Chapter 3

Chapter 3

Mula nang buksan ko sa publiko ang Kitchen Princess, sanay na ang mga tao—lalo na ang mga malapit sa area at madalas pumunta roon—na Monday ang pahinga ko at ng restaurant. Saktong-sakto, tumapat sa araw na iyon ang pag-uwi ng pinsan ko galing sa short vacation nito at ng prince charming nitong kapangalan nito.

As in, legit. Parehong-pareho ang pangalan ng dalawa. Naiba lang sa spelling at sa gamit na apelyido. Alexander Justin at Alexandie Justine. Sino nga ba naman ang mag-aakalang ganoon pala ang AJ ng nag-iisang AJ Aniston? Never d-in-isclose iyon sa publiko.

Kaya naman, pagkatapos na pagkatapos ng daily workout ko, bumiyahe na ako patungo sa San Juan. Actually, kapag ganitong rest day ko, mas madalas talaga ako sa bahay nina Tito Vince at Xandie kaysa sa sarili kong condo unit. Hindi kasi ako sanay mapag-isa nang matagal. Kung wala ako kina Xandie, sina Rhyne at Czeila naman ang binubulabog ko.

Hindi na nga nagulat si Tito Vince nang mapagbuksan ako ng pinto. Pagkatapos ko itong batiin, ako pa ang nagulat nang mabungaran sa kusina ang higanteng lalaking nakaupo sa tabi ng kabisera habang prenteng nagkakape.

Ang aga-aga, nandito na rin siya?! Naunahan pa ako ng buwisit! Saan kaya 'to nag-park? Wala sa labas ang bago niyang Hummer EV na moonshot green matte ang kulay.

Hindi yata success ang pagtatago ko ng gulat dahil umangat ang kanang kilay niya pagkakita sa akin. Sinadya niyang lakasan ang tunog ng paghigop niya sa kape. Pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa akin, may bahid na ng pang-uusig.

Aba! Sino ba sa amin dito ang pinsan?!

"'Morning," marahang bati niya, taliwas sa expression ng mukha niya kanina. Katulad ko ay mukhang katatapos lang din niyang mag-workout. Nakaputing running shoes pa siya, itim na running shorts at midnight green na muscle shirt kaya hantad na hantad ang malalaking biceps. Ang windbreaker niyang kulay-itim ay nakasampay sa likod ng katabi niyang upuan.

Napangiwi ako mentally. "Good morning," ganting bati ko—labas sa ilong—bago ako umupo sa tapat niya. Hanggang sa makaupo ako, nakasunod lang ang tingin niya sa akin kaya hindi rin ako nagbawi ng titig. Akala mo naman, may gagawin akong masama, eh mas kaduda-duda pa nga siya.

"Ay 'sus! Nahiya pa kayong dalawa! Huwag nga ako! May pabati-bati pa kayo pero sa tinginan niyo naman, mukhang kanina pa kayo nagpapatayan!" maarteng basag sa amin ni Tito Vince.

Mas lalong tumalim ang tingin ko sa kanya. At hindi iyon nawala kahit nang saglit na pumagitna sa amin si Tito Vince para ilapag sa lamesa ang mga pagkaing inihanda nito.

Siya naman, mas ipinahalata na ang ano'ng-ginagawa-mo-rito look. Sobrang offensive pa na parang wala akong karapatang tumapak sa pamamahay na 'to. Ang kapal talaga ng mukha! Eh, sa aming dalawa naman, ako ang may dugong Licarte. Bigwasan ko 'to, eh!

Umismid siya bago tumayo para tulungan si Tito Vince. Nag-make face naman ako at nailing na lang si Tito nang makita iyon. Tumayo na rin ako at malambing na niyakap ito bago ako sumunod sa buwisit para magtimpla ng sariling kape. Titimplahan ko na nga rin sana si Xandie pero naunahan ako ng buwisit.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" pabulong na asik ko sabay gigil na halo sa kape.

"Ikaw, ano'ng ginagawa mo rito?" ganti niya sa kaparehong tono.

Ang kapal talaga ng mukha! Ang aga-aga, umiinit na agad ang bumbunan ko sa iritasyon! Pahinga ko na nga mula sa trabaho pero sa kanya naman, hindi. Buhusan ko 'to ng kape, eh!

Presko siyang umismid bago ako iniwan sa counter. Agad akong sumunod at hindi ko talaga siya tinantanan ng masamang tingin pero hindi na siya ulit tumingin sa akin. Alam kong sinasadya niyang iiwas ang tingin kasi alam niyang mas lalo lang akong mabubuwisit kung hindi niya papansinin ang iritasyon ko. Pagkalapag niya sa tasa ng kape na para kay Xandie, naupo na siya ulit pero sa katabing upuan na ng iniwan niyang puwesto kanina, doon sa pinaglagyan niya ng kanyang windbreaker. Pagkatapos ay prenteng binuksan ang diyaryong nakalatag sa lamesa.

