Chapter 11

"LAURI?"

Mabilis na nilingon ni Lauri si Isaak. Humakbang ito palapit sa kanya pero umatras siya na ikinatigil nito at ikinakunot ng noo nito.

"Uh... walang pagkain." Turo niya sa refrigerator. 

Tumango ito. "Ano'ng gusto mong kainin? Ipagluluto kita. Kung walang ingredients dito ay sasaglit ako sa supermarket."

"Huwag na," maagap niyang tanggi. "O-order na lang ako para makapag-usap na tayo." Kinapkap niya ang bulsa ng suot na cotton short pero wala roon ang kanyang cell phone. "Kukunin ko lang sa taas ang cell phone."

Tatalikod na sana siya.

"Huwag na, Lauri. Ako na ang tatawag." Dumukot ang binata sa shorts nito at inilabas doon ang cell phone. "Ano'ng gusto mong kainin?" Muling baling nito sa kanya. 

"Uh..." Nag-isip siya. Marami siyang gusto pero hindi niya alam kung alin ang sasabihin dito. "Ikaw na lang siguro ang bahala."

Tumango ito at agad itong tumawag. Umupo naman siya sa counter habang nakikipag-usap pa ang binata. Tumungo siya at bumuga ng hangin. Pinakiramdaman niya ang sarili. Wala na ang malakas na pintig ng puso niya naramdaman niya ilang minuto lang ang nakalilipas.

Ano 'yon, Lauri? Para saan 'yon?  Hindi niya masagot ang sarili. Kinakabahan lang ba ako sa pagkakalapit namin?

Pero bakit naman siya kakabahan sa simpleng pagkakalapit nila ng binata. Naisip niyang marahil ay dahil iyon ang unang beses na nagkalapit sila ng binata nang hindi siya nakakaramdam ng galit para rito. Nasanay yata maski ang puso niya na puro inis at galit na lang ang nararamdaman para rito kaya ngayong hindi niya maramdaman ang mga emosyong iyon ay ganoon ang naging reaksyon niya.

"Kumusta ang pakikipag-usap kina Tita Barbara?"

Natigilan siya sa mga iniisip at nag-angat ng ulo. Nasa gilid na ng counter si Isaak.

"If you don't mind me asking," dagdag nito.

"Narinig nila mommy ang mga sinabi ko sa 'yo... tungkol sa kanila."

Nangunot ang noo nito. "What do you mean?"

Itinuro niya ang cell phone nito na nasa ibabaw ng counter. Bakas ang pagkalito sa mukha nito ngunit ilang saglit lamang ay dahan-dahang bumuka ang bibig nito. 

"Wait... are you saying that..." 

Nakalabing tumango siya. Naguguluhan naman nitong tiningnan muli ang cell phone nito. Napanganga muli ito kasabay ng panlalaki ng mga mata nang tingnan siyang muli. Mula sa reaksyon nito ay parang alam na niya ang sagot.

"Hindi mo pinatay ang tawag?"

"I... I did. Naaalala kong pinatay ko ang tawag, Lauri."

Kung gano'n hindi niya sinasadya?

"I... D-Did I... make a mistake?"

Nakalabi siyang tumango.

Mariing napapikit si Isaak at marahas na napahilamos sa mukha. Nanatiling sapo nito ng kamay ang mukha. Nakagat niya ang ibabang labi sa pagpipigil ng tawa. Ngunit hindi niya inaasahan nang lumapit ito sa kanya at nang mahigpit nitong hinawakan ang mga kamay niya. 

"I'm so sorry, Lauri! I really did end the call. Hindi ko alam kung bakit nagkaganoon. I'm really sorry!" puno ng pagsisising sambit ng binata.

Marahas na buntong-hininga at mariing napapikit ito. Nakonsenya siya sa ginawa. Balak niya lang sanang pag-trip-an ang binata pero hindi niya akalaing ganoon ang magiging reaksyon nito.

Hindi niya naiwasang titigan ang mukha ni Isaak na bakas pa rin ang labis na pagsisisi. Nakapadali rito ang humingi ng tawad. Kung ikukumpura sa kanya, baka unahin niya pa ang magalit kaysa gawin iyon. Palagi niyang ipagtatanggol ang sarili, pero ang binata walang pagdadalawang-isip na sinabi ang mga salitang iyon.

Siya naman ang humawak sa mga kamay nito. Mabilis na nawala ang pagkakasalubong ng mga kilay nito annnt napalitan ng gulat ang pagsisisi.

