Epigrap

Iyong panahong malawak ang dalampasigan
Tayo'y nagtatakbuhan sa puting buhanginan

Malaya, tila mga ibong lumilipad sa kalangitan
Isa ala-ala na dulot ay kaligayahan

Sa kabundukan at sa berdeng kabukiran
Tayo'y nananatili nang di namamalayan

Inaantay ang hiwaga ng paglubog ng araw
Kulay kahel at dugo, ating tinatanaw

Minsa'y tayo'y naglalaro sa gitna ng ulan
Pagsapit ng gabi'y nanghuhuli ng alitaptap

Kaysarap balikan ang lahat ng iyon
Subalit nagbabago tayo paglipas ng panahon

Nabuhay tayo ng sabay noon
Nabuhay tayo na magkahiwalay ang landas ngayon

Aking kababata, natatandaan mo pa ba?
Ang mga sandaling ikaw ang kasama

Sana katulad pa rin tayo ng dati, puno ng kagalakan
Bakit ako nasasaktan sa t'wing ika'y tingnan?

Hanggang dito lang ba ang mga ala-ala na nabuo?
Ating mga pangakong tila napapako?

Totoo ngang walang permanente sa mundo
Na tao at bagay rin ay nagbabago

'Di ko na maaninag ang mga liwanag sa gabi
Pati ulan at mga alon di katulad ng dati

Sana kahit man lang pamulaklak ng gumamela
Nand'yan ka, kasama kong masayang-masaya

Naalala ko pa, sa ilog tayo'y nagtatampisaw
Hanggang sa matapos ang araw

Dekada na ang nakalipas, matagal na pala
Ano pa ba ang aasahan ko? Ito'y wala na

Aking kababata, nabaon na ba sa limot ang lahat?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top