakikitaan ng pagiging mayabang. Umaabot nga sa kanilang classroom ang pangalan niyon. Kilala dahil sa taglay na kagwapuhan at katalinuhan. Walang bisyo at ni hindi man lang yata marunong gumimik, kabaligtaran niya.
"Hi, guys!" sabay na bati ni Paulene at Alicia sa grupo ni Hernan. Tumayo naman si Daniel at nakipag-fist bump sa mga ito.
"Hi, girls! Pwede ba kaming maki-share ng table? Wala na kasing available, eh," nagboses babae at nakangising tanong ni Hernan.
"Nakikita mong wala ng upuan," masungit na ani Hera sa kapatid.
"May extra chairs kami, syempre," ani Kino. Pumasok ito sa pintuan na pinapasukan papunta sa counter. Agad din itong lumabas doon bitbit ang limang plastic chairs.
"Move, lil' sis," utos ni Hernan kay Hera na mahina pang itinulak ang wooden chair na inuupuan nito.
Pinagdikit-dikit ng mga ito ang upuan. Pilit na pinagkasya ang pitong upuan doon. Habang siya ay prenteng nakaupo sa 2-seater bench katabi si Daniel.
"Okay na ako. Dito na lang ako," ani Lucas na sumiksik sa kanyang tabi.
Tinitigan niya ito nang masama habang umiisod sa tabi ni Daniel.
"Oh, huwag ka namang magsungit, Lauri. Pero okay lang. Kahit anong pagsusungit mo maganda ka pa rin naman."
Nakangisi nitong hinaplos ang pisngi niya. Malakas niya 'yong tinampal na malakas namang ikinahalakhak ng mga kaibigan nito.
"Huwag si Lauri, p're. Hindi ka mananalo riyan," natatawa pang ani Jordan.
Hindi naalis sa kanya ang tingin ni Lucas sa kabila ng talim at disgutong ipinakikita niya rito. Naroon pa rin ang ngisi nito. Para bang amused na amused sa kanya.
Humalukipkip siya at sinabayan ang titig nito. Madalas na silang nagkikita nito pero ngayon lang siya kinausap nito nang ganoon. Mukhang totoo nga ang naririnig niyang chickboy ito at siya naman ang pinupuntirya nitong landiin nang mga oras na iyon.
"Akala ko ba nanliligaw ka kay Jill?"
Namilog ang mga mata at bibig nito na para bang nagulat na alam niya iyon.
"Kaya huwag mo akong landiin, Lucas. Dahil hindi ako pumapatol sa may sabit na."
Hiyawan ang natanggap niya sa mga kaibigan niya dahil sa sinabi niya rito.
"Hindi pa naman kami, Lauri, kaya may pag-asa pa tayo." Nakangisi pa rin ito at parang natutuwa pa sa sinabi niya. Ang mga kasama naman nito ang humiyaw.
Napairap siya sa itinuran nito. Ayaw na ayaw niya sa lahat ay 'yong may nilalandi na pero lalandiin pa siya. Kaya nga ayaw niyang magnobyo. Mahirap magtiwala lalo pa't ganoon ang mga kakilala niyang lalaki. Maski mga pinsan niya alam niyang womanizer.
"Masyado kang makasarili. Gusto mo lahat ng babae ay mapapasa'yo," aniya saka humigop sa inumin.
"Woah! Kaya sa 'yo ako, eh," ani Hernan saka siya kininditan at pabirong binaril ng kamay. Nangalumbaba ito at inabot pa ang kamay niyang may hawak na baso. "Ako na lang kaya, Lauri. One woman-man ako."
Malakas itong binatukan ng kapatid. "Huwag ka nga, kuya! Alam naming nilalandi mo ang bitch na Lucy na 'yon."
Napahagalpak ng tawa si Kino. "Buking ka p're!"
"Ako na lang, Lauri. Ilang taon na akong walang girlfriend, eh," sabat ni Ashton.
"Wala ka ngang girlfriend, ang dami mo namang nilalandi," parinig dito ni Paulene.
"Ako na lang, Lau—"
Bago pa matapos ni Daniel ang sinasabi ay nilingon at pinanlisikan na niya ito ng mga mata. "Huwag ka ng sumali dahil hindi rin kita papatulan. Hindi ko hilig ang mas bata sa akin, Daniel."
