Chapter 12

NATIGILAN si Lauri pagkalabas niya ng silid nang umagang iyon ng Huwebes, ikalawang araw matapos ang nangyari noong gabi ng pagbabanta sa kanya. Kunot na kunot ang noo niyang nilingon ang magkabilang dulo ng pasilyo sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Mayroong anim na kalalakihan sa kanang pasilyo at anim din sa kaliwa. Seryoso ang mga mukha at tuwid na tuwid ang mga ito sa pagkakatindig.

Puno ng pagtataka siyang nagpatuloy sa paglabas ng silid ngunit habang pababa ng hagdan ay muli lang siyang napanganga dahil maski sa dulo niyon ay may nakabantay na dalawang kalalakihan. At hindi lang iyon, pagkababa niya ay ilang kalalakihan pa ang nakita niya sa paligid ng kanilang sala. Lahat iyon ay nakasuot ng itim na long sleeved polo at itim na slacks na para bang iyon na ang nagsisilbing uniporme ng mga ito.

Napahinga siya ng malalim. Muntik niya pang mahilot ang sentido. Hindi siya makapaniwalang makakakita siya ng ganoong karaming bodyguards sa loob ng kanilang pamamahay. Ayaw na ayaw ng parents niya na may bodyguards. Kaya nga ang dalawa ang laging magkasama. Maski nga katulong ay wala sila gaanong kasama. Isa lang o minsan ay dalawa. Hindi pa iyon stay in. Hindi niya alam kung wala bang tiwala ang mga magulang niyang magpapasok sa kanilang bahay o ayaw lang talaga ng mga ito ng ganoon.

Nagmadali siyang nagtungo sa dining room nang maulinigan ang boses ng kanyang ina. Umangat ang kilay niya nang makita nga roon ang mga magulang. Hindi pa umaalis ulit ang mga ito. Aalis man, iyon ay para lang magtungo sa main office ng kumpanya pero agad na bumabalik. Naninibago siya, sa totoo lang, pero hindi niya maitatanggi ang saya sa puso niya.

Napanganga muli siya at tuluyan niyang nahilot ang sentido nang makakita muli ng tatlong kalalakihan na nakatayo sa tabi ng bintana ng dining room hindi kalayuan sa lamesa. 

"Mom, hindi ba masyado naman yatang maraming bodyguards?" Nasa dalawampu yata iyon o baka higit pa. Sigurado siyang marami ring nakakalat sa labas ng kanilang bahay.

"Oh, good morning, hija!" nakangiting bati sa kanya ng ina. Bumeso siya rito at sa kanyang ama bago siya umikot sa upuan niya.

"Mom, ang daming bodyguards," ulit niya.

"Dapat lang iyan, Lauri. At kahit sa pagpasok mo ay pasasamahan kita."

"What? Huwag na!" mariing tanggi niya habang nanlalaki ang mga mata.

"Anong huwag na, Lauri Jade? Hindi maaari! Hindi ako makapapayag na may mangyari pang muli sa 'yo!"

Nasuklay niya ng kamay ang buhok. Baka pasamahan siya ng mga ito sa ilang bodyguards. Tiyak na katakot-takot na atensyon ang makukuha niya sa mga estudyante sa unibersidad. Ni hindi pa nga niya nasasabi sa mga kaibigan niya ang nangyayari sa kanya. Ayaw niyang mag-alala pa ang mga iyon.

"May nagbabantay na sa akin."

"At sino? Si Isaak? Alam kong hindi ka pababayaan ni Isaak pero may trabaho ang binatang iyon, Lauri. Hindi ka niyon bente-kwarto oras na matitingnan."

Napanganga siya. Kung bakit si Isaak agad ang naisip ng mga magulang niya ay hindi niya alam.

"Hindi naman kasi si Isaak ang tinutukoy ko."

"Kung gano'n, sino?"

"Naghire si Isaak ng bodyguard ko. Iyon ang nagbabantay sa akin simula noong..." Natigilan siya. Hindi niya magawang sabihin na simula noong nag-away sila. Tumikhim siya saka nagpatuloy, "Simula noong nangyari sa birthday party ni ninong. Nakabantay sa akin ang taong iyon hanggang sa loob ng university."

"Really?" Nakangiti ang kanyang ama. Nagkatinginan ang dalawa ng kanyang ina saka nakangiti ang mga itong tumango. "Hindi ko akalain na magagawa niya iyon. Hindi rin talaga ako binibigo ni Isaak."

