Chapter 6

DAHIL sa nangyari kay Lauri ay mas napapadalas ang pagkikita nila ni Isaak kaya naman bumabalik ang pagkayamot niya sa araw-araw. Oo nga't tinulungan siya nito nang gabing may magtangkang sagasaan siya pero hindi niya pa rin nakakalimutan ang galit niya rito.

"Hindi ba't sinabi kong hindi mo na kailangang gawin 'to!" malamig na aniya nang makita ang binata na nakatayo sa labas ng kanilang bahay. Sa labas ng kanilang gate ay nakaparada ang kotse nito.

Dalawang linggo na siya nitong palaging inaabangan sa pagpasok at saka susundan hanggang sa unibersidad. Ganoon din kapag uuwi na siya. Simula rin niyon ay palagi na itong nagpapadala ng text message sa kanya para alamin kung nasaan siya.

Na-bu-bwisit man dahil pakiramdam niya ay nakikialam na naman ito sa buhay niya pero wala siyang choice kung 'di ang reply-an ito dahil nangako siyang makikipagtulungan siya rito. Gabi-gabi rin nitong chi-ne-check ang buong kabahayan nila. Baka raw kasi habang wala siya roon ay may nakapasok na roon.

Ilang beses na niyang sinabi na tigilan na nito ang mga ginagawa dahil wala na namang nangyari sa kanya simula noong gabing iyon pero patuloy pa rin ito.

"Hindi pa natin nalalaman kung sino iyon, Lauri," sabi nito habang sinusundan siya sa parking lot.

Inis na napahilamos siya sa kanyang mukha. Ito na naman ang panibagong araw na pagtatalunan nila ang tungkol doon.

Hinarap niya ito at sinabi ang mga naisip nang nagdaang gabi. "Paano kung nagkataon lang, Isaak? Paano kung hindi naman talaga ako sasagasaan ng taong 'yon? Na nagkataon lang na nasa gitna ako ng kalsada nang mga oras na 'yon?"

Dumilim ang itsura nito. "Kung gano'n bakit hindi niya nagawang umiwas? Imposibleng hindi ka niya nakita. Nasa gitna kayong pareho, Lauri. Wala nga dapat siya roon dahil hindi naman niya lane 'yon."

May punto ito kaya hindi na siya sumagot doon. Binuksan niya ang pinto ng passenger seat at inilagay roon ang kanyang tote bag at laptop. Saka siya umikot sa driver's seat.

Muli niyang hinarap si Isaak na patuloy na nakasunod sa kanya. "May mga CCTV's ka ng ipinalagay rito last night. Siguro naman hindi ka na gabi-gabing magpupunta rito?"

"Maganda pa rin na ako mismo ang magche-check, Lauri."

Lalong nag-init ang ulo niya. Gusto na niyang magpapadyak sa inis ngunit tanging pagtingala at pagbuga ng hangin ang nagawa niya habang mariin nakakuyom ang mga kamay. Akala niya oras na malagyan ng CCTV ang buong kabahayan nila ay hindi na ito pupunta pa roon kaya pumayag siya sa gusto nito.

"Sabihin mo na lang kina mommy ang nangyari para bigyan na lang nila ako ng bodyguards!" nauubos ang pasensyang aniya. Napapagod na siya na araw-araw itong nakikita at araw-araw na kumukulo ang dugo niya. Hindi na naging payapa ang araw!

"Sigurado ka ba riyan, Lauri? Dahil kung ako lang ang masusunod nang gabi pa lang na iyon ay binaba ko na sila sa garden at nasabi ko na sa kanila ang tungkol sa nangyari sa 'yo."

"Kung gano'n, bakit hindi mo ginawa?" may nanghahamon ang tono ng boses niya. Hindi ba't diyan ka naman magaling? Ang magsumbong!

"Dahil ayokong masaktan ka ulit ni Tita Barbara."

Napipilin siya. Naroon na naman sa mukha nito ang pag-aalala. Hanggang ngayon ay hindi siya masanay-sanay na nakikita iyon mula rito.