"No, Isaak. Thank you! Thank you so much!" Ngumiti siya kahit pa nag-uumpisa na muling mag-init at mamasa ang mga mata niya. "Naging maayos ang pag-uusap namin nila mommy. Mas naging malinaw ang lahat sa amin. Narinig nila ang mga sinabi ko kaya nagawa nilang maging tapat sa akin. Kaya maraming salamat, Isaak." Nangatal ang mga labi niya habang sinasabi ang huling pangungusap. At sa pagkakataon na iyon, hindi niya pinigilan ang sarili na yumakap sa binata.

Ramdam niyang natigilan ito dahil nanigas ang katawan nito pero agad itong nakabawi. Naramdaman niya ang marahang haplos nito sa kanyang buhok. Tumingala siya rito at nagsalubong ang tingin nila. Lumipat ang marahang haplos nito sa kanyang pisngi.

"Hindi ko alam na ganoon ang mga pinagdaanan mo, Lauri. Nasasaktan ako na malaman na naramdaman mo ang pag-iisa. Kung alam ko lang ang lahat ng iyon, kahit ano pang tulak ang gawin mo ay yayakapin kita."

Sumilay ang ngiti sa labi niya  Hindi niya alam kung bakit sa mga sinabi nito ay parang niyakap na rin nito ang lahat ng sakit na naranasan niya noon. Kung noong mga panahong iyon, na punong puno pa ng galit ang puso niya, sigurado siyang hindi niya matatanggap ang pagdamay nito sa lungkot niya. Pero alam niya sa sarili na kahit papaano ay magkakaroon ng gaan ang nararamdaman niya. Dahil alam niyang may karamay siya.

"At masaya ako na naging maayos na ang lahat sa inyo nila Tita Barbara."

Ngumiti ito. Hindi niya napigilang titigan ang binata. Nakuyom niya ang mga kamay sa damit nito. Noon niya lamang ito natitigan na hindi nakakaramdam ng inis para rito.

Hindi na siya magtataka na marami talagang nabibighani kay Isaak. Naalala niya nang minsan niya itong makasama na mag dinner noon sa Inari's. Sa tuwing ililibot niya ang paningin sa kabuoan ng restaurant ay hindi nakatatakas sa kanya ang mga tingin ng mga babae na puno ng paghanga para sa binata. Para itong isang artwork na kapag nahuli na ang atensyon mo ay siguradong mahihirap ka ng alisin dito ang paningin mo.

"You're extremely beautiful, Lauri Jade!" malambing at namamaos na sambit nito. 

Nag-init ang mga pisngi niya. Hindi niya iyon inaasahan. "T-Thank you," mahinang aniya.

Nakita niya ang sabay na pagkagulat at pagkamangha na rumehistro sa mukha nito. Marahil ay hindi rin nito inaasahang maririnig nito ang salitang iyon sa kanya sa mga sandaling iyon. Hindi na iyon ang unang beses na pinuri siya ng binata pero ngayon lamang niya nagawang tanggapin ang papuri nito.

"Lauri!"

Sabay sila nitong napalingon sa pinto ng kusina. Nanlaki ang mga mata niya at mabilis niyang naitulak si Isaak nang makita si Eman doon na mabilis ng naglalakad palapit sa kanila.

Nilingon niyang muli si Isaak. Kunot na kunot ang noo nito habang nakatingin kay Eman. Hindi naman ito mukhang galit pero para bang hindi nito nagustuhan na naroon si Eman.

Napapitlag siya sa kinauupuan nang maramdaman ang hawak ni Eman sa kanyang mukha. 

"Walangya! Ang laki ng sugat mo sa mukha, Lauri!"

Hindi agad siya nakahuma sa gulat. Napapakurap siya nang ilang ulit habang nakatingin kay Eman. Nang matauhan ay malakas niyang tinabig ang braso nito. 

"Ano ba!"

Nanlaki ang mga mata nito. Dahan-dahan itong napaatras habang nakataas pa ang kamay na pinanghawak nito sa mukha niya. Matalim ang tingin niya rito habang pinapahid ang magkabila niyang pisngi. 

Padabog siyang umayos ng upo. Hindi naman siya naiinis sa ginawa nito. Nabigla siya, oo, pero mas nag-aalala pa siyang nakita nito na nasa ganoong pwesto sila ni Isaak. Baka kung ano pang isipin nito. 

Bumaba ang tingin niya sa kamay ni Eman. May hawak itong paper bag. Parang nilayuan siya ng pag-aalala nang makita ang pamilyar na logo ng fast casual restaurant na malimit niyang dinadayo.

"Ano 'yan?"

