Dalubhasa Ka?
Sa isang silid na tahimik,
ako'y mag-isa't napatulala.
Aking inuunawa ang nadinig—
na usapan ng dalawang dalubhasa.
“Kaya ko ring gawin ang kaya mo,”
seryosong sabi ng isa.
Tumugon ang isa matapos tumawa.
“Oo, pero 'di ka magiging tulad ko.”
“Wala namang magkatulad sa mundo,
lahat may pagkakaiba—'di 'to biro.
Oo nga't dalubhasa ka kung tawagin
pero 'di lahat ay kaya mong gawin.”
Mas lalong natawa ang isa,
“Naturingan ka ring eksperto, 'di ba?
Sinabi mong kaya mo rin ang kaya ko
ngunit talaga bang makakaya mo?
Ikaw na ang nagsabi na 'di lahat—
ay kayang gawin ng isang batido.
Ngayon mo sabihin sa akin—
na isa ka talagang taong sanay.”
“Nais mo ng patunay? Makinig ka.
Ako'y nagkakamali, gano'n ka rin.
Bago ka matawag na eksperto,
naging baguhan ka muna gaya ko.
Baguhan pa ako noon sa literatura,
marami pang kailangang malaman.
Ilang beses nagkaroon ng mali—
maraming mali, ngunit natuto ako.
Natuto ako sa tulong ng mas sanay—
siyang taong naging baguhan din.
Ikaw, 'di ba dati may tagapagturo ka?
Hindi mo maitatangi kasi ito'y totoo.”
Napaisip ang isa saka nagwika,
“Naiintidin ko ang nais ipaintindi—
ng mga salitang binitawan mo.
Lahat nagsisimula bilang baguhan.
Sa paulit-ulit na pagkakamali,
tayo'y natututo sa tulong din ng iba.
Wala tayo sa pwesto natin ngayon
kung 'di dahil sa tulong din ng iba.
Isa pa'y bukod sa sariling sikap,
suporta't tulong ng iba'y mahalaga.
Walang kapantay ang kakayahan mo
dahil lahat tayo'y may pagkakaiba.”
Doon natapos ang usapan ng dalawa.
Masasabing sila talaga'y eksperto—
walang duda, nakakahanga sila.
Mga sinabi nila'y may kabuluhan.
Napahinga ako nang malalim
at napaisip, “Paano naman ako?
Sa aling bagay ba ako sanay?
Ako nga ba'y may kakayahan din?”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top