"Narito ako para protektahan ka, Lauri. Pero kailangan pa rin malaman ng mga magulang mo ang nangyari sa 'yo. Kung hindi mo kaya nang mag-isa, sasamahan kitang humarap sa kanila."

⊱╼╼╾╾⊰

TULUYAN na siyang hindi nakaimik pagkatapos ng mga narinig niya kay Isaak. Tiningnan niya ang side mirror. Nakita niya ang kotse nitong nakasunod sa kanya.

Narito ako para protektahan ka, Lauri.

Nakagat niya ang ibabang labi. Aaminin niyang naguguluhan siya sa nararamdaman. Natutuwa siya dahil mayroong taong pumo-protekta sa kanya pero sa kabilang banda ay naiinis siya dahil si Isaak iyon.

Napaka-ungrateful mo, Lauri! sigaw ng isip niya.

Eh, ano ba kasing gagawin niya? Hindi naman kasi siya sanay na ganoon ang binata sa kanya. Ang alam lang naman niyon ay mat'yagan siya at alamin ang bawat kibot niya. Para ano? Para ipaalam sa mga magulang niya.

"Kalalaking tao napaka-sumbungero! Bakit hindi na lang siya nag bodyguard kaysa mag pulis?" naiiling na aniya.

Binilisan na niya ang pagpapatakbo ng kotse. Pasalamat siyang walang traffic kaya mabilis siyang nakarating sa university. Bago pa⁰ siya makapasok sa gate ay muli niyang itong sinilip sa side mirror. Sa dami ng dumaang sasakyan ay hindi pa rin siya nahirapang hanapin ito. Dahil naroon na ito, nakaparada sa gilid at sigurado siyang pinapanood siya.

Hindi niya namalayan ang dumaang maghapon dahil naging abala siya sa kanyang research paper. Hindi rin naman siya nakatanggap ng text message mula kay Isaak sa dumaang maghapong iyon. Tanging ang text message lang nito noong umaga, pagkahatid sa kanya, ang ipinadala nito. Sinabihan siya nitong mag-ingat at agad na tumawag kung may problema. At huwag daw siyang lumayo sa mga kaibigan niya o huwag pumunta sa lugar nang mag-isa.

Akala niya ba'y pinagdududahan din nito ang mga kaibigan niya? Tapos ngayon ay ganoon ang sasabihin nito sa kanya. Naiiling na nga lang siya. Ang hirap din talagang ispelengin ng isang iyon.

Nagtataka man sa hindi maya't mayang pagtetext sa kanya ni Isaak katulad noong mga nagdaang araw ay masaya na rin siya. Masyado na siyang na-i-stress sa pag-aaral. Dumagdag pa ang nangyari sa kanya at sa araw-araw na pagkikita nila nito. Kaya naman ngayong nakaligtas siya sa isang katutak na text messages mula rito ay talaga namang ipinagbubunyi ng kalooban niya.

Pero siyempre, hindi pa rin matatapos ang araw na hindi niya ito makikita. Pagkalabas niya ng gate ay agad niyang nakita ang sasakyan nitong nakaparada sa gilid ng unibersidad kung saan ito madalas pumwesto kapag ihahatid siya at susunduin.

"You're always on time, ha."

Nagtataka siyang hindi man lang ito na-le-late. Hindi naman niya sinabi rito ang schedule niya sa unibersity sa buong linggo kaya nagtataka siyang alam nito ang oras at pag-uwi niya sa araw-araw. Hindi naman siguro ito nagtanong sa mga kaibigan niya, 'di ba? Dahil kung ganoon, tiyak na nakatanggap na siya ng isang katutak na tanong at tukso sa mga iyon. At sigurado rin siyang hindi nga ito magtatanong sa mga iyon dahil sa nangyari sa kanya. Pero madalas siyang naaabutan noon ni Isaak na umaalis ng bahay, kaya siguro may ideya ito. Kaya nga madalas uminit ang ulo niya dahil palagi pa nitong uusisain kung saan siya pupunta o nagpunta. Doon din nagsimula ang hinala niyang pinababantayan siya rito ng kanyang ina.

