Chapter 6
Chapter 6
Nakatulong ang init ng ulo ko sa trabaho. Mula nang dumating ako sa Kitchen Princess, maliban sa short bardagulan namin kanina ni Keeno sa office, wala na muna akong ibang kinausap. 'Yong urge kong sumigaw kanina dahil sa inis at panggigigil, ibinuhos ko lahat sa pagtatrabaho. Naramdaman din yata ng team ko na bad mood ako ngayon kaya wala ni isa ang sumubok makipag-usap sa akin. Kapag may kailangan sila sa akin, si Keeno ang nakikita kong nilalapitan nila.
Si Keeno naman, ewan ko kung bakit nasasagot niya lahat ng kailangan ng mga kasamahan ko. Ngayon pa lang 'to nakatapak sa kusina ko, and yet wala man lang akong maramdamang pangangapa mula sa kanya. I had no idea kung dahil ba iyon sa suot niya ang toque blanche ko o dahil sa apron na kahit medyo maliit sa kanya ay hindi awkward tingnan, pero 'yong aura niya, bagay na bagay talaga rito sa kusina. Sabi ko nga, parang siya pa ang boss kaysa sa akin kahit ako itong naka-complete uniform.
Nang matapos ang breakfast service, pagkalagay ko ng closed sign sa pinto ng restaurant, saka lang ako nagpasyang magpahinga. Saka ko lang din naramdaman ang gutom na hindi ko pinansin kanina. Pero sa halip na bumalik sa kusina, sa office na muna ako nagtungo para magpalamig. Although heavily air-conditioned naman ang buong restaurant, pinagpapawisan na ako dahil kanina pa ako babad sa kusina.
Pagbukas ko pa lang ng pinto ng office, nahagip na agad ng mga mata ko ang bagong swivel chair na nababalot pa ng plastic sa right side ng desk ko. Pero agad na nanuot sa pang-amoy ko ang bango ng bagong lutong fried rice kaya nawala roon ang atensiyon ko. Usually, dahil immune na ako sa amoy na nasasagap galing sa kusina, mahirap nang i-please ang sense of smell ko. Kasi nga, nakasanayan na. Kaya alam na alam ko na hindi luto ng mga kasama kong chef ang nakahanda sa tray na nasa desk ko.
Ang overall interior ng Kitchen Princess, brick and wood. Bawat sulok ng restaurant, ultimo pati mga gamit, made of brick and wood. Marami ngang nagtataka no'ng unang bukas pa lang 'to kung bakit daw no pink in sight at hindi Disney-themed, eh may princess sa pangalan. Ang katwiran ko, bukod sa pangalan ko, mahal na mahal ko ang pagluluto. I'm not Princess if I'm not cooking. Pink ang paborito kong kulay at maarte akong tao pero pagdating sa kusina, hindi iyon applicable. At home ako sa pagluluto and I wanted to feel that vibe kahit nasa trabaho ako. At the same time, gusto ko ring maramdaman ng mga kakain na they could be as comfortable here as they wanted, as long as hindi sila makakagulo sa ibang mga customer. Hence, the brick and wood interior, which would provide a rustic-chic vibe and a sense of homey warmth.
Kaya mismong tray na pinaglagyan ng breakfast sa table ko, gawa rin sa magandang hardwood. Ganoon din ang ginamit na bowl, plato, kutsara't tinidor at ng dalawang basong naglalaman ng umuusok pang dark chocolate drink at orange juice naman sa isa. Sa plato nakalagay ang iba't ibang ulam—tortang talong, beef tapa at danggit—na may kasama pang sawsawan. May isang half-piece ng toasted bread pa sa gilid. Sa bowl naman nakalagay ang garlic fried rice with a sunny-side up egg on top.
Bahagyang nawala ang simangot ko pagkakita sa itlog. Half-cooked iyon... just the way I loved it. Pero paglipat ng tingin ko sa chocolate bar na nasa gilid ng dalawang inumin, napaismid ako. Dark chocolate din ang nakalagay na Kit Kat doon.
