Chapter 17

Chapter 17

Panandalian lang ang gulat na naramdaman ko. Siguro ay dahil nasa party kami at halos required makisalamuha sa mga taong dumalo kahit kakaunti lang naman kumpara sa nakasanayang engagement party.

Sa side ni Justin, ang narito lang talaga ay ang mga taong malalapit dito mula sa agency na humahawak dito kabilang na ang mabait na manager nito. Sa family side, ang lola lang nito ang dumalo. Pareho pang buhay ang mga magulang nito pero for a very personal reason, matagal na itong walang koneksiyon sa mga iyon.

Kaya ang mga narito sa event, bukod sa dalawang malapit nang ikasal, kilala ko lahat. Ang mga miyembro ng Lyricbeat na sina Zorden, Maddison, Ardo, Troy at Asher; si Tito Vince; sina Rhyne at Czeila; sina Mommy at Daddy; sina Mr. Sergio and Mrs. Lianne Ortega na lumuwas pa galing Cebu; at si Keeno, the Kit Kat.

Kilala ko lahat maliban sa babaeng nakakapit pa rin sa braso ni Keeno.

Private ang engagement party na 'to. Kilala kaya ito ni Xandie? Kung hindi, baka makutusan ko si Keeno. Alam niyang hindi lang basta private ang event na 'to. Nasa isang private property nga kami ni Justin na hindi alam ng media.

Hindi ko nilubayan ng tingin ang dalawa. Halos hindi rin kasi humiwalay sa kanya ang babae at hindi ko pa nga nakikitang bumitaw ito mula sa braso niya. Kaya nakita ko rin nang lumapit sila kay Justin at Xandie. Napanatag na ako nang makitang niyakap ito nang mahigpit ng pinsan ko. Nag-usap pa ang dalawa at ganoon din sina Keeno at Justin.

This time, hindi ko na napigilang mapangisi. Kaya naman pala niyang humanap ng sarili niyang date, ini-stress pa ako nang ilang linggo.

Nilubayan ko na siya ng tingin pagkatapos niyon at ngisi na lang ang naisagot ko sa mga kaibigan ko na halatang hindi nagustuhang may kasama siyang iba.

"I don't like this," komento ni Rhyne pagkaraan ng ilang sandali.

Nang lingunin ko ito matapos akong kausapin ni Chef Kathrin, nasa hawak na Espresso Martini ang tingin nito. Pasimple ko itong siniko. "Uy, nakailang shot ka na? Hinay-hinay. Wala tayo sa Mico Moco."

Umangat ang tingin nito sa akin at doon ko lang nalaman na irritable na pala ito. Ang talim ng tingin. "And you're okay with this?" pasikmat na tanong nito.

"Huh?" nagtataka nang tanong ko bago inilipat kay Czei ang tingin.

Napabuntong hininga si Czeila, halata rin ang disappointment sa mukha pero hindi na nagsalita.

"Bakit? Ano'ng ayaw niyo? Ayaw niyo sa menu?" Kumunot na ang noo ko sa naisip. Halos hindi pa kasi ginagalaw ni Rhyne ang plato nito. Si Czei naman, nangalahati na pero halatang matamlay at walang gana.

"Masarap," positibong sagot ni Czei pero malungkot ang boses.

"Eh, ano'ng problema?"

"May ibang kasama si Keeno."

Halos kasabay niyon ang pandidilat ko. "Akala ko ba, ayaw niyo sa kanya? Hala, may na-fall ba sa inyo?" nag-aalalang tanong ko.

"No!" Ito naman ang nandilat sa akin bago muling sumubo.

"Akala mo ba, hindi namin mahahalata ang ginagawa mo? Matapos mo kaming tanungin kung may pag-asa bang magustuhan namin 'yang Keeno mo, halatang-halata kung paano mo kami inilapit sa kanya. Hindi lang kami nagreklamo kasi akala namin, susukuan mo rin kung wala kang mapapala." Katakot-takot na irap ang ibinato ni Rhyne sa akin. "Pagkatapos, ayan? Hindi mo talaga tinigilan hangga't wala kang nahahanap? Saan mo nakuha 'yan at napapayag mo?"