Natigil siya sa pag-iisip nang makatanggap siya ng tawag habang nakatigil sa gitna ng traffic. Nang tingnan niya ang cell phone na nasa gilid ng manibela ay napaingos siya.

Isaak calling...

"Bakit naman natawag pa 'to!" maktol niya saka sinagot ang tawag, "Oh?"

"Do you want to have dinner first? Alas siyete na rin naman."

Dinner? Niyaya ba siya nitong mag dinner silang dalawa? No way!

"No, thanks! Sa bahay na lang ako kakain."

"Madadaanan natin ang Inari's." Tukoy nito sa isang Filipino restaurant na madalas niyang puntahan.

Nakagat niya ang ibabang labi. Para siyang biglang natakam sa sizzling sisig na paborito niyang order-in doon. At matagal-tagal na rin kasi noong huli siyang makakain doon.

"O kung gusto mo sa ibang restaurant? Chinese resto, what do you think?"

Hindi siya agad nakasagot. Ayaw niya sana dahil ito ang kasama niya pero para bang biglang kumulo ang tiyan niya sa gutom.

Okay lang naman siguro. Alas siyete na nga naman. Pwede naman akong kumain nang hindi siya tinitingnan, pagkukumbinsi niya pa sa sarili.

"Okay. Sa Inari's."

"Great!" masigla nitong ani.

"Great ka riyan!" ingos niya saka pinatay ang tawag.

Dumaan nga sila sa Inari's restaurant. Halos mapuno iyon. Agad niyang naramdaman ang homely and friendly ambience pagkapasok nila roon. Simula sa awitin na Gorgeous ng American singer-songwriter na si Taylor Swift na mahinang pumapailanlang sa kabuuan ng restaurant, sa mahihina na pag-uusapan, at mga iilang halakhak. Gusto niya rin ang interior doon, nakapagpadagdag sa pagiging friendly ng ambience ang blue-green and white na tanging makikita from its wall to table and chairs. At kung may kasama kang mga chikiting ay hindi mo po-problemahin ang pagkainip nila dahil may maliit na playground sa likurang bahagi ng restaurant.

"Lauri!"

Natigil siya sa pagmamasid at mahinang pag-indak kasabay ng paglingon niya kay Isaak. Mukhang tapos na ito sa pakikipag-usap sa host. Nakalahad ang braso nito, kaya naging senyales niya iyon para lumapit dito. Ramdam niya pa ang saglit na pagdampi ng kamay nito sa kanyang likuran nang makalapit siya rito. Kunot-noo niyang nilingon ang kamay nito pero nakapamulsa na iyon sa jeans nito.

"This way, Ma'am... Sir," ani ng host na nakaabang sa kanila.

Sa pangdalawahang lamesa sa gitna sila hinatid nito. Natigilan siya sa tangkang paghila sa upuan nang makita si Isaak sa likuran niyon at ito na mismo ang naghila niyon. Inirapan niya ito saka siya umupo roon.

Umikot ang binata sa kanyang harapan at umupo. Agad namang nagbigay ng menu ang host. Kasunod na nitong dumating ang server.

Isang lalaki ang server ngunit nalaman niyang bakla ito nang makita niya ang paghanga sa mga mata nito nang tumama iyon kay Isaak.

Marami rin talagang naloloko ang mukha nitong gago na 'to, eh, aniya sa isip habang nakatingin kay Isaak.

Muli niyang binalingan ang server. Pigil ang tawa niyang napagsiklop ang mga labi nang makita ang pagpipil niyon ng ngiti. He's beautiful, ha! Naaalala niya ang Tito Bryan niya rito kaya naman magaan ang loob niya rito.

Saglit niya pa ring pinasadahan ng tingin ang menu kahit alam na niya ang mga naroon. Baka kasi may nadagdag sa menu na magugustuhan niyang subukan.

"Paano ka nakakakuha ng oras para ihatid at sunduin ako? Hindi ka ba busy sa trabaho?" tanong niya kay Isaak nang hindi nag-aangat dito ng tingin. Curious siya tungkol sa bagay na iyon.

