Chapter 3
NAGISING si Lauri sa sunud-sunod na katok sa pinto ng kanyang silid. Hindi niya pinansin iyon. Tinakpan niya ng unan ang mukha at balak sanang ipagpatuloy ang pagtulog pero hindi na siya nakabalik pa dahil agad siyang nilayasan ng antok.
Sinilip niya ang maliit na orasan sa night table. Napaungol siya sa inis nang makitang alas otso pa lamang ng umaga. Halos isang oras pa lang ang tulog niya!
Padabog na napaupo siya sa kama. Nakangiwing nasapo niya ang mga mata hanggang sa kanyang noo. Kumikirot ang ulo niya at mahapdi ang mga matang ramdam niya ang pamumugto dahil sa sobrang puyat.
"Ano ba!" singhal niya nang muling narinig ang katok.
"Bumaba ka na raw," mahinang ani ng naroon na para bang pinipilit niyong bumulong.
Nangunot ang noo niya nang makilala ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Bumaba siya ng kama at dumiretso sa pinto.
"Good mor—" natigilan sa pagbati si Leticia—ang trenta'y tres anyos na sekretarya ng kanyang ina at nakangiwing pinasadahan siya ng tingin.
"They're here?"
Nakangiwi pa rin nang tumango ito.
Nakapikit na napaungol siya. Naisandal niya ang ulo sa hamba ng pinto at nasabunutan niya ang sariling buhok. Nanatili siya sa ganoong pwesto. Ilang saglit lang ay naramdaman niyang tinatangay na muli siya ng antok. Kung hindi nagsalita si Leticia ay baka tuluyan siyang nakatulog doon.
"Lumakad ka na. Kanina ka pa nila pinapagising."
Tutuloy na sana siya sa paglabas pero pinigilan siya nito sa braso.
"Ano na naman ba, Leticia?" yamot niyang ani. Gusto niyang magdabog sa inis.
"Mag short ka muna kaya?"
Kunot-noong tiningnan niya ang sarili. Tanging puting T-shirt na hanggang hita ang suot niya. Panty lamang ang nasa ilalim niyon. Maski bra ay wala siyang suot. Muli niyang nasabunutan ang sarili at padabog na bumalik sa silid.
Dumiretso muna siya sa banyo at naghilamos. Mukha namang nakatulong iyon dahil tuluyang nagising ang diwa niya at para ring inanod ng malamig na tubig ang init ng ulo niya.
"Nagsuot lang talaga ng short," naiiling na ani Leticia nang lumabas siyang muli.
"Nagbra ako, oh!" aniya at itinaas pa ang T-shirt. Parang nandidiring ngumiwi ang dalaga. Kahit kailan talaga ay napaka-conservative ng sekretarya ng kanyang ina.
Tumuloy na siya sa baba. Nang makarating sa dining room ay sa tabi na ng kanyang mommy siya dumiretso. Nanlalaki na ang mga mata nitong nakatingin sa kanya pagkapasok niya pa lang doon.
"You cut your damn hair?" histerya nito nang makalapit siya. Para itong nakakita ng multo dahil sa panlalaki ng mga mata. Ano pa kaya kung itinuloy niya ang balak na kulayan iyon ng pula. Baka himatayin na ito.
Sa totoo lang ay na-engganyo lang siya noong sinamahan niya si Hera sa salon a day before her birthday. Napagtrip-an niya lang ipaputol ang hanggang dibdib niyang buhok nang makita sa isang magazine ang ganoong istilo ng buhok ng Pilipina actress na si Cristine Reyes. At hindi naman siya nagsisi roon dahil bumagay naman iyon sa maliit niyang mukha.
Pilit na ngumiti siya. "Good morning, too, mom!" Ipinantay niya ang mukha sa ina para sana bumeso rito pero iniwas nito ang sarili.
"You reeked of alcohol, Lauri Jade!"
