Kabanata VI

"Napapaisip ka ba kung mananatili ka rito sa probinsya, gagaan ba ang buhay mo? Nababasa ko sa mga libro ang tungkol sa buhay sa siyudad. Aasenso ba talaga?" sabi niya sa kawalan.

Kapwa sila nakaupo sa paanan ng mababang bangin ni Daniel. Tinatanaw ang pagragasa ng tubig sa ilog. Ang mabining tunog na nililikha niyon ay nagpapakalma sa sistema nila. Nakakahalinang lumangoy doon.

"Ang totoo ba'y aasenso ka talaga?" tanong ni Daniel sa kanya.

Narinig niya kaninang umaga sina nanay at tatay nagtatalo tungkol sa paglala ng lagay ni Lolo Tony. Ama ng ama niya. Kailangan na si tatay doon sa Cebu at hindi niya alam kung sasang-ayon siya sa pagkakataong aalis na sila sa Mararag. Nakakalungkot isipin na iiwaan mo ang mga kaibigan mo rito, mga pinsan mo, mga kaklase mong naging malapit na sa 'yo.

"Hindi ko alam." tapat niyang sagot. Ang totoo'y litong-lito siya kung ano magiging desisyon niya.

"May hindi ka ba sinasabi sa 'kin, Jen?" usisa ni Daniel at tuluyan nang tumayo. Nag-inat ito at naghikab. "Alam mo, may mga desisyon tayo sa buhay na makakapagbago ng takbo nito. Nasa iyo kung sasang-ayon ka sa agos. Tingnan mo ang ilog."

Tumingin naman siya sa ilog. Walang eksaktong kulay ang tubig ayon sa guro nila sa Science, dumepende lang ito sa kalangitan o kung minsa'y sa mga nutrients ng tubig. Mapusyaw na luntian ang ilog. May mga batong may nakakapit na lumot kung saan dumadaan ang ilog.

"Kapag kokontra ka sa agos nito, mas lalo kang tatangayin. Kapag ipilit mo ang sitwasyong alam mong matatalo ka rin naman." wika ni Daniel na sinipa ang isang pobreng bato na nakaharang sa mga damuhan.

"Kapag sasabay ka sa agos, may pagkakataong maliligtas ka at hayaang tangayin sa lugar na kahit hindi ka pamilyar ay alam mong babalik at babalik ka pa rin sa lugar kung saan ka namulat." nakangiting sabi niya.

"Ligo na!" Nagulat siya nang hubarin ni Daniel ang damit nito at tumalon sa ilog na walang pag-aalinlangan. Nanlaki ang mga mata at nagmamadaling sumilip.

Nakaahon naman ito, tatawa-tawang kinawayan siya mula sa baba. Palutang-lutang lang ito doon, lumalangoy at sumisid na naman. Napalabi siya at hindi napigilang ipikit ang mga mata.

Paano nga ba sumabay sa agos? Ang magtiwala na hindi ka mapupuruhan kapag nahulog ka na sa tubig!

Pigil ang hiningang tumalon siya sa tubig. Masakit sa balat ang pagtalsik ng tubig ngunit nakapagbibigay ng kaginhawaan sa mainit na katawan niya gawa ng pagbilad sa araw.

"Wooh!" singhal niya nang makaahon na sa tubig. Bahagyang malalim sa parteng iyon ng ilog at mabuti na lamang ay marunong siyang lumangoy.

Winisikan siya ng tubig ni Daniel na tumawa lang. "Ano? Karera papunta sa ilalim ng tulay?"

Ngumisi siya. Baka nakakalimutan niyang lagi itong talo sa kanya pagdating sa paglangoy? "Sige ba!"

Hindi niya alam na sa sandaling kasiyahan, sakit ang bubungad sa kanya sa bahay pag-uwi niya na madilim na. Pinalo siya ni tatay.