"Hala, saglit." Nalito ako bigla sa ipinagpuputok ng ugat nito. "Hindi naman ako ang may kagagawan niyan. Sariling sikap na 'yan ni Keeno. Wait nga, hindi ko iyon Keeno, ah! Hayan nga at may date na!" Ngumisi ako nang muling tingnan ang dalawang pinag-uusapan namin.

"At okay lang talaga sa 'yo?" tila reklamo pa ni Czei.

Bumalik ang tingin ko sa kanila. "Bakit naman hindi?"

Hindi ko alam kung bakit pero tila mas lalo silang na-disappoint sa nakuhang sagot mula sa akin. Si Rhyne, biglang nilagok nang isahan ang hawak na Espresso Martini at pagkatapos ay tila nagdadabog na nilantakan na ang mga pagkaing nasa plato nito. Ganoon din si Czeila. Ewan ko sa dalawang 'to.

Ako, hanggang sa pagtatapos ng event, hindi na matanggal ang ngiti ko. Kahit habang tumutulong ako sa pagpa-pack up kina Chef Kathrin at sa buong team, ang sigla ko pa rin. Kahit failed ako sa itinuring kong misyon sa buhay nitong nakaraang mga araw at linggo, masaya pa rin ako dahil at least ay may nadalang date si Keeno sa party. Hindi na rin lugi. Masasabi ko pa ring sulit ang mga naipon kong stress.

Ni hindi ko nga magawang magreklamo nang mahalata ko nang lasing ang dalawang kaibigan ko. Isa-isa ko silang inakay patungo sa kotse ko. Ang sabi ni Justin, puwede naman daw rito muna kami magpalipas ng gabi kagaya ng mga ibang dumalo dahil malawak naman ang mansiyon na pinagdausan ng event. Tumanggi ako kasi alam kong hindi ko maaasikaso nang mabuti ang dalawa kung dirito kami. At least, sa condo ko, may mga damit naman na sila roon.

Keeno tried to help me pero dahil may date siya, tinanggihan ko rin. Hanggang kotse ko lang siya hinayaang sumama sa amin.

"Ihahatid ko na kayo," pangungulit pa rin niya nang buksan ko ang pinto sa driver's seat.

Naroon pa rin ang ngiti ko nang lingunin ko siya at tawanan nang mahina. "Hindi ako uminom, promise! Bumalik ka na sa loob. Huwag mong iwan ang date mo. Shoo!" Tinawanan ko siya ulit nang simangutan niya ako. "Good shot ka sa akin ngayon, ah. May chocolate ka sa akin bukas!"

Pumalatak lang siya at tinulungan akong ipunin ang cape skirt ng suot kong gown nang pumuwesto ako sa harap ng manibela. Nang makaupo ako nang maayos, inayos niya rin iyon para hindi matakpan ang mga paa ko.

Humalukipkip ako habang hinihintay siyang matapos at natawa na naman nang sa muli niyang pagtuwid ng tayo, nakita kong busangot pa rin ang mukha niya. "Sige na. Shoo!" taboy ko ulit.

Nagmatigas siya at hindi talaga umalis hanggang sa paandarin ko ang kotse. Hinintay niyang makaalis kami sa parking space at kahit nang paalis na kami ay kita ko pa rin siyang nakabantay mula sa wing mirror.

Nailing na lang ako at muling natawa.

"'Tanginang Keeno na 'yan," dinig kong bad shot na mura ni Rhyne mula sa likod.

Nang sulyapan ko sila mula sa rearview mirror, parehong nakapikit ang dalawa. Nakasandal si Czei sa balikat ni Rhyne at ganoon din ang huli sa ulo naman nito. Kunot na kunot pa ang noo. Hindi naman na nasundan pa ang mura nito kaya tahimik ko nang binaybay ang daan pauwi. Hindi rin ako masyadong nahirapan pagkarating namin sa condo dahil mukhang nahimasmasan nang bahagya ang dalawa habang nasa biyahe. Pero halata ko pa ring bad trip. Hindi ko lang maintindihan kung saan nanggagaling ang disappointment na nakikita ko sa ikinikilos nila.