"Ah! May deliver kayo. Hindi ninyo naririnig ang tawag, ano? Mabuti na lang dumating ako. Masyado kasi kayong mga busy sa pagmo-moments ninyo."

Natigilan siya sa mga sinabi ni Eman. Nakangisi nitong pinaglipat-lipat ang tingin sa kanila ni Isaak. Sinuklay niya ng kamay ang kanyang buhok at pasimpleng sinabunutan ang likuran niyon.

Iyan na nga ba ang sinasabi ko! 

Tiningnan niya si Isaak. May sinusupil itong ngiti. Mariin niya ito ng tinitigan. Nang makita nito iyon ay kinagat nito ang ibabang labi pero hindi naman nito nagawang itago iyon. Halata pa rin naman doon ang ngiti nito.

Ha! Nakukuha mo pang ngumiti, ha!

Kinuha ni Isaak kay Eman ang paper bag at inilapag nito iyon sa harapan niya. Napangiti siya nang makitang sa Cooleats iyon nanggaling. Isa 'yong maliit na fast casual restaurant na naroon lamang sa gilid ng subdivision.

Excited niyang inilabas ang mga white container. Binuksan niya ang mga iyon at mas lalong lumapad ang pagkakangiti niya nang makita ang mga pagkaing in-order ni Isaak. Mayroong fries, nachos, burgers, pastas, at chicken wings. Ang comfort foods niya. 

"Oh, carbs!" 

"Eh, 'di huwag kang kumain!" angil niya kay Eman. Nakaupo na ito sa harapan niya katabi si Isaak.

Napakamot si Eman sa ulo.

Nakangising napailing si Isaak kay Eman bago nito ibinaling sa kanya ang paningin. "Tell me if you want anything else, Lauri."

"Okay na ito." Inusod niya sa gitna ng counter ang mga container. "Let's eat habang nag-uusap tayo."

"No," mabilis na agap ni Isaak. "We'll talk after you eat."

Nagkibit siya ng balikat. "Okay, ikaw ang bahala."

Agad niyang sinunggaban ang chicken burger. Napangiti pa siya bago kumagat doon. Ngumunguya siya nang mapatingin sa dalawang binata. Parehong nakangiti ang mga ito habang sa kanya nakatingin. Natigilan siya sa pagnguya. 

"Bakit hindi kayo kumakain?" masungit niyang tanong. 

Mabilis na kinuha ni Eman ng container na nasa harapan nito na may creamy garlic pasta. Si Isaak naman ay dumampot lang ng isang pirasong fries.

Panaka-naka siyang kumukuha ng nachos o fries habang kumakain ng chicken burger, minsan naman ay titikim sa kinakain ni Eman. Ganoon din si Eman na dumudukwit ng fries o nachos. Si Isaak naman ay fries lang talaga ang kinakain. Kahit ano'ng pilit nila rito ay ayaw nitong kumain ng iba. Nag dinner na raw kasi ito.

"Masarap ba?" 

Sunud-sunod na tumango siya kay Eman habang patuloy na ngumunguya.

"Halata nga," natatawa nitong ani.

Noon niya lang din napansin kung gaano siya kakumportable sa harap ng mga ito habang kumakain. She's more relaxed. Marahil ay dahil... wala siyang iniisip na galit.

Maybe it's a good thing? A good start pagkatapos ng mga nalaman ko kina mommy? isip-isip niya.

Kukuna sana siya ng fries ngunit sabay na dumampot din doon si Isaak. Natigilan siya dahil ang kukunin niya sana ay ang piraso na nakuha nito. Nagtama ang paningin nila nang mag-angat siya ng tingin dito. Nakita niya ang pag-angat ng kamay nito kaya mabilis na hinawakan niya ang pulsuhan nito at bahagya siyang umangat sa pagkakaupo. Nang abot na niya iyon ay sinunggaban niya ang fries gamit ang bibig.

Nakangiti pa siyang umayos ng pagkakaupo pero unti-unting bumagal ang pagnguya niya nang maramdaman ang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi. Huli na nang maisip niya ang ginawa. 

Tiningnan niya si Isaak. Tulala ito sa kanya. Mukhang hindi rin nito inaasahan ang ginawa niyang iyon.

"I w-was about to give you that," parang wala sa sariling sabi nito na ikinatigil niya.

Gosh, Lauri! Sumosobra yata ang pagiging kumportable mo! angil niya sa sarili.

Binalingan niya si Eman nang marinig ang malakas na pagtikhim nito. Malapad ang pagkakangiti nito at hindi nito iyon naitago kahit ngumunguya.

"Ano?" nanghahamong aniya kahit ramdam na ramdam niya ang labis na hiya.

