k a s a m a

Sa mundong lahat ng bagay ay walang tunog, gusto kong makarinig ng musika, ng indayog, ng dahilan para matabunan ng iba’t ibang uri ng himig.

Pero biningi ako ng buhay.

Hindi na nakakagulat kung maraming tao ang nagdesisyong sukuan ang buhay nila. Tinuruan ng mundo ang lahat na maghangad ng isang bagay, na paghirapan ito. At halos lahat—kasiyahan, kasiyahan ang pilit hinahabol.

Pero paano kung sumubok naman ako. . .pero pumalya? Sapat ba ‘yon para ipagsawalang bahala ‘yong mga pinaghirapan ko para lang habulin ‘yang kasiyahang ‘yan?

Mali ba, kahit isang beses, na lumihis sa mas madaling daan?

Pinagmasdan ko lang ang buwan habang binibigyang liwanag nito ang kahoy na sahig sa ilalim ng malalamig kong mga paa. Anumang tamaan ng liwanag, may madilim na aninong mabubuo.

Mula sa katawan ko.

Madilim ang anino kagaya ng buhay ko.

Wala nang katumbas na liwanag para luminaw ulit.

Halo-halo ang naiisip ko. Ang gulo—ang dami! Buhol, bangga, sabog, kontra. Hindi ko na alam. Inayos ko ang sumbrerong suot. Kanina pa ako nakatingin dito sa mga tabletang nasa kamay ko. Gagawin ko ba talaga ‘to? Kaya ko ba? Handa na ba ako?

Ganito ba talaga dapat?

Kailangang matakot muna bago mapayapa?

Saan ako patungo pagtapos nito?

Lahat ng tanong, pinatahimik ko. Ayos na siguro ‘to. Hindi ko na kailangang mag-isip. Bahala na. Mas mabuti na ‘to, ‘di ba? Mas madali ‘to. Ito ang pipiliin ko. Tangina. Kahit dito man lang, madali. Ayoko na talaga ng ganitong buhay.

Katahimikan ang kasama ko ngayon. Kamusta kaya ang mga taong payapang natutulog ngayon? Masaya kaya sila? Maganda kaya ang mga panaginip nila?

“Gawin mo na ‘to, Andy,” bulong ko. “Gawin mo na. Pakiusap. . .” Tiningnan ko nang maigi ang mga tableta. Nakakatuksong inumin lahat nang sabay-sabay.

Ito lang naman ang kaya ko. Mas madali—mas maayos na pagkamatay kaysa sa pagbigti. Ayokong papasok ang sinuman sa loob ng kwarto at gabi-gabi babagabagin ng mukha kong nawalan ng hangin.

Inisip ko pa talaga sila, ‘no?

“Pagod na talaga ako. . .”

Sa wakas, isang tableta.

“Kaya mo ‘to, Andy,” sabi ko sabay inom ng tubig.

Ito na ‘yon.

Mawawala na lahat ng sakit.

Wala nang mananatiling puwang.

Nagtatama ang mga hawak kong gamot habang inilalapit ko ang kamay sa bibig. Nangilabot ako sa lamig pagkadampi niyon sa labi ko. Halos mabulunan ako nang ilagay ko lahat sa bibig. Pumikit ako. Hingang malalim.

“Magandang gabi! May tao ba rito?”

Bigla kong naibuga lahat ng mga gamot sa loob ng bibig ko. Gumulong ang iba sa sahig. May nalaglag tapos gumawa ng mahinang tunog. May mga napunta pa sa suot kong pantulog.

Tangina. Anong nangyari?

Sa gulat yata ako mamamatay.

“May tao ho ba rito?”

Sino ba ‘yong ungas na ‘yon?

Sumilip ako sa bintana. May nakita akong lalaking nakatayo sa tapat ng gate, katok nang katok. Sa sobrang tahimik, tiyak na magigising ang mga kapitbahay.

“Sino ka ba?”

Nakatayo lang siya sa ilalim ng ilaw sa kalsada. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang—pero nagliliwanag ba talaga siya? Kinusot ko ang mata ko. Balik sa normal. Baka guni-guni ko nga lang.