Malakas na hiyawan at tawanan ng mga kasama nila. Napasimangot naman si Daniel. Kita niya ang lungkot nito dahil sa pangre-reject niya. Pero mamaya naman ay ayos na ulit iyan, magkukulit na ulit na parang hindi niya sinabihan ng ganoon.
"Alam namin mga baho ninyo, boys. Kaya 'wag na kayong umasa kay Lauri," ani Alicia.
"Lumalandi lang kami pero kapag nagka-girlfriend na kami seseryosohin na namin," mayabang at proud na sabi pa ni Hernan.
Natatawang napaismid siya. Oh, boys! Bakit kaya tuwang tuwa pa sila kapag maraming pumapatol sa kanila? Ginagawang trophy ang mga babae!
"Huwag nga kami, kuya. Kung magseseryoso kayo dapat sa umpisa pa lang ginagawa ninyo na."
Nakangusong napatango siya sa sinabi ni Hera.
"Hindi masamang lumandi muna minsan."
Nagpatuloy ang diskusyon ng mga ito tungkol doon. Siya naman ay natahimik muli nang maisip si Isaak. Naisip niya, katulad kaya nila Hernan ang lalaking iyon kapag may babaeng kasama? Lalandi kapag may pagkakataon? Hindi niya maisip. Nakikita niya kasing sociable ang binata pero hindi sa puntong mang-aakit o lalandi ng babae. Nakikita niya nga ito sa mga party na maraming naggagandahang babae pero normal lang naman ang kilos ng bibata. Baka nasa loob din ang kulo? Kunwaring good boy kapag maraming nakakakita at kapag sila na lamang ng babae ay doon na lalabas ang kapilyuhan? Napailing siya. Hindi niya talaga makita ang ganoong ugali sa binata. O baka hindi niya lang talaga ito ganoong kilala? Wala rin siyang nababalitaan na nagka-nobya ito. Kung nagkaroon man, minsan na rin kaya itong nagloko sa nobya nito?
Nasuklay niya ang buhok gamit ang kamay at sinabunutan ang likod niyon.
Tch! Bakit ko ba iniisip ang lalaking 'yon! maktol niya sa sarili saka binalingan ang inumin.
⊱╼╼╾╾⊰
ALAS-SIYETE na rin sila nagkahiwa-hiwalay ng mga kaibigan dahil nagyakag pa ang grupo ni Hernan na mag dinner. Masyadong nawili ang mga kaibigan niya na kasama ang mga binata kaya pumayag ang mga ito. Mababait naman ang mga lalaking iyon at may pagka-comedian. Ayaw niya lang talaga kapag umiiral na ang pagiging chicboy ng mga iyon. Mabuti na lamang at tinantanan na siya ni Lucas kaya napapayag siya ni Hera na sumama sa mga ito.
Naningkit ang mga mata niya habang papalapit sa kanilang bahay. May lalaking nakatayo sa labas ng kanilang gate. Nakatungo iyon at abala sa hawak na cell phone. Sa pangangatawan at tindig pa lamang ay nakilala na niya kung sino iyon. Bago pa tuluyang makalapit ang sasakyan niya ay nag-angat na ito ng tingin sa pwesto niya.
Para siyang nakahinga nang maluwag nang makita si Isaak. Aaminin niyang sa ilang araw na wala ito ay paranoid siya. Pakiramdam niya ay sinusundan siya lagi ng lalaking naka-motor. Binubuksan na nga lamang niya ang music sa kotse para malibang. Kaya naman ngayong narito na ulit ang binata ay may maghahatid-sundo na ulit sa kanya.
Bumaba siya ng sasakyan. Balak na sana niya itong batiin pero hindi niya ginawa nang makita ang itsura nito. Salubong ang mga kilay nito at mas nadepina ang mga panga dahil sa pagkakatiim niyon.
Ano na namang problema ng isang 'to! Sa trabaho kaya?
"Where have you been, Lauri Jade?" agad na tanong nito nang makalapit siya rito. Mariin ang mga salita kaya napagtanto niyang galit nga ito. Pero bakit parang sa kanya ito galit?
"Oh, you're here!" sa halip ay aniya.
"Saan ka nanggaling, Lauri?"
Hindi niya ito pinansin kahit nahihimigan na niya ang galit sa boses nito. Good mood siya kaya ayaw niyang salubungin ang galit nito. Tuloy siyang pumasok sa kanilang bahay. Alam niyang nakasunod ito dahil sa mabibigat nitong hakbang. Dumiretso siya sa kusina para sana uminom ng malamig na tubig. Gabi na pero maalinsangan pa rin. Siguro'y uulan.
