Chapter 5
PABALANG na inalis ni Lauri ang pagkakahawak ni Isaak sa kanyang kamay nang makarating sila sa labas ng gate ng mga ito. Nakatingala siyang napahilamos sa kanyang mukha. Malalim na humugot siya ng hangin at marahas na ibinuga iyon. Hindi maalis sa isip niya ang napag-usapan nila ng mga pinsan nito. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay nasa gitna pa siya ng mga ito at pinalilibutan.
Ayaw na ayaw niyang napag-uusapan ang tungkol sa pag-aaral niya ng business. Maski sa mga kaibigan niyang sina Paulene ay hindi niya tuluyang nai-ku-kwento ang tungkol doon at kung bakit hindi niya tinuloy ang fashion. Pakiramdam niya isa 'yong patalim na sa bawat pagbabanggit o pagtatanong sa kanya ng tungkol doon ay mas lumalalim ang sugat niya.
Hinarap niya si Isaak. Mataman ang pagkakatitig nito sa kanya. Nakikita niya ang pakikisimpatya sa mga mata nito pero para bang mas dumadagdag lang iyon sa inis niya. Hindi niya kailangan ang awa nito!
"Thanks," walang ganang aniya.
Bubukas pa lang ang bibig ng binata ay tinalikuran na niya ito. Walang lingon niyang tinahak ang kanilang bahay. Papasok na sana siya sa kanilang gate nang mapansin ang nakapatong sa kanyang balikat.
Inalis niya sa pagkakayakap sa kanyang balikat ang jacket. Nang lingunin niya ang kabilang kalsada ay nakatayo pa rin doon si Isaak. Nakasuksok ang mga kamay sa suot nitong slacks at nasa kanya ang paningin. Nakita niya ang pagtuwid ng tayo nito nang maglakad siyang muli.
"Thanks," muling aniya. Inabot niya rito ang jacket pero nanatili ang mga kamay nito sa bulsa nito at hindi inaalis ang tingin sa kanya na para bang binabasa kung ano mang iniisip niya. Balak pa yata nitong hintayin na mangalay ang braso niya. Nayayamot na pabagsak niyang ipinatong sa balikat nito ang jacket. Sinalo naman nito iyon nang dumaus-os pababa.
Hinawakan siya ni Isaak sa braso nang tatalikuran na sana niya ito. Walang ganang tiningnan niya ito at naghintay ng kung ano mang sasabihin nito sa kanya. Naiinis siya pero wala siyang ganang makipagbatuhan dito ng inis.
"Are you okay?"
"Mukha ba akong okay?"
Nagpakawala ito ng hangin. "Saan mong gustong pumunta?"
Nangunot ang noo niya sa tanong nito.
"Sasamahan kita. Mananahimik lang ako at magda-drive. Pwede mong isipin na wala kang kasama."
Parang saglit na lumambot ang puso niya at naging malamlam ang tingin sa kaharap. Naalala niya na noong nasa sekundarya siya ay nakaugalian niya ang sumakay sa jeep kapag inaabot siya ng labis na lungkot sa kanilang bahay dahil sa pag-iisa. Nakakarating siya sa kung saan-saan. Sa ganoong paraan ay nakakapaglibot siya, nawawala ang mga naiisip niyang hindi maganda.
Pero saglit lang ang paglambot ng puso niya, dahil bumalik din agad ang inis niya.
"Ayoko!" mariing tanggi niya sa alok nito saka ito tinalikuran. Mas gugustuhin niya pang mapag-isa sa kwarto niya kaysa makasama ang lalaking iyon.
Muli na niya itong iniwan. Nasa gitna siya ng kalsada nang matigilan siya sa paglalakad matapos niyang makarinig ng ingay. Nang lingunin niya ang kanan ay nakita niya ang humaharurot na motor bike. Papalapit iyon sa kanya. Ramdam niya ang malakas na tibok ng kanyang puso at nanlaki ang mga mata niya nang tumama ang ilaw niyon sa kanyang mukha. Alam niya ang paparating na panganib pero nablangko ang isipan niya sa kung ano ba ang dapat gawin at hindi niya nagawang kumilos.
"Lauri!"