"Wala! Masaya lang akong kumakain dito, Lauri."

Inirapan niya ito saka siya bumalik sa pagkain. Pilit na binabalewala ang pag-iinit ng magkabilang pisngi.

⊱╼╼╾╾⊰


"ANO'NG pag-uusapan natin?" tanong niya kay Issak pagkatapos na pagkatapos nilang kumain.

Nakasandal siya sa kinauupuan habang pinupunasan ng tissue ang bibig. Abala naman si Eman sa pag-aayos ng mga container sa paper bag.

"It's nothing important, Lauri."

Nangunot ang noo niya sa sinabi ni Isaak. Hinintay siya nito roon dahil may pag-uusap nga sila. Handa na nga itong makipag-usap sa kanya kanina kung hindi lang niya inuna ang pagkain tapos ganoon ang sasabihin nito ngayon?

"O ayaw mo lang sabihin?"

Nagtama ang tingin nila. Seryoso ang mukha nito. Inilipat niya ang tingin kay Eman na mabagal na nagpatuloy sa ginagawa nito at nasa kanila ang tingin.

"May alam ka ba sa dapat na pag-uusapan ngayon, Eman?"

Hindi ito sumagot. Nakikita niya ang pag-aalinlangan dito. Tumingin lang ito kay Isaak. 

Malalim siyang napahinga. Sinubukan niyang huwag pairalin ang inis. "Ano ba kasi 'yon? Is it about what happened last night?"

"Huwag mo ng isipin pa iyon, Lauri. Please"

"Paano kong hindi iisipin 'yon? Tungkol sa akin 'to, Isaak. Sa nangyari sa akin!"

"Ngayon lang kayo nagkaayos nila Tita Barbara, Lauri. I want you to focus on them."

"Kaya ayaw mong sabihin sa akin dahil ayaw mong magkaroon na naman ako ng problema, ganoon ba? Ginagawa mo naman akong bata na parang hindi kayang humarap ng problema, Isaak."

"Iniisip lang kita. Ang mararamdaman mo—"

"Nandiyan ka naman, 'di ba? Kahit malaman ko, hindi mo ako pababayaan. 'Di ba?"

Hindi ito nakasagot sa itinuran niya.

"Gusto kong malaman, Isaak, please!" mababa ang boses na dagdag niya.

Nasapo nito ang mukha at malalim ang pinakawalang buntong-hininga. 

"I'll tell you but I think we should wait for your parents first."

Napatingin siya sa labas ng pinto ng kusina. Walang bakas na paparating ang mga magulang. Umiling siya nang ibalik ang tingin sa binata. "Nagpapahinga pa sila, Isaak. Mabuti pa siguro kung sa akin ninyo na lang muna sabihin."

Bumuntong-hininga ang binata. Ipinatanong nito ang magkasalikop na mga palad sa lamesa at mataman siyang tiningnan. Nakaramdam siya ng kaba sa kaseryosohan nito lalo na nang makita rin niya ang seryosong mukha ni Eman na nakaupo ng muli.

"A-Ano ba kasi iyon?"

Muli pang bumuga ng hangin si Isaak saka ito  nagsalita, "Hindi pa namin nalalaman kung sino ang may kagagawan nito, Lauri. But we have a lead."

"W-What do you mean?"

Binalingan nito ang laptop kaya napunta rin doon ang tingin niya. Iginilid nito iyon. Nakaharap iyon sa kanya pero makikita pa rin ng dalawang binata ang screen.

Pi-n-lay ni Isaak ang ang isang video sa laptop. Nag-umpisa iyon sa magkaharap sila nito hanggang sa talikuran niya ito at natigil siya sa gitna ng kalsada. Nangunot ang noo niya nang makilala iyon. Iyon ang gabi ng birthday party ng kanyang Ninong Romeo. Nakita niya sa video ang pagkakatayo niya sa gitna ng kalsada habang nakatingin sa papalapit na motor bike at kung paano siya mabilis na hinila ni Isaak at ang pagkakatumba nila. Lumingon pa sa kanila ang driver ng motor bike na iyon bago tuluyang humarurot paalis. 

Pi-n-ause muli ni Isaak ang video pero nanatili ang tingin niya sa screen ng laptop. Malabo man iyon pero nakikita niya pa rin ang itsura ng motor bike at ang suot ng driver na maong jacket. Katulad na katulad niyon ang gamit na motor bike at maong jacket ng lalaki kagabi.