"I can always make time for you."

May kung ano'ng dumagundong sa kanyang puso dahil sa narinig. Umangat ang tingin niya rito pero nanatili ang tingin nito sa hawak nitong menu habang minamasahe nito ang batok.

Humugot siya ng malalim na hininga. Una ay pag-aalala kasunod ay iyon? Hindi niya inintindi ang sinabi ng binata at agad niya 'yong kinalimutan. Hindi siya pwedeng magpadala sa mabubulaklak nitong mga salita. Marahil ay nagagawa lang nitong bantayan siya dahil pulis ito at isa pa ay anak siya ng kaibigan ng mga magulang nito.

"May napili ka na?" tanong ni Isaak.

"Yep."

Tilapia in tausi sauce at sinigang na bagnet ang in-order ni Isaak. Samantalang sizzling sisig, crispy pata, at kare-kare ang kanya. At iced tea para sa kanilang panulak.

"Is there anything else you want to add?"

"Wala na. Diet ako."

Nakita niya ang pagtaas ng isang kilay ni Isaak pero wala naman itong sinabi.

Mahina muli siyang napapa-idayog sa malumanay na ngayon na tugtugin habang kumakain. Hindi naman siya kinakausap ni Isaak pero nakikita niya ang tingin at panaka-nakang pag-ngiti nito. Hindi na lamang niya iyon pinapansin. Food can really put you in a good mood.

"Is everything okay, Lauri? Wala ka bang napapansing kakaiba?" tanong ni Isaak sa kalagitnaan ng kanilang paghahapunan.

"Wala naman," simpleng sagot niya bago sumimsim ng inumin.

"Kung ganoon, ako pa lang ang potential suspect mo?" sarkastiko ang tono ng pananalita nito.

Natigilan siya. Hindi niya pa nga pala nasasabi rito ang tungkol kay Daniel. Naisip niya kasing hindi lang naman ito ang may denim jacket, hindi ba? At kung iyon lang ang pagbabasehan nila parang napakababaw naman niyon. Kaibigan niya si Daniel. At hindi naman lingid sa kaalaman niya ang pagkagusto nito sa kanya. Kaya sigurado siyang hindi siya nito sasaktan.

"What is it, Lauri? Hindi ba't sinabi ko sa 'yo na kahit gaanong kaliit na detalye ay sasabihin mo sa akin?" ani Isaak na mukhang napansin ang pananahimik niya.

"Wala akong sasabihin sa 'yo." Ipinagpatuloy niya ang pagkain para makaiwas sa mariing titig nito.

Alam niyang hindi ito nakuntento sa sinabi niya.

Ibinaba nito ang kubyertos at pinunasan ng napkin ang bibig nang hindi inaalis ang tingin sa kanya. Bumagal ang nguya niya at malalim na napabuntong-hininga.

"Gusto mo ba talagang mapahamak ka dahil sa katigasan ng ulo mo, Lauri Jade?" mahina ngunit mariin na sabi nito.

Lumaban siya sa mariing titig nito. Mukhang wala itong balak na sumuko. Nauubos ang pasensyang bumuga siya ng hangin.

"Okay, fine! Sasabihin ko sa 'yo mamaya. Hindi rito. Huwag mong sirain ang dinner ko."

Tinitigan pa siya nito at parang hindi kumbinsido sa sinabi niya. Pero sa huli ay ipinagpatuloy rin nito ang pagkain. Habang siya ay nagngingitngit na ang kalooban.

⊱╼╼╾╾⊰

"DANIEL? Who's Daniel?"

Naroon sila ng binata sa kwarto nito. Doon nila napiling mag-usap. Bahagyang nakaupo ito sa office table nito. Siya naman ay nakatayo sa likod niyon at nakiki-usyoso sa mga gamit nito.