Rinig niya ang malakas na sigaw ni Isaak kasabay ng paghila nito bago pa man tuluyang makalapit sa kanya ang motor bike. Pareho silang natumba. Rinig niya ang malutong na pagmumura ni Isaak. Mabilis itong tumayo at mabilis na tumakbo. Balak pa yatang habulin ang sasakyan pero nakalayo na iyon. Nakita niya ang pagsabunot nito sa sarili nitong buhok.
Tatayo na sana siya pero napangiwi siya nang makaramdam ng kirot sa kamay. Nang tingnan niya iyon ay nakita niya ang namumulang gasgas. May kaunting dugo pang lumalabas doon.
"Lauri!"
Nang mag-angat muli siya ng tingin ay nakita niya ang nag-aalalang mukha ni Isaak na patakbong lumapit sa kanya. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinakop ng mga kamay nito ang kanyang mukha. Salubong man ang mga kilay pero hindi nabubura sa mga mata ang labis na pag-aalala nito sa kanya.
"Are you okay?" Inilibot nito ang tingin sa kanyang mukha bago ibinaba sa kanyang katawan. Nang makita ang kamay niya ay nalipat doon ang hawak nito. "Shit!"
Binawi niya rito ang kamay niya. Napangiwi siya nang maramdaman ang pagkirot niyon.
"Kailangang magamot ang sugat mo."
"Ang O.A. mo! Gasgas lang—" Napatili siya at awtomatikong napayakap ang mga kamay sa leeg nito nang buhatin siya nito. "Ano ba! Ibaba mo nga ako!"
Nag-umpisa itong maglakad. "Gagamutin ko ang sugat mo," mariin nitong ani. May pagbabanta roon.
"Ibaba mo sabi ako! Maliit lang 'to! Ano ba, Isaak! Ibaba mo 'ko!" sunud-sunod na sigaw niya. Naaalibadbaran siya sa sobrang lapit nito sa kanya kaya malakas na pinaghahampas niya ang dibdib nito.
Tumigil ito sa paglalakad at tinitigan siya nang matalim. Ibang talim ang nakikita niya sa mga mata nito. Hindi katulad kapag iniinis niya ito. Ibinuka niya ang bibig para sana muling sigawan ito at utusang ibaba siya pero wala siyang ibang nasabi, "K-Kaya ko namang maglakad," mahinang aniya.
Hindi siya nito pinansin. Nagpatuloy ito sa paglalakad papasok sa bahay ng mga ito. Sa harapan ito dumaan. Nakita niya pa ang gulat sa katulong na nadaanan nila nang makapasok.
"Ibaba mo na 'ko. Hindi ako napilayan. Kaya kong maglakad, Isaak," mariing bulong niya. Hindi niya magawang sigawan ito dahil baka makakuha sila ng atensyon.
Hindi siya nito pinansin. Dinala siya nito sa pangalawang palapag at ipinasok sa isang silid. Lamig na nagmumula sa aircon ang sumalubong sa kanya. Parang naaamoy niya pa si Isaak sa kabuoan ng silid na iyon.
Iniupo siya nito sa malambot na kama. "Diyan ka lang at huwag na huwag mong babalakin ang umalis," may pagbabantang ani ng binata saka ito umalis sa kanyang harapan. Inungusan niya ito habang pinapanood ang pagpasok nito sa isang pinto na kahanay ng closet nito, na hula niya ay comfort room.
Inilibot niya ang paningin habang wala ang binata. Iyon ang unang pagkakataon na nakapasok siya sa silid na iyon. Malinis ang silid nito. May flat screen T.V. din sa ibaba ng kama at itim na L-shape sofa. Sa kaliwang gilid ng kama ay naroon ang closet. Sa kanang gilid ay isang office desk na tanging nakasarang laptop at ilang picture frame ang laman. At may isang malapad na book shelve sa tabi ng desk.
Naputol ang pagmamasid niya nang maulinigan ang paglabas ni Isaak sa banyo. Bitbit nito ang isang clear at maliit na first aid box. Kinuha nito ang swivel chair at dinala iyon sa harapan niya. Ipinatong naman nito ang hawak sa tabi niya.