Nangunot ang noo niya. Itinapat niya ang palad sa bibig at bumuga roon saka iyon inamoy. Amoy toothpaste pa nga iyon.
May turok man sa puso ang kilos at pananalita ng ina ay ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon. Ang kanyang ama naman na nakatutok sa kanila ang paningin habang ngumunguya ang binalingan niya.
"Good morning, dad," bati niya at hinalikan ito sa pisngi. Patuloy ito sa pag-aagahan, tango lang naging sagot sa kanya. Muli niya 'yong ipinagkibit ng balikat. Sanay na sanay na siya sa mga magulang. Sanay na siyang matagal na nawawala ang mga ito pero kapag nasa bahay ay mga pangit ang napupuna sa kanya at hindi man lang siya magawang kumustahin. Kaya nga sinanay niya rin ang sariling maging matigas ang puso.
Umikot siya at umupo sa tapat ng ina na hanggang sa mga oras na iyon ay nag-aapoy ang tingin sa kanya.
Napangiwi siya nang makita ang tipikal na agahan na nakahain sa lamesa. Wala siyang ganang kumain. Ganoon siya basta nakainom, maghapong tatanggihan ng kanyang tiyan ang kahit ano'ng klase ng pagkain.
Binalingan niya ang dalagang katulong na nakabantay sa likod ng ina. "Makikikuha ako ng malamig na malamig na soda."
"Hindi ka pa man lang nag-aagahan, Lauri, soda na agad ang ilalaman mo riyan sa tiyan mo?" mariing ani ng kanyang ama. Pailalim siya nitong tinitingnan.
"Nauuhaw ako."
Tiningnan niyang muli ang katulong. Galing sa kanyang ama ang tingin nito bago sa kanya. Nagkagat-labi ito at napatungo.
Napairap siya. Alam niyang hindi nito susundin ang utos niya dahil sa kanyang ama kaya siya na ang tumayo at pumasok sa kitchen.
Bumalik siya sa lamesa at umupo kahit pa nga wala siyang balak kumain. Baka may sasabihin ang kanyang mga magulang at kailangan niya munang tiisin ang galit ng mga ito bago iyon.
Binuksan niya ang namamawis na soda sa kabila ng nagbabantang tingin ng mga magulang. Napangibit pa siya sa sobrang lamig niyon matapos lumagok.
"Nagpakalango ka na naman sa alak kaya ngayon iyan ang agahan mo! At inumaga ka na naman ng uwi! Kailan ka ba mananawa sa pagpaparty na iyan, Lauri Jade? Tumatanda kang paurong!"
"Birthday kahapon ni Hera, mom," walang gana niyang sagot.
"Napapabarkada ka na naman, Lauri! Puro party lang naman ang iniintindi ninyo! Kung inaayos mo na lang ang pag-aaral mo natuwa pa sana ako sa 'yo!"
Tumalim ang tingin niya sa nakataob na plate na nasa harapan niya at mariin niyang naitikom ang mga bibig at mga kamay matapos niyang marinig ang mga sinabi ng kanyang mommy.
Madali talagang magsalita kung hindi naman ang alam ang mga nangyayari. Parang ang mga magulang niya. Napakadali para sa mga ito ang sermunan siya samantalang hindi naman alam ng mga ito kung bakit siya ganoon. Na ang mga ito rin naman ang dahilan.
Kahit naman pinagbubutihan niya ang pag-aaral at nakapagbibigay siya sa mga ito ng magagandang grado, marami pa ring nasasabi ang mga ito. Hindi rin naman siya mabarkadang tao simula't sapul. Naging ganoon lang naman siya nang manawa siya sa lungkot. Ayaw na ayaw na niyang umuuwi sa kanilang bahay na magdamag lang naman niyang uungkutan at dadamhin ang lungkot at pag-iisa.