Nangunot ang noo niya sa reaksyon ng mga ito. Napailing na lamang siya.

"Yes, Dad. Kaya, please, huwag ninyo na akong pasundan hanggang sa pagpasok."

"Pero mabuti na rin ang maraming nakabantay sa 'yo, Lauri," giit pa rin ng kanyang mommy.

"Kapag maraming nakabantay sa akin siguradong lalong gagalingan ng taong iyon ang pagtatago. Gusto ko na siyang mahuli nang sa gano'n ay mawala na ang takot ko. Please, mom... dad."

Bukod sa ayaw niyang makakuha ng maraming atensyon sa pagkakaroon ng bodyguards, ang bagay na iyon ang isa pa sa pinakadahilan niya. Naisip niyang kung maluwag ang sekyuridad niya ay hindi magdadalawang isip na balikan siya ng taong iyon. At kapag binalikan siya nito, sisiguraduhin niyang makikita na niya ang mukha nito.

Natatakot siya pero kahit pa siguro tutukan siya nito ng patalim ay hindi siya magdadalawang isip na lapitan ito at alisin ang kung ano mang takip nito sa mukha. Dahil hindi na niya makaya pa ang gigising sa umaga at ang unang gagawin niya ay ang luminga sa buong paligid ng kanyang silid dahil sa takot na baka naroon ang taong iyon. At hindi na niya kayang magtagal pa na dala niya ang takot na iyon sa mahabang panahon.

"Please?" pakikiusap niya pa sa mga magulang. 

Nakipagtitigan siya sa mga ito. Ilang saglit ay nagkatinginan naman ang mga ito, naiiling. Parang ayaw pa siyang pagbigyan.

"Nariyan si Isaak. Hindi niya ako pababayaan."

Hindi niya alam kung bakit nabanggit niya ang binata na para bang iyon na ang huling alas niya. Marahil ay dahil alam niyang malaki ang tiwala ng mga magulang niya rito. At maski siya, malaki ang tiwala rito. Hindi niya itatanggi na kaya malakas ang loob niyang lumabas ng pamamahay na wala ang mga bodyguards ay dahil alam niyang nariyan si Isaak at ganoon din si Eman.

Narinig niya ang pagtikhim ng mga magulang, at ang pagluwag ng ekspresyon ng ina sa mukha. 

"Okay, fine!"

Nakagat niya ang labi para pigilan ang ngiti.

"I'll talk to Isaak about this," sabi pa ng kanyang ama.

Hindi na siya nabahala roon dahil sigurado siyang katulad ng naiisip niya ang maiisip ni Isaak.

"Pero siguraduhin mong mag-dodoble ingat ka pa rin, Lauri Jade."

"Yes, mom!" malapad ang ngiting aniya.

Umakyat siyang muli matapos niyang makapag-agahan. Naghanda siya sa pagpasok. Yes, papasok siya. Ipagpapatuloy niya ang pag-aaral. Nagkausap na sila ng mga magulang niya tungkol doon. Humingi ang mga ito ng tawad sa kanya. Maayos na sa kanyang daddy dahil kahit ano raw ang gustuhin niya ay nakasuporta ito, pero hindi nabago ang isip ng kanyang ina. Gusto pa rin nito na mag focus siya sa pag-aaral at pagkatapos ay sa negosyo. 

"Ikaw lang ang anak namin kaya sa 'yo lang babagsak ang negosyong ito, Lauri."

Mukhang mahihirapan siyang baguhin ang desisyon ng ina. Ipipilit nito iyon, sigurado siya. Kaya kinumbinsi niya pa ito sa ibang paraan. Hindi na niya pinairal ang sama ng loob na nilayasan na rin naman siya. Pagkatapos talaga ng pag-uusap nila ng kanyang mga magulang nang nagdaang araw ay parang binura ang lahat ng pangit na emosyon sa puso niya.

"Fine! Tatapusin ko ang pag-aaral at pag-aaralan ang mga negosyo natin. Sa isang kondisyon."

Umangat ang kilay ng kanyang ina. "At humihingi ka na ng kondisyon ngayon? Okay! I'll listen first and then I'll think about it."

"Susundin ko ang gusto ninyo, mom, pero gusto ko ring ipagpatuloy ang mga dati kong plano."

Muling tumirik ang isang kilay nito. "At paano mo magagawang pagsabayin iyon, ha, Lauri?"

