Chapter 2
ALAS kwatro y media ng madaling araw ay naroon pa sila Lauri sa club. Naubos na ang mga bisita ni Hera. Tanging ang kapatid nitong si Hernan kasama ang mga kaibigan niyon at ang isang grupo ng varsity player na nasa kabilang lamesa ang kasama nila roon.
Nagpatuloy siya sa pag-iinom. Si Daniel at Hera ay kanina pa tumigil. Samantalang tulala na sa kanila si Paulene at mukhang tulog na si Alicia na nakasubsob sa balikat nito.
"I want coffee to sober up," mahinang ani Paulene. Namumula ang buong katawan nito at namumungay ang mga mata.
"Tara sa Starbucks Tagaytay? Balita ko bago lang iyon," excited na mungkahi ni Hera. Hindi pa man sila umo-oo ay agad nitong kinuha ang makeup sa clutch bag nito at nagretouch.
"Sa palagay mo bukas pa 'yon ng ganitong oras?" pagsusungit ni Paulene.
Natigilan si Hera sa paglalagay ng lipstick. "Hindi ba iyon twenty-four hours?"
"Not sure." Nakasimagot na iling ni Paulene.
"Let's check it! So, ano, tara sa Tagaytay?" masiglang ani Hera na tiningnan sila isa-isa.
Umasim ang mukha ni Paulene. "Pero ang layo no'n!"
Nagtama ang tingin nila ni Paulene. Nakasimangot siya nitong inilingan. Alam niyang ayaw nito sa gusto ni Hera pero hindi nito lubusang matanggihan ang kaibigan nila.
"Maaga pa naman, eh. Sige na, Pau!"
"Siya ang tanungin mo." Turo sa kanya ni Paulene.
Nakangising binalingan nga siya ni Hera. Nakipagtitigan lang siya rito. Sa totoo lang ay wala na siya sa mood na bumiyahe pa ng malayo kahit pa nga hindi naman aabutin ng isang oras ang papunta roon. Pagod pa siya sa ginawa nilang pagsasaya kanina.
"Tara, Lau?" tanong ni Daniel na nasa kabilang gilid niya nang hindi siya umimik.
"It's almost five," walang ganang aniya habang nasa suot na wristwatch ng binata ang paningin niya.
Napaungol si Hera. Lumapit ito sa kanya, yumakap sa braso niya at nagpuppy eyes. "Please, Lau?" paglalambing pa nito sa kanya.
"Mga nakainom tayo, Hera. Hindi mo gugustuhing mahuli for DUI after your birthday. Kung gusto mo namang makaranas na mapunta sa presinto, okay lang. Tamang tama, pagkatapak na pagkatapak mo ng bente anyos naranasan mo na agad-agad," mahabang litanya niya. Sinabi na niya lahat para hindi na ito magpumilit pa.
Wala na ngang nagawa si Hera kung 'di bumalik sa pagkakasandal habang nanghahaba ang nguso.
"Tara na lang sa ibang cafe. Or kahit convenience store. Gusto ko talaga ng coffee," ungot pa ulit ni Paulene.
"Tara na lang kina Kino. Wala ng tatanggi," masungit na ani Hera. Tinutukoy ang café ng pamilya ng kanyang ex-boyfriend na naroon hindi kalayuan sa university.
Tumango si Paulene. Tiningnan siyang muli ni Hera kaya tumango na rin siya. Tagumpay na napangisi ito.
"Miss mo lang si Kino, eh," natatawang tukso rito ni Daniel na inungusan lang ni Hera.
"Whatever!"
Itinigil na niya ang pag-iinom. Tumayo naman si Hera at nagtungo sa lamesa ng kapatid nito para magpaalam.
"Alice, let's go."
"Why, yaya?" naalimpungatan na ani Alicia.
"Yaya ka riyan!" asik ni Paulene na binitawan ang half asleep na si Alicia. Dahilan ng pagkakalaglag nito sa couch.
"Aw!" daing ni Alicia habang hawak ang ulo.
Malakas na humahagalpak ng tawa si Daniel. Paulit-ulit na sinasabi ang salitang yaya habang nakaturo kay Paulene. Napipikon na dinampot ng dalaga ang pulang plastic cup na ginamit nila kanina sa beer pong at ibinato iyon sa binata.
