Chapter 4
"SI Sir Isaak ba iyon?"
Nilingon niya si Leticia nang mahimigan niya ang kilig sa boses nito. Puno ng paghanga itong nakatingin kay Isaak. Nakalimutan niyang ultimate crush nga pala ng sekretarya ng kanyang ina ang binata. Napapailing siyang naglakad patungo sa necktie section. Nakita na rin naman siya ng binata kaya bakit pa siya aalis. Baka isipin pa nitong iniiwasan niya ito.
Nasa gawi ng outerwear si Isaak. Katabi lamang niyon ang mga accesories such as necktie na pakay niya roon.
"Kahit saan talaga ako magpunta naroon ka, 'no?" pasaring niya rito nang dumaan siya sa gilid nito.
"Maliit lang ang Santa Rosa, Lauri."
"Oo, kasing liit ng pasensya ko kapag nakikita kita."
Nahuli niya ang tingin nito sa kanya. Malalim na bumuntong-hininga ang binata saka napailing.
Umikot ang mga mata niya sa ere. Dumiretso siya sa pagtitingin ng mga necktie. Bibilisan na niya para makaalis na agad siya roon. Dinampot niya ang dark blue with white pinstripe at ang red with blue and green golfer. Itinaas niya ang mga iyon at nakangusong pinag-isipan kung alin ang kukunin.
"Hi, Sir Isaak!"
"Hello, Miss Leticia! Kumusta?"
Saglit niyang tinapunan ng tingin ang dalawa. Magkaharap ang mga ito at parehong nakangiti. Mas doble nga lang ang lapad ng kay Leticia.
"Okay naman, sir. Namimili ka ba, sir, para sa birthday ni Sir Romeo?"
"Oo, eh. Masyado kasing busy sa trabaho kaya ngayon lang ako nagkaroon ng oras na makabili ng pangregalo."
Mahina siyang natawa dahil sa narinig kay Isaak. "Busy pero nagagawa mong pakialaman ang buhay ko."
Nanlalaki ang mga mata niya dahil sa hindi napigilang pagbanggit ng naisip. Pigil ang tawang nakagat niya ang labi. Nilingon niya ang dalawa na parehong nakatutok sa kanya ang tingin. Ngumanga siya, kunwaring nagulat, saka muling itinikom ang bibig. "Oops, sorry!" Maarte niyang itinakip ang kamay sa bibig.
Nakangiwi si Leticia na para bang nahihiya sa sinabi niya habang salubong naman ang kilay ng binata. Nagkibit-balikat siya. Hindi naman niya gustong makinig sa mga ito. Kasalanan ba niyang malapit lang ang mga ito sa kanya!
Itinuon na niyang muli ang tingin sa mga hawak.
"Ikaw, ano'ng ginagawa mo rito, Miss Leticia?"
"Sinamahan ko lang si Lauri, Sir. Utos ni Ma'am Barbara."
Ilang beses na nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang necktie. Ang dark blue with white pinstripe kasi ay maganda, nga lang ay parang napakasimple niyon. Samantalang ang red na mayroong blue and green golfer, maganda rin iyon sa mata, pero parang outmoded ang style. Well, para sa opinion niya. But it's cute dahil sa design niyon.
Dahil nahihirapan siyang pumili sa dalawa ay hinarap niya kung nasaan si Leticia para sana humingi rito ng tulong sa pagpili pero ganoon na lang ang gulat niya nang makitang nasa tabi na niya si Isaak.
"Ano ba!" Naihampas niya ang hawak na necktie sa binata. Parang pinunit na tela ang naging tunog niyon nang tumama iyon sa mukha nito. Rinig niya ang malakas na singhap ni Leticia, kasabay ng panlalaki ng mga mata niya. "Ba't ba nanggugulat ka!" singhal niya nang matauhan.