"Gusto mo?" alok niya kay Isaak habang nagsasalin ng tubig sa baso.
"I'm asking you, Lauri. Saan ka nanggaling?"
Natigilan siya sa tangkang pagdadala ng baso sa bibig at gulat itong tiningnan. Nanlilisik ang mga mata nito.
"Are you mad? Pagkakagaling mo sa malayo uuwi kang mainit ang ulo?"
"Trabaho ang ipinunta ko roon, Lauri! Now answer me. Saan ka nanggaling at bakit hindi mo man lang nagawang magreply sa mga text ko at sumagot sa mga tawag ko? Galing ako sa university at wala ka roon! Tinanong ko pa ang guwardiya at hinanap ka sa kasuluksulakan ng lugar na iyon pero wala ka! Nalibot ko na ang lahat ng pwede mong puntahan pero wala ka, Lauri!"
Napanganga siya sa walang tigil nitong sigaw. Mabilis na humawa sa kanya ang galit nito. Ayaw na ayaw niya sa lahat ay 'yong sinisigawan siya. Lalo na nito. At ayaw na ayaw niyang hahatiran siya ng galit na wala naman siyang ginagawang mali.
Pabagsak niyang ibinaba ang baso at pinanlisikan ito ng mga mata. "Kasama ko ang mga kaibigan ko! Bakit? Iyon ba ang gusto mong malaman, ha!"
"Ni hindi mo man lang nagawang sabihin sa akin? I texted you, Lauri! I called you!"
Malakas niya itong tinulak sa dibdib. "Dahil busy ako! Busy ako! Masaya ka na? Kung magpapakita ka sa akin na ganyan umalis ka na lang! Sinisira mo ang gabi ko!"
Tinalikuran niya ito pero hinawakan siya nito sa braso at iniharap dito. Taas-baba ang dibdib niya at para siyang nakikipaghabulan dito. Naglalaban ang mga nanlilisik nilang mga mata.
"Busy ka, Lauri? Habang narito ako at mababaliw na sa pag-alala sa 'yo dahil akala ko may nangyari na sa 'yong hindi maganda habang wala ako!"
Nahablot niya ang damit nito at mariin 'yong kinuyom. "Sinabi ko bang mag-alala ka? Hindi ko sinabing mag-alala ka kaya huwag na huwag kang magrereklamo!"
Mabilis na nawala ang talim ng tingin ni Isaak at hindi makapaniwalang tumitig sa kanya. Dahan-dahan niyang nabitawan ang damit nito. Para siyang napako sa kinatatayuan nang makita ang sakit na bumalatay sa mukha ng binata lalo pa nang makita niya ang pag-iling nito na para bang dismayado sa narinig mula sa kaniya.
"Hindi ka pa rin talaga nagbabago, Lauri. Kahit ang pagpapakita ng pag-aalala ikinagagalit mo at masama para sa 'yo."
Pagkasabi niyon ay agad siya nitong tinalikuran. Mas bumilis ang tibok ng puso niya. Hindi na lang dahil sa galit at sa ginawang pagsigaw. Kung 'di dahil para siyang biglang nakaramdam ng matinding takot.
⊱╼╼╾╾⊰
AAMININ niyang natakot siya. Natakot siya nang talikuran siya ni Isaak. Noon, palagi siyang nagigising sa isang panaginip. Panaginip na para bang nakikita niyang tinalikuran siya ng mga magulang habang nagmamakaawa siya sa mga ito na huwag siyang iwan. Sa pagkakataong iyon hindi na lang ang mga ito ang tumalikod sa kanya at nang-iwan. Kasama na ng mga ito si Isaak.
Tinitigan niya ang kanyang cell phone. 30 new messages at 64 missed calls. Lahat ng iyon ay mula kay Isaak. Naririnig niyang panay ang tunog ng cell phone niya kanina pero hindi niya man lang nagawang silipin iyon kahit pa sinasabihan na siya ng mga kaibigan na tingnan iyon pero hindi niya ginawa. I-si-nilent niya pa iyon dahil naiingayan siya.
Binitawan niya ang hawak. Niyakap niya ang nakatuping mga binti at isinubsob doon ang kanyang mukha. Kinakain siya ng matinding guilt. Sa pagkakatong iyon hindi niya itatanggi na nagkamali siya.