Naningkit ang mga mata ko at ramdam ko na ang pag-iinit ng mga iyon dahil halos ayokong kumurap habang sinasaksak siya ng matalim na tingin. At napansin yata iyon ni Tito Vince dahil pumalatak ito nang ilang beses.

Pero hindi pa rin nag-angat ng tingin si Keeno. Dumikit na sa diyaryo ang tingin. Nananadya talaga 'to, eh!

"Good morning!"

Mabilis pa sa kidlat ang ginawa niyang pag-angat ng tingin! Kita mo 'to, sarap tusukin ng tinidor sa mga mata!

Sinamaan ko siya ulit ng tingin pero ni hindi niya hinayaang mapadaan ang tingin niya sa akin. Idiniretso niya agad iyon sa pinsan kong hindi ko pa man nalilingon pero amoy na amoy ko na ang bango ng gamit nitong shampoo.

"Good morning, Xandie." Parang maamong tupang ngumiti pa siya.

Naramdaman ko ang yakap sa akin ni Xandie mula sa likod kaya nagyayabang na inismiran ko siya. Ako ang unang nilapitan.

"Good morning, Xandie!" ganting-bati ko.

Maluwang ang ngiti nito nang lingunin ko. Si Tito Vince ang sunod nitong niyakap bago ito umikot patungo sa bakanteng upuan sa pagitan nina Tito at Keeno. Masiglang naupo ito bago hinarap ang kaibigang mukhang asong naghihintay ng order mula sa amo. "Good morning, Keeno!"

Muntik ko nang mailuwa ang hotdog na kasusubo ko pa lang nang makita ko ang pagnguso niya. Yuck! Akala naman niya, bagay iyon sa kanya?

"Tampo ka pa rin?" Magkahalong lambing at lungkot ang mahihimigan sa boses ni Xandie.

Ay, wow! Magpapasuyo pa 'tong buwisit na 'to, eh best friend lang naman siya. Hindi ko tuloy napigilan ang paa kong sipain siya nang palihim.

Naramdaman niya agad iyon kaya natigil ang pag-iinarte niya. Sa akin agad dumiretso ang masamang tingin niya. "Problema mo?"

"Ay, nasipa!" painosenteng sambit ko habang patuloy sa pagkain. Gulat na gulat pa ako kunwari. Mas lalo tuloy tumalim ang tingin niya. Hindi ko na napigilan ang ngisi ko.

"Hayy... Kailan ba magkakasundo ang dalawang 'to, Tito?" napapangiwi nang tanong ni Xandie bago hinawakan ang tasa ng kapeng inihanda ni Keeno para rito.

"Ewan ko rin sa dalawang 'yan," naiiling at natatawang sagot ni Tito Vince bago ipinagsandok ang dalawa.

"Not in a million years!" mariing kontra ko.

"Not in this lifetime," ganti naman agad niya.

"Dapat kasi, may love life na rin kayo, eh," nangingiting sabad ni Xandie bago sumubo.

"Excuse me?! 'Yang buwisit na iyan?!" bayolenteng react ko. Sa sobrang gulat ko, naibagsak ko pa nga pati ang mga hawak kong kutsara't tinidor.

Xandie let out a sweet chuckle. "Wala naman akong sinabi na kayo."

Wala raw pero halatang nagpapahiwatig! Kulang na nga lang, humagikhik ito. Oh, my God! This time, talagang sang-ayon ako kay Keeno, gaano man siya kabuwisit. Because no, never! Not. In. This. Lifetime!

"Aba, puwede. Bakit naman hindi?"

Nahihindik kong tiningnan si Tito Vince. Aba, teka lang. Pumunta ako rito para maki-tsismis sa papausbong na love life ng pinsan ko, hindi para magpagisa at maireto sa buwisit na Keeno'ng 'to! Kung bakit ba naman kasi pumunta-punta pa siya rito. Sa dami ng mga araw, ngayon pa talaga.

"Tito, mamamatay ako nang maaga kapag iyan ang naging girlfriend ko," nakasimangot na reklamo ni Keeno.

"Ay, wow! Totoo ba? Ako na ang manliligaw kung ganoon!" sarkastikong pang-iinis ko.

"Asa ka namang sasagutin kita."

"Oh, my God!" Humagalpak ng tawa si Tito Vince habang mapilantik ang kanang kamay na itinakip nito sa bibig. Napahampas naman sa lamesa ang isa. "Pakainin niyo nga muna ako! Wala pa nga akong naisusubo, baka malagutan ako bigla ng hininga!"