Dinama ni Isaak ng kamay ang pisngi nitong natamaan niya pero walang sinabi. Habol niya ang hininga dahil sa nabubuhay na inis. Inirapan niya ito saka tiningnan si Leticia. Pero hindi niya rin nagustuhan ang nakita rito. Napapailing ito sa kanya at parang nahihiya sa naging kilos niya. Nabugnot na siya kaya hindi na niya kinuha ang opinyon nito.
Ibinalik niya ang asul na necktie na naihampas niya kay Isaak. Walang paalam na tinalikuran niya ang dalawa. Narinig niya pa ang paghingi ng sorry ng sekretarya sa binata na lalong ikinainit ng ulo niya.
"Hindi ka man lang nag sorry kay sir. Nakakahiya, Lauri! Siguradong masakit iyon dahil malakas ang pagkakahampas mo," sabi sa kanya ni Leticia nang palabas na sila ng store.
"Bakit hihingi ako ng sorry. Eh, kasalanan naman niya! Nanggugulat siya!" Hindi naman niya sinasadya iyon. Nagulat siya ng binata!
"Hindi ka naman niya ginulat, Lauri. Lumapit siya sa 'yo at tinanong ka kung kailangan mo ng tulong sa pagpili—"
"Pwes, hindi ko narinig!"
"Minsan hindi masamang ibaba ang pride, Lauri. Kung alam mong nakasakit ka at kahit hindi mo sinasadaya, dapat lang na humingi ka pa rin ng tawad."
Padabog na binilisan niya ang hakbang at iniwan ang sekretarya. Kahit noong nasa escalator ay humahakbang na siya. Naghuhurimentado ang puso niya dahil parang inoobliga pa siya nitong humingi ng tawad kay Isaak. Eh, kasalanan naman talaga nito!
Dala niya ang inis hanggang sa makauwi. Kahit ano'ng patawag sa kanya ng ina noong magla-lunch ay hindi siya bumaba. Baka lalo lang madagdagan ang inis niya kapag nakarinig na naman siya ng sermon nito. Hindi na nga niya pinansin ang pagkasira ng umaga niya sa mga sermon ng ina pero lalo pa siyang iniinis dahil sa pagkikita nila ng Isaak na iyon.
"Kahit kailan talaga ay bwisit ka sa buhay ko, Isaak!" gigil na aniya habang masama ang tingin sa labas ng bintana at mariin na nakakuyom ang mga kamay sa unan.
Idinaan niya sa pagtulog ang galit na nararamdaman. Tatlong oras lang pero kahit papa'no ay nakabawi siya sa puyat at nabawasan ang init ng ulo niya. Alas dos y media ay nag shower na siya. Eksaktong alas tres ng hapon ay dumating nga ang makeup artist.
"Smile, Lauri. Nakabusangot na naman ang mukha mo. Sayang ang ganda mo kapag ganyan," puna sa kanya ng makeup artist.
Hindi niya ito pinansin. Inabala niya ang sarili sa pakikinig ng tugtugin habang nililikot nito ang mukha.
⊱╼╼╾╾⊰
"BAKA malasing ka hindi pa man nag-uumpisa ang party, Lauri."
Binuksan niya ang champagne na naroon na sa lamesa kahit hindi pa nag-uumpisa ang party. Nagsalin siya niyon at inisang lagok sa kabila ng nagbabantang tono ni Leticia. Sila lamang dalawa ang natira sa round 6-seater table na iyon. Abala ang mga magulang niya sa pakikihalubilo sa mga naroon na halos business partners at mga kaibigan din naman ng mga ito.
May iilang bumati sa kanya na kaedaran niya pero wala pa siya sa mood na makipagsabayan sa pakikihalubilo sa mga ito. Gusto niya munang ipahinga ang mga paa niya dahil nananakit na iyon sa ginawa nilang paglilibot para batiin ang mga itinuring na niyang mga tito at tita, habang naghihintay sa birthday celebrant.
"Bakit narito ka pa? Alas siyete na, ah?"
"Aalis bukas ang parents mo. Naghihintay ako ng habilin ni ma'am."
"Saan naman ang punta nila?"
"Tokyo," simpleng sagot nito.