"Woah!" natatawang ilag ni Daniel.
Padabog na umupo si Paulene. Dinuro pa nito si Daniel.
Nagre-retouch pa si Alicia at Paulene nang makabalik si Hera. Nagkwento pa rito ni Daniel tungkol sa pagtawag ni Alicia kay Paulene ng yaya kaya naman tawa nang tawa ang dalawa at panay ang pang-aasar sa huli. Siya naman ay tumayo lang nang handa ng umalis ang lahat.
Dahil maluwag pa ang kalsada ay inabot lang ng sampung minuto ang naging biyahe galing sa club patungo kina Kino na usually ay kumakain ng dalawampung minuto at kung traffic ay mga kwarenta minuto o isang oras. Depende 'yon sa usad ng sasakyan.
Mula sa labas ng café ay nakita niya na iisang lamesa lang ang okupado sa loob. Isang grupo rin iyon ng mga kabataan. At sigurado siyang katulad nila ay bago pa lang matatapos ang araw sa mga iyon.
Iba't ibang oras nagsasara ang café nila Kino. Depende 'yon sa trip nito na siyang nagbabantay roon sa gabi. Swerteng inabutan nilang bukas iyon nang ganoong oras. O baka rin sinadya.
"Hindi ka papasok?" tanong sa kanya ni Daniel nang manatili siya sa labas. Samantalang nakapasok na ang tatlong babae.
"Maninigarilyo ako."
"Gusto mo ng hot coffee?"
"Hindi na. Hihintayin ko na lang kayo roon." Turo niya sa waiting shed na nasa tapat ng café.
Nagtungo nga siya roon sa waiting shed at naglabas ng sigarilyo pero hindi sinindihan iyon. Tiningala niya ang kalangitang unti-unting nagliliwanag. Malamig pa ang pang-umagang hangin kaya napapayakap siya sa sarili.
Malalim siyang napabuntong-hininga. Nanlalata siya sa pagod. Gusto na niyang humilata pero ayaw pang umuwi ng katawan niya.
Kahit pa sinabi niyang ayaw niya ng kape ay lumabas pa rin si Daniel na may bitbit para sa kanya.
"Hindi ba't sinabi kong ayaw ko?" masungit na aniya.
"Inumin mo na lang para mahulasan ka."
Masama niya 'tong tiningnan pero kinuha na rin ang inaalok nito. Hindi na naman siya lasing dahil nakailang pahinga rin naman siya kanina sa pag-iinom bago ulit sasabak kaya mabilis na rin siyang nahuhulasan.
Pinanood niya ang pagtawid sa kalsada nina Paulene at Alicia. Nagbubulungan ang mga ito saka magtatawanan.
"Naroon pa si Hera," natatawa pang pagbabalita ni Paulene.
"Mukhang balak pang makipagbalikan sa ex niya," sabi ni Alicia saka sabay na napahagalpak ng tawa ang dalawang bagong dating.
Nanatili sila roon, naghihintay kay Hera. Nasa tabi niya si Daniel habang ang dalawang babae ay nakatayo sa bukana ng waiting shed.
Mukhang masinsinan ang naging pag-uusap ni Hera at Kino dahil nagtagal doon ang kaibigan niya. Naubos na't lahat ang iniinom nilang magkakaibigan ay hindi pa ito lumalabas. Nakakaramdam na siya ng pagkainip kaya sinindihan na niya ang sigarilyong kanina niya pa hawak. Tyumempo nga lang na kung kailan humihithit na siya roon ay saka niya naman nakita ang paglabas ni Hera.
"Ano, kayo na ulit?" nanunuksong tanong dito Alicia. Ngumisi si Hera.
"Ay, ano, birthday balikan?" tukso rin ni Paulene.
Nakangising inismiran ni Hera ang mga ito saka siya binalingan. "Tara na?"
"Tapusin ko lang 'to." Angat niya sa kamay na may hawak na sigarilyo. Tumango ito saka lumapit sa dalawang dalaga.
⊱╼╼╾╾⊰
"LAURI, may parak!"
Dahil sa sigaw na iyon ay napakislot siya sa pagkakaupo at muntik niya pang maitapon ang hawak niyang sigarilyo. Napalinga siya pero walang nakita kung 'di ang iilang dumadaang sasakyan sa kalsada.