Ngumiti siya sa ina. "When there's a will, there's a way, mom."

Nakipagtitigan sa kanya ang ina. Sa huli ay ito ang kumalas. Malalim itong bumuntong-hininga.

"If that's what you want," ani ng kanyang mommy bago ito umalis ng veranda.

Napaisip siya habang sinusundan ng tingin ang kanyang ina papasok ng bahay. Mukhang napasubo siya sa mga sinabi niya rito. Sa totoo lang, umaasa siyang kapag sinabi niya iyon ay mapipilitan ang kanyang ina na pagbigyan na lamang siyang ituon ang atensyon sa fashion pero hindi pa rin tumalab iyon. Kaya itutuloy na lamang niya ang sinabi niya rito. Magagawa niya ang gusto nito at sa gano'ng paraan ay magagawa niya rin ang gusto niya. Hindi niya pa alam kung paano, at alam niyang mahihirapan siya, pero sigurado siyang makakaya niya.

"Aren't you mad at your mom?"

Umangat ang tingin niya sa kanyang ama. Nananatili itong nakaupo sa harapan niya. 

Nakangiti siyang umiling. "You know what, dad, for some reason, hindi ko magawang magalit ngayon kay mommy. I should be angry, right?"

Mahinang natawa ang kanyang ama dahil sa naging tanong niya. "Minsan hindi ko rin maintindihan ang mommy mo pero hindi ko rin makuhang magalit sa kanya."

Nagkatingan sila ng kanyang daddy at saka sabay na natawa.

Ngumiti ang kanyang ama. "Alam mo ba kung bakit toys ang unang negosyo namin?"

Umiling siya. Sa ganda ng ngiti ng kanyang ama, alam niyang iniisip nito ang nakaraan.

"Dahil gustong gusto niyang magkaroon ng anak, Lauri. Napakahirap kapag nalalayo kami sa 'yo. Palagi siyang umiiyak pero pagkatapos niyon ay tatayong muli at ipagpapatuloy ang ginagawa. Dahil ikaw ang nasa isip niya. Ikaw ang inspirasyon niya."

Napalabi siya at mabilis na nag-init ang mga mata. 

"Sana ay intindihin mo pa ang mommy mo, anak. Minsan ay mahirap lalo kapag ang gusto niya ang laging nasusunod. Pero nagagawa niya lang ang lahat ng iyon dahil iyon ang alam niyang makabubuti sa 'yo. Alam ko, Lauri, darating din ang araw na maiintindihan niyang iyon ang dapat mong gawin dahil iyon ang pangarap mo. Just give her a little more time."

⊱╼╼╾╾⊰

"DAD!"

Natigilan ang kanyang ama sa pagpasok sa kwarto ng mga ito at nilingon siya. Isinara naman niya ang pinto ng silid niya at mabilis na lumapit dito. Kahanay ng kwarto niya ang silid ng kanyang mga magulang pero napapagitnaan iyon ng mahabang dingding kung saan nakasabit ang mga potraits nila.

"Papasok ka na?" 

Tumango siya. "Si Mommy?"

"I think nag sha-shower siya, anak," sabi nito na sinilip ang loob ng kwarto ng mga ito.

"Okay! I'll go ahead, dad. Pakisabi na lang kay mommy. Nine ang first class ko."

"Okay, hija. Take care, okay! Tumawag ka kung may problema."

"Okay, dad!" Humalik siya sa pisngi nito saka ito tinalikuran pero muli siyang natigilan sa tawag nito. "Yes, dad?"

Taka niya itong tiningnan dahil seryoso na ang mukha nito. 

"Are you sure you're okay with this? Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo na ituloy ang pag-aaral, Lauri. Kakausapin ko ang mommy mo at kukumbinsihin."

Ngumiti siya at magaan ang pinakawalang buntong-hininga. "Thank you, dad, pero okay lang. Tatapusin ko na ito dahil narito na rin naman." Tatlong buwan na lang naman ay magtatapos na siyang muli.

"But, Lauri—"

"It's really okay, dad. Ngayon ko lang din kasi napag-isipan, magagamit ko rin naman ang pinag-aralan ko sa kursong ito kung sakaling magtatayo ako ng sarili kong boutique."

"Are you sure? Baka sinasabi mo lang iyan."

Mahina siyang natawa. "Okay lang talaga, dad."

