Kabanata X
***
"Kanina ka pa tulala, Jen." puna ng katrabaho niya si Hazel.
"Baka may naiwan sa Mararag kaya ganyan." Tawanan. Pabirong inirapan niya lang ang mga ito. May pagka-intrigera talaga 'tong mga kasamahan niyang editors.
"I heard that tine-terror n'yo ang ibang writers sa mga errors nila sa manuscripts nila." pag-iiba niya ng usapan.
"Hindi kaya. Responsibility ng writer na basahin nila 'yung gawa nila bago ipasa sa amin para kaunti na lang ang errors at ang takbo na lang ng kuwento ang pupunahin namin. Maging ang iba pang elements. Tama naman ako, di ba?" katwiran ni Rhea na uminom lang ng brewed coffee.
"We are still editors. Kailangan polish na para sa publishing. Hindi talaga maiiwasan ang mga typos at errors kahit pa na-proofread na ang manuscript. We are meticulous in our own way. Mas mabuting kausapin ng masinsinan ang writer." paghahayag niya ng sarili niyang opinyon.
Kanya-kanya na ang mga ito ng bigay ng mga ideya kung paano'y matigil na ang mga nakakahiyang errors ng mga writers na masasalamin sa ilang published books na naglipana sa Pilipinas.
Tuluyan na siyang nakabalik sa Cebu. Balik normal na naman ang takbo ng buhay niya rito. May mga nagbago dahil kapiling na nila ang nanay ni tatay. Si Lola Ellie na bumabawi sa mga panahong wala siya sa piling ni tatay pati sa mga kapatid nito. Malapit na ring magtapos ng pag-aaral ang kapatid niyang si Gio sa kursong Computer Engineering at anumang sandali ay magtutulungan sila upang makapagtapos si Jianna. Ang bunso nila na na nasa unang taon na ng kolehiyo.
Lumilipas ang nga araw na tila binabagay niya na lang ang sarili niya sa lahat. Routine work. Nakakasawa na nga minsan. Ito na ba talaga ang buhay ng tao? Ang magtrabaho upang mabuhay, magrereklamo kung mad-delay ang suweldo, ang mag-aral upang hindi pagsamantalaan ng mga tao sa paligid?
"Anak, may problema ka ba?" Napalingon siya kay inay na lumapit sa kanya. Gabi na, ang mga tao sa bahay ay tulog na maliban kay nanay na pumanaog galing sa itaas.
"Masaya ka ba?" tanong nito sa kanya,, sa nag-aalalang boses.
Tumawa lang siya. "Masaya naman ako, Nay. Bumalik na si Lola. Hindi na bugnutin si tatay at masaya akong makitang maayos na siya. Maayos na sila. Akala ko'y hindi niya patatawarin ang sarili, sa mga masakit na alaala ng mga kahapon niya. Masaya ako para sa kanya."
Nang-uunawang hinawakan nito ang kamay niya, pinisil iyon at pilit hulihin ang mga maiilap niyang mga mata.
"Jennifer, anak. Gusto kong humingi ng patawad dahil masyado kaming nasaktan ng tatay mo sa mga sugat ng kahapon namin at kinailangan nating lumipat rito. Pinalaki ako ng Nanay Amelia mo ngunit nasasaktan ako sa mga naririnig ko sa mga paligid, ang mga sabi-sabi nila at hindi ko alam kung ano ang mararamdaman. Ang pagkamuhi ko sa sarili, ang pagkaawa dahil iniwan ako ng mga totoo kong magulang. Ang Mararag ang lugar kung saan tingin ko'y hindi ako nababagay sa simula pa lang. Inalagaan ako ng Lola Amelia mo, minahal at itinuring na para niyang anak at nang mawala siya sa piling natin. Mas lalo akong namuhi sa bayang iyon. Gusto kong lumayo. Ang tatay mo, nakatagpo ng alitan sa kampo niya at muntik pa silang magbarilan na pinigilan ng Commander nila. Katulad ko rin siyang bilanggo ng sakit ng kahapon."
Pinigilan niya ang sariling umiyak sa harap ni Nanay. Masakit pa ring marinig sa mga labi nito ang mga ideyang alam niya na. Oo, alam niyang bilanggo ang mga ito ng sakit ng kahapon.
"Mahirap ang buhay natin sa Mararag. Hindi opisyal na sundalo ang tatay mo. Boluntaryo at kakarampot lang ang suweldo. Isa sa mga dahilan kung bakit lumipat tayo rito."
"Pero, Nay." naluluhang sinalubong niya ang mga malulungkot nitong mga mata. "Alam n'yo bang hindi kayo tuluyang magiging masaya kung pilit pa rin ninyong ibilanggo ang mga sarili n'yo sa mga nangyari, sa mga masasakit na alaala? Ginagawa lang ninyong miserable ang mga buhay n'yo. Nasa inyo pa rin naman ang desisyon na maging masaya ah. Kayo po ang magsusulat ng buhay ninyo, magdidikta kung ano ang takbo nito at hindi hahayaang masadlak sa bitterness ng kahapon. Binigyan Niya tayo ng mga choices na pipiliin natin at nasa atin na mismo ang desisyon. Miss ka na ni Lola Pat doon inay. Kung maaari, bisitahin natin siya doon. Huwag n'yo munang isipin ang mga masasakit na alaala. Tinanggap ka ni Lola, pinalaki ng tama at minahal. Malungkot siya na hindi mo na siya binibisita."
