Katabi
Naniniwala ka ba sa third eye? Sa bagay na hindi maipaliwanag maging ng siyensya? Guni-guni nga lang ba o may mga ispiritu talagang nananahan sa paligid? Hindi ko alam, at hindi ko nais na malaman pa kung ito man ay may katotohanan. Ngunit paano kung sarili ko na mismo ang nakasaksi sa mga kababalaghang ito?
Nagsimula ang lahat noong limang taong gulang ako. Isang araw, dumating ang aking tiyahin sa aming baryo. Dahil taga-Maynila ay may dala siyang cellphone na may magandang camera.
"Gail, diyan ka sa tabi ng mga halaman!"
Tumayo naman ako at pumunta sa tinuro ni tita.
"1, 2, smile!" Isang kiming ngiti ang aking pinakawalan.
"O, anong nangyari?" Pagtataka niya habang nakatingin sa kaniyang hawak.
"Bakit po?"
"Ano po iyon?"
Naging sunud-sunod ang mga tanong ng aking mga kapatid at pinsan.
"W-wala. Nagloloko yata ang camera."
"Patingin." Lapit ni nanay.
"AH! DIYOS KO! ANO IYAN?!" Sigaw ni nanay na nagpaalarma sa amin.
Nagsilapitan kami para tingnan ang aking litrato. Bakit ganoon? Hapon pa lang pero sa picture ay ang dilim-dilim ng background ko? Nababalutan ng puting liwanag ang suot ko na animo nagmumukhang nakagown akong puti.
Pina-delete ni mama ang picture. Sabi nila may engkanto raw na sumapi sa akin o kaya'y may tumabing maligno.
Simula noon ay nag-umpisa na ang aking kalbaryo. Nagsimula akong makaramdam ng kakaiba sa aking paligid.
"Bakit? Bakit gumagalaw ang pinto? Hindi ba naisara ni nanay ito?" Pagkausap ko sa aking sarili, isang gabing hindi ako dalawin ng antok. Magkatabi kaming tatlong magkakapatid sa higaan. Tumayo ako para isara ito.
Pagbalik ko sa higaan ay nagitla ako nang makitang bahagya na naman itong nakaawang.
Nang sumunod na gabi, saktong alas-tres, bigla akong nagising sa hindi malamang kadahilanan. Wala sa sariling napadako ang aking tingin sa pintuan. Natigilan ako nang makita ang isang batang lalaki na matamang nakatingin din sa akin. Pinagmasdan ko siyang mabuti at tinanong ang sarili, "Ito ba si RJ? Ang bunso kong kapatid na lalaki?"
Lumukob ang kaba sa aking buong katawan nang mapagtantong nasa kaliwa ko nga pala si RJ at mahimbing na natutulog. Halos mapasigaw ako sa takot nang makitang ang batang lalaki ay hindi nakasayad sa lupa. Nakalutang siya! Mabilis akong nagtaklob ng kumot. Hindi ko alam ang gagawin. Hanggang sa tinangka kong silipin ang bata pero wala na siya. Tanging nagawa ko na lang ay magsisigaw at maiyak sa takot.
Sabi nila, ang pagiging bata raw ang pinakamasayang yugto ng ating buhay. Marahil tama nga sila. Wala kang gagawin kung hindi ang gumising, maglaro, mag-aral at matulog.
Matulog? Iyan ang pinakakinatatakutan kong gawin noon.
"Ah! Aaaaaahhhhhh! NAAAAYYY!"
"Abegail! Abegail! Gumising ka!"
Ang boses na iyon ni Nanay ang gumising sa akin. Nangyari na naman.
"Hindi ka kasi nagdadasal bago matulog."
Sana nga ganoon lang 'yon pero hindi e. Hindi ko kinaliligtaan ang magdasal.
Ngayon, ako'y labing-walo na at magko-kolehiyo.
"Ito na po ba iyon?" Tanong ko kay nanay. Tiningala ko ang bahay. Ito na ang magiging boarding house ko.
"Oo. Kakausapin ko muna ang may-ari." Paalam ni nanay. Pumasok siya sa loob ng katabing bahay. Susunod na sana ako nang may isang kamay na humawak sa aking braso. Muntik na akong mapahiyaw dahil sa biglaang pagsulpot ng isang babae.
"Ale, tinakot niyo naman po ako."
Kakaiba ang ale, para siyang Muslim dahil sa suot niyang bandana. Napansin ko na hindi siya sa akin nakatingin. Lumingon ako sa likuran ngunit wala namang tao.
"May katabi ka."
Nagtaasan ang mga balahibo ko at nanlamig ang mga kamay sa narinig.
"A-ale naman! Huwag niyo akong takutin ng ganyan."
"Hindi kita tinatakot iha. Pinag-iingat lang kita. Matagal na siyang nakasunod sa iyo. Naghihintay ng pagkakataong palitan ka niya."
Nangatog na rin ang mga tuhod ko. "A... Anong ibig niyong sabihin?"
"Gail!" Ang tawag na iyon ni nanay ay nakatulong para magbalik ako sa sarili.
"Pumasok ka rito. Gusto kang makausap ng may-ari."