Hindi na siya nagtaka roon. Hindi naman kasi natitigil sa pamamahay nila ang mga magulang niya. Kinuha niya ang bote ng champagne at muling nagsalin niyon sa champagne flute. Itinapat niya iyon kay Leticia na ikinakunot ng noo nito.
"Try it." Tango niya sa alak.
Malakas itong natawa. "Gusto mo bang masibak ako sa trabaho?"
Inirapan niya ito. "Party naman ang ipinunta mo."
"Ayoko, Lauri. Huwag mo akong demonyohin," umiiling na anito at dahan-dahang itinulak ang kamay niya.
Nilagok niya ang alak.
"Umiinom ka man lang ba ng alak?"
"Oo naman pero hindi kapag kasama ang mommy mo."
Muli niya itong inikutan ng mga mata. "Masyado kang natatakot doon."
"Matigas kasi ang ulo mo kaya hindi ka takot sa mama mong dragon."
Mabilis na nilingon niya ito. Napahagalpak siya ng tawa nang makita ang seryoso nitong mukha. Ito ang dahilan kaya gusto niya si Leticia. Naiinis man siya rito minsan pero nagustuhan niya kasi rito ang pagiging prangka nito. Hindi ito takot na siraan sa harapan niya ang magulang. In short, hindi ito plastik na tao. Hindi katulad ng iba na pupurihin sa harap niya ang mga magulang niya pero may naririnig din naman siyang mabaho 'pag nakatalikod na siya.
"Let's all welcome our birthday celebrant, Mr. Romeo Villavor."
Nabaling sa unahan ang atensyon niya nang marinig ang anunsyong iyon ng babaeng emcee. Nagtayuan ang mga bisita habang sabay-sabay na pumapalakpak. Maski ang kasama niyang sekretarya ay masayang nakipagsabayan sa mga iyon.
Lumagok pa siya ng alak bago tumayo. Napangiti siya nang magkahawak-kamay na lumabas ng garden ang kanyang Ninong Romeo at ang Ninang Josephine niya. Sa likod ng mga ito ay nakasunod ang nag ga-gwapuhang tatlong anak. Nawala lang ang ngiti at umarko paitaas ang isang kilay niya nang makita ang nasa hulihan ng mga ito. Pakiramdam niya ay umasim ang lalamunan niya nang makita ang panganay na si Isaak Villavor na may malapad na ngiti sa labi.
"Psh! Akala mong hindi nahampas ng necktie kanina," nakangising bulong niya.
Napalingon siya sa likuran nila nang makarinig ng iritan. Limang dalagita ang naroon. Hula niya ay nasa early 20's pa lang ang mga iyon. Narinig niya ang mga papuri ng mga ito para sa tatlong magkakapatid pero mas lamang ang pumupuri kay Isaak.
Hinarap niya ang unahan at tiningnan isa-isa ang magkakapatid. Talaga namang magaganda ang lahi ng kanyang ninong at ninang. Hindi maikakaila iyon dahil sa nag-ga-gwapuhang anak ng mga ito. Pero totoong umaangat ang panganay.
Tall, handsome and... hot—ganoon ilarawan ng mga kaibigan niyang sina Hera ang binata. Kahit suot nito ang uniporme ay umaangat ito sa lahat. Bakas ang kakisigan sa katawan; halatang hindi nakakaligtaang mag workout. Chinky ang mga mata ngunit pinapatapang iyon ng makakapal nitong kilay. Oval shape na may angular jaw na nakakagpagpadagdag sa maturity ng mukha ng binata. Napakalinis tingnan sa gupit nitong crew cut. Maski sa katawan ay malinis ito at akala mo'y hindi pinagpapawisan man lang. Kahit ngayon na nakasuot ng dark green long sleeve at pair of black slacks ay bakas pa rin dito ang taglay nitong kakisigan at kagwapuhan. Umaangat pa rin sa lahat sa kabila ng kasimplehan.