Masamang tingin ang ibinigay niya kay Hera nang matauhan. Nakatayo ito sa harapan ng waiting shed na akala mo'y nag-aabang ng masasakyan. Halos makita na niya mula sa pwesto niya ang ngala-ngala nito dahil sa ginagawa nitong pagtawa.
"Parak mo mukha mo! Ano bang hinihithit ko? Yosi lang naman, ah?!"
"Eh, bakit gulat na gulat ka? Masyado kang matatakutin!" Hindi natigil ang pagtawa nito kahit nagsasalita.
"Bwisit ka talaga kahit kailan!"
"Totoo naman ang sinasabi ko. Ayun, oh!" Nakanguso nitong itinuro ang daan sa kanan. Hindi niya iyon nakikita dahil nahaharangan ng puno.
Hindi niya iyon inintindi. Sa halip ay ipinagpatuloy niya ang paghithit sa nangangalahati na niyang sigarilyo.
"Nahuhulaan ko na kung sino ang sakay ng kotseng 'yon," ani Alicia na nasa tabi na ni Hera at tinitingnan ang itinuro nito.
"Kilala ko rin. At ni Lauri panigurado," ani Hera.
Inangat niya ang tingin kay Hera. Nanunuksong nakangisi pa rin ito. Tiyak na sayang saya sa naging reaksyon niya kanina. Hindi na siya nagpakita ng kahit anong reaksyon dito dahil sigurado siyang idadagdag lang nito iyon sa pang-aasar nito sa kanya.
"Ayan na si Sir Pogi," kinikilig na sabi Alicia.
"Pogi na ba iyon para sa inyo?" nakangiwing ani Daniel.
"Hoy! Huwag mong babalaking kumontra dahil isang libong ligo ang lamang ni sir sa 'yo, 'no!"
Naghagalpakan ang tatlong dalagita dahil sa sinabing iyon ni Paulene. Natitigan niya ang nakangising mukha ni Daniel na nakatayo sa gilid niya. Alam niyang napipikon ang binata pero idinaan na lamang nito iyon sa paghithit ng sigarilyo. Sa lahat ng ayaw nito ay ikinukumpara sa pulis na iyon.
Hindi nagtagal ay dumaan na sa tapat ng waiting shed ang police car. Sayang saya na siya nang makitang lumampas na iyon pero nang umaatras pa iyon ay sarkastikong ikinatawa niya.
"Umatras pa talaga," sabay na komento nila Daniel.
"Sir Isaak, magandang gabi—ay umaga!" bati ni Hera na tuwid na tuwid sa pagakaktayo at sumaludo pa rito.
Walang mababasang emosyon sa mukha niya habang nakatingin sa lalaking nakaupo sa front passenger seat ng sasakyan. Nakapatong ang braso nito sa nakabukas na bintana. Seryoso ang mukha habang isa-isang tinapunan ng tingin ang mga kaibigan niya. Huling tumama ang paningin nito sa kanya. Sinilip nito ang relo sa bisig bago nag-angat muli ng tingin sa kanya.
"Alas-singko bente na," anito na para bang ipinapaalala sa kanya iyon.
Suminghal siya at umirap. "O, ngayon?"
"Saan na naman kayo nanggaling niyan?"
Istrikto ang tono ng pananalita ng binata na dumadagdag sa inis niya.
"Pumarty lang saglit, Sir! Birthday kasi nito," si Paulene ang sumagot at itinuro si Hera.
Tinapunan ni Isaak ng tingin si Hera saka nito iyon mahinang bumati.
"Thank you, Sir!" ani Hera na nanatili ang tuwid na tuwid na tayo at muling sumaludo.
"Tapos na siguro ang celebration? Pwede na sigurong umuwi para makapagpahinga kayo?" mahinahon na ang pananalita ni Isaak na naroon kay Hera pa rin nakatingin.
"Hindi na kami mga bata para digtahan mo pa palagi!" inis na sabi niya bago pa man makasagot dito ang kaibigan. Hindi na siya makapaghintay na makaalis ito. Kung kaya niya lang itulak palayo ang sinasakyan nito ay kanina niya pa ginawa.
"Umaga na, Lauri."