Kanina habang pinapanood niyang naglalakad si Isaak palayo ay gusto niya itong habulin ngunit hindi niya magawa. Pakiramdam niya nagpapatalo siya kung gagawin niya iyon. Na ikinagagalit niya nang husto sa sarili ngayon. Dahil hanggang sa mga oras na iyon ang pagkakatalo nito at pagkapanalo niya sa bawat bangayan nila ang nasa isip niya at ang mahalaga sa kanya.
Hindi niya alam kung ano'ng oras siya nakatulog nang nagdaang gabing iyon. Matagal niyang inisip ang naging sagutan nila ni Isaak. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang bawat salita at kilos nito. Maging ang galit na alam niyang dulot lang ng labis na pag-aalala nito sa kanya.
Nagising siyang masakit ang ulo. Daig niya pa ang nalasing sa alak. Nanlalambot at wala siyang ganang kumilos. Nagbibihis siya nang marinig niya ang katok sa pinto ng kwarto niya. Agad niyang narinig doon ang boses ng katulong.
"Ma'am Lauri, nasa baba po si Sir Isaak."
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Bakit narito siya? Hindi na ba siya galit? Napangisi siya. Hindi mo ba ako matiis, ha, Isaak?
Nagmadali siya sa pagbubutones ng suot niyang button-up dress. Hindi na niya nagawang tingnan ang sarili sa salamin dahil agad niyang dinampot ang mga gamit at lumabas. Nang pababa ng hagdan ay tumikhim siya at inayos ang paglalakad. Bumuga pa siya ng hangin para pawiin ang bigat sa dibdib.
Nasa gitna pa lamang ng hagdan ay agad niyang nakita si Isaak na nakaupo sa kanilang sala. Naka-gray itong polo shirt at maong pants. Naisip niyang baka ihahatid siya nitong muli kaya napangiti siya.
Agad siya nitong nilingon nang makababa. Babatiin na sana niya ito ngunit natigilan siya nang makita niya ang gulat at inis sa nanlikisik nitong mga mata.
Teka, galit pa rin ba siya?
Gulat na nasundan niya ng tingin si Isaak nang mabilis na lumapit ito sa harapan niya.
"Fix yourself first, Lauri!" mariing utos nito saka ito tumikhim at umiwas ng tingin. Nagtataka siya sa ikinilos nito kaya naman tiningnan niya ang sarili. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang sumisilay niya pang dibdib.
"Oh, my God!" Nahihiyang tumalikod siya at agad na ibinutones ang parteng iyon. Tapos na siya pero hindi niya pa magawang humarap dito. Hiyang hiya na nakita ng binata ang parteng iyon ng kanyang katawan. Mariing siyang napapikit at tahimik na pinagalitan ang sarili. Fuck shit ka, Lauri!
"Are you in a hurry? Hindi mo man lang ba tiningnan muna ang sarili mo sa salamin bago ka bumaba?" mariin at may kahinaan nitong ani.
Hindi siya nakasagot. Paano niya sasagutin ito? Ano, sasabihin niyang totoong nagmadali siya para makita ito? No way!
Tumikhim siya at taas-noo itong hinarap. Nagtama pa ang tingin nila, at nakita niya pa ang talim ng titig nito sa kanya bago ito gumilid. Sa naging kilos ni Isaak ay napansin niya ang isa pang lalaki na naroon. Tuwid na tuwid ang pagkakatindig habang may sinusupil na ngiti. Mula sa suot nitong polo shirt, slack at shoes ay puro itim. Sa tantiya niya ay hindi nalalayo ang edad nito kay Isaak.
"At... sino ka naman?"
"Akala ko hindi mo na ako mapapansin," natatawa pa nitong ani. "Hi, I'm Eman!" Naglahad ito ng kamay.
Nagtataka niyang tiningnan si Isaak. Ipinilig nito ang ulo na parang inuutusan siyang tanggapin iyon. Napairap siya saka niya hinarap si Eman.
"Lauri."
Hindi pa man niya nailalayo ang kamay sa lalaki ay nagsalita na si Isaak, "He's a former bodyguard of my dad, Lauri. Simula ngayon siya na ang maghahatid at susundo sa 'yo."
Mabilis niyang nilingon ang binata. Hindi nagawang itago ang pagkaayaw sa sinabi nito. "What? Bodyguard? Hindi ko kailangan ng bodyguard, Isaak!"