Nakuyom niya ang mga kamay at dumiin ang pagkakatiim ng bibig niya. Kahit nakakaramdam ng galit, unti-unti na muling kinakain ng takot ang puso niya at kahit ano'ng pagkukumbinsi niya sa sarili na hindi siya nito kayang burahin sa mundo ay wala pa ring nagagawa iyon. Nananaig ang takot at labis na kaba.

"Hindi nakitang pumasok at lumabas ng subdivision ang taong iyan nang gabing iyon, Lauri. At maski kagabi."

Mabilis na napaangat ang tingin niya kay Eman. Dumadagundong ang puso niya. Alam na niya ang ibig sabihin nito ngunit nagawa niya pang magtanong habang na kay Isaak ang paningin.

"A-Anong ibig mong sabihin?"

Hindi umimik si Isaak. Mariin ang pagkakatikom ng mga bibig nito. Ayaw nitong sabihin, alam niya. Kaya naman si Eman muli ang binalingan niya.

Nilingon pa nito si Isaak. Maski rito ay nakikita niya ang pag-aalinlangan na sabihin sa kanya ang totoo pero humarap pa rin ito sa kanya sa kabila ng nagbabantang tingin dito ni Isaak.

"Maaaring dito sa subdivision nakatira ang taong iyan, Lauri."

⊱╼╼╾╾⊰

PARANG tinatambol ang puso niya dahil sa impormasyong sinabi ni Eman. Ramdam na niya ang pagtusok ng mga kuko sa palad niya sa mariing pagkakakuyom ng mga kamay niya. Naroon lang sa paligid niya ang taong nagtatangka sa buhay niya. Pilit niyang isinusuksok sa isip na hindi naman siguro siya nito makakayang patayin. Baka tinatakot lang siya ng taong iyon. Pero hanggang saan aabot ang pananakot nito? Baka nga hindi siya magawang patayin niyon, pero sigurado siyang magagawa nitong saktan siya sa kahit ano'ng paraan. 

At ngayon pa nga lang ay labis na takot ang dala niyon na kahit nasa harapan niya ang mga binata at alam niyang safe siya kapag naroon ang mga ito sa tabi niya ay nagawa niya pang ilibot ang paningin sa kabuoan ng kusina nila. She couldn't help but feel anxious. 

Puno ng pangamba na tiningnan niya si Isaak nang lapitan siya nito. Hinawakan nito ang mga braso niya at iniharap siya nito rito. Pinunasan ng binata ang kanyang mukha nang magpatakan ang mga luha roon. Mariin ang pagkakatiim ng bagang nito pero pag-aalala ang nababasa niya sa mga mata nito.

"Lauri, listen. Hindi ba't sinabi ko sa 'yo na hinding hindi ko na hahayaang mapahamak ka pang muli?" 

Dahan-dahan siyang tumango. Hinaplos nito ang kanyang mukha na naging dahilan ng pangangatal ng labi niya. 

"Sisiguraduhin kong hindi na makakalapit pang muli ang taong iyon sa 'yo, Lauri," mariing sabi nito. Kita niya ang pagdilim ng mukha nito ngunit hindi nawawala ang marahang tingin nito sa kanya. 

Itinabi niya ang takot na nararamdaman at ang pag-aalinlangan at buong puso niyang ibinigay ang buong pagtitiwala niya Isaak.

"We will tell your parents about it."

Tumango siyang muli.

Ipinaalam nga ni Isaak sa kanyang mga magulang ang impormasyong sinabi nito sa kanya. Galit na galit ang mga ito. Nagalit pa ang kanyang ina sa kanya at sinabihan pa siya na kung hindi siya nahilig sa pakikipag-away ay baka hindi iyon nangyayari sa kanya.

"I'm sorry, anak! Natatakot lang ako kaya ganito ang naging reaksyon ko," agad na hingi ng paumanhin ng kanyang ina habang yakap siya.

Ngumiti siya at ginantihan ang yakap nito. "It's okay, mom. Naiintindihan ko."

Hindi niya magawang magalit sa ina dahil tama naman ito. Aaminin niya sa sarili na malaki ang pagkakamali niya. Kahit pa nga hindi pa nila sigurado kung isa sa mga nakabangga niya ang gumagawa niyon sa kanya. 

Through self-reflection, she realized that all her past actions were wrong. Pinuno niya ng galit ang puso dahil sa labis na lungkot at sama ng loob kaya maging ang mga tao sa paligid niya ay nadadamay sa galit niyang iyon.

Nilingon niya si Isaak. Tipid na ngumiti ito nang makita ang tingin niya. Habang nakatingin dito, naisip niya na kahit sa kanila ng binata, inuna niya ang galit niya rito. Na ngayon kung iisipin niya, napakababaw pala ng naging simula niyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top