Nang matapos maglinis ng katawan at magpalit ng pantulog, pagkahiga naming tatlo, bagsak agad ang dalawa at hindi pa naglilimang minuto ay pareho nang tulog. Nasa magkabilang gilid ko sila, nakayakap sa kanang braso ko si Czeila samantalang si Rhyne ay nakatalikod ngunit nakadikit naman ang likod sa kaliwa ko.

Sa pagtatapos ng isa na namang araw sa buhay ko, habang pinapakiramdaman ang payapang paghinga ng mga kaibigan ko, saka lang bumuhos sa akin ang lahat ng nangyari ngayon. 'Yong adrenaline rush na dulot ng magkahalo at matinding saya at ka-busy-han, unti-unting naupos. Napangiti ako habang inaalala ang mga pangyayari, slowly welcoming the exhaustion in my system.

Masaya ako para kay Xandie at Justin. Masaya ako sa pag-uwi nina Mommy at Daddy. Masaya rin akong makitang may ibang babaeng kumakapit sa braso ni Keeno... Ilang ulit nag-replay sa utak ko kung paano niya iyon ginantihan ng masuyong tapik sa kamay... hanggang sa namalayan ko na lang na wala na ang ngiti sa mga labi ko.

Unti-unti, naramdaman ko ang pangingilid ng mga luha ko. Sinundan iyon ng paninikip ng dibdib ko. Dahan-dahan akong huminga nang malalim para pawiin iyon. Pero the more na pigilan ko, the more na naninikip, the more na sumasakit... hanggang hindi na nakayanan ng mga mata ko at isa-isa nang tumulo ang mga luha kong ngayon ko lang napagtantong kanina pa pala gustong kumawala.

Mula sa pakikipagtitigan sa madilim na kisame, naipikit ko ang mga mata ko.

Masaya ako. Nasobrahan lang ako ng saya... na nahaluan ng pagod na ilang linggong naipon... kaya ako naiiyak. I was just overwhelmed and finally relieved that everyone around me was happy... kaya ako naiiyak. Iyon lang iyon, Princess. Parang buwisit naman 'to.

Hindi ko alam kung ilang minuto akong lumuha nang tahimik. Pero sa muling pagmulat ko ng mga mata, wala na ang mga kaibigan ko sa tabi ko at mataas na ang sikat ng araw. Monday kaya hindi na ako nagtaka kung bakit hindi na ako ginising ng dalawa bago sila umalis. May mga trabaho sila, ako ay wala. For the first time, ngayon lang ako nagising nang ganito ka-late sa araw ng Lunes.

May nakahanda nang breakfast paglabas ko. Hindi ko alam kung dahil ba tinanghali ako ng gising pero nakaka-frustrate ang kawalan ko ng energy. Matamlay kong inubos ang pagkain. At sa pinakaunang pagkakataon, iginugol ko ang buong Lunes ko sa paghilata sa kama.

Ang akala ko, pagod lang ako. Ang akala ko, gusto lang bumawi ng katawan ko ng pahinga. Pero mas lalo akong nanlumo nang sa pagbalik ko sa Kitchen sa sumunod na araw ay iba ang bumungad sa akin sa desk ko. Sa halip na breakfast on a wooden tray, isang nakatuping papel ang nakalatag doon.

Nang buklatin ko, nakilala ko agad ang pangit na sulat-kamay ni Keeno. Ang maganda lang yata roon ay ang signature niya. Kung ano'ng ikinapangit ng penmanship, effortless naman sa ganda ang pirma.

It was a letter of leave of absence. Hindi printed pero halatang minadali. Ni hindi nakalagay kung kailan magsisimula ang request niya at kung hanggang kailan siya mawawala. Ang sinabi lang, due to personal reasons na obviously ay hindi niya puwedeng ipaalam sa akin.