"O-opo."
Naglakad palayo ang ale. Gusto ko pa sana siyang tanungin pero nagmadali siyang umalis nang sumigaw si nanay. Huminga ako ng malalim at pilit isinantabi ang takot.
"Sino iyon? Mag-iingat ka. May mga baliw na pagala-gala dito sa bayan." Bungad ng may-ari.
Ilang araw ang lumipas, nag-umpisa ang first semester at nagkaroon na ako ng mga kakilala.
Akala ko magiging okay ang lahat subalit isang gabi, inatake na naman ako ng bangungot.
Hindi ako makagalaw! Gusto kong sumigaw pero walang boses na lumabas sa aking bibig. Nawala na ako, hindi ko alam kung nananaginip lang ako o nasa totoong mundo. Wala akong kasama sa loob ng boarding house. Mag-isa lang ako sa munting kwarto. Sana, sana may makarinig o makapansin sa akin sa mga boardmates kong nasa kanilang mga sari-sariling kwarto.
Tinangka kong igalaw ang aking katawan pero hindi ko magawa! Ang mga daliri sa paa! Tama kailangan kong igalaw ang mga ito.
Sa gitna ng aking pagpupumiglas ay isa lang ang unang pumasok sa isip ko.
"Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo mapasa-
" Ugh! H-huff!" Bumigat ang aking dibdib na parang may nakadagan dito.
...amin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo dito sa lupa para lang sa langit...
Hi-hindi ako makahinga. Kailangan kong tapusin ang dasal!
... Iadya mo kami sa lahat ng masama. A-ama Namin.
Kahit hirap na hirap ay nagawa kong matapos ang dasal.
Ang lakas ng ihip ng hangin kahit nakasarado ang mga bintana. Pawis na pawis ako at nilalamig na naiinitan. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Naigagalaw ko na ang aking katawan ngunit nakapikit pa rin ako. Sana, sana gising na ako.
Dahan-dahan akong nagmulat.
"AAAAAHHHHH!
Naiyak ako sa takot nang makita ang isang babaeng walang mukha sa mismong harapan ko. Ang lapit ng mukha niyang walang mata, ilong at bibig sa mukha ko. Halos maglapat na ang aming mukha.
"Panginoon!" Nagpumilit akong sumigaw.
"Gail! Gail!" Narinig kong katok ng mga tao sa labas ng aking kwarto.
Napahinga ako ng malalim... Wala na siya. Dito na ako tuluyang humagulgol. "N-nanay! Natatakot ako."
"Gail, huwag kang mabibigla ha. Alam mo bang nakita kita noong Sabado sa bintana ng iyong boarding house?"
"H-ha? Umuuwi ako sa'min tuwing Sabado at Linggo." Sagot ko kay ate Lyn na katabi ko ng kwarto.
"Iyon na nga eh. May kakaiba sa kwarto mo. Natatakot na rin ako."
"Ate Lyn. Ako rin natatakot!" Payakap sa sarili ng isa pa naming ka-boardmate. Nagkumpolan kami sa kusina. Hindi na rin sila nakatulog matapos kong ikuwento ang mga nangyari sa akin. Napatingin ako sa orasan, mag-aala-singko na rin ng umaga.
"Kausapin natin si Mrs. Chen." Tukoy ng isa pa naming kasama sa may-ari ng boarding house.
"Maaari kayang totoo ang mga narinig ko dati?" Napatingin kaming lima kay ate Faith. Siya ang pinakamatagal na sa boarding house na ito.
"Ang sabi, may mag-ina raw na nagrenta diyan sa kwarto mo Gail noon."
"Nasaan na sila?" Kinakabahang tanong ko.
"Hindi ko alam kung nasaan ang babae pero ang bata..." Nanahimik kaming lahat, naghihintay sa sasabihin ni ate.
"Namatay siya sa loob ng kwarto."
"Aaaahhhh!" Tili ni Alison kasabay ng pagkamatay ng ilaw sa kusina. Napapikit ako at napayakap sa sarili. Natatakot na rin ako.
"Kailangan ko nga talaga sigurong tumawag ng pari para basbasan ang kuwarto." Napamulagat ako sa boses na iyon. Si Mrs. Chen pala. Nakatayo siya sa gilid ng pinto kung nasaan ang switch ng ilaw.
"Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa bata sa loob ng kuwarto. Pero noong araw na iyon, nakita ko pa siya na naglalaro. Hanggang sa inilabas na lang siya ng ina na wala ng buhay. May nagsabi na sinakal ang bata. Hindi na muling nagpakita ang ina matapos ang araw na iyon."
"I-ibig sabihin? Maaaring nagpaparamdam ang bata?"
"Pero hindi bata ang nakita ko!" Salungat ko.
"Ngayon lang nangyari ang ganito sa boarding house ko. Ipapa-bendisyon ko na rin para matahimik ang kaluluwang maaaring nananahan dito."
"Gail, lapitin ka ba ng mga ispiritu? Baka naman may third eye ka?" Tanong ni ate Faith.
"H-hindi ko alam." Napahawak ako sa aking ulo. "A-yokong magkaroon."