Ano 'to? Suhol? Mabuti naman at alam niyang hindi ko lang basta-basta trip ang init ng ulo ko sa kanya kanina.
Inalis ko ang suot na hairnet cap at spit guard. Nagpalit na muna ako ng kulay-abong T-shirt bago ko hinarap ang suhol na inihanda niya.
Unang subo ko pa lang, napairap na ako sa katabing swivel chair. Muli akong sinampal ng rason kung bakit hidden dream ko talaga ang mai-serve ang mga luto niya rito. Ginagamit ko rin naman ang mga ingredient na ginagamit niya. Pero bakit kapag siya ang nagluto, iba ang lasa? Mas masarap. Ang homey sa pakiramdam. Parang luto ng nanay pagkatapos ng nakakapagod na araw. Nakakawala ng init ng ulo. Napapapikit pa nga ako habang ninanamnam ang bawat subo at nguya.
Inis pa rin ako sa kanya pero okay fine, nabawasan nang slight.
Sakto lang ang serving niya sa mga ulam. Mas marami ang fried rice. Hindi ako sigurado kung alam niyang hindi ako pala-ulam pero may plus points siya sa akin sa part na iyon.
Pero teka, para saan naman ang points?
Kabubukas ko pa lang ng wrapper ng Kit Kat nang bumukas naman ang pinto. Hindi ko naituloy ang akmang pagkagat doon dahil lumipad agad ang tingin ko sa bagong dating.
Tingnan mo nga naman. Hindi man lang kumatok. Dire-diretso lang ang tungo niya sa swivel chair at walang imik na inalis ang plastic na nakabalot doon. Prenteng nakasandal pa siya sa desk habang ginagawa iyon na para bang wala siyang ibang taong kasama rito. Hindi man lang ako tinapunan ng tingin.
Like hello? Naubos ko ang handa niya, wala man lang bang siyang sasabihin?
Bumabalik tuloy ang sama ng loob ko. Umirap ako sa kawalan bago sumandal nang maayos sa kinauupuan at saka kinagatan ang Kit Kat. Nginuya ko iyon nang malakas at kahit hindi ko pa nalulunok ang unang kagat ay kumagat ulit ako. I needed cocoa in my system. I needed it to trigger my brain to release endorphins para gumaan naman ang loob ko kahit papaano. Kahit slight.
Nakatitig lang ako sa kawalan pero mula sa gilid ng mga mata ko, kita kong nilukot niya ang plastic pagkatapos palayain ang kanyang upuan mula roon. Hindi niya iyon binitiwan hanggang sa maupo siya sa bagong upuan. Kasabay ng pagpikit niya ng mga mata ang pagbuga niya ng malalim na hininga.
Napagod yata. He was free to complain naman... pero wala akong narinig. Sa halip, iniikot niya ang kinauupuan patalikod sa akin.
Fine. Kung ayaw niya akong makita, eh 'di huwag. Ayoko rin siyang makita. Itinalikod ko rin ang swivel chair ko at nagpatuloy sa pagkagat sa bigay niyang Kit Kat. Nang maubos ko iyon, ginaya ko ang ginawa niya kanina sa plastic. Pagkatapos ay bahagyang ikiniling ang kinauupuan paharap sa tray na wala nang laman at marahang itinapon iyon doon. Pagka-shoot sa bowl, saka ko inabot ang juice at inubos ang natitirang laman.
"Tapos ka na?"
Naubo ako bigla at naiatras ko agad ang hawak na baso. Nasapo ko agad ang dibdib. Ilang ubo pa ang pinakawalan ko bago ko nagawang lumingon sa pinanggalingan ng boses na iyon. Masamang tingin agad ang ipinukol ko sa kanya nang makitang nakaharap na sa akin ang bagong swivel chair niya. Nakahalukipkip pa siya at tila bored na naghihintay sa aking matapos kumain. Ni hindi man lang na-bother na muntik na akong mabilaukan sa panggugulat niya.