Tiningnan niya isa-isa ang mga regalo na nasa wooden shelve. Marami talaga iyon. Mahigit dalawampu siguro. Kinuha niya pa ang pinakamaliit na sakop lang ng kamay niya at itinapat iyon sa tenga niya bago kinalog. May tumunog sa loob kaya alam niyang may laman. Nagtataka pa rin siya kung bakit may mga ganoon sa kwarto ng binata.

Hinarap niya ito saka sinagot, "Blockmates at kaibigan ko."

Nagsalubong ang mga kilay nito na para bang iniisip pa kung sino ang tinutukoy niya. "Ah! Iyon bang payatot na lalaki na laging nakabuntot sa 'yo?"

Umarko paitaas ang isang kilay niya. "Payatot? Napakayabang mo! Gwapo at matangkad si Daniel."

Ngumisi ito. "Ipinagtanggol mo pa talaga."

"Of course kaibigan ko iyon. At kung makapagsabi ka ng payatot akala mo namang hindi ka dumaan sa ganoong pangangatawan."

Totoo naman. Payatot din naman ito noong secondary hanggang maging college ito. Pero ngayon kasi ay napakalayo na ng itsura ng pangangatawan nito sa dati. Parang mas lumapad ito ng dalawa o tatlong ulit kaysa noon.

"At sigurado akong kapag natutong mag gym si Daniel ay mas macho pa 'yon sa iyo."

"Okay, fine! Tama na ang pagtatanggol mo sa kaibigan mo."

Tumayo ito at lumapit sa white board. Isinulat nito ang pangalan na Daniel sa mismong ibaba ng pangalan nito.

"Paninindigan mo talaga 'yan?" nakangiwing aniya habang inuusisa naman kung ano ang nasa office desk nito. May mga patong-patong na papel doon. Hindi na siya nag-abalang bulatlatin pa ang mga iyon dahil nakasisiguro siyang tungkol iyon sa trabaho nito. Tiningnan niya isa-isa ang limang picture frame roon. Puro family pictures naman iyon, pero natigil ang tingin niya sa litrato na nasa gitna ng mga iyon. Family picture ng mga ito iyon noong graduation nito ng kolehiyo. Maluha-luha pa ang kanyang ninang na nakayakap sa braso ni Isaak na nakasuot ng black toga at may isang kalakihang gintong medalya sa leeg habang malapad ang pagkakangiti katulad ng tatlo pang kalalakihan.

Napangiwi siya at parang umasim ang lalamunan nang maalala ang araw ng graduation ng binata. May sakit siya nang araw na iyon pero ang mga magulang niya ay naroon sa mga ito at nakikisaya. Nang umuwi ang mga ito at nakita siyang balot na balot ng kumot ay pinagalitan pa rin siya ng kanyang ina dahil hindi man lang daw niya nagawang sumilip sa party ng binata.

"Anything else?" tanong ni Isaak. Nasa gilid na ito ng lamesa. Tuwid na tuwid sa pagkakatindig, magka-krus ang mga braso at pinapanood siya.

"Wala na," mahina niyang sagot. Agad na umasim ang pakiramdam dahil sa naalala.

"Sigurado ka ba riyan? Baka may hindi ka pa sinasabi sa akin?"

Tiningnan niya ito. Itinuon niya ang mga kamay sa lamesa at nilabanan ang titig nito sa kanya.

"Kapag sinabi kong wala na, wala na," mariing sambit niya.

Tumagal nang ilang segundo ang pagtititigan nila. Kita niya ang bahagyang pagbukas ng bibig ng binata. Akala niya'y napatahimik na niya ito ngunit huminto ang tangka niyang pagngisi at tuwid siyang napatayo nang hawakan nito ang baba niya. Inilapit pa nito ang mukha sa kanya na naging dahilan ng ilang ulit niyang paglunok at pagkurap, saka ito bumulong, "Siguraduhin mo lang na wala na talaga, Lauri Jade."

Napatiim-bagang siya. Malakas na tinabig niya ang kamay nito at isang beses pang pinanlisikan ito ng mga mata.

"Pwede na siguro akong umuwi?"

