Chapter 16
Chapter 16
Kapag talaga guilty ang isang tao, kahit hindi mo amining may ginawa kang hindi magugustuhan ng taong nagtanong sa 'yo, kusang magre-react ang sistema mo. Sana lang ay hindi iyon halata sa mukha ko. Pinanindigan ko na lang ang pagsimangot ko at hindi na nga pinigilan ang sariling sikmatan si Keeno.
"Ano'ng ako? Ikaw nga ang kanina pang ayaw akong tantanan!"
Mas lalong naningkit ang mga mata niya. Hindi man lang nabawasan ang pagdududa sa hitsura.
"Ano? Ano?" panghahamon ko sa kanya kasi totoo naman talagang ang kulit niya ngayong araw. Para namang hindi mabubuhay kung walang tsokolate sa sistema niya. At saka, ang dami niya kayang Kit Kat sa opisina niya!
"Tsokolate ko, ah," paalala lang niya bago ako inunahan papasok sa mini room.
Nairolyo ko na lang ang mga mata ko habang hinihintay siyang matapos magbihis. Kunwari ay chill lang kahit ang totoo ay mas naramdaman ko ang panginginig ng mga binti ko dahil sa tanong niya kanina. Bakit parang may alam na siya? Hindi naman ako gano'n kahalata, ah.
Magmula no'n, parang feeling ko, pati ako ay bantay-sarado na rin niya. Lahat ng staff ng Kitchen, sa loob at labas man ng kusina, abala talaga kapag working hours. Pero kahit busy kami pareho, hindi pa rin nakatakas sa akin ang madalas niyang paninitig. Umabot na nga sa puntong kahit nakatalikod ako, nararamdaman ko na kapag nakatingin siya o hindi. Ilang beses ko rin siyang nahuling nakatingin at kahit nahuli na nga, siya pa ang matapang na hindi magbawi ng tingin kahit siya na nga itong nahuli. Parang ako pa nga ang hinuhuli niya kahit wala naman akong ginagawang masama.
Wala naman talaga!
Kung natunugan man niya ang mga pinaggagawa ko nitong mga nakaraang araw at linggo, hindi naman masama ang ginawa ko, 'di ba? Ako pa nga 'tong nagmalasakit kahit nakakabuwisit siya. Saan ka nga naman nakakita ng mortal na kaaway na hahanapan ka ng date? And if possible, babaeng mamahalin mo habambuhay?
Kung magalit siya, pakialam ko? Bahala siya sa buhay niya at ako na ang bahala sa magiging date niya sa darating na engagement party nina Xandie at Justin. Hindi puwedeng wala. Hindi ako papayag.
"Alam mo, kapag ganyan ka lagi tumingin, talagang tatanda kang binata. Walang magkakagusto sa 'yo kung ganyang tingin mo pa lang, parang nambubulyaw ka na," sermon ko sa kanya habang minamatyagan niya akong gumawa ng chocolate bar. Wala siyang choice nang hatakin ko siya pabalik sa kusina dahil sa kanya na rin naman ako sumasabay pauwi ngayon. Gusto kong ipakita sa kanya kung paano gawin ang paborito niyang tsokolate para sa susunod na kulitin niya ako, puwede kong ipanlaban na alam na rin naman niyang gawin iyon. "Kaya walang tumatagal sa 'yo, eh."
Wala akong nakuhang sagot mula sa kanya. Nang lingunin ko, nakahalukipkip lang siya at hantad na hantad sa akin ang malalaking braso. Medyo natukso pa nga akong paraanan iyon ng haplos para lang kapain ang mga ugat na bahagyang namumutok. Pinigilan ko lang kasi baka mabigwasan niya ako. Hindi naman ako magpapatalo pero baka kasi hindi ko matapos ang chocolate bar kung papatulan ko siya. Magsasapakan lang kami at wala na akong energy na mailalaan pa roon.