Mas lalo akong nanggalaiti sa narinig mula sa kanya. Lalo na at nagpatuloy lang siya sa pagkain na parang walang sinabing nakakasama ng loob. Gusto ko siyang sigawan pero alam kong matutuwa lang siya kapag nalaman niyang nagtagumpay siyang inisin ako kaya pinigilan ko. Mariin ang ginawa kong pagkagat sa pang-ibabang labi bago itinuon ang paningin sa pagkain kong nawalan na ako ng ganang galawin. Huminga ako nang malalim at pinilit kalmahin ang sarili.

Hindi siya ang ipinunta ko rito. Hindi dapat ako magpaapekto sa kawalanghiyaan niya.

Bago pa man may makapansin sa panandaliang pananahimik ko ay muli ko nang inangat ang mukha para balingan ang pinsan ko. Ibinalik ko na rin ang ngiti. Hindi ko dapat hinahayaang mawala iyon dahil lang sa buwisit na Keeno na 'to. Hindi siya ganoon kaimportante para pag-aksayahan ko ng oras. Kung kaya niya akong ignorahin, mas kaya ko!

"Bakit, Xandie? Puwede na ba nating tawaging love life ang inyo ng prince charming mo?" nanunuksong tanong ko. Huling napag-usapan namin kasi tungkol sa lalaking iyon, nagtalo raw ang mga ito. Pero sa ngiti pa lang nito ngayon, mukhang nagkasundo na rin.

Lalo itong nabuhayan at lalo ring lumuwang ang ngiti. Iba ang ngiti nito ngayon. Parang kahit magsapakan kami ni Keeno sa harap nito, mapapangiwi lang ito pero hindi iyon matatanggal. Kaya siguro bigla rin nitong naisipang ipares kaming dalawa ni Keeno. Sa sobra sigurong pag-uumapaw ng saya sa puso nito, pati kami ay gustong idamay. Mahal ko 'to pero no thanks! Kaya kong sumaya nang mag-isa. Mas sasaya pa ako kapag inilayo nito ang hinayupak nitong kaibigan.

"For real?! As in, may label na?"

Nahihiyang tumawa ito habang pinaglalaruan ang mga pagkain sa pinggan nito. "Hindi pa naman..."

"Kita mo 'to, sarap batukan." Ngumiwi si Tito Vince habang pinagmamasdan ang ginagawa ng pamangkin sa pagkain nito. "Kung ako iyon, wala pang isang oras, kami na agad!"

"Tito," Keeno groaned in protest.

"What? Totoo naman! Nakita mo na ba iyon? Dati, halos itulak ko na 'to para magka-boyfriend. Sa dami ng manliligaw, ni isa ay walang sinagot. Masyadong pinanghawakan ang sinasabi sa kanya noon ni Rin. Pero ngayon, nagpapasalamat na akong hindi 'to sumunod sa mga pambubuyo ko. Princess saw him, too! Worth it ang paghihintay! Green ang mga mata, Keeno!"

"Ibang lahi?" busangot ang mukhang tanong ni Keeno pagkatapos bitiwan ang hawak na diyaryo.

"British pero half," masayang sagot ni Xandie. "Daddy niya ang British. Ang mommy niya, purong Pinay. Pero laking-America siya."

"At nagtiwala ka agad?" kontrabida pa ring usig niya.

"Keeno naman."

"No offense, Xandie. Pero kahit gaano mo pa siya katagal hinintay, paano ka nakasisigurong siya ang tinutukoy ng hula ni Tita Rin?"

"Green ang mga mata niya."

"Alam kong rare ang eye color na ganyan pero hindi lang siya ang mayroon niyan."

"Pareho kami ng pangalan, Keeno. Sobrang rare ding makahanap ng ganoon. What are the chances na pareho kaming AJ? Alexandie at Alexander. Pareho pang Justin at sa spelling lang naiba," giit pa rin nito, bahagya nang nabawasan ang excitement sa mukha dahil sa ipinapakitang hostility ng buwisit na kaibigan nito.

Ang kontrabida talaga kahit kailan!

"Magre-rely ka lang sa pangalan? Ano ba, Xandie? Gusto mo ba iyon o masyado ka lang natutuwa na tumutugma lahat ng hula sa kanya?" Sa pagkakataong iyon, mas halata na ang iritasyon niya. Hindi lang sa boses. Kitang-kita na rin sa mga mata at buong pagmumukha niya.

"Ayaw mo ba sa kanya?" malungkot nang tanong ni Xandie.

