Kabanata III
Nang makita niya ang nag-iisang cottage sa harap ng malawak na palayan ay pinatigil niya ang habal-habal driver.
"Dito lang ho, Kuya." sabi niya rito at bumaba na ng motorsiklo. Nakasuot siya ng puting bestida at puting sombrero. Nagbayad siya rito at susuklian sana siya nito pero hindi niya tinanggap. Ngumiti siya rito."'Wag na po, Kuya. Sayo na lang po ang sukli."
"Salamat." tipid nitong salita at pinasibad na ang motorsiklo sa direksiyong patungo sa Mararag. Napabuga siya ng hangin habang tinatanaw sa malayo ang Mararag.
Hindi siya nagpababa roon dahil natuwa siya nang makita ang nag-iisang cottage sa gitna ng malawak na palayan kung saan doon siya nananatili noon tuwing paglubog ng araw. Hinawakan niya ang laylayan ng bestida niya't sombrero nagtungo sa cottage. Kulay ginto ang buong palayan hudyat na anumang araw ay aanihin na ang mga ito.
Umupo siya sa papag at inilibot ang mga mata sa loob ng cottage. Akala niya wala na ito sa tagal na ng panahon na hindi siya nakabalik. Nakakamangha. Nakatirik pa rin ang maliit na kubo roon. Doon nagpapahinga minsan ang mga magsasaka at may iilang rin taong tumatambay roon.
Pinagmasdan niya ang mga kabundukan sa malayo at ang mga punong nakapaligid sa baba nio. Iilan sa mga iyon ay mga kawayan na sinasayaw ng hangin. Inilipad ng huli ang sombrero niya patungo sa mga gintong palay.
Nangingiting umalis siya sa cottage at tumungo sa mga palayan. Pababa ang isang pilapil na hinakbangan niya. Hinawakan niya ang laylayan ng puting bestida niya upang hindi iyon sumayad sa lupa. Binabalanse niya ang kanyang sarili sa pilapil habang naglalakad.
Nang matagpuan niya ang sombrero na sinalo ng mga palay sa kanlurang bahagi ay inabot niya ito at sinuot uli sa ulo niya. Kapwa niya hawak ang bestida at sombrero niya habang tumatawid ng pilapil. Binabalanse ang sarili niya upang hindi mahulog sa palayan. Bahagya siyang natawa sa pinaggagawa niya, naalalang ito ang isa sa mga libangan niya noong bata pa siya.
Umihip ang malakas ang hangin at dinama niya ang lamig na inidulot nito sa kanya. Sumasayaw ang mga gintong palay maging ang mga puno sa paligid. Ang nakalatag na trapal na may mga butil ng palay ay nanatiling matatag sa kabila ng malakas na hangin. Nasa kabilang bahagi ito ng sementong daan.
Ipinikit niya ang mga mata niya. Dinadama ang katahimikan ng nayon.
Hawak-hawak niya ang sombrero sa ulo nang makarinig siya ng tunog ng makina ng motorsiklo. Papalapit sa puwesto niya. Ibinuka niya ang mga mata niya.
Tumigil ang motorsiklo sa harap niya. Napaatras tuloy siya ng isang hakbang. Nakasuot ang rider niyon ng helmet sa ulo kung kaya't hindi niya maaninag ang mukha nito ngunit natigilan siya nang masilayan ang mga mata nito.
Ang mga matang singkulay ng luntiang kapaligiran.
Bumilis ang tahip ng dibdib niya. Nalaglag ang sombrero niya at inilipad na naman iyon ng malakas na hangin. Napatulala siya nang pinatay nito ang makina at inalis ang pagkakasuot ng helmet.
Tila nasadlak sa lupa ang puso niya nang tawagin siya nito sa palayaw niya.
"Jen."
17 taon na nakalipas . . .
Likas na sa kanya na mandiskubre ng mga tanawin dito sa Mararag kaya ngayon naisipan niyang sundin ang ilog patungo sa kaloob-looban ng kagubatan. Gusto niyang makarating sa likod ng mga kabundukan kung saan nandoon ang malawak na karagatan ng Pacific at puti pa ang mga buhangin. Walang masyadong tao at malaya siyang gawin kung ano ang gusto niya.
Nagtataasan na ang mga damo sa paligid at unti-unti nang naging masukal ang kagubatan nang makarinig siya ng kaluskos sa likod niya.
Marahas siyang napalingon at napakunot-noo nang makitang may isang batang lalaking nakasunod sa kanya.
"Hindi ka dapat pumasok pa sa kagubatan. Baka may ahas o iba pang mga hayop." sabi nito sa seryusong boses. Bahagyang magulo ang mga buhok nitk at ang bangs nito ay nakatabing sa noo nitk. Nakasuot ito ng sando at kulay kremang shorts. Naka-tsinelas din ito gaya niya. Hindi niya ito namukhaan gawa na rin na medyo madilim na sa parteng ito ng kagubatan.