At ngayon lang din naman siya nahilig sa mga pag-gimik-gimik na 'yan. Dahil noon namang nag-aaral siya ng fashion ay mas focus siya roon. Ayaw niyang papasok ng nakainom kaya hindi siya nahilig sa pag-iinom kahit ano pang pagyayakag ang gawin ng mga kaibigan niya noon. Tinatawag na nga siyang KJ ng mga 'yon pero ngingitian niya lang. Pero simula noong mag-aral siya ng business pakiramdam niya ay parang mali na lahat ng nangyayari sa kanya. Pakiramdam niya hindi na niya alam kung nasaan siya. Para siyang na-stranded sa isang lugar at hindi niya alam kung paano pa aalis doon.
Kung hindi dahil sa mga kaibigan niyang sina Hera baka noon pa man nabaliw na siya dahil hindi biro ang lungkot na hatid ng pag-iisa. 'Yong wala siyang mapagsabihan ng mga bagay-bagay. Kung bakit siya masaya o malungkot. Kapag may sakit siya o may nararamdaman sa puso. Oo, minsan gusto niya ng alone time para magawa niya ang mga gusto niyang gawin nang siya lang. Pero at the end of the day, hinahanap niya pa rin ang mainit na yakap mula sa mga magulang o sa kahit sinong mahal niya sa buhay bagay na wala siya sa loob ng pamamahay nila.
Kaya ngayon na nakakarinig siya ng ganoon sa kanyang ina, parang gusto na lamang niyang maiyak sa sobrang sama ng loob. Kung wala lang siyang natitirang respeto para sa mga magulang, baka hindi na niya haharapin pa sa hapag ang mga ito.
"Why did you even cut your hair? Akala mo ba ay bagay sa 'yo?" Hindi pa rin maalis ang talas sa pananalita ng kanyang mommy.
Bagay naman talaga, ah?
Bagay naman talaga sa kanya. Marami siyang papuri na narinig matapos niyang paiksiin ang buhok niya. Kahit nga siya gustong gusto ang bagong hairstyle niya. Ang kanyang ina lang naman ang alam niyang hindi matutuwa roon. Lahat naman ng gawin niya ay ayaw nito, at ganoon din naman siya. Lahat ng ipagawa nito sa kanya ay ayaw niya. Kaya para sa kanya ay patas lang sila.
"Summer na. Mabanas," sagot na lamang niya habang sinusuklay pa ng kamay ang buhok.
"You look like a tomboy, Lauri Jade," mahinahon man ang pananalita ng ama pero nakita niya ang dissapoinment sa mukha nito.
"Uso 'to, Dad," sabi na lamang niya.
Parehong matalim ang tingin sa kanya ng mga magulang. Nakangusong inilibot niya ang tingin sa taas para matakasan iyon at para lalong galitin ang mga ito. Sa huli ay sabay na lamang na napailing ang mga ito at nagpatuloy sa pag-aagahan.
Wala namang nagagawa ang mga magulang niya sa kanya. Kahit ano pang sabihin ng mga ito ay may isasagot pa rin siya. Noon ay iniiyakan niya ang ganoong pakikitungo sa kanya ng mga ito at ku-kwestyonin kung bakit ganoon ang mga ito sa kanya pero nanawa na siya roon. Tinapangan na lamang niya ang sarili para hindi na masaktan pa. Tumigas lang naman ang loob niya nang masunod ang mommy niya sa gusto nitong mag-aral siyang muli.
Kapag inisip ng iba na nagrerebelde siya dahil hindi nasunod ang gusto niya, sasabihin niya sa mga ito na subukan ng mga ito na maging anak ng mga magulang niya. At kapag naramdaman na nila iyon saka lang siya papayag na magsalita ang mga iyon ng kahit ano pang gustuhin nila.
Tinitigan niya ang kanyang mga magulang na abala sa pag-aagahan at panaka-nakang nag-uusap na parang hindi siya sinabuyan ng galit kanina.
College friends at naging business partners ang mga magulang niya bago pa man maging magkasintahan. Nagmamay-ari ang mga ito ng iba't ibang manufacturing businesses. Automotive parts, textile, electrical equipment, and toys na pinaka-unang naging business ng mga ito noong hindi pa man naikakasal ang mga ito.