***

"Jennifer! Makikiusap sana ako." Nilapitan ako sita Kimberly. Isa sa mga kaklase nila ni Daniel.

Oras ng tanghalian ng klase at kanya-kanya na ng kain ang mga kaklase niya sa kung saang parte ng eskuwelahan. Hindi niya kasabay si Daniel bagkus kasama nito ang mga kalaro nito sa basketbol.

Nitong mga nakaraang araw ay sumasali na ito sa mga basketball competitions sa bayan nila. Matangkad kasi ito kompara sa karaniwang lalaki sa kanilang lugar. Sabagay, may dugong banyagang nananalaytay sa dugo nito.

Hindi rin ito nauubusan ng mga taga-hanga. Minsan sita iyong pinapakiusapan ng mga nagka-crush rito.

"Ano?" Natigil siya sa pagwawalis sa harap ng mga classroom. Inipon niya ang mga tuyong dahon mula sa punong santol at mangga.

"Uhm, puwedeng makiusap. Puwedeng pakibigay 'to kay Daniel?" Inilahad nito ang isang stationery na pamilyar na sa kanya sa mga nakalipas na araw.

Ang pagkakaalam niya, matalik siya na kaibigan ni Daniel. Hindi postman.

Si Kimberly ang pambato ng batch nila kapag may contests sa pagandahan pati patalinuhan. Hindi na siya nagulat na may pagtangi ito kay Daniel.

"Sige." Tinanggap niya ang sulat mula kay Kimberly. "Pero, puwede namang ikaw ang magbigay sa kanya e."

Naging makopa ang mga pisngi nito. Hindi ba 'to natipuhan ni Daniel? Parang diwata sa ganda si Kimberly gawa na may side sa itong Chinese at Japanese. Pinaghalo daw, usap-usapan ng mga tsismosa nilang mga kaklase.

"Nahihiya ako. Pero salamat, ha." sabi na lamang nito at tila nahihiya pang umalis.

Kasama nito ang mga kaibigan nitong tila kinilig rito. Babasahin niya sana ang liham nito para kay Daniel pero pinigilan niya ang sarili. Titingnan nita kung ano ang reaksiyon nito pag-uwi nila.

***

"Ano 'to?"

"Obyus na liham, di ba? Basahin mo. Mukhang crush ka ni Kimberly." Bahagya siyang natawa habang naglalakad sa gilid ng daan na hindi pa naka-aspalto. Nanatiling lupa na kung uulan ay malublob kami sa putik kaya hindi na nila inabala minsan ang pagsuot ng sapatos. Tsinelas na lang.

Sabay sila ni Daniel pauwi ng bahay namin. May kanya-kanyang bakuran ang mga bahay rito na pinamumulutian ng iba't ibang halaman. Sa silangang bahagi nila ay bulubundukin at makapal na kagubatan.

"Gusto niya ako?" natatawang tugon ni Daniel. "Ang sabi ni ina'y hayaan ko na lang na magpahaging ang mga babae sa 'kin dahil naaakit lang sila sa hitsura ko. Ayoko sa pakiramdam na gusto lang ako ng tao dahil lang sa hitsura ko."

"Bakit? Ano bang sinulat niya?" Binawi niya rito ang liham at sinimulang basahin ang nakasulat doon.

Saglit siyang natigilan nang mabasang gusto ito ni Kimberly dahil guwapo ito, magaling maglaro ng basketball at matalino sa klase. Ang babaw lang. Isa pa, masyado pa silang bata sa mga ganoong bagay. 'Yun ang sabi ni Lola Carmel sa kanila.

"Minsan gusto kong hindi na lang sana ganito ang itsura ko. Na katulad rin ako ng iba d'yan na parang hindi angkop ang katawan sa edad."

Napabuntong-hininga si Daniel kaya tinapik na lamang niya ito sa balikat para konsolahin ng kahit konti.