"Kaya ba walang tumagal? Kasi ever since, si Xandie na talaga?" tanong ko nang ibalik ang paningin sa hinahalo kong tsokolate at crushed almonds. Dalawa ang gagawin ko ngayon. Ang isa, hindi ko hahaluan ng almonds.
Isang malalim na buntong hininga ang isinagot niya roon. Hindi iyon tanda ng pagsuko. More like nauubusan na naman siya ng pasensiya sa akin.
"Kung matagal mo na palang gusto ang pinsan ko, ba't hindi na lang siya agad ang niligawan mo?" Kasi kung ginawa niya sana iyon, eh 'di sana ay hindi ako namomroblema ngayon sa paghahanap ng date niya. Hay naku, kasalanan niya rin talaga ang lahat ng ito.
Hindi pa rin siya nagkomento.
'Kita mo 'to, kinakausap na nga nang maayos habang ginagawa ang iniuutos niya, ayaw namang sumagot.
"Ano na? Ba't ayaw mong sumagot? Hindi ko tatapusin 'tong chocolate mo," pananakot ko bago inangat ang tingin sa kanya.
Kung kanina, ayaw niyang maglabas ng reaksiyon, ngayon ay masama na ang tingin sa akin. Chocolate lang pala ang katapat niya. Ang weak!
"Ano na?" Tinaasan ko pa siya ng kilay.
"Kapag sinagot ko ba iyan, maniniwala ka?" tanong niyang tilang nanghahamon pa.
"Kailan naman kita hindi pinaniwalaan?"
Nagsalubong na ang mga kilay niya at naningkit na naman ang mga mata na parang nagtatanong ng "Ah, talaga ba?"
"Kailan nga?"
Umirap siya at muli nang ibinaba ang tingin sa chocolate. "Tapusin mo na 'yan at nang makauwi na tayo."
Inirapan ko rin siya. As if naman, nasa iisang bahay kami. Kung gusto na niyang umuwi, eh 'di mauna na siya. Wala naman siyang kuwentang kausap.
Pero siyempre, hindi ko pa rin napigilang mangulit ulit. "Ayaw mo na bang magka-girlfriend ulit?"
Malalim na hininga na naman ang pinakawalan niya nang marahil ay ma-realize na wala akong balak tigilan siya ngayon.
"Wala ka bang crush ngayon? Wala kang ibang kaibigang babae?" patuloy ko. "Kasi ako, mayroon. Kung gusto mo ng cute na bansot na ubod ng kulit, perfect si Czeila para sa 'yo. Huwag mo lang bibigyan ng wine kasi babagsak agad iyon. Medyo hindi kayo compatible sa part na iyon. Pero mas magaling iyon gumawa ng chocolate bar kasi iyon talaga ang forte niya. Mas magugustuhan mo ang gawa niya."
Walang emosyon na naman niya akong tiningnan.
"Kung gusto mo naman ng mahilig sa kape, si Rhyne ang bagay sa iyo. Puro ka black coffee, 'di ba? Si Rhyne, alam kung ano'ng blend ang iaalok sa 'yo. Huwag kang papalinlang sa mukha no'n. May resting bitch face iyon kaya kahit masaya siya, parang galit pa rin. Pero mabait iyon, promise—"
"Magpapagawa ba ako sa 'yo ng chocolate bar kung hindi ko nagustuhan ang timpla mo?" biglang putol niya sa litanya ko. "And I prefer your black coffee."
"Alam ko pero hindi naman habambuhay kitang gagawan. Paano kung tapos na ang trabaho mo rito? Sa oras na bumalik si Chef Daphne, 'matic nang tapos na ang role mo rito. Kapag wala ka na rito, hindi na 'to free, 'no?"
Hindi siya agad sumagot kaya napilitan akong lingunin na naman. Magkasalubong na naman ang mga kilay niya. Mukhang wala na sa mood. Hindi na rin yata siya nakikinig sa mga sinasabi ko, eh.