"Ano ba, Keeno?" nauubo pa ring reklamo ko.
Inalis niya ang mga braso mula sa pagkakahalukipkip at ibinagsak ang mga kamay sa magkabila niyang hita. Pagkatapos ay tumayo. "Halika na. Show me your wine room," istrikto niyang pahayag bago dire-diretsong naglakad palabas ng space ng desk namin.
I mean, desk ko pala.
"Hoy!" pigil ko sa kanya.
Hindi niya ako pinansin at tinungo na niya ang pintong gawa sa mahogany. Nasa left side iyon ng opisina ko. Nang mahinuha niyang hindi ako agad sumunod sa utos niya ay naiiritang nilingon niya ako. Nakataas pa ang kanang kilay at kahit hindi umimik, nagsusumigaw naman ang "Ano ba, Princess? Tayo na riyan!" sa mukha niya.
Tumayo na ako. At mukhang iyon lang talaga ang hinintay niya dahil kahit hindi pa ako nakakalapit nang tuluyan sa kanya ay binuksan na niya ang pinto. Sumindi agad ang dimmable LED lights mula sa loob. Tumambad sa amin ang floor-to-ceiling na crisscross wine rack sa bawat dingding ng personal wine room ko.
Walang imik na pinasadahan niya ng tingin ang mga iyon habang nakahalukipkip na naman. Aakalain mong boss na biglang nag-conduct ng maintenance inspection nang walang pasabi sa mga empleyado niya. Lalo na nang mapatitig siya sa thermohygrometer.
Ako naman na biglang kinabahan, napatitig na rin doon. Maintained naman ang temperature sa twelve degrees Celsius at nasa sixty-five percent naman ang humidity kaya medyo nakahinga ako nang maluwang. Hindi ko rin alam kung bakit kinabahan ako na baka may masita siya rito samantalang approved naman niya ang lahat ng required condition ng wine room na 'to habang binubuo ito noon. Siguro ay dahil sa kabila niyon, ngayon pa lang siya nakapasok dito simula nang buksan ko ang restaurant.
Maliit lang ang space ng kuwarto kasi intended talaga siya for my personal collection. Sa katunayan, parang combo lang ng mini room at bathroom ko sa kabila ang laki niyon. Mas lumiit pa nga iyon dahil sinara ko agad ang pinto. Mas lalo tuloy malaking tingnan ang bulto ng nakatalikod na si Keeno. Sa aninong likha ng yellow lights, ang massive tingnan ng likod at mga balikat niya.
"Wala ka namang issues sa maintenance?"
Ang ganda rin ng tama niyon sa batok niya.
"Princess!"
"Ha?"
"Ano? Na-food coma ka na ba riyan?"
Saka ko lang napagtanto na masyado akong namangha sa likod niya kaya hindi ko agad namalayan na kinakausap na pala niya ako. Magkasalubong na ang mga kilay niya at tila buwisit na buwisit na hindi ako nakikinig sa kanya. Nasa dulo na siya ng wine room at nakalingon na sa akin habang magkakrus pa rin ang mga braso sa dibdib.
"Ano 'yong... tanong?"
"Ang sabi ko, wala ka naman bang problema sa maintenance?" nagtitimping ulit niya.
Umiling ako agad. Heavily insulated ang buong kuwarto since sa restaurant iyon nakapuwesto kung saan maraming tao in and out of the kitchen na isa sa mga potential source of heat, strong odor, vibration at iba pang disturbance na puwedeng maka-disrupt sa pamamahinga ng mga wine. Required din iyon to conserve energy, stabilize the temperature, and control the humidity within the room.
Tumango-tango siya at muling pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng rack. Matagal kasi iniisa-isa niya ang bawat bote ng wine pero wala siyang tinangkang hawakan kahit isa.