Kumaway siya sa akin. Ngumiti.

“Hindi mo ba bababain ang umistorbo sa ‘yo?”

Nagsalubong ang kilay ko. “Ano?”

“Tara, Andy!” Dahil naiilawan siya, nakita kong itinaas-taas niya ang kilay.

Hingang malalim. Bababa ba ako? Pero bakit? Hindi ko nga siya kilala. Tama siya, isa lang siyang istorbo.

“Ayaw mo ba akong makilala?”

“Bakit kita kikilalanin?”

“Kasi kilala kita?” patanong niyang sagot, inilagay ang dalawang kamay sa bulsa. “Pero ako, nakalimutan mo na ako. . .”

Nagtitigan lang kami. Minuto na yata ang lumipas pero walang umiwas ng tingin. Wala na rin akong magawa kaya bumaba na lang ako para paalisin siya.

“Magandang gabi, Andy.”

“Sino ka ba?”

Sumandal siya sa poste. “Tapos ka nang uminom ng anti-depressants?”

“Hah? Saan mo nalaman ‘yan?”

“Ayan, oh.” Nginuso niya ang kamay ko. Saka ko lang namalayang may hawak pala ako ng maliit na bote ng gamot. “Wag kang mag-alala, hindi naman ako pumunta rito para husgahan ka.”

“Sino ka nga?” naiinis kong tanong.

Kasi sa totoo lang, pamilyar siya. Hindi ‘yong mukha—‘yong presensya niya, ‘yon ang pamilyar. Parang nakasama ko na siya noon. Ewan. Isa sa mga sitwasyon ng depressed na kagaya ko, may mga nakakalimutang detalye. Parang wala pa akong nakilalang katulad niyang pumorma: puti ang sapatos, puti ang damit na may mahabang manggas na nakatupi hanggang siko, at kupas na puting pantalon.

“Kaibigan mo, si JC.”

Bigla akong nahilo. Baka epekto ng nainom ko kanina. Pero may naging kaibigan ba talaga akong JC? Tangina. Hindi ko maalala.

“Gaya ng sabi ko, nakalimutan mo na ako. Kaya nandito ako dahil matagal na rin mula noong huli tayong magkita at mag-usap.”

“Paano mo nalaman ang address ko?”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi ba dapat matandaan ‘yon ng isang kaibigan?” Ngumiti siya. “Tara. Lakad tayo.”

“Gabi na.”

“Kasama mo naman ako.”

Hingang malalim.

“Okay.”

Hinintay niya akong humakbang palabas ng gate. Tahimik lang kaming naglakad. Sa totoo lang, ngayon ko na lang ulit nagawa ito. Kahit papaano, ngayong tahimik pero may kasama, nakakawala ng kaguluhan ng isip.

Hanggang sa napunta kami sa isang bench sa tabi ng isang streetlight. Nauna siyang umupo. Nang tapikin niya ang espasyo sa tabi niya, umupo na lang din ako.

“Ayaw mong magkwento?”

“Bakit nagtatanong ka ng hindi na dapat itanong?”

Natawa siya. Lalaking-lalaki. “Gusto mo nga,” nakangiti niyang sabi. “Ayos ‘yan. Makikinig ako.”

Hindi agad ako nakapagsalita. Ano bang pwedeng sabihin? Hindi naman kami magkakilala. Nakakainis dahil ang kalmado ng paghinga niya. Nakakainis lalo dahil komportable akong kasama siya.

“Anong ginagawa mo bago ako dumating?”

Kinagat ko ang labi ko. “Wala. . .”

“Hmm, okay.”

“Bakit ba interesado ka?”

“Kasi kaibigan mo ako?”

“Paano kita pagkakatiwalaan?”

“Depende sa ‘yo, Andy,” nakangiting aniya. “Pero nagsasabi ako ng totoo. Higit pa sa nalalaman mo.”

“Ano bang silbi kung malaman mo?”

“Ang pagkaalam ay importante. Para sa akin, mas makikilala kita bilang kaibigan. Para sa ‘yo, para mabawasan ‘yang bigat ng dibdib mo.”