Wala pa mang sagot si Isaak ay nagtungo na siya sa kama nito at dinampot doon ang kanyang mga gamit. Walang paalam na nagtuloy siya sa pinto. Ramdam niya ang pagsunod nito sa kanya hanggang makababa siya ng hagdan.

Gustong gusto na niyang takbuhin ang hagdan patungo sa main door ng mga ito. Naiinis siya kay Isaak dahil sa ginawa nito kanina pero mas naiinis siya sa sa sarili. Dahil aaminin niyang saglit niyang nakalimutan ang galit niya sa binata habang nakatitig siya sa mga mata nito. At hindi niya gusto iyon!


⊱╼╼╾╾⊰

"LAURI!"

Nakahawak na siya sa doorknob ng main door ng mga ito nang marinig niya ang pagtawag sa pangalan niya. Nilingon niya ang pinanggalingan niyon. Nasa pinto pa ng kitchen at nagpupunas ng mga kamay sa suot na apron ang kanyang Ninang Josephine.

Agad na kinalimutan niya ang inis para sa binata at nakangiting nilapit ang kanyang ninang. "Ninang, magandang gabi po!" bati niya at humalik sa pisngi nito.

Magandang gabi, hija. Hindi ko alam na narito ka. Nag dinner ka na ba?" Matamis ang ngiti nito. Hinaplos pa nito ang gilid ng ulo niya bagay na malimit nitong gawin.

"Tapos na po, ninang."

"Magkasama ba kayong nag dinner?" Mas lumapad ang pagkakangiti nito nang tumingin sa likuran niya. Hindi man niya tingnan ay alam niyang naroon ang anak nitong panganay.

"Yes, 'Ma." Rinig niyang sagot ni Isaak. At malapit lang ito sa kanya base sa lapit ng boses nito.

Tipid siyang napalingon sa kaliwa. Pakiramdam niya ay nakatitig sa kanya ang binata. Hindi naman niya ito nakita roon kaya baka nasa kabilang gilid niya ito.

"Gumawa ako ng custard cake, hija. Halika tikman mo."

Bago pa siya makatanggi ay hinawakan na siya ng kanyang ninang sa kamay at hinila patungo sa kitchen. Inakay pa siya nito paupo sa dining table. Abala roon ang dalawang katulong sa pag-aayos ng mga kubyertos.

"Teka lang. Ikukuha kita ng cake," masiglang sabi ng ninang niya.

Pinanood niya ito nang lumapit ito sa oven. Bakas ang excitement sa mukha nito kaya hindi niya napigilan ang pagsilay ng ngiti.

Simula pa lamang noon ay taong bahay na ang kanyang Ninang Josephine, hindi katulad ng kanyang ina na workaholic. At kumpara sa kanilang bahay at sa mga ito ay palaging maliwanag at buhay na buhay ang sa mga ito.

Naalala niyang palagi siya nitong hinahatiran ng lutong bahay. Anak kung ituring siya nito na ipinagpapasalamat niya nang husto pero sa kabilang banda ay ikinalulungkot niya. Dahil minsan mas ramdam niya pa ang pagmamahal nito kaysa sa kanyang ina.

Nalipat ang tingin niya sa kanang gilid niya nang marinig ang ingay ng upuan doon. Umupo roon si Isaak. Natitigan niya ito habang ipinagsasalin siya nito ng tubig at juice. Naiisip niyang napakaswerte nito dahil hindi katulad ng kanyang mommy ang mommy nito. Hindi nito naranasan ang mga naranasan niya.

"Here, anak."

Nabaling muli ang tingin niya sa kanyang ninang. Bitbit na nito ang platito na may isang slice ng cake.

"Paki-alis nga nito, anak," utos nito kay Isaak. Inalis naman ng huli ang nakataob na pinggan sa harapan niya.

"Tikman mo, hija. Nag-aaral pa lamang ako ng pagbe-bake kaya baka hindi pumasok sa panlasa mo. Pero siguradong may lasa iyan. Katulong ko si Flor sa paggawa niyan," pagpapatuloy ng kanyang ninang habang pinapanood siyang humiwa roon gamit ang tinidor.