Napapiksi siya nang hawakan nitong muli ang kamay niya. Tiningnan pa siya nito pero hindi umimik. Marahan ang hawak nito sa kanyang kamay. Nakita niya pa ang mariing pagkakapikit nito nang muling makita ang sugat niya.
"Maliit lang naman 'to at hindi naman masakit, Isaak. Napakaarte mo," masungit na aniya kahit ramdam niya ang kirot doon. Para siyang napapaso sa hawak nito. At masyado itong malapit! Nasa gitna ng mga hita nito ang mga hita niya!
Hindi siya nito muling pinansin. Hinila niya ang kamay nang mag-uumpisa na sana itong linisin ang sugat niya pero muli siya nitong tinaliman ng tingin. Mahinang hinila nito ang kamay niya at ginamot iyon. Inirapan niya ito at inabala na lamang ang sarili sa pagtitingin muli ng kung ano'ng mayroon sa kwarto nito.
Nangunot ang noo niya nang makita ang isang wooden shelve na puno ng regalo sa tabi ng book shelves nito. Hindi niya alam kung may laman ba iyon o disensyo lang na ganoon. Parang hindi bumabagay ang makukulay na gift wrapper niyon sa kabuoan ng silid na tanging gray at black lang ang makikita.
"May iba bang masakit sa 'yo?" tanong ng binata kaya nabaling muli ang tingin niya rito. Abala ito sa paglalagay ng antiseptic sa kanyang sugat.
"Wala." Gusto rin sana niya itong tanungin kung may masakit ba rito. Malakas ang pagkakatumba nila kanina at nadaganan niya pa ito. Pero hindi niya itinuloy. Baka isipin pa nitong nag-aalala siya rito.
"May nakaaway ka ba o may kilala ka bang galit sa 'yo?"
Nagsalubong ang mga kilay niya sa tanong nitong iyon. "Bakit mo naman itinatanong? Pati ba naman iyon ay pakikialaman mo pa?"
Umangat ang tingin nito sa kanya at mariin siyang tinitigan. "Palagi mo na lang bang sasagutin ng tanong ang bawat tanong ko?"
Inirapan niya ito saka sumagot, "Maraming galit sa akin."
Umangat muli ang tingin nito sa kanya saka napapailing na ibinalik ang atensyon sa kamay niya.
"Iyan ang napapala ng mainitin ang ulo."
Ramdam niya ang inis sa boses nito. Napaingos siya pero totoo naman iyon. Masyado ng nagiging mainitin ang ulo niya. Kapag alam niyang naagrabyado siya ay talagang haharapin at lalabanan niya iyon. At kahit hindi. Kapag nasaktuhang bad mood siya at kahit hindi sinasadyang maapakan ang paa niya ay makakatikim talaga sa kanya. Hindi siya nananakit pero magaling siyang magpahiya.
"Sino sa palagay mo ang may kakayahang gumawa ng ganoon?"
"Gano'n?" kunot-noong tanong niya.
Nilagyan nito ang band-aid ang sugat niya bago siya tuluyang hinarap.
"Ikaw ang sadya ng taong iyon, Lauri," mariing sabi nito.
Bumalik sa isip niya ang nangyari sa kanya kanina lang. Naalala niya ang malakas na kabog ng kanyang puso nang makita ang papalapit na motor bike. Balak siyang banggain ng kung sino mang hangal na iyon? Tumirik ang mga balahibo niya sa naramdamang takot pero hindi niya ipinahalata sa binata.
"Hindi ko alam," aniya habang nag-iisip.
"Wala kang maisip?"
Umiling siya. Wala siyang maisip na gagawa niyon sa kanya. Sino naman kaya iyon? "Si Lucy?" wala sa sariling sambit niya.
"Sino si Lucy?"
Natauhan siya sa tanong ng kaharap. "School mate kong bitch. Kahapon lang ay pinalayas at ipinahiya ko 'yon noong birthday party ni Hera."
Umasim ang mukha ni Isaak sa sinabi niya.
"Kung bakit natuto kang makipag-away kung kailan tumatanda ka," naiiling nitong ani.