Maraming kinikilig sa istorya ng mga magulang niya habang siya ay natatawa lang doon. Dahil nakikita niyang negosyo lang ang pagpapakasal sa mga ito. Baka nga kaya hindi niya maramdaman ang pagmamahal ng mga ito sa kanya ay dahil wala namang pagmamahal na nararamdaman ang mga ito sa isa't isa. Hindi niya nakitang naglalambingan ang mga ito pero hindi nawawalan ng pag-uusapan even outside their businesses. Naisip niyang nagkakasundo ang mga ito dahil pareho ng ugali. Parehong strict at perfectionist.
"Sumama ka kay Leticia at kunin ninyo ang pinagawa kong dress sa shop ni Bryan," mayamaya ay sabi ng kanyang ina.
"Dress?" takang tanong niya. Agad na lumukot ang noo niya. Isasama na naman ba siya ng mga ito sa boring na business party ng mga ito? "Para saan?"
"It's your Ninong Romeo's birthday, Lauri," paalala sa kanya ng ama.
Napanganga siya. Nawala sa isip niya ang tungkol doon. Kaya pala naroon na ang mga ito nang ganoong kaaga. Galing ang mga ito sa Malaysia para sa isang business trip. Kung uuwi man ang mga ito kapag galing sa labas ng bansa ay madalas gabi pero hindi ganoong kaaga.
"Lumakad na kayo," utos ng ina. "At three ay narito na ang makeup artist kaya magmadali kayo."
Hinilot niya ang sentido at pasimpleng umirap. Alas otso y media pa lamang ng umaga at may anim na oras pa bago mag alas tres. Hindi naman sila aabutin ng anim na oras sa pagkuha lang ng dress pero ang mommy niya akala yata'y sa Maynila pa sila ba-biyahe kung magmadali.
"Ayokong kung saan-saan ka pa magpupunta at mahuhuli sa party ng Ninong Romeo mo, Lauri Jade," bilin pa sa kanya ng ama bago pa siya makaalis sa hapag.
Nakita niya si Leticia sa kanilang sala, abala ito sa hawak na iPad. Umakyat siya at gumayak. Kahit pa namimigat ang ulo ay nagawa niya pa ring mag shower. Pagkalabas niyang muli ng silid ay nakaabang na roon si Leticia.
"Mini skirt and tank top? Nako, Lauri, hindi mo gugustuhing makita ka ng mommy mo na ganyan ang suot. Mabuti sana kung dito lang sa bahay ninyo." Lumilinga at bakas ang kaba sa mukha nito.
Hindi niya pinansin ang mga sinabi ni Leticia at nagpatuloy sa pagbaba ng hagdan.
"Hindi ka ba magpapalit man lang?" tanong nito nang makalabas sila ng bahay.
"Pinagagalitan ka rin ba ng magulang mo kapag ganito ang suot mo?"
"Hindi naman ako kailanman nagsuot ng ganyan."
Nilingon niya ito at pinasadahan ng tingin. Napangiwi siya at napailing nang makita ang suot nito. Parang siya ang binabanas para rito. Naka-two piece suit kasi ito. Maiintindihan niya sana kung malamig ang klima ngayon sa Pilipinas pero hindi. Tirik na tirik ang araw. Sana man lang ay nag dress na lang ito.
Sabagay hindi rin naman ito papayagan ng kanyang mommy. Masyado 'yong istrikta kahit pagdating sa pananamit ng sekretarya nito. Lahat ay napupuna. Nagtataka nga siya kung paano nakakatagal doon si Leticia. Naisip niyang siguro'y malaki magpasahod ang kanyang mommy.
⊱╼╼╾╾⊰
NAKARATING sila sa Bryan's Boutique. Agad siyang nanamlay nang makapasok doon. Hindi na yata kailanman maalis pa ang pait sa puso niya sa tuwing pupunta siya roon.