Nanlaki ang mga mata niya nang malasahan iyon. "Masarap, ninang!" ngumunguya pang aniya.

"Really?" Mas lumapad ang ngiti nito.

"Opo. Saktong lang ang tamis at hindi nakakaumay."

Hindi siya mahilig sa matamis kaya hindi siya ganoong mahilig sa cake. Madalang siyang nakakakain ng cake na hindi nakakaumay sa tamis. Kaya naman sobra niyang nagustuhan ang custard cake na ginawa ng kanyang ninang.

Kumukuha siya ulit ng cake nang may isang tinidor na nakisali. Tiningnan niya nang masama si Isaak at tinampal ang kamay nito.

"Kumuha ka nga ng sa 'yo!"

Amused siya nitong tinitigan matapos niya itong singhalan. Malakas na napahalakhak naman ang kanyang ninang.

"Kumuha ka nga naman ng sa 'yo, Isaak," natatawa pa ring ani ng Ninang Josephine niya. Ngitian niya ito. "Kumain ka pa. Mayroon pa roon kapag gusto mo pa."

Malapad ang ngiti niyang tumango rito.

"Damot," rinig niyang sabi ni Isaak saka ito tumayo at lumapit sa counter kung nasaan na ang cake.

"Bakit pala narito ka?" Nakasunod ang tingin ng kanyang ninang sa anak.

"Sumaglit lang ako at babalik din sa presinto."

Tiningnan niya ang binata na umuupo nang muli sa tabi niya. Kung gano'n umalis ito sa trabaho para ihatid siya? Ganoon ba ang palagi nitong ginagawa?

I can always make time for you.

Lumalim ang gatla sa kanyang noo nang maalala ang sinabing iyon ng binata kanina. Kahit ano'ng pag-iisip ay wala siyang makuhang paliwanag sa mga kilos nito. Ipinilig niya ang ulo at muli na lamang kinalimutan iyon. Muli na lamang niyang inisip na ginagawa iyon ng binata para mabantayan siya dahil sa trabaho nito at anak siya nina Barbara at Lauro Santillan.

"Akala ko ba'y magpupunta kayo sa Batangas?"

"Yes, 'Ma."

Patuloy siyang kumakain habang nakikinig sa mag-ina pero nakuha ang atensyon niya roon.

"Ilang araw kayo roon?"

"I don't know, mom. Hindi ko pwedeng sabihin ang ibang detalye."

Aalis siya at pupunta ng Batangas? Sinong magbabantay sa akin kung ganoon?

Gusto niyang tuktukan ang sarili sa naisip.

Dapat nga ay magpasalamat kang aalis iyan dahil mawawala siya sa paningin mo, Lauri, kastigo niya sa sarili.

"It's okay. Naiintindihan ko. Basta mag-iingat ka roon, ha, anak," may pag-aalala sa tinig ng kanyang ninang.

"I will."

Malalim ang naging buntong-hininga ng kanyang ninang kaya natuon dito ang paningin niya. Hindi nawawala ang pag-aalala sa mukha habang nakatitig sa anak.

"Mag-iingat ako, 'Ma. Ayan ka na naman, eh."

Nasundan niya ng tingin si Isaak nang tumayo ito at lumapit sa ina. Mula sa likuran ay niyakap nito ang mommy nito.

"Huwag ka ng mag-isip ng kung anu-ano dahil palagi naman akong nag-iingat."

"Hindi mo naman ma-i-aalis sa akin ang mag-alala dahil sa takbo ng trabaho mo, Isaak."

"I know," sambit ni Isaak saka pinaulanan ng halik ang tuktok ng ulo ng ina.

Natigil siya sa pag-nguya nang makita ang tagpong iyon ng mag-ina. Nanlambot ang puso niya. Nakikita niya noon pa na magalang si Isaak sa mga magulang nito pero hindi niya alam na may ganitong side ang binata. Napakasarap titigan ng mga ito at napangiti siya habang nararamdaman ang pag-iinit ng kanyang mga mata.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top