Ako naman, tahimik lang na nakasunod sa kanya at sa bawat tinitingnan niya. Siguro nga, tama siya. Food coma na 'to. Ang dami niya kasing inihandang breakfast kanina at naubos ko lahat. Ang foggy tuloy ng brain ko at parang gusto kong matulog.
"Galing ako sa kabila. Nakita ko ang wine cooler mo. You serve both red and white wine, 'di ba? Bakit dito, walang white?"
"Personal wine room ko 'to."
Napatingin siya bigla sa akin. "Dito sa workplace mo? Ba't hindi sa bahay ninyo? Sa unit mo?"
"This workplace is my home. Mas madalas ako rito. Hindi ako nagtatagal sa unit ko kahit day off. I'm always out. Sa bahay naman, I don't go there unless my parents are home." At hindi ko alam kung bakit ko 'to ine-explain sa kanya gayong 'di naman kami friends.
"You like wine, then? Akala ko, sina Tita at Tito lang. You never bought from us."
"That's because hindi kaya ng pride kong hindi ko alam kung saan ilulugar."
Sinamaan niya agad ako ng tingin.
What? Inulit ko lang ang sinabi niya kahapon. Sa kanya nanggaling iyon. I wasn't even trying to be sarcastic. Ang defensive niya masyado. Halatang guilty.
"Your mother fancies white wine."
"And I don't. I want the bitter one."
Ang white wine kasi, matamis sa panlasa ko. I liked sweet things pero kung sa inumin, hindi. Kaya mas gusto ko ang red wine, mapait at matapang kasi ang guhit sa lalamunan. Gano'ng pait ang trip ko sa mga inumin. Kung sa tsokolate, dark. Kung sa kape, purong barako. Pero wala pa naman ako sa level ni Rhyne na kulang na lang, pumapak ng coffee beans.
Hindi na siya umimik. Hindi ko alam kung ano'ng ipinunta niya rito, eh nakita naman pala niya ang wine cooler sa labas. Pasimpleng pakialamero rin 'to, eh. Gusto lang makisilip ng wine room ng iba, eh may sariling cellar naman siya. Ang kuwento nga sa akin ni Xandie, nasa underground basement pa iyon at kung ano ang inilaki ng building ng main office ng Ortega Winery, ganoon din kalawak ang cellar sa ilalim.
Hanggang sa makalabas kami ng wine room ay hindi na ulit siya kumibo. Hindi na rin tuloy ako nagsalita kahit pa nagulat ako nang iligpit niya ang mga pinagkainan ko at siya na mismo ang nagdala pabalik sa kusina. Hindi na ako nagtangka pang pigilan siya kasi in the first place, hindi ko naman siya inutusang dalhan ako no'n. Hindi na rin ako nagpasalamat.
Bumalik na lang ako sa harap ng desk at nagbukas ng laptop para simulang gawin ang kontratang pipirmahan niya.
Dalawang araw muna ang pinalipas ko bago ko pinakita iyon sa kanya. Ang akala ko kasi, gusto lang niyang mang-asar kaya sumulpot na lang siya bigla sa Kitchen matapos niyang tanggihan ang paghingi ko ng tulong. Ang akala ko, sasagarin lang niya hanggang last day of the week ang panti-trip niya. Kaya naman pagdating ng sumunod na Tuesday at nakita ko ulit ang Hummer EV niya sa labas ng restaurant, ang una kong ginawa pagkapasok sa opisina ay ang i-print at pirmahan ang inihanda kong kontrata. Nasa sampung pahina iyon at bawat page ay pinirmahan ko para wala siyang angal. Naghanda pa nga ako ng dalawang kopya para tig-isa kami.
Ang kaso, ayun. Kung kailan naman ako ready sumagot sa mga posibleng ireklamo niya, saka naman siya walang pakialam. Ni hindi niya pinasadahan ng basa ang inihanda kong papeles. Basta na lang niyang pinirmahan ang bawat pahina niyon at ibinalik sa akin. Feeling ko tuloy, binalewala niya ang effort ko. 'Yong energy kong gustong makipagbanatan, biglang nanlumo.