"Huwag kami ang intindihin mo! Magtrabaho ka na lang, pwede?!"
Nagtitigan sila nito, matalim nga lang ang kanya. Sa huli ay ito ang sumuko at parang problemadong napailing.
"Araw-araw na lang ang mga 'yan, ah?"
Nagsalubong ang mga kilay niya at parang nagpanting ang magkabilang tenga dahil sa narinig na sinabi ng pulis na naroon sa driver's seat.
Bumaba ang tingin ni Isaak sa kanang kamay niya nang tumayo siya. Nakita niya ang pagdilim ng tingin nito roon at ang pagtiim ng bagang. Sinundan nito ng tingin nang iangat niya ang kamay at dinala sa bibig ang sigarilyo. Mas nakita niya ang pagdiin ng tingin nito sa kanya. Napangisi siya habang humihithit sa sigarilyo dahil sa nakitang reaksyon nito.
Lumapit siya sa sinasakyan ng mga ito. Sumandal siya sa kotse at bahagyang tumungo. Para bang walang kaso kay Isaak ang lapit niya rito dahil hindi man lang nito nagawang umatras kahit pa ilang pulgada na lamang ay hahalik na ang mukha niya rito. Maski siya ay hindi niya iyon pinansin, sa halip ay itinuon niya ang paningin sa driver's seat. Iyon ang pakay niya sa ginawang paglapit doon.
Nagtama ang tingin nila ng binatang pulis na naroon. Tumikhim ito at umiwas ng tingin matapos niya itong tingnan nang masama.
"Ano'ng sinasabi mo, Sir?" Pagdiriin niya pa sa huling salita.
Muli niyang narinig ang tikhim nito. Nanatili ang tingin sa unahan. Hindi naman 'to mukhang takot, pagkailang ang nakikita niya sa hitsura nito. Pinakatitigan niya pa ito nang matalim. Siniguro niya na kahit hindi ito nakatingin sa kanya ay mararamdaman nito ang masamang titig niya.
Tumayo siya nang tuwid. Nagbabalak pa siya na umikot sa gawi nito pero agad siyang natigilan nang maramdaman ang init na lumapat sa braso niya.
"Sumakay na kayo ng mga kaibigan mo, Lauri. Ihahatid na namin kayo pauwi."
Mariing hinawakan niya ang kamay ni Isaak at pabalang na inalis ang pagkakahawak nito sa kanya. "Hindi mo ba nakikitang may dala akong sasakyan?" Nakita naman nito kahapon nang umalis siya kaya bakit pa ito magpe-presintang ihatid sila. Kahit kailan ay pakialamero!
"Dala? Nasaan?" anito na tiningnan pa ang mga kamay niya.
Malakas na tawanan ang narinig niya. Natigil iyon nang nanlilisik ang mga mata niyang nilingon ang tatlong kaibigang babae na nasa gilid niya. Pero bakas sa nakatikom na bibig ang pagpipigil ng mga ito. Hindi nakayanan ni Hera kaya napabunghalit ito ng tawa.
"Pilosopo ka na ngayon?" nakangisi niyang binalingin muli si Isaak. Mabilis na kumulo ang dugo niya nang makita niya ang pagbaba ng gilid ng mga labi nito at ang biglang pagseryoso ng mukha nito.
At ngumingiti pa talaga? nag-ngingitngit ang kaloobang sigaw niya sa isip.
"Umuwi na kayo. Susundan namin kayo."
"Guwardiya ka na pala ngayon at hindi na pulis?" nakangising panunuya niya.
"Safety ninyo ang inaalala namin, Lauri Jade!" pagdiriin nito.
"Woah!"
Nilingon niyang muli ang tatlong babae sa gilid niya. Kita niya ang saya sa mukha ng mga ito. Nasisiyahan tiyak sa pagtatalo nila ng lalaki.
Napairap siya. "Makakauwi kami ng safe kahit wala kayo!"
"Umuwi na kayo kung gano'n."
"Uuwi lang kami kung aalis na kayo," mariing aniya. Nauubos na rin ang pasensya niya rito. Umalis siya sa pagkakasandal sa sasakyan at itinuro pa ang daan. "Layas na!"
"Kahit kailan ang tigas ng ulo mo!"