Makisig at gwapong lalaki naman talaga si Isaak. Kahit ano'ng galit niya sa binata ay hindi niya naman iyon itatanggi dahil kahit ang mahinhin na sekretarya ng kanyang ina ay nagkukumahog basta nariyan ang lalaki.
Napairap siya nang makita ang malapad na ngiti ni Leticia. Nakaupo na ang lahat pero nanatili itong nakatayo. Magkahawak ang mga kamay nito na animo'y nananalangin habang buong paghanga na nakatingin sa unahan, kay Isaak mismo.
"Makatitig ka parang hindi mo nakita 'yan kanina, ah?"
"Nakakabusog talaga kapag nariyan si Sir Isaak," sabi ni Leticia na parang hindi narinig ang sinabi niya.
Nagsasawang napabuga siya ng hangin dahil sa sinabi nitong iyon. "Hindi ka ba nasusuka sa kabusugan, Leticia?"
"Masusuka ka ba naman kung ganyang ka-hot ang nakikita mo? Kapag ganyan ang nakahain sa paningin mo, baka nasusuka ka na lulunukin mo pa."
Para siyang naduduwal sa sinabing iyon ng dalaga. Hindi siya makapaniwalang naririnig niya iyon sa mahinhin na sekretarya. Naiiling at walang paalam na iniwan niya na ito at naglakad-lakad. Hindi niya gugustuhing panoorin lang ang pagpapantasya nito sa lalaki.
Umalis siya sa garden. Mamaya na lamang niya babatiin ang kanyang Ninong Romeo dahil marami pa namang bumabati rito. Okay lang na panghuli siya kaysa makipagsabayan sa mga iyon.
Umikot siya sa harapan ng bahay. Napunta siya sa kabilang gilid ng kabahayan ng mga Villavor kung nasaan ang swimming pool. Balak niya sanang mag-ikot lang pero nang makita ang katahimikan doon ay pinili niyang mamalagi roon kahit saglit.
Hinubad niya ang silver pencil heels. Naupo siya sa gilid ng pool at inilublob ang paa sa tubig. Napangiti siya nang maramdaman ang lamig niyon. Binuksan niya ang music sa cell phone at dinukot sa kanyang clutch bag ang baon niyang wireless earbuds at isinuot iyon. Itinukod niya ang mga kamay sa magkabilang gilid niya at tiningala ang kalangitan na may mabibilang na mga bituin.
Muli siyang napangiti nang maramdaman ang katahimikan at kapayapaan sa isip. Minsan talaga ay masarap ding tumingala at panoorin ang madilim na kalangitan. Para niyong binubura ang kung ano mang alalahanin sa puso niya.
Dahil nalibang sa pag-iisa ay hindi niya na napansin kung gaano na siya katagal na nakaupo roon. Higit sampung kanta na yata ang napakinggan niya. Abala siya sa pagnamnam sa katahimikan nang may nagtakang sumira roon. Mula sa pagtitig sa madilim na kalangitan ay nalipat ang tingin niya sa kanyang balikat. May nakapatong na roon na isang itim na leather jacket. Napangiwi siya nang maamoy niya mula roon ang matapang na amoy ng pabango ni Isaak. Agad niyang tinabig paalis iyon.
Nakita niya sa gilid niya ang itim na oxford shoes at itim na slacks. Hindi na siya nag-abalang iangat pa ang tingin sa mukha nito dahil baka mainis lang siya.
"Anong ginagawa mo rito?" masungit na tanong niya na muling binalingan ang kalangitan
"Kanina ka pa ipinapahanap nila Tita Barbara pero hindi ka makita ni Leticia kaya sinabi kong ako na ang bahalang maghanap sa 'yo. Narito ka lang pala."
Hindi niya ito kinibo. Naramdaman niya ang paglalagay muli nito ng jacket sa likod niya. Muli niya lang 'yong tinabig.
"Gusto kong mapag-isa, Isaak," malamig na aniya.
"Malamig na. Kung gusto mong magpahinga ay ihahatid na muna kita sa guest room."