"Maganda naman ang mga mata mo e. Luntian. Parang 'yung isang palaka na nakita ko sa Sineskuwela. Kulay green. O kaya katulad ng palayan at lupain rito." sabi niya at iminuwestra ang mga luntian sa paligid.

Binabaktas na nila ang daan patungo sa pangunahing daan.

"Binobola mo na naman ako." natatawa nitong turan.

"Tingnan mo nga ako. Kulay kayumanggi ang balat ko. Maitim ako kompara sa 'yo. Dapat sana, baliktad tayo dahil babae ako pero sabi ni inay. Tama lang ito. Isa akong Filipina at ang ganitong balat daw ay kinainggitan ng mga banyaga sa ibang bansa. Kayumanggi. Noong una'y nainggit ako sa itsura ni Kimberly. Puti, singkit ang mga mata at medyo matangos ang ilong. Ako, kabaliktaran. Ngayon, hindi na. Bakit naman ako maghahangad na puputi e lagi akong bilad sa araw. Naliligo sa ilog. Minsan nasa palayan, tinutulungan si Mama sa saka. O kaya naman nagliliwaliw kung saan. Nasa iyo naman kung tatanggapin mo ang kaibahan mo. Dahil dun, hindi mo na iisiping iba ka sa kanila. Ang hitsura mo. Pare-pareho lang naman tayong kumakain at tumatae e." litanya niya rito nang makarating na sila sa tulay ng Mararag.

Malamig ang singaw na nanggaling sa ilog. Hindi masyadong mainit ang panahon gawa na Setyembre na ngayon. Unang buwan ng maraming tag-ulan.

Natawa na lang si Daniel sa pinagsasabi niya. Ginulo pa nito lalo ang buhok niyang nakatali ngunit nakakatakas ang ilang hibla.

***

"I missed the memories I've made here. Magsisilbing kanlungan ang Mararag sa 'kin. Mga alaalang kailanma'y hindi ko makalimutan kahit na lipas na panahon na. Wala akong alaala ng London o Ireland man lang kungdi ang mga sandaling kapiling ko ang mga kapatid ko at ang tatay ko. Ngunit hinahanap ko pa rin ang tunay na kalinga ng ina. Ayokong mamili sa kanilang dalawa ngunit malaki na ako. Kaya ko nang panindigan ang desisyon ko. Bumalik ako rito. Nag-aral ako sa Cagwait State University at tinuloy ang kursong Agriculture. Binigyan ako ng pera ng tatay ko, hindi ko sana tatanggapin ngunit nang maisip ko ang Mararag. Nagbago ang isip ko. Gusto kong tumira rito kahit na namayapa na sina Lola nang mapagdesisyunan kong bilhin ang bahay ng Lola Amelia mo. Hindi ba alam ng nanay mo? Na binili ko sa kanya ang lupa pati ang bahay? Sa pamamagitan ng kapatid ng Lola Amelia mo?"

Napamaang siya at pilit inalala ang mga pangyayari kung saan nagdududa siya kung paano'y may pera si inay. Napabuntong-hininga siya nang maalalang naospital si tatay at kinailangan niya ng pera noon. Ang amin nito sa kanya ay nakapag-loan ito.

Marahan siyang tumango. "Oo. Naaalala ko. Nakatulong iyon sa edukasyon ng mga kapatid ko. Grumadweyt ako sa bilang Literature major sa isang state university. Isa ako sa mga scholars nila. Salamat nga pala. You save my father's life."

"Malungkot ka ba na nasa akin na ang titulo at bahay ng Lola mo?" malumanay nitong tanong sa kanya. Lumamlam bigla ang mga mata.

Ngumiti siya para pawiin iyon. "Ano ka ba, hindi. Hindi rin naman nakauwi dito si nanay kaagad. Alam kong na-sense ni Lola na hindi mananatili ng matagal si nanay rito ngunit ibinilin pa rin ang bahay at lupa sa kanya. Walang naging asawa si Lola Pat. Kami lang ang pamilyang meron siya. Naiintindihan ko si Mama. Kung merong masasayang alaala na babalik-balikan. May malulungkot rin na alaala na kailangang iwan upang maghilom ang sugat. Sana'y naghilom na ang sugat ni nanay. Ayokong pareho sila ni tatay na andoon pa rin ang pagkukulang sa puso."