Mga ilang hakbang ang layo sa kanila ay ang tunog ng rumaragasang tubig mula sa ilog.
"Kaya ko na ang sarili ko. Bumalik ka na d'un." sabi niya rito, itinuro ang daan kung saan siya galing at tinalikuran ito. Dinampot niya ang isang sanga sa damuhan at hinawi ang mga nagtataasang mga damo.
"Teka, saan ka ba pupunta at ayaw mong magpapigil?" tanong nito sa kanya. Nairita tuloy siya sa pagiging mausisa nito.
"Sino ka ba, ha?" sa halip ay sagot niya sa kanya at initsa sa kung saan ang sanga.
"Stubbon, aren't you?"
Natigilan siya. Bihira lang sa kanila ang nagsasalita ng Ingles sa bayan. Kung meron man ay sa eskuwelahan nila kung saan ay tinuturuan sila ng lengguwaheng iyon.
Unti-unting nagliliwanag ang paligid gawa ng mga sinag ng araw na malamang ay hindi na tinakpan ng mga ulap.
Napamaang siya nang masilayan ang mga mata nito na una niyang napansin rito. Kakulay ng malawak na kagubatan at lupain. Luntian. Mas matangkad ito sa mga karaniwang lalaki sa kanila. Mapusyaw ang balat nito, kaibahan sa kanya na kulay kayumanggi dahil bilad lagi sa araw. Halatang may banyagang dugo ito.
Ngumisi ito. "Umalis na tayo rito. Ikuwento mo na lang sa 'kin kung bakit gusto mo talagang pumasok sa kagubatan."
"Hindi ka tagarito." sambit niya at inunahan na ito sa paglalakad. Magaan ang mga hakbang niya upang hindi niya matapakan ang mga matataas na damo. May iba pa namang klase ng damo na nakakasugat ng binti.
"Nakatira ang pamilya ko sa Cagwait. Tagaroon kami. Ang Lola Carmelita ko ang nakatira rito. Bakasyon ngayon kaya nandito ako." pahayag nito.
Tuluyan na silang nakalabas ng kagubatan. Ilang metro ang layo sa kanila ay ang payapang ilog. Tumungo siya sa gilid niyon kung saan may mangilan-ngilang nagtataasang mga damo. May mga ligaw na bulaklak rin na kulay dilaw at puti. Nasa baba ang ilog na may iilang bato na nagsisilbing tawiran nila.
"Si Lola Carmelita? Kaibigan siya ng namayapa kong Lola. Si Nanay Amelia. Dalawang taon nang nakalipas nang mamamaalam siya sa 'min." malumanay niyang sambit at pinanood ang pagragasa ng tubig sa baba. Walong-taong gulang siya nang mamaalam si Nanay Amelia. Sampung-taong gulang na siya ngayon.
Kapit-bahay nila si Lola Carmelita na nasa kabilang bahagi ng daan ang bahay. Kasama nitong nakatira sa bahay si Lolo Damian na minsan na niyang naging kalaro.
"Pasensiya na." sabi nito. Itinago niya ang malungkot niyang ekspresyon nang humarap siya rito. Napatulala na naman siya nang ilang segundo nang masalubong ang mga mata nito.
"Sigurado ka bang apo ka niya? Ang alam ko wala siyang apo na banyaga." kunot-noong duda niya.
Bigla'y natawa ito. Umalingawngaw ang tawa sa tahimik na paligid. Tanging agos mula sa ilog ang naririnig niya. Anong mali sa sinabi niya? Iyon mismo ang obserbasyon niya.
"Apo niya ako. Anak niya ang nanay ko. si Nanay Gloria. Ampon ako ng tatay ko na ngayon na si Tatay Gino. Ako? Anak ng ibang tatay." Naging malamlam ang mga mata nito nang bigkasin ang dalawang huling salita.
Natigilan siya sa kinatatayuan ko, pilit pinroseso ang sinabi nito. Kung ganoon? Nangunot ang kanyang noo at mukhang nahulaan nito ang itinakbo ng isip niya.
"Banyaga. Banyaga ang totoo kong tatay kaya ganito itsura ko. Sabi ni nanay, isa siyang Irish man. Nakatira sa isang bansa na malayong-malayo dito sa 'tin. Nasa kabilang panig ng mundo. Hindi ko alam kung paano sila nagtagpo. Ang alam ko lang, nagkaibigan silang dalawa hanggang sa bumalik ang totoo kong tatay sa Ireland. Wala nang balita ang nanay ko sa kanya. At hindi ko na inasam pang babalik siya rito. Kasal na ang nanay ko at si tatay Gino. May dalawang kapatid ako. Babae at lalaki. Kontento na si Mama. Masaya na siya." paglalahad nito ng kuwento ng buhay sa kanya.