"Ano kamo?!" Mahina ang pagkakasabi nito niyon kaya hindi niya naintindihan.
"Wala! Sabi ko lalaki ang driver ng motor bike na iyon. Sigurado ako, Lauri."
"Lalaki? Wala naman akong nakakabanggang lalaki. At ikaw lang naman ang lalaking kinasusuklaman ko," direktang sabi niya rito.
Napapanganga si Isaak at parang hindi makapaniwala sa narinig sa kanya saka nakapikit na napailing.
Tumayo ito at dumukot sa bulsa ng slacks. "I need to report this."
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Mabilis siyang tumayo at pinigilan ito sa tangkang pagdutdot sa cell phone nito. Ilang ulit siyang umiling. "Magagalit sila Mommy kapag nalaman nila. Alam mo kung paano siya magalit, Isaak."
Nakita niya ang paglamlam ng mga mata nito. Minsan na nitong nakita kung paano magalit ang mga magulang niya. Alam niyang naalala nito iyon. Kung paano siya sinampal noon ng kanyang ina kahit kaharap ito.
"Kailangan ito dahil delikado, Lauri. Babanggain ka ng taong iyon. Hindi siya nagtagumpay ngayon kaya may posibilidad na uulitin niya pa ito. Kaligtasan mo ang nakasalalay dito."
Binitawan niya ang braso nito at taas-noo pa nang tumayo siya ng tuwid. "Mag-iingat ako."
"Hindi mo pwedeng ipagsawalang bahala iyon, Lauri."
"Mag-iingat nga ako! Doble ingat. Triple pa! Ayos na?" inis na niyang sabi. Natatakot siyang balikan siya ng lalaking iyon pero natatakot din siyang malaman ng kanyang mga magulang ang nangyari sa kanya. Hindi niya alam ang magiging solusyon ng mga ito pero may posibilidad na ang pagpapaalis sa kanya sa bansa ang unang maiisip ng mga iyon.
"Kahit kailan ang tigas ng ulo mo!"
Napatalon siya sa gulat dahil sa sigaw nito kasabay ng paghilamos ng kamay sa mukha nito. Sa ilang taon at ilang beses nilang pagbabangayan ay ngayon lang siya nito pinagtaasan ng boses.
"Bakit ba nagagalit ka? Baka nakakalimutan mong wala kang karapatang magalit!" balik niyang sigaw rito.
"Dahil nag-aalala ako, Lauri! Nag-aalala ako sa 'yo! Hindi mo ba naiinitindihan 'yon?"
Natulala siya sa mukha nito at para bang biglang naalis ang inis na nararamdaman niya. Hindi niya inaasahang maririnig niya ang mga salitang iyon mula kay Isaak.
"Nag-alaala akong baka balikan ka ng taong 'yon, Lauri," mabagal at puno ng pag-aalalang sabi pa nito.
⊱╼╼╾╾⊰
SALUBONG ang mga kilay na nakatulala siya sa nakapatay na telebisyon sa kanyang silid habang kinakagat-kagat ang kuko sa hinlalaki. Kanina pa siya roon at kanina pa rin siya sa ganoong pwesto. Pabalik-balik sa isip niya ang itsura ni Isaak kanina. Salubong ang kilay at bakas na bakas ang pag-aalala sa mukha.
"Nag-aalala?" Natatawa siyang napasinghal. Muli siyang sumeryosong tumitig sa telebisyon. "Bakit naman siya mag-alala? At kailan pa siya natutong mag-alala para sa akin?" Muli niyang kinagat-kagat ang kuko.
Kahit magkaibigan ang mga magulang nila ng binata ay hindi talaga sila nito nagkakausap noon pa man. Mas malapit siya sa bunsong kapatid nito na si Isaiah na kaklase niya noong elementarya at minsan naman ay nakakausap niya si Ismael na likas na mapagbiro. Pero si Isaak ay hindi dahil likas na tahimik ang binata. Ganoon din naman siya lalo na kung hindi niya ka-close ang isang tao. Ang tanging interaksyon nila ay pagbati at ngitian na parang obligado pa silang gawin dahil magkakilala. Nagkakasama sila kapag may okasyon o party ang alin mang pamilya o sa ibang mga kaibigan ng mga magulang nila pero hanggang doon lang.