Nasa pinto pa lang ay agad na silang sinalubong ng kanyang Tito Bryan. Bumeso ito sa kanya.
"Ang aga mo naman?"
"Si Mommy, eh."
Tumatango-tango ito. Alam na nito ang ibig niyang sabihin doon dahil kilang kilala nito ang mommy niya.
College friends at matalik na kaibigan ng kanyang ina ang Tito Bryan niya. He's gay pero lalaki pa rin kung manamit. At hindi rin nito gusto ang nagpapatawag ng ate or tita. Sa totoo lang ay mas close pa siya rito kaysa sa kanyang ina. Tito at kaibigan kung ituring niya ang kanyang Tito Bryan. At kung hindi naunsumi ang plano niya ay business partners din sana sila.
Iyon ang kauna-unahang shop ng kanyang Tito Bryan dahil namalagi ito nang maraming taon sa London. Kaya naman noong malaman nito na tulad nito ay fashion din ang pinapangarap niya ay ito mismo ang nag-alok na magsosyo sila sa boutique nito. Iyon daw ang stepping stone niya to enter a fashion insdustry.
All support ang Tito Bryan niya sa kanyang pangarap. Kaya nga nang malaman nito ang pagsabutahe ng kanyang ina sa pangarap niya ay galit na galit din ito. Matagal din na hindi nag-usap ang Tito Bryan at ang mommy niya dahil doon. Pero dahil matigas ang lob ng mommy niya ay ang Tito Bryan niya pa ang unang bumasag sa nakaharang na pader sa mga ito.
"Bagay na bagay sa 'yo ang kulay na 'yan, Lauri!" namamanghang ani Leticia na nasa kaliwang gilid niya at nakatingin sa repleksyon niya sa salamin.
"Korek, girl! Perfect talaga ang pagkakapili ng mommy mo, Lauri!" tili pa ng kanyang Tito Bryan.
Pinakatitigan niya ang suot na one shoulder wrap dress mula sa whole body mirror. Hanggang ibaba lamang ng tuhod ang haba niyon. Ice blue ang kulay niyon kaya mas umaangat ang kaputian niya. Simple lamang ang damit pero napaka-eleganteng tingnan. Malambot din sa katawan ang satin fabric na ginamit doon na isa sa nagustuhan niya.
Agad siyang nagpalit. Nang makalabas sa fitting room ay nakaupo na si Leticia sa lounge area at abala sa pagkain ng macaron at iced tea na inihain ng staff habang nakaharap muli sa iPad nito. Siya naman ay lumapit kay Bryan na nasa tabi ng counter.
Sumisimsim siya ng iced coffee na iniabot sa kanya ng Tito Bryan niya. Pinapanood niya ito nang ito mismo ang nagsilid ng dress sa garment bag.
"Hindi ka pupunta sa party ni Ninong Romeo?"
"I don't know, hija. Marami akong kliyenteng hinihintay. Siguro ay ipaaabot ko na lang ang gift ko."
"Gabi pa naman ang party."
Tiningnan siya nito at nginitian. "Maaga rin ang flight ko bukas dahil may client ako sa Bali kaya hindi talaga ako pwede mamaya, hija."
Napa-ingos siya. "Sayang! Ang boring ng party kapag wala ka."
"For sure naroon ang mga kaibigan mo." Nanlaki ang mga mata nito. "Oo nga pala, hindi kayo nagpang-abot ng kinakapatid mo. Kaalis-alis niya lang nang dumating kayo kanina. Pareho kayong nagmaaga, ha!"
Nangunot ang noo niya. "Sino? Si Isaiah? O si Ismael?"
Umirap ito sa kanya. "Gaga! Si Isaak!"
Napangiwi siya. Itinaas niya ang kamay at itinapat iyon sa harapan nito. "Please, huwag kang magbanggit ng kung anu-ano. Ayokong masira ang araw ko."