Napahinga nang malalim ang kanyang ama saka ngumiti. "If that's what you want, hija."

Kumawit ang braso ng kanyang ama sa kanyang bewang at niyakap siya. Naramdaman niya pa ang isang dampi ng halik sa tuktok ng ulo niya na ikinangiti niya.

"Mag-iingat ka, okay?"

"Yes po."

Gumanti siya rito ng yakap at nang makakalas ay saka na ito tinalikuran. Napapailing pa siya kapag nadadaanan ang mga kalalakihang akala mo'y hindi naturuang ngumiti. Kailangan ba talagang seryoso ang mga ito at parang mga estatwa? Bakit naman si Eman ay hindi ganoon? 

Napailing siya sa mga naiisip. Bakit ba pati iyon ay pinoproblema na niya. 

Natigilan siya sa paghakbang palabas ng bahay nang makita si Isaak. May dalawang dipa ang layo nito sa pinto at abala sa hawak nitong cell phone. 

Hindi niya inaasahang makikita niya roon ang binata. Kahapon ay maghapon niya itong hindi nakita dahil sa trabaho nito pero panay ang pagpapadala nito ng text messages sa kanya. Hindi na lang para sabihan na mag-ingat siya. Kahit sa pagkain o sa mga ginagawa niya ay nagtatanong na rin ito.

Umangat ang kilay niya nang mapagmasdan ang binata. Bahagya itong naka-sideview pero hindi naging hadlang iyon para mapagmasdan ang gwapong mukha nito. Para itong isang modelo ng suot nitong Armani's black rimless sunglasses.

Bumaba ang tingin niya sa suot nitong brown crew neck shirt. Mukhang nagkamali sa size ng shirt na nabili ng binata. Masyado 'yong masikip sa bandang braso at dibdib nito. Nag-aalala siya na baka pumutok na ang manggas niyon. Wala rin sa sariling nasudsod niya ng tingin ang kanang braso nito hanggang sa kamay nitong nakasuksok sa likurang bulsa ng black jeans nito. It's too muscly. Naalala niya ang mga yakap nito sa kanya. Hindi siya makapaniwalang nagagawa siyang ikulong ng binata sa mga matitipunong braso nito nang hindi siya nasasaktan. 

Napakurap siya at parang nabuhusan ng malamig na tubig nang ilang ulit nang makita ang paglingon ni Isaak sa gawi niya. Noon lamang niya napansin ang ginawa. Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwalang nakuha niyang masdan ang binata at lalo na sa mga naisip niya.

What the hell, Lauri! 

Ngumiti si Isaak at umangat ang kamay nito ngunit agad niya itong tinalikuran. Tinawag nito ang pangalan niya pero hindi niya nagawa maski ang lingunin ito dahil abala siya sa panenermon sa sarili.

You're fucking staring at him, Lauri! And what? Gwapo? Hindi ka makapaniwalang nagagawa ka niyang ikulong sa mga matitipunong braso niya nang hindi nasasaktan? Hah! Nababaliw ka na! Hindi porke't nawawala na ang galit mo sa lalaking iyon ay okay lang ang gustuhin siya... Wait, I didn't say that I like him! Hindi porke tinititigan ko siya ay gusto ko na siya!

Mas bumilis at bumigat ang mga hakbang niya habang salubong na salubong na ang mga kilay at nagngingit-ngit ang kalooban sa pagtatalo ng isip niya. Lalo pa nang marinig ang patuloy na pagtawag ni Isaak. Sigurado siyang nakasunod na ang binata sa kanya.

Hindi ako makapaniwalang nagawa mo iyon, Lauri! Hindi na iyan ang una! Siguraduhin mong hindi na mauulit pa iyon! patuloy na panenermon niya sa sarili.

Nakarating siya sa sasakyan. Mabilis na umikot siya sa driver's seat. Aabutin na sana niya ang pinto niyon ngunit mabilis na humarang doon si Isaak. At sa matipunong dibdib agad nito unang tumama ang paningin niya. Napailing siya nang maalala ang naiisip kanina tungkol sa damit nito.

Nag-angat siya ng tingin sa mukha ng binata para iwasan ng tingin ang malapad nitong dibdib. Ngunit sa mga mata naman siya nito napatitig. Kahit may salamin ay naaaninag niya pa rin ang mga iyon. 

"Are you in a hurry?"

Inalis ni Isaak ang salamin nito at isinuksok iyon sa kwelyo ng damit nito. Kaya naman ngayon ay tuluyan niyang natititigan ang mapupungay nitong mga mata. 