Nag-umpisa lang naman ang galit niya sa binata at ang bangayan sa pagitan nila nang minsan magkaroon ito ng kasalanan sa kanya. Kasalanan na para s akanya ay napakahirap kalimutan.
Third year high school siya noon at fourth year college naman si Isaak. Sa parehong unibersidad sila nag-aaral nang mga panahong iyon. Marahil dala na rin ng lungkot sa kanilang bahay dahil palaging mag-isa kaya naman napabarkada siya. Bago kasi iyon ay bahay at school lang siya palagi.
Napuno ng kuryosidad ang mga kaibigan niya nang minsan nilang makitang naninigarilyo ang isa nilang kaklaseng lalaki sa isang sari-sari store doon sa tapat ng unibersidad. Sumubok ang mga ito. Doon pa sila pum'westo sa eskinita na nasa gilid ng sari-sari store para raw walang makakita sa kanila.
"Sige na, Lauri, subukan mo!" masayang alok sa kanya ng kaibigan.
"Hindi ba makakasama iyan sa kalusugan natin?" aniya habang nakatitig sa umuusok na sigarilyo. Nakangiwi siya dahil sa hindi maganda ang amoy niyon.
"Ano ka ba! Isa lang naman 'to. Hati-hati na tayong lima dito."
Kahit ano'ng tanggi niya ay pinilit siya ng mga kaibigan niya kaya naman kinain na rin siya ng kuryosidad. Gusto niya lang namang malaman kung ano bang lasa niyon.
Kinuha niya ang sigarilyo sa kaibigan at dinala iyon sa bibig. Katulad ng mga ito ay napaubo siya sa unang subok doon. Nagtatawanan sila habang panay pa ang pag-ubo niya. Pero natigilan siya, sapo pa ang leeg dahil sa ginawang pag-ubo, nang makita ang nakatayo sa bukana ng eskinita.
Nakapamulsa pa ang dalawang kamay sa itim nitong slacks, sa likod ng suot na reading glass ay seryoso lang na nakatingin sa kanya si Isaak Villavor.
"Kilala mo, Lauri?"
Nilingon niya ang mga kaibigan.
"Ha? A-Ah, o-oo. K-Kinakapatid ko."
"Nako, hindi kaya isumbong ka niyan sa mama mo?"
Takot na ang nababasa niya sa mukha ng mga kaibigan niya habang nakatingin kay Isaak. Nilingon niyang muli ang binata. Nakatalikod na ito sa kanila at naglalakad palayo. "Hindi naman siguro. Mabait naman 'yan."
"Sure ka, ha?"
Nakangiti siyang tumango sa mga ito pero hindi naalis ang kaba sa puso niya. Pilit niyang kinukumbinsi na hindi naman magagawa ni Isaak ang isumbong siya. Hindi man sila nito nagkakausap pero alam niyang mabait ito. Pero hindi pa rin nawala ang kabang nararamdaman niya dahil doon. Kaya naman napagpasyahan niyang kausapin ito.
Inabangan niya si Isaak sa building ng mga ito nang sumapit ang break nila. Hindi siya matatahimik hangga't hindi ito nakakausap.
"Oh, may high schooler dito. Ano'ng kailan mo, miss?" tanong sa kanya ng babaeng maikli ang buhok. Nakaupo ito at ang lima pang kababaihan sa hagdan. Iba ang uniporme ng mga ito sa uniporme ni Isaak kaya hindi niya sigurado kung ano'ng kurso ng mga ito. Sana lang ay kilala ng mga ito ang binata.
"Uhm, saan po ang room ni Isaak Villavor?"
"Isaak Villavor?" takang tanong ng bumati sa kanya. Kunot ang noo na nilingon nito ang mga kasama. "Kilala ninyo?"
Umiling ang dalawa.
"Ah, 'yong poging criminology!" sabi ng isang petite na babae. "Doon sa taas, miss. Pero ang alam ko may klase sila, eh."
"Okay, ate. Thank you po!" nakangiting aniya.
"Welcome!"