Gustong magdiwang ng puso niya nang mabakas ang galit sa tono ng pananalita ng binata. Galit siya sa lalaki dahil masyado itong pakialamero kaya naman makita niya lang ang inis nito ay para na siyang nanalo sa isang patimpalak.
"Shoo!" pagtataboy niya pa. Nakangising itinuro niyang muli ang daan. Halos magsalubong naman ang kilay nito habang nakatitig sa kanya nang mariin na lalong ikinalapad ng ngisi niya.
"Siguraduhin mong hindi na kayo magtatagal dito, Lauri."
Nakangusong nagkibit-balikat siya para asarin ito.
Nakipagtitigan ito sa kanya. Nakangisi man siya pero naroon pa rin ang talim ng titig niya sa binata. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito.
"Ikaw ang matanda—"
"Oo na!" malakas na sigaw na pumutol sa pagsasalita nito. Mas dumiin pa ang titig niya. Pakiramdam niya ay hiningal siya sa dalawang salitang isinigaw.
Malalim muli ang pinakawalang buntong-hininga ni Isaak. Napapailing na tinapik pa nito ang kasama at inaya na itong umalis.
Nag-iinit ang mga mata niya sa galit.
Dahil natalo siya nitong muli.
⊱╼╼╾╾⊰
"INAANTOK ka na ba o gusto mo munang tumambay?" tanong ni Daniel na nagmamaneho ng kanyang sasakyan. "Tara sa pantalan? Let's watch the sunrise."
Tiningnan niya ang kalangitan. Nababahiran na nga iyon ng kulay kahel.
"Dumiretso na lang tayo sa bahay, Daniel. Pagod na 'ko," walang ganang sagot niya na hindi nag-abalang lingunin ito.
Dahil mainit na ang ulo niya kanina ay agad siyang nagyaya sa mga kaibigan pauwi. Sakay ng kotse ni Hera ay humiwalay na sa kanila ang tatlo. Hindi na rin nakahuma ang mga ito dahil sa nakikitang galit niya. Si Daniel naman ang pinagmaneho niya ng sasakyan at inihabilin nito ang kotse nito kina Kino. Sa sobrang galit niya kanina pakiramdam niya ay hindi niya magagawang magmaneho nang maayos.
"Okay ka lang ba?" may pag-aalalang tanong nito.
Hindi siya sumagot. Rinig niya ang marahas na buntong-hininga nito.
"Badtrip kasing pulis 'yon!"
Napapikit siya nang maalala ang pagtatalo nila ni Isaak. Aaminin niyang sumabog siya sa huli nitong sinabi. At hindi niya matanggap na doon pa talaga siya nito natalo.
Totoong mas matanda siya sa mga kaibigan. Apat na taon ang agwat niya sa mga ito. Magkakaibigan na ang tatlong dalaga bago niya pa man makilala ang mga ito sa university. Samantalang si Daniel ay panay ang buntot sa kanya simula freshmen sila kaya naging kaibigan na rin ito ng tatlo.
Hindi siya tumigil sa pag-aaral, bumagsak, o kung ano pa man. Nakatapos na siya sa kursong fashion na siyang pangarap niya. Planado na niya ang lahat dahil akala niya'y magtutuloy-tuloy ang pag-abot niya sa pangarap pero hinarangan iyon ng kanyang ina. Kaga-graduate niya lamang nang sabihin nitong kumuha siya ng kursong related sa business.
"Nakuha mo na ang gusto mo. Ang gusto ko naman ang isunod mo, Lauri."
"Pero, mommy, paano naman 'yong mga plano ko na sinabi ko na sa 'yo? Alam mo kung gaano ko pinakahihintay ang makapunta sa London at makapag-aral doon. Pumayag ka pa nga na magsosyo kami ni Tito Bryan sa boutique na ipinapatayo niya."
"Darating ang araw na kakailangan ka sa kumpanya, Lauri Jade! Magagamit mo ba ang pinag-aralan mong 'yan sa negosyo natin?"
Mabilis na namalibis ang kanyang luha. Nangangatal ang mga labi niyang nilingon ang ama. "D-Dad," humihingi ng tulong at pagmamakaawang tawag niya rito.
Malalim ang buntong-hiningang pinakawalan nito. "Huwag ng matigas ang ulo mo, Lauri, at sundan mo na lang ang mommy mo."
