12: Impormasyon at Koneksiyon

CHAPTER 12 - Impormasyon at Koneksiyon




Ilang oras nang paulit-ulit na pinapanood ni Arabella ang mga CCTV footage na natanggap niya kaninang madaling-araw lamang. Ang footages ay kuha kagabi sa eksibit sa loob ng Trademark Hall sa Trademark Hotel. Ang mga kopyang iyon ay galing mismo sa CCTV Control Room ng hotel.

Subalit nakailang kape na siya ay hindi pa rin niya mabigyan ng konklusyon ang mga napanood, lalo na ng mga kakaibang pinanggagawa ng kanyang mga minamanmanan.

"Patagal nang patagal, nagiging weird ka na, Cassandra." Sinabayan niya iyon ng iling at dinampot ang malaki niyang mug na puno ng mainit na kape. Linggo, walang pasok, kaya pupuwede siyang magbabad sa kaka-review ng mga footage.

Ang maliit niyang silid ay nasa second floor. Mula sa bintana, tanaw niya ang abalang lansangan sa labas. Sandali siyang tumayo mula sa kinauupuan at nagpalakad-lakad sa makipot niyang silid upang makapag-stretch. Tinawagan niya ang numero ni Jiao.

"What's up, Pet? Did you find anything?" Alam nito ang tungkol sa mga footage dahil ito mismo ang nagbigay noon kay Arabella. May contact ito sa hotel.

"I still can't figure out kung ano ang pinanggagawa nila. Take a look at this." Dahil naka-video call sila, iniharap niya ang kamera ng kanyang cell phone sa monitor ng laptop kung saan niya nire-review ang ilang clips.

"That's the time when the exhibit was about to start, right?"

"Right. Sa loob ng Trademark Hall," kumpirma niya. Itinuro niya ang isang babaeng may kulay pulang buhok, na ayon sa natuklasan ni Jiao kagabi ay Eleanor Yasay ang pangalan. Kasama ito ni Cassandra na nag-organize ng event. "Notice who Eleanor was speaking to." Sabay muwestra sa lalaki sa screen kung saan sa patch ng uniform nito, mababasa ang Shield One agency at pangalan nitong 'Dumaran E.' "That's one of the security people who's agency was contracted by Top Event. As you can see, that man let Eleanor in and near the first few jewelries."

Ang mga shatterproof na display glass box ay nakakordon nang mahigit isang metro. Ginawa iyon upang hindi mahawakan ninuman na magti-trigger sa alarm ng security system. Ngunit makikitang may pinindot na ilang security codes sa touch screen ang nagngangalang Dumaran upang ma-disable ang alarm sa perimeter. Pagkatapos, lumapit at binuksan ni Eleanor ang de-salamin na kaha.

Sumunod na ipinakita ni Arabella ang iba pang bidyo na nakatutok sa ibang mga guwardiya noong oras ding iyon. "Here, the rest of the security personnel didn't allow her near the other items. Meaning, wala talaga s'yang authority na malapitan kahit pa ang mga naunang item. This just validated the talks that I heard later on inside the toilet."

"'Yong reklamo ni Eleanor kay Cassandra na gawan ng paraan para makalapit sa ibang items?"

"Yes. It meant na kahit kasama s'ya ni Cassandra sa pag-o-organize, limited lang ang access n'ya. Hindi rin p'wedeng si Cassandra ang gumawa ng kung ano man ang plano nila dahil kailangan n'yang mag-ingat. It's important na hindi s'ya paghinalaan ninoman. That's why she was using other people to do the plan. This leads to another question kung bakit pinayagan ng unang security personnel si Eleanor."

"Protocol ng security agencies like Shield One na tanging top bosses lang ang binibigyan ng full access sa security," ani Jiao, na malawak ang kaalaman tungkol sa mga security company, "since napaka-high priority ng mga item... And I agree na may ibang agenda nga si Eleanor at 'yong lalaking security. Maaaring nabayaran o magkakuntsaba."