"Salamat po ulit," aniya bago siya dumaan sa gilid ng mga ito at umakyat. Pwede naman siyang maghintay na matapos ang klase nito dahil may fifteen minutes break sila.
Napakamot siya sa ulo nang makita ang apat na hilerang classroom. Nakalimutan niyang itanong kung alin sa mga room na iyon ang inoukupa nila Isaak.
Malalim siyang napabuga ng hangin saka humakbang. Nasa gilid siya, dahan-dahan sa paglalakad at pasimpleng sumisilip sa mga bintana. Mga nagka-klase pa ang nasa mga class room. Napapalingon pa sa kanya ang ilang mga estudyante kaya nahihiyang nakagat niya ang ibabang labi at bahagyang tumungo.
Wala sa una at pangalawang silid si Isaak. Nang nasa pangatlong room na ay eksaktong bumukas ang pinto niyon at naglabasan ang maiingay na estudyante. Natigil siya nang makita ang pamilyar na uniporme ng mga ito: kulay puti na may blue colar na katulad kay Isaak. Isa-isa niyang tinitingnan ang mukha ng mga dumaan sa harapan niya. Nang hindi niya makita roon si Isaak ay itinuon niya ang tingin sa pinto. Nakahinga siya nang maluwag nang makita ang paglabas nito. May kasama itong tatlong lalaki na nakikita na niyang madalas nitong kasama.
Palapit na sana siya sa mga ito nang magtama ang tingin nila ng binata. Saglit pa itong natigilan nang makita siya. Ngumiti siya rito, naging pilit pa yata iyon dahil sa kaba na nararamdaman. Parang niyon lang ito natauhan.
"Mauna na kayo," baling nito sa mga kasama.
"Bakit? Sabay-sabay na tayo."
"May kakausapin lang ako."
Itinuro siya ni Isaak kaya napalingon sa kanya ang mga kasama nito. Ngumisi pa ang mga ito kay Isaak. Pero agad namang tumango ang mga ito. Naglalakad na paalis nnang makita niya pa ang nakangising tingin ng mga ito. Parang nanunukso.
"Bakit narito ka?" tanong ni Isaak kaya napabaling siya rito. Nakalapit na ito sa kanya.
"A-Ah… Pwede ba kitang—" Napatingin siya sa mga dumadaan. Pagtataka ang nababasa niya sa mga tingin ng mga ito sa kanila. Nahihiya siyang napatungo. "Makausap?"
"Sundan mo 'ko."
Naglakad na si Isaak. Mabilis siyang sumunod dito. Panaka-naka siya nitong nililingon. Bumaba ito at nagtungo sa gilid ng building. Maliliit ang damo roon. Napapaligiran ng puno kaya naman kahit tirik ang araw ay maginhawa pa rin sa pakiramdam ang hangin.
"Ano'ng sasabihin mo, Lauri?"
"D-Doon sa..." Tumikhim siya at nag-angat ng tingin dito. Seryoso itong nakatitig sa kanya. "D-Doon sa n-nakita mo kanina. H-Hindi mo naman sasabihin kina mommy, 'di ba?"
Saglit siya nitong tinitigan, saka ito bumuntong-hininga.
"Bakit mo ginawa 'yon kung natatakot kang mapagalitan?" Malumanay ang pagkakatanong nito.
Napatungo siya. Hindi niya nagawang sagutin iyon. Hindi niya alam kung tamang sabihin na nadala siya ng pagiging kuryoso.
"Hindi ko na uulitin 'yon," tanging nasabi niya.
Narinig niya muli ang malalim nitong buntong-hininga. "Okay. Hindi ko sasabihin.
Nagliwanag ang mukha niya sa narinig. Mabilis niyang naiangat ang tingin dito. Hindi nagawang itago ang ngiti. "Promise?"
Tumango ito. "Basta huwag mo ng uulitin."
Nanlalaki ang mga mata at nakangiting tumango siya. "Oo, promise! Hindi ko na uulit."
"Okay. Promise, hindi ko sasabihin sa kanila," nakangiting ani Isaak.
Mas lumapad ang ngiti niya sa nakitang ngiti nito. "Salamat... Isaak."