Napahalakhak ito. "Magkaaway pa rin ba kayo? Dios mio, ang tatanda ninyo na, Lauri Jade!"
Hindi siya sumagot at ipinagpatuloy ang pagsimsim sa inumin. Nagbibingi-bingihan.
"Ano ba kasing pinag-aawayan ninyo?"
Hindi pa rin siya sumagot. Hangga't maaari ay ayaw niyang pag-usapan iyon.
"Baka kagaganyan ninyo kayo ang magkatuluyan, ha?" Nanunukso ang tingin nito sa kanya.
Nagkunwaring naduduwal siya. "Pwede ba! Nakakadiri!"
"Hoy, Lauri! Sampalin kita riyan! Saang banda ng kagwapuhan ng batang iyon ang nakakadiri?" Umirap ito pero agad na bumalik ang nanunuksong tingin. "For sure maganda ang magiging anak ninyo."
Disgusted na napangiwi siya. "Tito! Kung anu-ano'ng sinasabi mo!"
Malakas muli itong humalakhak. "Napaka-arte mong bata ka!"
"Akina nga iyan!" Kukunin na sana niya ang garment bag pero iniiwas nito iyon. "Tito!" padabog na maktol niya.
Nakangisngis at nanunukso pa siya nitong tinitigan. Dahan-dahan nitong inilapit sa kanya ang garment bag. Nang aabutin na niya ay bigla nitong inilayo iyon at saka humalakhak. Ilang beses pa nitong ginawa iyon. Halos sumampa na siya sa counter para maagaw iyon. Naiiling na napakamot siya sa ulo. Magsi-singkwenta na ang kanyang Tito Bryan pero minsan talaga ay para pa rin itong bata.
"Nagmamadali kami! Sige, lagot ka kay mommy!" parang batang aniya.
Muling napahalakhak ang kanyang Tito Bryan at saka ibinigay sa kanya ang garment bag. Mabilis niya 'yong hinablot dito. Inungusan niya pa ito bago niya tinalikuran. Nagmamadali naman si Leticia na tumayo bitbit pa ang isang macaron nang makita siya.
"Balik ka kapag ikakasal ka na, ha! Ako ang mag-gagawa ng wedding gown mo!" Rinig niya pang sigaw ng Tito Bryan niya bago pa man sila makalabas.
Nanlalata na napahinga siya ng malalim nang makaupo sa kotse. Kapag talaga ang Tito Bryan niya ang kasama niya ay nauubos ang energy niya. Hilig nito ang tuksuhin siya. Okay lang naman dahil hilig din naman niya ang tuksuhin ito lalo kapag magkasama sila at may nakita at natipuhan itong lalaki. Palagi niyang sinasabi na aagawin niya iyon dito. Ayaw niya lang talaga kapag kay Isaak na siya nito idinidikit. Hindi niya makuhang magalit dito pero ipinapakita niyang naiinis siya bagay na ikinatutuwa pa nito lalo. Parang si Hera!
Pagkakuha niya ng damit ay nagpasama siya kay Leticia sa Solenad. Balak niyang bumili ng regalo para sa kanyang Ninong Romeo. Nawala talaga sa isip niya ang tungkol sa kaarawan nito dahil last week ay naging abala sila sa pagpa-plano para sa 20th birthday party ni Hera.
Nang makarating sa mall ay dumiretso siya sa second floor kung nasaan ang mga luxury brand stores at doon sa Tommy Hillfiger niya napiling humanap.
Didiretso na sana siya sa necktie section pero mabilis na natigil sa paghakbang ang mga paa niya nang makita ang taong nakatagilid sa gawi nila. Umikot ang mga mata niya. Tatalikod na sana siya at lalayas na roon ngunit bigla na lamang itong nag-angat ng tingin at sa gawi niya pa talaga iyon tumama.
"Haist! Kapag minamalas ka nga naman talaga!" mariing bulong niya sa sarili.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top