"Malapit lang ang bahay. Pwede akong umuwi kung gusto ko. At kung nilalamig ako hindi sana ako nagtitiis dito."
Narinig niya ang malalim na buntong-hininga nito. Muli nitong inilagay ang jacket sa kanyang likod. Nagdiwang ang puso niya nang wala na siyang narinig pang salita sa binata, tanging kaluskos lamang palayo. Nakahinga siya ng maluwag nang mapag-isang muli. Nanatili siya sa pwesto nang ilang minuto pa.
Nang magsawa sa pagtitig sa kalangitan ay nagpasya na siyang bumalik kung saan may nagkakasiyahan. Ngunit ganoon na lamang ang gulat niya nang makakita ng nakatayo hindi kalayuan sa kanya. Nasa tabi ito ng mga halaman sa gilid ng glass door. Hindi ganoong natatamaan ng ilaw kaya naman hindi niya makilala kung sino iyon.
"Sino 'yan?" Pilit niyang pinagmumukhang matapang ang sarili sa kabila ng kabang nararamdaman. Baka kung sino iyon na nagmamatyag sa kanya.
Humakbang ang bulto pasulong kaya mabilis ang naging pagtayo niya. Muntik pa siyang matumba at muntik ng mahulog sa pool kung hindi lang siya nahawakan ng taong iyon sa kamay. Hinila siya nito kaya naman napalapit siya rito. Lumapat ang kamay niya sa matigas nitong dibdib. Mabilis na napalitan ng inis ang nararamdaman niyang kaba nang makilala kung sino iyon. Ang kamay niyang nasa dibdib nito ay tumulak dito.
"Ano pang ginagawa mo dito?!" yamot na tanong niya kay Isaak.
"Tapos ka na bang makipagtitigan sa langit?"
Agad na lumago ang inis niya nang marinig ang tanong ng binata. Seryoso naman ang mukha at tono ng pananalita nito pero pakiramdam niya ay pinagtatawanan siya nito sa ginawa niyang pagtitig sa kalangitan.
"Hindi ko sinabing bantayan mo ako kaya huwag kang magreklamo!"
Mabibigat ang mga hakbang na umalis siya. Ang ganda-ganda na ng mood niya pero sinira na naman ng lalaking iyon! Kahit kailan talaga!
"Hindi ako nagrereklamo. At hindi kita binabantayan. Natatakot lang ako na baka agawan mo ng mga bituin ang langit kaya nanatili ako roon."
Mabilis niya itong nilingon habang nanlilisik ang mga mata. Naiinsulto siya sa sinasabi nito. Para siya nitong ginagawang baliw. Agad itong napatigil sa paglalakad at humakbang paatras. Kita niya ay pagpipigil ng ngiti nito. Kumuyom ang mga kamao niya.
"Aw!" malakas na daing ni Isaak nang ihampas niya sa mukha nito ang jacket nito.
Tumaas ang gilid ng labi niya roon. "Buti nga sa 'yo!"
Tatalikuran na sana niya ang binata pero mabilis siyang hinarangan nito. Nangunot ang noo niya at muling dumaloy ang inis sa kanyang dugo nang muli nitong ibalot sa likuran niya ang jacket.
"Ayoko na niyan!" asik niya at patampal na inalis iyon. Nalalaglag iyon sa damuhan. Walang imik na pinulot iyon ng binata at muli sanang ilalagay sa balikat niya pero mabilis siyang umiwas. "Ayoko sabi niyan, eh! Amoy na amoy ang pabango mo! Ang baho!"
"Mabaho pero ngayon ka lang nagreklamo? Isuot mo dahil malamig. Sipunin ka pa naman."
Dahil sa sinabi nito ay niyon niya lang napansin ang lamig ng hangin.
"You look magnificent, Lauri," papuri pa nito habang matamang nakatitig sa kanya.
Nangunot ang noo niya nang mabasa ang paghanga sa mga mata nito. Napakalapit nito. Nakaangat pa ang mga kamay sa kanyang balikat dahil sa pagpapatong ng jacket sa kanya.