"Busy ako sa trabaho at hindi na kita mababantayan. Mabuti na rin ito dahil mas mababantayan ka niya nang mas mabuti."
Nasaan na ang sinasabi mong you can always make time for me? Sinungaling!
Para siyang i-nin-dian sa isang lakad. Masama ang loob niya pero nakuha niya pang matawa. "Dahil ba sa nangyari kagabi? Hindi ko alam na mapagtanim ka pala ng sama ng loob, Isaak," sarkastikong aniya.
"And I'm sorry for that. Hindi ko sinasadyang masigawan ka," malumanay nitong pananalita at kita niya ang pagsisising dumaan sa mga mata nito. Pero hindi man lang nito pinansin ang huling sinabi niya at binalingan na nito si Eman. "Mauuna na ako, Eman. Ikaw na ang bahala sa kanya."
Napanganga siya nang wala man lang paalam sa kanya na tumalikod ito at bigla na lamang umalis. Agad niya itong sinundan. Hinila niya ang braso nito at inihinarap sa kanya.
"Sinabi kong hindi ko kailangan ng bodyguard!"
Nagkibit ito ng balikat. "I've done my part. Kung gusto mo talagang mapahamak, sige sisantehin mo siya, Lauri."
Nabitawan niya ang braso nito nang muli siya nitong talikuran. Kuyom ang mga kamao, mariin siyang napapikit habang mabilis ang bawat paghinga. Naiinis siya sa binata dahil sa pagdadala nito ng bodyguard pero mas lamang ang disappointment para rito.
"Believe it or not, he cares about you a lot."
Nilingon niya ang kanang gilid. Nasa tabi na niya si Eman. Friendly ang ngiti nito hindi katulad ng mga bodyguard sa mga napapanood niya na may straight face.
"Cares? Cares ba 'yon? Ipinagkatiwala niya ako sa taong hindi ko naman kilala!"
"Pero kilala niya ako," kibit-balikat nitong ani. "Don't worry, hindi ako gagawa ng ikapapahamak mo dahil tiyak na malalagot ako sa taong iyon."
"Sa akin ka malalagot, hindi sa kanya!"
"Kung gano'n tanggap na ulit ako, ma'am?" malapad ang ngiti nitong tanong.
"Alam ko namang susundan mo pa rin ako kahit sabihin kong hindi."
Nakalabi itong tumango-tango. Naiiling niya itong tinalikuran.
"What's the score between you two?"
Natigilan siya sa paglalakad at nilingon ito. "I have rules."
Tumango ito at tumuwid ng tayo. Umangat ang kilay niya. Para kasi itong robot na nalagyan ng baterya.
"First, ayoko na kakausapin mo ako about my personal life. Second, ayokong babanggitin mo sa harapan ko ang Isaak na 'yon."
Nanatili itong tahimik. Mukhang naghihintay pa sa susunod niyang sasabihin. Hinayaan niya ito. Nagpatuloy na siya sa paglalakad.
"Iyon lang?" tanong ni Eman na nakasunod na muli sa kanya.
Tipid niya itong nilingon. "Bakit, may gusto ka pang idagdag?"
"You're far from what I've heard," sabi nito habang pinagbubuksan siya ng pinto ng kotse.
Nakuha ng sinabi nito ang atensyon niya. Sa halip na pumasok sa sasakyan ay hinarap niya ito. Humalukipkip siya at tinaasan ito ng kilay. "At ano namang naririnig mo tungkol sa akin?"
Nangunot ang noo niya nang luminga-linga ito. Saka siya nito hinarap at bumulong, "Na palagi ka raw galit."
Napangisi siya. "At kanino mo naman naririnig 'yan?"
"Uh..."
Napakamot ito sa ulo. Nangunot ang noo niya nang manatiling tikom ang bibig nito.
"Sino nga?" nauubos ang pasensyang singhal niya.
"Sabi mo huwag ko siyang banggitin sa harapan mo?"
Si Isaak ba ang tinutukoy niya?
Nanlisik ang mga mata niyang nilingon ang katapat na bahay. Nakikita niya ang bubong niyon mula sa taa sng kanilang bakod. "Ipinagkakalat ng lalaking 'yon na palagi akong galit?" nahahapong aniya.
Hindi nagbabago ang itsura na hinarap niya si Eman. Bakas ang gulat na may halong tuwa sa mukha nito.
"Kung gano'n totoo 'yon! Palagi akong galit dahil nakakagalit siya!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top