Niyakap siya ni inay at nakahinga siya nang maluwag. Ang mabigat na pasanin sa dibdib niya'y naalis at hinayaang lukubin iyon ng init.
"Hahayaan na kita, Jen. Malaki ka na. Hahayaan na kitang magdesisyon para sa sarili mo. Gusto kong makita kitang masaya, nakangiti ng totoo at malaya."
"Akala ko ba si Daniel, Jennifer?" biglang usal ni nanay nang makita si Rome na unang bumungad sa amin sa Guesthouse.
"Nay!" angal niya at natawa na lang si Rome sa kanya. Pilyo ang mga ngiti kaya inirapan niya na lang.
"Magandang araw po, ako po si Rome. Ang may-ari ng Rio's guesthouse." nakangiting bati nito sa kanila at tinulungan sila sa mga dala nilang bagahe.
"Kayguwapong bata. Anong edad mo na, hijo?" tanong ni nanay.
"Twenty-seven na po."
Hindi niya na lang iti pinigilan at tinungo ang counter kung saan nandoon ang nakangising si Kaycee. Isa pa 'to.
"Isang linggo, Kaycee."
Kausap ni Nanay ang puntod ni Lola Amelia at napangiti na lang siya't dinama ang pag-ihip ng maalat na simoy ng hangin na nanggaling sa dagat mga ilang metro ang layo sa kanila.
May mga bagay talaga na kailangan mong balikan para maghilom ng tuluyan ang sugat. Mananatili man ang mga pilat ay isang memento na lamang iyon na minsan sa buhay mo ay nalagpasan mo na ang pagsubok na iyon.
"Anak." nakangiting tawag ni nanay sa kanya, inabot ang kamay niya. Nangingilid ang mga luha nito. "Nakahinga na ako nang maluwag. Ang mga sakit, tila ba kumawala ako sa pagdurusa. Salamat."
Yumakap siya kay nanay. "Ikaw lamang po ang makakapagbago sa takbo ng buhay n'yo po. Ngayon, pinili ninyo ni tatay na sumaya."
Yumakap ito pabalik. Napangiti. Alam niyang masaya ngayon si Lola Amelia na kinausap ito ng anak nito. Hindi man anak nito sa dugo ngunit puro ang pagmamahal na inilaan sa nanay niya.
"Kailan ko ba makikita si Daniel, Jennifer?" tanong ni Nanay sa kanya na nagsusuklay ng buhok nito.
"'Nay. Mamaya." sagot niya habang tinitingnan ko ang sarili sa malaking salamin. "Bakit nga po pala binenta mo kay Daniel ang bahay, nay?"
"Ayaw mo?"
Nilingon niya ito't ngumiti. "Hindi po, Nay. Tama po kayo ng taong binentahan. Daniel loves Mararag."
"Dahil sa 'yo?" nakataas ang kilay na tanong nito. Nahihiya siyang tumalikod at umalis sa harap ng salamin. Binuksan niya ang bintana, pumasok ang hangin at tinangay ang bughaw na mga kurtina.
"Hindi, Nay. Alam n'yo po ang Kanlungan?"
Ilang segundo siyang hindi nakasagot at nakangiting minasdan ang bughaw na kalangitan. Ang kumikinang na dagat di-kalayuan. "He found his haven in Mararag."
Ilang sandali ang lumipas ay sumakay sila ng traysikel patungo sa bahay ni Lola Amelia. Ang bahay na ngayon ni Daniel.
Wala itong kamalay-malay na dumating sila roon. Gusto niyang makita ang sorpresa sa mukha nito. Ang mga luntian nitong mga mata na maihahambing sa mga luntiang lupain at kapaligiran.
Bigla'y kinabahan asiya nang tuluyan na silang makababa ni Nanay at nasa harap na nila ang bahay ni Lola Amelia noon. Tunog na lang ng papalayong traysikel ang umugong sa mga tainga niya.
"Jenascia, ikaw ba 'yan?"
"Tasyo!"
Napangiti siya nang may bumati kay nanay at tumawid pa talaga ng kalsada upang kumustahin si nanay. Hinayaan niya lang itong mag-usap sa gilid ng daan at bumaba na ng sementadong hagdan.
Payapa ang ilog at mababaw ang tubig-tabang nito. Bumungad sa kanya ang mga namulaklak nang mga santan sa gilid ng terasa. Ang bulaklak na daisy ang nakaagaw ng atensiyon niya. Inamoy niya iyon.
"Jennifer?"
Inangat niya ang mga mata niya at sinalubong ang bagong-gising na mukha ni Daniel. Kung saan-saan napupunta ang hibla ng mga buhok nito. Ang mga mata nito'y tila kulay itim gawa ng pagtakip ng mga ulap sa araw. Umihip ang malamig na hangin. Nginitian niya ito.
Umawang ang mga mata nito.
"Oh shit, I thought I'm still dreaming."
Natawa siya sa reaksiyon niya. Mas lalo itong nagitla nang bumaba si Nanay.
"Ikaw na ba yan, Daniel? Kaya pala ang lungkot-lungkot ng dalaga ko nang makabalik sa Cebu. Dahil laman-tiyan rin 'yang kaguwapuhan mo. Sayang naman kung hindi papakinabangan ng anak ko."
Namula siya sa pagkapahiya. "Nay!"
Nakakalokong tumawa si Daniel na sinamaan niya lang ng tingin. Una silang pumasok sa bahay at tiningnan ang ilog at ang mga damo't halamang nasa gilid nito maging ang mga bulaklak sa paso.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top