"At hindi bagay sa suot ko ang jacket mo! Siguradong magrereklamo si Mommy," matalas pa rin ang tono niya.
"Hindi magrereklamo si Tita kapag sinabi kong ako ang nagsuot nito sa 'yo."
"Eh, 'di ikaw na ang malakas kay mommy!" asik niya saka inis na tinalikuran ang binata. Mabuti na lamang at hindi na siya hinarang nito kung 'di ay makakatikim na talaga ito. Baka matadyakan na niya ito.
Abala sa pagkain at pagku-kwentuhan ang mga bisita na nadadaanan niya sa bawat table. Nadaanan niya rin sa gitna ang dalawang table na inoukupa ng mga kapatid at mga pinsan ni Isaak.
"Lauri!" tawag sa kanya ng mga ito.
"Babalik ako," aniya habang nakaturo sa lamesa kung nasaan ang mga magulang, at habang patuloy na naglalakad. Agad na tumango ang mga ito.
Lumapit siya sa lamesa sa pinaka-unahan kung nasaan ang kanyang mga magulang na kasama ang kanyang ninong at ninang. Matalim ang tingin sa kanya ng ina, at naiiling naman ang kanyang ama, pero hindi niya pinansin ang mga ito. Sa tabi ng kanyang ninong siya lumapit.
"Hi, Ninong! Happy birthday po!" masiglang bati niya at bumeso siya rito.
"Oh, Lauri, hija. Thank you so much!" may halong pagtawa nitong ani.
Bumeso rin siya sa kanyang Ninang Josephine. "Good evening, ninang!"
"Good evening, hija!"
"Where have you been? Kanina pa kita ipinapahanap kay Leticia."
Pilit mang itinatago ng kanyang ina ang inis sa kanya ay hindi naman iyon nakatakas sa kanya. Hindi man matalim na tingin pero blangko iyon at alam niya kapag ganoon ito. Galit ito pero ayaw ipahalata sa mga kasama.
"Nasa pool siya, Tita, at nakikipagtitigan sa langit," si Isaak ang sumagot na nakatayo na sa likod ng ama nito.
Inirapan niya ito. Hindi na niya sinagot ang kanyang ina. Alam na rin naman nito kung saan siya nanggaling.
"Pupunta lang po ako sa table nila Isaiah," paalam niya na nasa kanyang ninong at ninang ang paningin.
"Kumain ka na muna, hija."
"Doon na po sa table nila, Ninong."
"Okay, hija. Enjoy the part."
"Kayo rin po, Ninong. Enjoy your party! Happy birthday po ulit!" Mahigpit niya itong niyakap patigilid. "Sana magustuhan ninyo po ulit ang gift ko."
"Sigurado iyan, hija," nakangiting sabi nito at mahinang tinapik ang braso niya.
Agad na siyang umalis doon pagkatapos magpaalam muli at lumapit sa mga kaibigan. Ni hindi na niya tinapunan ng tingin ang mga magulang.
"Lauri Jade!" masayang bati ni Astrid na unang nakakita sa kanya. Tumayo ito at nakipagbeso sa kanya. Agad na sumunod ang iba pa nitong pinsan.
Kaibigan na niya ang mga pinsan ni Isaak. Dahil ang pamilya ng mga ito at ang mga magulang niya ay matagal ng magkakakilala at magkakaibigan. Samantalang ang daddy ni Isaak ay matalik na kaibigan ng kanyang ama at ina simula noong kolehiyo ang mga ito.
Ang mga pinsan ni Isaak ay pare-parehong nasa mid-20's katulad niya. Si Isaak ang pinakamatanda sa mga ito. Twenty-nine na iyon.
"Bakit naman ngayon ka lang?" tanong ni Julius na umakbay sa kanya.
"Kanina pa ako rito, 'no! Kayo ang late dumating."
"Eh, saan ka galing? Bakit ngayon ka lang namin nakita?"