Napahagulgol siya. "Sana sa umpisa pa lang sinabi na ninyo ang plano ninyong ito, mommy. Hindi kung kailan may natapos na akong unang hakbang para sa pangarap ko!"
Tinalukaran niya ang mga ito. Patakbo siyang umakyat sa kanyang kwarto at doon ibinuhos ang lahat ng sakit.
Abot-langit ang sama ng loob niya sa ina. Pakiramdam niya ay pinaasa lang siya nito na pwede niyang gawin ang kahit na ano. Na maaari niyang sundin ang pangarap niya. Pero hindi niya inaasahan na haharangan nito ang pinakamahalaga sa buhay niya—ang pangarap niya.
Malayo pa sa kanilang subdivision ay inaalis na niya ang suot na seatbelt. Itinigil ni Gabriel ang kotse sa tapat ng gate ng subdivision katulad ng utos niya. Bumaba siya at umikot sa tapat ng drivers's seat. Bukas na ang pinto niyon pero nanatiling nakaupo ang kaibigan doon.
"Ihahatid na kita hanggang sa bahay ninyo, Lauri."
"Huwag na, Daniel."
Nagtitigan pa sila ng kaibigan. Nanghihikayat ang tingin nito sa kanya. Sa huli ay wala itong nagawa kung 'di umiling at tumayo sa kinuupuan.
"Okay ka lang ba?" nag-aalala pa nitong tanong bago pa man siya makapasok sa kotse.
Pilit na ngumiti siya. "Okay lang. Ingat ka," aniya saka pumasok sa kotse at pinaharurot iyon.
Hindi niya nagawang bumaba agad ng sasakyan. Natitigan niya ang malaki ngunit walang kabuhay-buhay na bahay sa kanyang harapan. Ito ang dahilan kaya aaw na ayaw niyang umuuwi dahil ganitong ganito ang palagi niyang naaabutan. Tahimik at walang katao-tao. Nagagalit siya sa sarili dahil kahit matagal ng ganoon ay hindi pa siya masanay-sanay.
Malalim siyang napabuga ng hangin. Sumandal siya at mariing pumikit. Nilalamon ng inis, galit at lungkot ang kanyang puso. Sana pala ay pumayag siya sa alok ni Daniel na tumambay muna sa pantalan.
Hinihila na siya ng antok nang mapapitlag siya dahil sa narinig na katok sa bintana ng kotse. Agad na kumulo ang dugo niya nang makita roon si Isaak. Puting longsleeve na ang suot nito at hindi na ang asul na uniporme.
Nakailang katok pa ito. Padabog na binuksan niya ang bintana. "Ano na namang kailangan mo?"
"Baka makatulog ka pa diyan. Pumasok ka na sa bahay ninyo nang makapagpahinga ka na," puno ng kahinahunang anito.
Napairap siyang muli. Pakialamero talaga!
Napapagod na siyang makipagtalo pa kaya bumaba na siya ng sasakyan at mabilis na tinalikuran ito.
"Nasa business trip pa rin ba sila Tito?"
Hindi siya nag-abalang sumagot sa tanong nito. Dire-diretso ang lakad niya hanggang makapasok ng gate. Natigilan lang siya nang makitang muli ang madilim at tahimik nilang kabahayan at hindi naiwasang malungkot na natitigan iyon.
Napapiksi siya nang maramdaman niya ang marahang hawak sa braso niya. Pabalang niyang inalis iyon. "Huwag mo nga akong hawakan!"
Nagbuntong-hininga si Isaak. "Wala kang kasama rito, Lauri. Doon ka na muna sa bahay," mahinahong pananalita nito.
"At ano? Para mabwisit ako sa 'yo maghapon? Huwag na dahil sanay naman akong mag-isa!"
Mabibigat ang mga hakbang niya papalapit sa pinto ng kanilang bahay. Wala na rin naman siyang narinig pa sa binata. Tanging pagsara na lamang nito sa kanilang gate ang huling narinig niya bago pa siya makapasok sa kanilang bahay.
Hindi na siya nag-abalang magbukas maski isang ilaw. Hindi alintana ang kadiliman ay dire-diretso niyang tinahak ang daan patungo sa kwarto niya sa ikalawang palapag.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top