Matunog itong ngumiti. Itinuro nito ang dinaanan nila kaya sabay na muli silang bumalik sa building. Pinanood pa siya nito habang nakatayo sa gilid ng building. Kumaway pa siya rito nang patawid siya patungo sa building ng high school.
Tuluyang napanatag ang kalooban niya. Nakabalik siya sa klase na walang iniisip. At nang pauwi ay hindi na rin niya inalala iyon. Isa 'yong pagkakamali na gusto na niyang kalimutan agad.
Pero hindi niya inaasahan na sa pag-uwi niya nang hapon na iyon ay galit ng kanyang ina ang sasalubong sa kanya. Nalaman ng mga magulang niya ang ginawa niyang iyon.
Nasa pinto pa lamang ay hinarangan na siya ng kanyang mommy. Halos hindi siya matingnan ng kanyang ama. At kapag napupunta naman sa kanya ang tingin nito ay naroon ang labis na disappointment bagay na tumatarak sa kanyang puso.
"You're only sixteen pero nagawa mo na ang sumubok ng ganoong bagay? You're such a disgrace!" palahaw ng kanyang ina kasunod ang malakas na sampal.
Lumipad ang ulo niya at parang may umugong sa kanyang tenga dahil sa lakas niyon. Hindi niya hinayaang pumatak ang luha kahit pa gaanong kasakit ang nararamdaman sa kanyang mukha at sa kanyang puso dahil alam niyang nagkamali siya.
Ngunit pag-angat niya ng tingin sa sala ay seryosong mukha ni Isaak ang tumambad sa paningin niya. Nakatayo ito habang nasa kanila ang paningin. Walang awa, pagsisisi o maski katiting na pag-aalala siyang nakita sa mga mata nito.
'Nangako ka.' Doon pumatak ang mga luha niya. Napayuko siya at tahimik na napahagulgol.
Simula noon ay parang natamnan ng galit ang puso niya para sa binata. Lumapit siya rito at nakiusap. Pinagsisihan niya ang nagawang pagkakamali at nangako siyang hindi na niya uulitin iyon. Nangako rin ito sa kanya pero sinira nito iyon.
Simula rin noon ay parang palagi ng lumilitaw na parang kabute si Isaak sa harapan niya bagay na labis niyang ikinaiinis kaya naman hindi niya napipigilang sumabog sa harap nito.
Isa lang naman ang gusto niya para maalis ang galit niya rito…
⊱╼╼╾╾⊰
"OOPS! Sorry!"
Natigilan siya sa paglalakad sa pathway nang may nakabunggo sa kanyang balikat. Nang lingunin niya iyon ay nakita niya ang nakangising si Lucy. Nakita niya ang mga bagong mukha na kasama nito sa bench.
Nilampasan niya ito. Wala siya sa mood na makipagtalo rito. Pero nang maalala ang kanina lang, o ang kahapon pa na iniisip niya ay muli siyang umatras papunta sa harap nito. Nawala ang ngisi nito nang makita siya.
"W-What? Nag sorry na 'ko, ah?"
Hindi siya umimik. Tinitigan niya lang ito habang tumatakbo ang mga tanong sa isip niya, "Makakaya kaya nitong gawin iyon? Ang ipasagasa siya? Ganoon na ba kalaki ang galit nito sa kanya para gawin nito iyon?"
"Ano bang itinitingin-tingin mo?" singhal nito.
Nangunot ang noo niya. Hindi niya maramdaman na ito ang gumawa niyon. Pero hindi siya pwedeng magpaka-kampante.
"Can you kill a dog?" wala sa sariling tanong niya.
"What? Of course not! I'm not a killer, bitch!"
Hindi niya pinansin ang sigaw nito. Hinaplos niya ng hintuturo ang kanyang labi habang malalim pa rin na nag-iisip.
Sinong magtatangkang saktan siya? At hindi lang basta pananakit ang pagsagasa ng motor. Pwede niya 'yong ikamatay. Kung gano'n, sinong may matinding galit sa kanya na kaya siyang patayin?
Inilibot niya ang paningin. Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakikiusyoso sa kanila ni Lucy. Sa gitna ng mga iyon natigil ang tingin niya nang may makitang nakasuot na denim jacket.