Mas lalong bumigat ang loob ko.

Pumunta ba siya rito kanina para lang idaan 'tong kakarampot na papel? Masyado ba siyang nagmamadali na hindi na niya nagawa pang maglaan ng oras para sa breakfast na ipinangako niyang gagawin niya para sa akin araw-araw? Bakit hindi man lang niya hinintay ang pagdating ko? Bakit umalis siya agad? Request pa lang naman 'tong letter pero sumibat na agad siya. Hindi man lang hinintay kung aaprubahan ko ba o hindi. Buwisit talaga iyon.

Inirapan ko lang ang papel at dinaganan na ng ibang dokumentong nakakalat sa desk ko. As if may magagawa iyon para makondisyon ko ang sariling hindi nag-e-exist ang letter na iyon at wala akong nabasa. At the back of my mind, I was hoping it was just a prank. Wala kasi talaga siyang hint na ibinigay tungkol doon sa nakalipas na mga araw. Wala man lang warning.

Walang nakasaad na number of days sa ni-request niyang leave kaya I was hoping na babalik din siya within the day. Baka half-day lang naman. O baka gumawa lang ng excuse para hindi ko siya singilin ng breakfast. Kahit naman kasi noong humingi ako ng tulong sa kanya, todo tanggi siya pero kinabukasan naman ay mas nauna pa siyang nagpunta rito sa Kitchen kaysa sa akin.

Pinalampas ko ang isang araw. Baka may emergency lang talaga kaya hindi siya dumating. Pero sa pagdating ng pangalawa, pangatlo, pang-apat hanggang sa panlimang araw na wala akong nadatnang breakfast sa desk ko, bumalik ang panlulumo ko. Ilang araw na akong hindi nakakapag-breakfast. Hindi dahil walang nakahanda kundi dahil wala akong gana. Ang mga chocolate bar sa mini fridge, naiipon na dahil walang kumakain.

Hindi ko mapigilang mag-overthink... kasi napaka-timing naman ng leave niya right after Xandie's engagement to Justin. Hindi ko maiwasang isipin na baka iyon ang dahilan kung bakit bigla na lang siyang umalis. Na sa kabila ng pagkakaroon niya ng date sa event, apektado pa rin siya sa nangyari.

Pero inisip ko na lang... na at least, hindi siya gumawa ng eksena. Mas mabuti na rin sigurong lumayo na lang muna siya. Nakakatampo lang na kung ganoon nga ang dahilan niya, hindi man lang niya sinabi sa akin samantalang maiintindihan ko naman. Mortal na magkaaway kami pero sa nakalipas na mga buwan, alam na niya dapat na wala akong balak ipagkalat ang lihim niya. Alam na niya dapat na mapagkakatiwalaan ako.

But then... siguro nga ay wala talaga siyang tiwala sa akin.

At hindi ko na alam kung saan ba ako apektado—sa biglaan niyang leave o sa katotohanang hindi niya ako kayang pagkatiwalaan. Ang alam ko lang, apektado ako at kahit ano'ng tago ko, kapag talaga siguro halata, kahit wala akong sabihin ay mahahalata pa rin ng mga taong halos araw-araw kong nakakasalamuha.

"May nami-miss ka, ano?" nang-iintrigang tanong ni Chef Kathrin habang tinutulungan akong magligpit at maglinis sa kusina. Natawa ito agad sa paglingon ko. "Wow, Chef! Ang defensive ng lingon!"

Napairap ako kasi nahimigan ko agad ang panunudyo sa boses nito.

"Pati ng irap," natatawang dagdag nito. "Pero ako rin, may nami-miss!"

Pinandilatan ko ito ng mga mata kaya agad nitong dinugtungan iyon.

"Nami-miss ko 'yong mga pasimpleng tinginan niyo, 'tapos kapag nagkahulihan, mag-iirapan." This time, sobrang halata na ng pang-aasar nito.

"Tantanan mo ako, Chef K. Ba't ko naman mami-miss ang buwisit na iyon, eh wala namang ginawa iyon kundi mag-demand ng tsokolate?"