Wala sa sariling umiling siya. 

"Then, why are you running?"

Tumatakbo? Noon niya naramdaman ang pagkahapo. Ni hindi niya alam kung bakit ba napakabilis ng pagtaas at pagbaba ng dibdib niya samantalang napakalapit lang naman ng parking lot sa mismong main door ng kabilang bahay. Kahit takbuhin man niya iyon ay hindi naman siya hahapuin nang ganoon.

Tinitigan niya ang nakakunot noong si Isaak. Dahil kaya sa kanya?

Oh, my God! Oh, my God! Nababaliw ka na talaga, Lauri! Agad na kabig ng isip niya. Muntik niya pang masampal ang sarili.

"Nagmamadali ako. Marami akong aasikasuhin."

Totoo naman iyon pero hindi sa puntong tatakbuhin niya ang patungo sa parking lot.

"I called you several times."

Hindi niya alam kung totoong narinig niya ang pagtatampo sa boses nito. Seryoso lang naman ang mukha nito at ang tingin nito sa kanya, hindi kakikitaan ng pagtatampo. O magaling lang itong magtago?

"Hindi ko narinig," pagsisinungaling niya. Nunka niyang sasabihin dito ang dahilan kung bakit hindi niya ito nagawang lingunin. "Bakit narito ka?" mahina niyang tanong.

"Ihahatid kita."

"Bakit? Hindi ba't nariyan naman si Eman?"

Nangunot ang noo nito. "Hindi na ba kita pwedeng ihatid kapag nariyan siya?"

Inabot niya ang pinto ng kotse kaya gumilid ang binata. "Hindi ko sinasabing gano'n. Baka lang kako busy ka sa trabaho."

"Hindi ako busy, Lauri. May sapat na oras ako para ihatid ka at sunduin."

Nilingon niya itong muli matapos mailapag ang kanyang tote backpack. "Talaga? Samantalang noong ipakilala mo sa akin si Eman sinabi mo sa akin na busy ka at hindi mo na ako mababantayan." Nakangisi at may panunuya sa boses niya.

Saglit siya nitong natitigan saka may maliit na ngiti nang umiwas ng tingin. 

Humalukipkip siya. "Bakit, sir, hindi ka na ba ulit ganoong ka-busy ngayon sa trabaho, hindi tulad noon?" 

Hindi mawawala-wala ang ngisi niya. Bumalik na naman ang kagustuhang asarin ang binata. Gusto niyang makita ang naasar nitong mukha pero iba ang nakita niya rito.

Naglumikot ang nguso ni Isaak. Mapapanguso iyon, ngingiti at saka ngunguso ulit. Umangat ang tingin niya sa mga mata nito. Naniningkit lalo iyon dahil sa tuwa na nakikita niya roon. Parang nasisiyahan pa ito sa mga sinasabi niya.

Naalis niya ang pagkakahalukipkip at bahagyang nanlalaki ang mga mata nang umabante ang binata. Natigilan lang siya pagkatapos ng dalawang hakbang dahil tumama na ang likod niya sa sasakyan. Mariin niya pang naisandal ang sarili sa kanyang kotse nang umangat ang mga kamay nito at itinukod iyon sa magkabilang gilid niya. 

Masyado na itong malapit! Amoy na amoy niya ang matapang na amoy nito, ang shower gel na ginamit nito, at ang mint na amoy ng bibig nito lalo na nang magsalita ito. At bakit ba para siyang hinahabol. Nahahapo siya at hindi maipaliwanag ang kabang lumulukob sa puso niya.

"Yes, Lauri, hindi na ako ganoong ka-busy at marami akong oras na pwedeng ilaan sa 'yo. Is there a problem?"

Wala siyang nagawa. Hindi siya nakaimik, at ni hindi siya nakailing o nakatango man lang. Para siyang hinipan ng hangin at nanatili lang ang titig niya sa naniningkit at puno ng tuwa na mga mata ni Isaak.

Ang maaliw na tingin nito ay unti-unting naging seryoso. Hindi niya napigilan ang sarili na libutin ng tingin niya ang mukha nito. Tumagal nang ilang segundo sa labi nito bago bumalik sa mga mata nito. At hindi siya pwedeng magkamali sa nakitang paghanga sa mga mata nito dahilan ng malakas na pagpintig ng puso niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top