"At saka, 'yong kape, kahit plain black coffee pa 'yan, maglalasang special kapag si Rhyne ang nagtimpla. Promise! Kahit ako na hindi gaanong mahilig uminom, napapainom kapag siya ang nagtitimpla. Pinapaboran yata iyon ng guardian angel ng kape—"
"Hindi ako mahilig sa kape," masungit nang sagot niya.
"Weh? Eh, umiinom ka nga araw—"
"Alam ba ng mga kaibigan mo na binebenta mo sila sa akin?"
Bigla akong nandilat at awtomatikong napalingon ulit sa kanya. "Hindi kaya!"
Siya naman ngayon ang nagrolyo ng mga mata, halatang hindi naniniwala.
Oh, my God! So much for not being obvious! Mukhang huling-huli na nga niya ako.
Hindi na niya ipinilit ang paratang niya sa akin pero ramdam kong hindi ko talaga siya mabubudol nang pasimple. Dapat siguro sa kanya, bigla na lang iharap sa babae para wala na siyang choice.
Nagdadabog na tinapos ko ang kanyang chocolate bar. Nahuli ko pa siyang umirap ulit bago ako iwan sa kusina. Hindi na ako nagmadali sa paglilinis ng mga ginamit kong utensil kasi ang akala ko ay talagang nauna na siyang umuwi. Pikon talaga iyon. Ang weak.
Kaya naman nang paglabas ko ng restaurant at makita kong nakaabang na ang sasakyan niya, napairap na lang ako. Ang weak talaga. Hindi man lang mapanindigan ang pagwo-walk out niya.
Sumama ako sa kanya pauwi. Hindi na ako nag-inarte kasi madadaanan niya naman talaga ang building ng unit ko bago siya makarating sa bahay slash workplace niya. Buong biyahe pauwi, hindi na kami ulit nag-imikan pa.
Habang palapit nang palapit ang event, lalo akong naii-stress dahil wala na akong maireto pa sa kanya. Marami naman akong kilala bukod kina Czeila at Rhyne pero hindi kasing-level ng binibigay ko sa dalawa ang tiwala ko. Magaling lang magtago si Keeno pero alam kong broken-hearted iyon. Ayoko namang dumagdag pa sa heartache niya kung sakali. Ang gusto ko, kung may ihaharap man ako sa kanya, 'yong sigurado akong hindi siya sasaktan. Kahit date lang naman, ayoko pa rin ng ma-attitude. Baka mabigwasan niya kung hindi niya matipuhan.
Nawalan din ako ng time para hanapan siya dahil kapag may trabaho ako sa Kitchen, ang free time ko mula roon ay inilalaan ko para sa paghahanap ng susuotin namin ng mga kaibigan ko. Black tie affair ang mangyayari kaya excited kami ni Czeila para kay Rhyne. Hindi kasi iyon mahilig um-attend ng magagarbong party. Wala lang siyang choice ngayon kasi engagement party ng pinsan ko.
Sa Avanzado Creations kami nag-avail.
Czeila wore an old rose-colored glitter single-shoulder gown. Mahaba ang sleeve sa kanang braso nito na may butas pa sa bandang upper arm kaya exposed iyon nang bahagya. Ang neckline, medyo plunging na pa-slant patungo sa draped part sa skirt kaya naging irregular ang hem sa unahan. Dahil doon, hantad ang buong kanang binti nito at mula tuhod naman pababa ang kita sa kaliwa. It was more like an evening gown and a cocktail dress combined kasi mahaba naman ang hem sa likod.
Si Czei kasi, mahilig sa skirt kasi matangkad itong tingnan kapag ganoon. Mahahaba kasi ang legs. Hinayaan lang nitong nakalugay ang mahabang buhok na bahagyang kinulot sa bandang dulo at may braided part sa itaas na nagmistulang crown.