"You guys are so scary!" Naiiyak na sabi ni Alison.
"Sa ngalan ng ama, ng anak, at ng ispiritu santo." Tahimik kaming lahat habang binibendisyonan ng pari ang aking kwarto ng holy water. Sana, matapos na ang lahat dito. Sana wala na akong maranasang mga nakakatakot na pagpaparamdam... Sana.
Nakaramdam ako ng panlalamig sa paligid. Tirik na tirik ang araw sa labas pero pakiramdam ko ay may yelo sa loob ng kwarto. Biglang namatay ang kandilang hawak ko.
"Ugh." Gusto kong magsalita ngunit tanging ungol lang ang lumabas sa bibig ko. Hinanap ko ang pari na abala sa pagwisik ng kaniyang holy water.
Nanlaki ang aking mata nang sa likod niya'y makakita ako ng isang batang lalaki. Nakatingin siya sa akin bago maglaho. Hindi ko alam kung anong gagawin. Hindi lang isang bata ang narito! May dalawa pa. May isang matanda sa kaliwa. Sa bandang bintana nama'y isang binata. A-anong nangyayari?! Sila ba ang mga tinatawag na kaluluwang ligaw? Bakit ko sila nakikita? Ako lang ba ang nakakakita sa unti-unti nilang paglaho?
"A-te F-Faith!" Nauutal kong tawag sa katabi ko. Wala akong narinig na sagot kaya nilingon ko siya.
"Aaaaaahhhhhhh!" Umalingawngaw ang aking boses sa buong lugar. Ang babaeng walang mukha! Siya ang nasa tabi ko! Napaatras ako nang gumalaw siya palapit sa akin.
"A be gail" Malamig niyang tawag sa pangalan ko na siyang nagpabilis ng tibok ng aking puso at nagpatayo ng aking mga balahibo.
"No! Please! Huwag kang lumapit!" Atras ko hanggang sa nandilim ang buong paligid.
"Abegail!"
"Anong nangyari sa'yo?"
"Gumising ka!"
Mga boses ng mga kasama ko ang maririnig sa buong paligid bago ako tuluyang mawalan ng malay.
Naniniwala ka ba?
Na sa mundong ito, may mga kaluluwang ligaw na nananahan kasama ng mga tao? May mga diablo at kampon ni Satanas na bumubuntot sa iyo? Mga naghahanap ng hustisya o 'di kaya'y hindi makatawid sa kabilang buhay? May mga nanlilisik ang mga mata at demonyong katabi mo pala sa pagtulog. Pinagmamasdan ka ng madaling araw o kaya naman ay nakayakap sa iyo sa tuwing malungkot kang matulog?
"Gail, alam mo ang weird mo ngayon."
"Ano bang nangyari? Nahimatay ka raw sa boarding house niyo nang magpamisa kayo doon kahapon?"
"Gail. Nakikinig ka ba? Natakot ka ba o ano? Namaligno ganon?"
Hindi ako agad nakasagot sa tanong na iyon ng mga kaklase ko. Kahit buksan ko ang aking bibig, walang makakarinig.
Sa hindi ko malamang dahilan, napatingin ako sa may bintana. Doon ay nakita ko ang parehong ale na nakausap ko noon.
Sigurado ako, sa akin siya nakatingin.
"May katabi ka!" Sigaw ng ale na kumuha ng atensiyon sa mga mag-aaral sa loob ng kuwarto.
"Hindi kita tinatakot iha. Pinag-iingat lang kita. Matagal na siyang nakasunod sa iyo. Naghihintay ng pagkakataong palitan ka niya."
Tama siya.
"'Nay, paano kayo nakapasok rito?" Tanong ng isa sa mga estudyante.
"Huli na. Isa ka nang kaluluwang ligaw. Tatangis at unti-unting magiging katulad niya!" Ayaw paawat ng ale. Nagkusa siyang naglakad paalis habang nag-iiwan ng mga katagang ngayon ko lubos na naiintindihan. "Parami na ng parami ang diablo sa mundo! Mag-iingat kayo! Nasa paligid lang sila! Kukunin ang ating kaluluwa!"
"Weird." Komento ng isang kaklase ko.
"HAHAHAHAHAHAAHAHAHA!" Isang nakakatakot na tawa ang narinig sa buong kuwarto.
"Gail!? Bakit?" Tanong ng kaklase ko.
"Wala. Masaya lang ako."
"HINDI! HINDI AKO SIYA! NANDITO AKO SA TABI NIYA! ISA SIYANG DIABLO! AT AKO? NAWALAN NG MUKHA! KINUHA NIYA ANG KATAWAN KO!" Sigaw ko ngunit walang sinuman ang nakarinig.
Ngayon alam ko na, siya ang laging katabi ko. Ang nakunan ng camera ng tita ko. Ang dahilan ng mga bangungot ko. Hindi ko alam kung paano pero, nakuha na niya ang katawan ko. Kinulang ba ako ng pananampalataya? O talagang lumalakas ang mga kampon ng impyerno?
Muli siyang sumigaw!
"Susunod ka na! Hahahahahahaha!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top