Umupo ito sa damuhan at hinayaang ilaylay ang mga paa sa maliit na bangin.
"Bakit sinasabi mo sa akin ito?" tanong niya rito at umupo katabi rito. Maingat niyang nilaylay ang mga paa niya sa bangin at kumapit sa mga damo.
Nilingon siya nito at ngumiti. Maganda talaga ang mga mata nito pati ang ngiti nitong mas lalong nagpapaaliwalas sa mukha nito.
"Dahil ayokong may taong matakot sa itsura kong 'to. Itinuturing na iba sa lahat. Sanay na akong kutyain na anak ako ng bayarang babae pero ang damayin nila ang nanay ko, hindi na iyon tama kaya minsan napapaaway ako sa eskuwelahan." paglalahad nito't bahagya pang natatawa.
"Mahirap nga." uaal niya at pinanood ang payapang pag-ihip ng hangin sa mga halaman sa gilid ng mababang bangin.
"Ang ano?"
Malumanay ang ngiti niya. "Na iba ka sa kanila."
Noong araw na iyon, lagi na niyang nakikita si Daniel Kyle sa Mararag. Totoo palang apo ito ni Lola Carmelita na malapit na sa kanya noon pa mang bata siya. Nagbebenta ito ng mga kakanin na siyang paborito niya. Naikuwento na ng kanyang ina na minsan pa'y nagtatampo ang Lola Amelia niya dahil madalas nasa bahay siya ni Lola Carmelita.
Bahagya tuloy siyang nagtampo dahil hindi man lang nito kinuwento sa kanya ang tungkol kay Daniel. Sagot nito, komplikado, ngunit nang malaman nitong ikinuwento ni Daniel ang pagkakilanlan nito ay napangiti ito't ginulo ang buhok niya.
Sa Mararag nagbabakasyon si Danie kahit na nakatira sa Cagwait ang pamilya nito. Nakikita niya itong naglalaro ng basketbol kasama ng mga kapit-bahay niya.
May isang beses na nagpaalam ito saglit sa mga kalaro nito at lumapit sa kanya na nakaupo lang sa mahabang bangko.
"Kumusta?" nakangiti nitong bati sa kanya kaya napangiti na rin siya. Nakakahawa ang aliwalas ng ngiti nito.
"Ayos lang. Ikaw?"
Bahagyang naningkit ang mga mata nito sa sinag ng araw. "Gusto mo, sa may ilog tayo?"
"Sige." sabi niya't tumayo na.
Natagpuan na lang nila ang mga sarili nilang na binaybay ang gilid ng ilog. Ang mga damuhan at ligaw na halaman sa gilid nito ay tumitingkad sa ilalim ng mainit na araw ng Abril.
"Malapit sa 'kin si Lolo Damian at Lola Carmelita kaya minsan nagseselos si Lola Amelia na nandoon ako sa bahay ng lolo't lola mo. Sadyang naaaliw ako sa mga kuwentong-bayan ni Lola Carmelita. Ikaw ba? Narinig na ang mga kuwento niya?" tanong niya kay Daniel na ngayo'y nakaupo sa malawak na damuhan. Ilang metro ang layo ay mga tanim ng palay na unti-unti nang nagiging kulay ginto.
Malapit na ring bumaba ang araw sa likod ng mga bulubundukin.
"Oo naman. Alam mo 'yung kuwento niya sa wakwak? Totoo 'yon. May isang beses raw na naiwan si nanay sa bahay kasama ang baby pa noon na kapatid ko. May wakwak na lumilipad sa itaas ng bahay. Umalis lang nang mapansing umuuwi na si Papa. Akap-akap ni nanay ang kapatid ko. Sabi ni Lola, dalawang taong gulang pa lamang ako noon nang masaksihan ang pangyayari." pagkukuwento nito't humiga sa damuhan. "May mga bagay talaga na hindi maipaliwanag ano?"
Ipinikit nito ang mga mata nito. Ang payapa nitong tingnan. Umupo siya katabi nito, mga ilang dangkal ang layo. Niyakap niya ang mga tuhod niya.
"Oo naman." sang-ayon niya rito. "Naisip ko nga na mahirap ngang hanapin ang kasagutan sa mga ganoon. Dami nilang mga kuwento ano?" sabi niya nakatanaw sa ngayo'y asul na ilog di kalayuan sa kanila.
"Paulit-ulit ko ngang naririnig pero di pa rin ako nagsasawa. Sabi nga ni Lola, bata pa tayo. Marami pa daw tayong bagay na matutuklasan at hindi daw iyon ipipilit." paglalahad nito habang tinatanaw ang mga ulap na tumatakip sa araw.