Nanlaki ang mga butas ng ilong nito sa pagpipigil na tuluyang mapangisi. "Kahit naman wala na siya rito at wala nang nang-uutos, gumagawa ka pa rin."

Pinandilatan ko ito ulit ngunit wala na akong nairesbak laban doon kasi aminado naman ako.

Nang makauwi na silang lahat at muli na naman akong naiwang mag-isa sa Kitchen, muli akong nilukob ng panlulumo habang inikot ng tingin ang kabuuan ng walang laman na kainan. Binigyan ko ng last look ang kusina... pagkatapos ay ang opisina. Wala namang nabago sa lahat ng sulok ng restaurant. In fact, each corner looked the same as before Keeno started working here. Ang desk ko sa office, magulo na ulit. But that was where the feeling of emptiness came from. Mula nang magtrabaho si Keeno sa akin, palagi nang malinis iyon. Ngayong magulo na ulit, ramdam na ramdam ko ang absence niya.

Pagkasara at pagkalabas ko ng restaurant, saka ko lang nakita ang mga text nina Czei at Rhyne na nasa Mico Moco sila ngayon. Friday at may special gig ang Lyricbeat.

Kaya kahit wala sa mood, sumunod ako. Sa dami ng gumugulo sa utak ko, ayokong mapag-isa kasi paniguradong mas iisipin ko pagkauwi. Kailangan ko ng maraming tao sa paligid para at least, maungusan ng ingay ng crowd ang naghuhumiyaw na gulo sa utak ko.

Pero buwisit... The more na gusto kong takbuhan ang gumugulo sa utak ko, the more na ayaw magpatalo niyon at gusto rin akong habulin. Dahil pagpasok na pagpasok ko pa lang sa Mico Moco, parang gusto ko nang pagsisihan na dumayo pa ako roon.

Nasa itaas pa rin ng platform stage ang banda ngunit hindi na tumutugtog. Water break yata o baka preparing na lang para sa huling performance for the night. Sa halip na Lyricbeat, ang kantang umaalingawngaw sa bawat sulok ng bistro ni Kuya Mico ay kanta ng Canadian singer na si Carys.

Buwisit na princesses don't cry na 'yan...

Nang makarating ako sa second floor, pagdating ko sa usual table namin, hindi pa ako nakakaupo pero tinungga ko na agad ang nakita kong cosmo na hindi pa yata nagagalaw.

"Princess!" bulalas ni Czei nang pagkababa ko ng cocktail glass ay dumampot na naman ako ng panibagong inumin at inisang lagok ang laman niyon.

"Whoa..." gulat ngunit nananantiyang react ni Kuya Mico na katapat ni Rhyne sa lamesa at katabi naman ni Czei. "Ayos ka lang, Princess? Umupo ka muna. Hinay-hinay lang." Tumayo ito at pinaupo ako sa puwesto nito. Narinig ko pang nagtawag ito ng waiter at humingi ng tubig.

Naririnig ko ang ingay sa paligid ko... pero nangingibabaw ang lyrics ng kantang tumutugtog. Buwisit talaga. Pakiramdam ko, pinagkakaisahan ako ng mundo, pilit akong isinasampal sa isang bagay na ayaw kong harapin.

"Princess, may problema ba?" malambing ngunit nag-aalalang tanong ni Czeila habang niyayakap ako sa gilid at sinasabayan pa ng hagod ang likod ko.

Matagal na buhat ng huling inom ko. Hindi ako uminom last week sa engagement party ni Xandie kasi nagmaneho ako pauwi. Ngayon ko pa lang nalagyan ulit ng alak ang sistema ko. Kaya siguro mabilis ang tama at parang nagiging dalawa na si Rhyne sa paningin ko. Hindi ko na ito mamukhaan nang malinaw pero naririnig kong tila may kaaway ito sa cellphone.

"Ano na? Ang tagal naman niyan, 'tangina!" reklamo nito. "Kanina pa ang Princesses Don't Cry rito pero ang kaibigan namin, paiyak na!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top