Ano ba 'to? Napipilitan lang ba siya? Aba at hindi naman na ako namimilit. Siya itong bigla na lang sumulpot dito. Itinaboy ko pa nga pero siya itong ayaw umalis. Siya pa nga itong nag-set up ng mga gamit niya sa opisina ko kahit hindi pa ako pumapayag, eh. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit siya nag-iinarte nang ganito at sobrang tahimik lang niya. Nagsusuplado pa rin naman siya sa akin pero hindi ako sanay na hindi niya tinatapatan ang mga pang-iinis ko. Pinapalampas lang niya and that wasn't what I signed up for. Mas nakaka-drain ng energy kapag ganitong ayaw niya akong labanan.
Kaya naman hindi na ako nakatiis pagsapit ng uwian. Usually, hindi talaga ako ng nagdadala ng kotse kapag pumupunta ako sa Kitchen since walking distance lang naman iyon mula sa tower ng condo unit ko. Kapag may kailangan akong puntahan during break, binabalikan ko na lang iyon.
Pero ngayon, hindi ko ginawa. Coding ang sasakyan ko ngayong araw kaya hindi ko rin iyon magagamit kahit balikan ko pa. Kaya walang nagawa si Keeno nang unahan ko siyang pumasok sa kanyang kotse. Paubos na ang laman ng ref ko sa condo kaya kailangan ko nang mag-restock at sasakyan lang niya ang puwede kong gamitin ngayon.
Panay simangot at reklamo ang natanggap ko mula sa kanya. Pero hindi pa man ako tapos sa pag-e-explain sa kailangan ko, ini-start na niya ang sasakyan at siya pa ang pumili ng supermarket na pupuntahan namin. Siya rin ang kumuha at nagtulak sa cart. Mukhang dito rin siya madalas mag-grocery dahil alam niya kung saang aisle hahagilapin ang mga nasa listahan ko nang hindi na tumitingin pa sa mga aisle signage sa itaas ng bawat shelf o nagtatanong sa iba naming kasabayan sa pamimili.
Mabilis na napuno ang cart na tulak-tulak niya. Mahaba ang pila ng halos lahat ng available na checkout counter kaya inaya ko muna siyang mag-ikot for the last time para makasiguro na wala akong item na nakaligtaan sa listahan ko. Sa buong durasyon ng pag-iikot namin, bumalik siya sa pananahimik. 'Yong mga angal niya kanina sa loob ng kotse, hindi ko na ulit narinig.
Mas lalo lang tuloy akong na-frustrate. Ano ba? May problema ba siya? Sa trabaho ba? Sa Kitchen o sa Ortega Winery? Kung sa Kitchen, magsabi lang siya dahil hindi ko naman siya pipigilang umalis kung ayaw na niya. Kung sa Ortega Winery naman, labas na ako roon at huwag niya akong idamay. Ayoko talaga ng ganitong nananahimik siya kasi ang hirap hulaan kung ano ang tumatakbo sa utak niya. Napapasimangot na rin tuloy ako.
Nabura lang iyon nang may mamataan ako mula sa kabilang aisle.
"Uy! Sina Xandie at Justin!"
Isang maluwang na ngiti agad ang namuo sa mga labi ko. Nilingon ko si Keeno para sana ayaing lumapit sa dalawa ngunit ganoon na lang ang pamimilog ng mga mata ko nang bigla niya akong hinigit sa braso. Dahil sa ginawa niya ay napasandal ako sa dulo ng shelf.
Pero teka nga. Ang akala ko ba ay masama ang loob niya sa pinsan ko kasi hanggang ngayon ay hindi pa rin inihaharap sa kanya ang boyfriend nito? Ngayong nandito na at puwede na niyang lapitan, ba't parang ayaw naman niya at idinamay pa ako sa pagtatago?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top