"Naalala ko, pangit daw yung prutas na pilit sa hinog. Sabi ni Lola Amelia. Mas masarap pa rin yung mga prutas na hinayaan mong mahinog. Kumbaga raw, may tamang panahon para sa bagay-bagay." sambit ni Jennifer, napadako ang mga mata sa mga puno sa kabilang panig ng ilog. Naalala tuloy niya ang mga prutas na namumunga sa panahong iyon na puwede nang pitasin.
Napabangon si Daniel nang masilawan na sa araw. "Ang init na ah. Gusto mong lumangoy tayo sa ilog?"
Unti-unti siyang napangiti.
"Sige ba! Tara!"
Nauna pa siyang tumakbo rito papunta sa ilog na ang singaw ay malamig. Nakakahalina tuloy maligo. Narinig niya itong tumatawa sa likod at katulad niyang hinubad ang mga tsinelas at diretsong tampisaw na sa malamig na ilog.
Kasa-kasama niya si Daniel kung saan sa tuwing maisipan nitong mamasyal ay nandoon siya. Minsan nga, nagtataka na ang iba kung bakit halos hindi sila mapagod sa pagliliwaliw nila kung saan. Kung napapansin nitong nawawala siya at kung saan-saan magpunta ay sinasamahan siya nito. Naging matalik silang magkaibigan sa bakasyon at minsa'y kasama nila ang mga kapit-bahay niya sa paglalaro.
"Ang hina mo naman, Daniel. Tumalon ka na!" sigaw ng pinsan niyang si Jason kay Daniel na nasa ibabaw ng tulay. Nasa gilid ito ng railings, nakakapit at nakatunghay sa kanilang lumalangoy sa ilog. Handa na itong tumalon roon.
Tatawa-tawang inabangan nila ito sa baba kung saan palutang-lutang lang sa ilog. Basang-basa ang mga damit at panay ang langoy. Nginitian niya ito mula sa ibaba at masigla itong kinawayan.
"'Wag kang matakot, Daniel! Malalim ang tubig kung saan ako ngayon." kaway niya rito
"Natatakot ako! " sigaw nito, nakakapit sa pulang railings.
Tumawa silang lahat rito dahil bakas sa boses nito ang takot. Unang beses itong tatalon mula sa tulay pahulog sa ilog.
"Sisigaw ako!" malakas ang boses niyang sigaw. "Isa, dalawa, tat—"
Tila tinangay sila ng malaking alon nang tumalon si Daniel. Tumalsik nang napakalakas ang tubig na bumulag sa mga mata namin. Napahilamos siya sa basang mukha niya't hinanap si Daniel sa ilog.
May bumubulang tubig sa may paanan niya. Napasigaw pa siya nang umahon roon si Daniel.
"Ano ba! Huwag ka ngang manggulat! Para kang syokoy!" natatawang winikisan niya ito ng tubig.
Tuwang-tuwa ang mga tao na ipagdiwang ang fiesta ng bayan sa Mayo. Maganda ang ani at pawang masasaya ang mga tao't nagtipon-tipon upang kumain ng inihandang lechon. Samu't saring pagkain ang nakalatag sa mesa. May boodle fight pa. Adobong baboy o manok, kamoteng-kahoy, saging na saba mga kakanin, puso ng saging na iba't-iba ang paraan ng pagluto at marami pang iba.
Ang tatay niya ay kasama ang mga kagaya nitong sundalo sa kampo na pawang may hawak na basong may lambanog. Nagkaroon ng mga laro sa bayan at kapag naipapanalo ay mga mga premyo galing sa munisipyo. Isang sako ng bigas at kahit ano. Silang mga bata ay nakatanaw lang sa mga ito, pawang nagtatawanan sa tabing-ilog, kumakain ng mga prutas.
"Ang ganda rito sa inyo. Ang daming mapapasyalan saka ang saya-saya ng mga tao. Tama nga si Lola. Masaya rito." ani Daniel na bakas sa mata ang kasiyahan.
"Oo naman!" sagot niya rito sa habang nilalantakan ang hilaw na mangga. Isa sa mga paborito niyang prutas na kaysarap isawsaw sa hipon o bagoong.
Napangiwi ito nang tingnan siya, partikular na sa mga labi niya. Tinuro pa nito iyon. "Ang putla na ng mga labi mo. Tama na 'yang mangga, Jen."
Akmang kukunin nito ang kinakain niyang mangga na inilayo lamang niya. "Kumain ka na nga lang d'yan, Daniel." sa halip ay sabi niya at ngumiti na lang. "Gusto mong pumunta ng dagat, bukas? Makikiusap ako kay Tito na ihatid tayo roon."
Nagningning ang mga mata nito. Pagdating talaga sa pagliliwaliw kung saan, kasundo niya ito lagi.
"Bukas. Gising ka nang maaga." nakangising sambit niya kaya litaw na litaw ang dalawang biloy sa mukha niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top