"Ni hindi mo magawang iharap sa akin, Alexandie Justine. Umalis ka pa nang walang pasabi para lang sumama roon. Paano kung masamang tao pala iyon at napahamak ka—"

"Mabait si Justin, Keeno."

"Yeah, right."

"Hindi niya ako sasaktan."

"Artista iyon! Malamang, kaya ka niyang paniwalain na mabait siyang tao at hindi ka sasaktan. Marunong iyon umarte—"


"You're judging him."

"Paanong hindi, eh kailangan mo pang maglihim sa ami—"

"Alam mong hindi siya puwedeng basta-basta makita ng mga tao rito—"

"At ikaw pa ang mag-a-adjust?!"

Bahagya nang tumaas ang boses niya kaya medyo kinabahan na ako sa pagtatalo nila. Bahagya akong napaayos ng upo at nakita kong ganoon din si Tito Vince.

"Keeno..."

Malakas na napabuga siya ng hangin. Hinawakan na niya ang kanyang kutsara't tinidor pero agad ding nahinto nang marinig ang sunod na sinabi ng pinsan ko.

"Gusto ko siya, Keeno."

Kitang-kita ko ang kontroladong pagtaas-baba ng kanyang dibdib. Na para bang nagpipigil ng galit. Pero hindi naman iyon ang nakita ko nang iangat ko pa ang tingin sa kanyang mga mata. Kung kanina ay iritado siya, ngayon ay mukha nang talunan.

"At masaya ako sa kanya," mahinang dugtong ni Xandie. Yumuko ito sa pagkaing nasa harap nito. "Masaya ako kapag kasama ko siya. Ngayon lang ako naging ganito kasaya. Ngayon lang tumibok nang ganito ang puso ko. Nagpa-palpitate lagi kapag nasa harap ko siya pero gustong-gusto ko pa ring maramdaman. Lagi akong kabado pero masarap sa pakiramdam. Lalo na kapag nakikita ko siyang ngumiti... o kahit marinig ko lang ang boses niya."

Huminga nang malalim si Keeno.

"Hindi lang 'to dahil sa hula, Keeno. Totoo man ang hula o hindi, gusto ko siya."

Nakaramdam ako ng awa para sa pinsan. Madalas kasi itong tuksuhin ni Keeno dahil sa hula na iyon. Kapag ikinukuwento nito ang tungkol doon sa mga kakilala nito, walang naniniwala. Kahit ang sarili nitong best friend, hindi iyon sineseryoso. Hindi rin naman ako naniniwala sa hula pero naniniwala ako sa kagustuhan ng pinsan kong hintayin ang taong nararapat para rito. Naniniwala rin ako sa nararamdaman nito ngayon.

Pero at the same time, hindi ko rin naman masisisi si Keeno. Masyado siyang naging busy sa trabaho kaya hindi pa niya nakikita sa personal si Justin. Eh, sa klase pa naman ng trabaho ng lalaking iyon, at sa sobrang busy niyang nilalang, talagang mahirap pagtagpuin ang dalawa. Idagdag pang hindi sinabi ni Xandie sa kanya ang tungkol sa pag-alis nito. Somehow, naiintindihan ko naman ang pag-iinarte niya. Pero siyempre, kahit pa gets ko siya, hinding-hindi ko iyon ipapaalam sa kanya.

Hindi na siya umimik. Ipinagpatuloy na lang niya ang pagkain pero halata kong masama ang loob. Umiigting kasi ang mga panga. Kulang na lang, magdabog.

Napatikhim si Tito Vince kasi malamang ay napansin din iyon.

Walang sinuman sa amin ang nangahas bumasag sa katahimikan. Halatang-halata tuloy ang bilis ng pagkain ni Keeno. Parang atat nang umalis pero pinagbigyan muna saglit ang gutom. Hindi nga ako nagkamali dahil hindi umabot ng sampung minuto ay tapos na siya. Pagkatapos ubusin ang kanyang kape, tumayo na siya at nagpaalam na kay Tito Vince. Mukhang masama talaga ang loob dahil ni hindi niya man lang kami tinapunan ng tingin ni Xandie. Maiintindihan ko pa kung sa akin lang kasi allergic naman talaga siya sa akin. Wala nang bago roon. Pero ang idamay pati si Xandie? Totoong tampururot ang buwisit.

Nang lampasan niya ako, nagulat ako nang bigla siyang tumigil. Napainom tuloy ako ng kape habang pinakikinggan ang paghugot niya ng malalim na hininga. Mula sa gilid ng mga mata ko, nakita ko ang muli niyang paglingon sa amin habang nakapamaywang ang isang braso.

"Huwag kang iiyak sa akin kapag pinaiyak ka niyan," malamig na sambit niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top