Sinuot niya ulit ang sombrero niya at tumayo nang tuluyan. Tiyak niyang lumulubog na ang araw hudyat na  kailangan niya nang bumalik sa guesthouse.

"Aalis na ako, Daniel."

"Saan ka pupunta?" Nagulat siya nang makaramdam ng alarma sa boses nito  Nilingon niya ito nang humakbang siya sa unang baitang ng sementadong hagdan.

Dumaraan ang isang bus sa kalsada sa itaas.

"Uuwi ka na ba ng Cebu?"

Tipid siyang ngumiti. "Uuwi rin ako roon. Doon na ang buhay ko e. Pero ayoko pang umuwi sa ngayon. Puwedeng mo muna ako?"

"Saan?" kunot-noong tanong nito.

"Sa kubo. Ang kubo kung saan mo akong unang nakita ngayon. Gusto kong pagmasdan ang pagbabago ng kalangitan."

***

Pagbabago. Hindi natin alam kung kailan natin mararanasan ang pagbabagong mangyayari sa buhay natin. Kagaya na lang ng paglipat nila ng pamilya niya sa bagong mundo na ikinagulat niya noong una ngunit sinabayan niya lang ang takbo ng buhay sa siyudad. Mahirap mangapa lalo na sa bagay na wala ka namang kaalam-alam. Mahirap umangkop sa mundong hindi mo naman akalaing tatapakin mo.

Mahirap mag-adjust sa mga bagay-bagay. Sa mga panahong, nagbabago na ang mga gusto at pangarap natin sa buhay. Ang mga simple mong reklamo noong bata ka ay kaibahan na sa mga nararanasan noong nagdalaga at nasa bagong yugto ka ng buhay-trabaho.

Minsa'y pinagmamasdan niya na lang ang paglubog ng araw mula sa grandstand kung saan abot-tanaw ang pagbabago ng kulay ng kalangitan.

"Kapag tapos na ako sa pags-survey ng lupain ko ay natatagpuan ko ang sarili kong panoorin ang paglubog ng araw." Napalingon siya sa gawi ni Daniel. Nginisihan siya nito. "Nakabili ako ng ektaryang lupain sa tulong ng Dad ko. Katuwang ko ang ilang magsasaka sa taniman ng palay. May taniman rin ako ng repolyo. Baka kako gusto mong ipasyal kita. Magugulat ka kung saan."

Pinaningkitan niya ito ng mga mat. "Ipapasyal mo ako doon."

"Hanggang kailan ka magtatagal rito?"

Naging mailap ang mga mata niya. "Hindi ko alam, Daniel."

Mahabang katahimikan ang sumunod sa kanila. Naging kulay kahel ang kalangitan sa bahagi ng bundok at ilang minuto ang lumipas ay kakulay na ito ng dugo. Magkatabi silang nakaupo sa gilid ng kalsada, katabi ng kubo. Nasa kubo ang motorsiklo ni Daniel.

Payapa at tahimik. Umihip ang mabining hangin sa paligid. Sakto lang. Hindi nililipad ang sombrerong suot ko. Ang mga niyog sa di-kalayuan ay sumasayaw kasabay ng hangin pati mga kawayan at ang ibang puno.

"Naalala ko ang kuwento ng dalawang magkababata." paglalahad niya. "Kapwa nila pinanood ang pagbabago ng kalangitan tuwing dapit-hapon. Nagtatanong kung bakit kulay dugo ang kalangitan."

"Nasagot ba ng kuwento ang tanong mo?" tanong nito sa kanya, na nasa papalubog na ang araw ang pansin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top