Naalala niya ang sinabi ni Isaak, "Itim ang big bike. Naka-denim jacket at itim na helmet ang driver. Sa lapad ng balikat no'n sigurado akong lalaki iyon."
Kumabog nang husto ang puso niya. Kuyom ang mga kamao, dahan-dahan niyang inangat ang tingin sa may suot ng denim jacket na iyon. Bahagyang bumukas ang bibig niya nang makita kung sino iyon.
⊱╼╼╾╾⊰
KUMAWAY si Daniel at mabilis na lumapit sa kanya. Umakbay pa ito. Kung sa ibang pagkakataon ay baka inalis niya iyon. Pero hindi niya magawang kumilos. Nakatuon lang ang pansin niya sa suot nito.
"Huy! Okay ka lang?" Natatawa nitong inuga ang balikat niya.
Hindi siya nakaimik. Natulala lang siya sa mukha nito. Sa halip na takot, may lungkot na pumasok sa puso niya. Siguradong masasaktan siya kapag nalaman niyang ito ang taong nakasakay sa motor na iyon nang gabing iyon.
"Okay ka lang, Lauri?" nag-aalala ng tanong nito. Nakakunot ang noo at may pag-aalalang nakatitig sa mukha niya. "May problema ba?"
Umiling siya pero mukhang hindi ito nakumbinsi roon. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at ipinantay ang mukha sa kanya.
Nang makita ang nag-aalalang tingin nito ay parang gusto niyang alisin ito sa listahan ng mga pwedeng manakit sa kanya. Pero muli niyang naalala ang mga napag-uspaan nila ni Isaak nang nagdaang gabing iyon.
"Magmasid ka sa mga nakakasalamuha mo. Kahit sa mga kaibigan mo, Lauri."
"Bakit pati mga kaibigan ko idadamay mo?"
"Dahil madalas ang malalapit pa sa atin ang may kakayahang saktan tayo."
"Gusto mong pati kaibigan ko pag-isipan ko ng masama?"
"Sinasabi ko ang posibilidad, Lauri. Sa dami ng krimeng nahawakan ko madalas kung hindi kamag-anak ay kaibigan ang salarin. Sasabihin mo sa akin kapag may napapansin ka. Kahit gaanong kaliit na bagay man 'yan. Ang mga pangalan ng mga nakaaway mo—"
"Ikaw ang unang una!"
Sinamaan siya nito ng tingin. "Sa palagay mo kaya kong gawin 'yon sa 'yo, Lauri?"
Nagkibit-balikat siya. "Iniisip ko lang ang posibilidad, Isaak."
Napatingala ito at marahas na nagpakawala ng buntong-hininga. "O, sige. Ako ang unang unang potential suspect."
Napanganga siya nang isulat nito ang pangalan nito sa white board na nakadikit sa dingding ng kwarto nito.
"Lauri!"
Napabalik ang diwa niya sa kasalukuyan nang marinig ang tawag sa pangalan niya. Nang tingnan niya ang dulo ng pathway ay nakita niya sina Hera, Paulene at Alicia. Noon niya lang din napansin na wala ng nakapalibot sa kanila. Maski si Lucy ay wala na roon.
"Ano'ng ginagawa ninyo rito?" tanong ni Hera na humalik sa pisngi niya.
"Nagkukumpulan kanina rito, eh. Mukhang pinag-init na naman ni Lucy ang ulo nito ni Lauri."
"Ha? Bakit? Ano'ng nangyari?" sunud-sunod na tanong ni Paulene.
"Wala," tanging naisagot niya kasabay ng pag-iling.
"Ha?"
"Okay ka lang?" nag-aalalang tanong sa kanya ni Alicia.
Tiningnan niya isa-isa ang mga kaibigan. May pagtataka na sa tingin ng mga ito sa kanya. Gusto man niyang burahin sa isip na maaaring isa sa mga ito ang salarin at sa halip sabihin sa mga ito ang nangyari nang gabing iyon ay hindi niya magawa.
Dahil nang mga oras na iyon, hindi niya mawari ang pakiramdam na naroon lamang sa paligid ang taong nagtangka sa buhay niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top