Humigpit ang hawak ko sa kahoy na sandalan. Sandali akong napatingala. Hingang malalim. Hinga, buga. Hinga, buga. Ang hirap. . . Pagtingin ko sa kanya, masigla ang mga mata niya, may pag-asa. Na parang totoo talaga ang sinasabi niya—na kaibigan ko siya.

“Andy, ganito.” Umayos siya ng upo. “Isipin mo na lang, kapag natapos mong sabihin ang lahat, mawawala rin ako sa tabi mo.”

“Tapos ano, sasabihin mo sa iba?”

“Bakit ko naman gagawin ‘yon?” Natawa siya. “Kaibigan kita, Andy. Aalis lang ako, mawawala saglit, pero para mas maging magaan ang loob mo.”

“Bakit ka pa dumating kung aalis ka rin pala?”

Lumunok siya. Natigilan saglit. “Gusto mo bang nandito ako lagi?” Unti-unti siyang ngumiti. “Kasi ayos lang naman. Hindi ako aalis kung gusto mo.”

Tangina. Bakit ako natutuwa sa sinasabi niya?

“Paano ba sisimulan?” Hingang malalim. “Bago ka dumating, ano. . .nag-iisip lang ako.” Bumibilis ang tibok ng puso ko. “Hanggang sa—tangina, bakit ako kinakabahan?” May tumulong luha. Pinunasan ko. May tumulo ulit. Sunod-sunod. Walang hikbi. “Hanggang sa umabot sa puntong gusto ko nang mamatay. Itong laman ng boteng ‘to, nasa bibig ko na, lulunukin ko na lang para matapos na lahat.

“Paano ako mabubuhay sa puro kabiguan, JC? Habol naman ako nang habol sa kasiyahang sinasabi nila, pero wala—tinatakasan talaga ako.”

“Sa tingin mo, bakit nangyayari ‘yon?”

“Dahil masama akong tao? Tinutugis na ako ng mga kapalit ng mga kasalanan ko?” Hinga. Buga. Hinga. Buga. “Na pakiramdam ko, kahit anong subok ko, wala talaga akong naitama sa mga ginawa ko. Puro mali. Puro palpak. Puro palyado. Gusto ko lang naman ng payapang buhay.”

Lumunok ako.

“Mag-isa lang ako, wala akong kasama,” pagpapatuloy ko. “Tanggap ko na ‘yon, eh. Pero ito—ito, hindi pa maibigay sa akin? Hindi ko alam kung saan ako nagkulang. Gusto ko man ng tulong, walang tumutulong. O kung may tumutulong man, parang dinidiktahan nila ako?”

Nakikinig lang si JC. ‘Yong ngiti niya, hindi namimilit, tila sinasabing naiintindihan niya ako. Na hindi siya kagaya ng iba. Na ayos lang na magluksa sa mga bagay na nagawa ko. . .at hindi ko nagawa. Na pwede namang ngumiti at maging malungkot nang sabay. Na walang madaling sagot sa kawalan ng pag-asa o sa pagkapagod.  Na sa mga madilim na pagkakataon, hindi kailangan ng madaliang proseso para makatakas. Na sapat ang ngiti para humakbang—maliit man, mabagal, o dahan-dahan, makakausad din.

“Halika nga rito.”

Lumunok ako.

Nang umusog ako palapit, tuluyan niya akong niyakap. Lahat ng bigat, ng nakabara, ng mga naipit at nabuhol, isa-isang lumuluwag at kumakawala. Sa unti-unting paghigpit ng yapos at dahan-dahang paghagod sa likod, pigilan ko man, tuluyang bumuhos ang hikbi at luha.

“Hindi ako aalis. Hindi ako umalis. . .”

Napako ang tingin ko sa pulsuhan niya. Lalo akong humagulgol sa pamilyar na marka ng sugat. Lahat ng hiling at bulong sa hangin, tuluyan nang natupad dahil nandito na siya. Nang mahina siyang natawa habang sumisinghot, sa unang pagkakataon simula noong huli, nakarinig ako ng malambing na himig sa pinagsamang tunog ng dalawang taong nagtatawanan sa gitna ng tahimik na gabi.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top