Si Rhyne naman, ang sabi nito, kami na ni Czeila ang bahalang pumili ng design. Nagdesisyon lang ito sa kulay. It was a coffee-brown satin A-line gown. May balloon sleeves na pleated. Plunging ang neckline at may side cut-out pa. Hindi ito sumama nang kunin namin iyon kaya nang makita iyon ay ilang angal ang natanggap namin. Pero sinuot din naman kaya ngiting-tagumpay pa rin kami ni Czei kahit nasampulan kami ng sermon.
Nang makita ito ni Asher sa mismong event, halos ayaw nang humiwalay ng huli. Napilitan lang ito nang mag-perform ang banda kasama ang magiging groom.
Ang buhok nito, naka-twisted updo at may ilang hiblang hinayaan naming pakawalan sa magkabilang gilid ng mukha nito.
As for me, I had my hair in a half-updo. Mas na-highlight niyon ang bagong kulay ng buhok ko na bumagay rin sa kulay ng suot kong evening gown. I opted for the shade of wine. I wore a modified A-line dress with an asymmetrical neckline. It was covered in glitter and had a high slit on the side of the left leg. It also had a skirt cape tied around my waist with a ribbon. Bahagya kong iginilid iyon para natatabunan ang lahat ng side except for the slit.
Kagaya ng mga kaibigan ko, maganda rin ang napili kong dress. Hindi naman ako magsusuot kung hindi ko gusto. Kaya lang, ni minsan ay hindi nagtagal ang tingin sa akin ni Keeno. Ni hindi pa nga yata umaabot ng isang segundo kasi parang nadadaanan lang niya ako ng tingin at hindi na ibinabalik. Maano ba namang lapitan ako kahit saglit para purihin kahit labas sa ilong? Masama na nga ang loob ko dahil failed ang operation: hanapan ng love life ang mortal kong kaaway, dinagdagan niya pa. Buwisit talaga iyon, walang kuwenta.
Hayun nga at inagawan pa ako ng mga magulang. Alam kong nandito rin sa event ang mag-asawang Ortega pero kay Mommy at Daddy siya nakadikit. Ni hindi pa nga kami nakakapagkumustahan dahil kararating lang ng dalawa mula Australia. Ako naman, pagkatapos makipag-picture sa mga kaibigan ko, sa dalawang na-engage ngayong gabi at kay Tito Vince, naging abala na ako sa pag-a-assist kina Chef Kathrin dahil kami ang nag-cater sa event.
Hindi ko alam kung ilang minuto o kung inabot ba ako ng oras na wala sa lamesa namin. Pero pagbalik ko, pareho nang nakahalukipkip sa akin sina Rhyne at Czeila. I could see in their faces that they were obviously not pleased with what was happening.
"What?" I mouthed. Kanina naman, ang luwang ng ngiti ni Rhyne kasi may espresso martini na nakahanda.
"Saan mo nahanap ang kasama ni Keeno ngayon?" Si Czeila ang sumagot nang patanong.
"Huh? Kasama?" nalilitong tanong ko bago kaagad na iniikot ang paningin sa paligid para hanapin ang taong itinatanong nila. Bumalik ang tingin ko sa dalawa when I felt Rhyne shift in her seat.
Ikiniling nito ang ulo sa kabilang direksiyon. Nang sundan ko iyon, nakita ko ang mga magulang ko. Kausap pa rin nila si Keeno pero hindi na siya nag-iisa. Isang balingkinitan na babae ang katabi niya, wearing a refined cheongsam evening gown na kapareho ng kulay ng suot ko. Mahinhin pa itong tumawa sa kung ano'ng sinabi ni Mommy habang nakakapit sa kanang braso ni Keeno.
Kusang umawang ang mga labi ko.
Oh...
Ibinalik ko ang tingin sa dalawa kong kaibigan na nag-aabang ng sagot. Pagkatapos ay muling itinuon kay Keeno at sa kasama niya.
Pero hindi ko siya kilala.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top