"Nakipagtitigan sa langit," natatawang sagot niya. Napangiwi siya nang maalalang sinabi iyon Isaak. "Bakit nga late kayo?"
"Nasa loob na kami kanina pa. Hinintay namin sila Tito. Paglabas namin wala ka naman."
"Nagpahangin lang ako."
"How are you, LJ?" mahinhin na tanong ni Marian.
"I'm good, 'Yan! I missed you!" Yumakap siya rito.
"I missed you, too, LJ!"
Hindi pa man sila nakakaupo ay agad na siyang inabutan ni Isaiah ng wine.
"Thanks!"
Kinindatan siya nito na ikinatawa niya.
"Kailan ka bumalik from Thailand?"
"Kagabi lang."
"Hindi ka man lang nagtext," nakasimangot na aniya.
Nagkibit ito ng balikat at ngumisi. "I was going to call you but someone stopped me. Huwag daw kitang abalahin dahil busy ka."
Nangunot ang noo niya sa sinabi nito. Pero hindi na lamang niya pinansin iyon. Hilig naman nitong magsabi ng kung anu-ano tulad niyon. Nagdadahilan lang yata. At totoo rin namang busy siya dahil nasa party siya ni Hera. Pero kung tatawag ito sa kanya at nalaman niyang nasa Pilipinas na ito, siguradong padadayuhin niya ito kagabi sa party ng kaibigan.
"Hey, may narinig akong chika!"
Nabaling ang tingin niya kay Roella. "Chika? Anong chika?"
"Nag-study ka raw ng business after mo maka-graduate sa fashion design. Is that true?"
Mabilis na naitikom niya ang bibig. Hindi niya inaasahan iyon. Nang tingnan niya ang magpipinsan ay nakatuon ang tingin ng lahat ng ito sa kanya. Kahit si Isaiah na may pilit na ngiti.
Hindi naman siguro lihim sa mga ito ang tungkol doon kahit pa hindi sila nagkikita ng mga ito. Busy na kasi ang mga ito sa mga trabaho at ang iba ay sa ibang bansa namamalagi kaya madalang na niyang makasalamuha. Kaya naman ngayon lang nagkaroon ng pagkakataon na tanungin siya ng tungkol doon. Pero hindi niya pa rin inaasahan iyon.
Ayaw niya sana sagutin iyon pero nang manatili sa kanya ang atensyon ng lahat at para bang sabik na nag-aabang sa sagot niya ay napakibit-balikat na lamang siya.
"It's mom's... choice."
"Sabagay! Dapat lang naman iyon dahil ikaw lang ang magmamana ng mga business ninyo." Pagtango ni Michelle.
"Pero dream mo ang fashion," may panghihinayang na sa boses ni Roella.
"She can still fulfill her dream naman but of course their businesses must be her first priority. Right, LJ?"
Naging pilit ang ngiti niya dahil sa naging topic nila. Gusto niyang lumayo roon nang hindi mawala sa kanya ang atensyon ng lahat at nang marinig ang iba't ibang opinyon tungkol sa sitwasyon niya. Nagtungo siya roon na hindi niya inaasahan na magigisa siya ng mga ito tungkol sa pag-aaral muli.
Lalayasan niya ang mga ito bago pa man siya masuka kahit wala pa man lang siyang nakakain at naiinom. Kung kinakailangan niyang tumakbo ay gagawin niya. At wala siyang pakialam sa kung ano mang sasabihin ng mga ito.
Umatras siya, handa ng tumakbo paalis doon. Ngunit natigilan siya nang may nabunggo siya sa kanyang likuran. Nang tingalain niya iyon ay seryosong mga mata ni Isaak ang tumama sa kanyang paningin.
Para siyang nakakita ng pag-asang makalayo roon nang makita roon ang binata. Mas pipiliin niyang hingin ang tulong nito na ilayo siya kaysa mamalagi roon.
Pero hindi pa man bumubukas ang bibig niya para utusan ito ay naramdaman na niya ang hawak nito sa kanang kamay niya saka siya hinila paalis doon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top