Nag-fast forward ng video si Arabella. Inihinto niya sa parteng naialsa na ni Eleanor ang kaha. "See what she was holding? That's the same vial I saw in the toilet."

"With the same blue liquid, I see," sang-ayon ni Jiao.

Maoobserbahan na bahagyang nakatago ang vial dahil halos hindi na makita sa CCTV camera ng hotel. Gamit ang takip ng vial na isa ring dropper, kumuha ng kaunting likido si Eleanor at ipinatak sa ilang bato at pendant ng mga alahas. Ilang sandali itong nagmatyag bago ibinalik muli ang salaming kaha na parang walang nangyari.

"What was that?" Mangha si Jiao.

"See? 'Yan ang dahilan kung bakit wala akong maisip na conclusion or theory... Meaning, I need to dig deeper."

"Check your e-mail now. I just sent you a map. It's the registered address of the office where Eleanor is currently working. And I'll see what I can unearth about Dumaran."


~~~~~~


Sa kabilang banda, muling nire-review ng Kampilang may dilaw na kulay sa espada ang mga CCTV footage na nakuha nila kamakailan sa club at café. May natuklasan ito at kagyat na ipinakita sa mga kasamahan. Sinadya nitong i-pause ang video sa café at itinuro ang mukha ng isang lalaking kasama sa umpok ng mga may suot na bertud.

"Pamilyar 'yang lalaking 'yan," komento ng Kampilang may dark blue ang espada.

"Pamilyar dahil nakita na natin. Isa 'yan sa mga security personnel sa exhibit kagabi sa Trademark Hotel." Ipinakita nito ang isang news video ng isang sikat na TV station kung saan kita sa kamera ang naturang lalaki (na nasa tabi lang ng ilang display glass boxes) habang inire-report ng TV reporter ang nangyayari sa loob. Ipinakita rin nito ang ilang pahayagan na nag-cover ng event. May ilang mga larawan doon na nakuhanan din ang lalaki.

"Dumaran E... Shield One..." basa ng isang Kampilan sa patch ng lalaki. Ang kinang sa tabak nito ay puti.

"Tinawagan ko na kanina 'yang agency na 'yan," wika ng Kampilang may dilaw na kinang sa espada. "Nagkunwari akong uncle nito. Kumpirmadong may personnel sila na ang pangalan ay Elmer Dumaran. Ang hindi kumpirmado ay kung 'yong personnel at ang Dumaran na nasa exhibit at café ay iisa dahil hindi ko p'wedeng hingiin kanina sa Shield One ang picture at ibang details ng staff nila."

"Dahil p'wedeng ginamit lang ng nasa exhibit ang patch at katauhan ng tunay na Dumaran ng Shield One," dagdag ng isa na may pulang kinang sa espada.

"Or, the same person lang sila," sagot ng may lilang kinang sa handle ng espada.

"Parehong p'wede," sang-ayon ng may puting kinang sa espada. "Pero ito ang sigurado. May koneks'yon ang nangyari sa Mond Jewelry Shop at ang exhibit kahapon. Ang common denominator ay alahas."

"Speaking of alahas," wika ng may dark blue na kinang sa espada, "ibinalita sa akin kanina ni Kapitan Bangiba na umamin na sa kanila ang Ebwang nahuli natin sa funeral home no'ng isang araw. May kasunduan daw ito—take note—sa isang aswang na nagngangalang Kaliwa. Ang kasunduan ay hanapin ang isang Pablo dela Cruz na nabalitaang kamamatay lang. Ang negosyo nitong Pablo? Mga alahas at antique items. At kapag nahanap daw ito kasama ng pamilya, ibalita raw agad sa aswang ang kinaroroonan. Ang kapalit noon, kapangyarihan mula sa bertud ng mga aswang."

Napatango ang may puting kinang sa espada. "So, konektado rin ang insidente sa Ebwa."

"Kung alahas man ang pakay ng mga aswang na 'yan, bakit wala silang nakuha sa jewelry shop at sa exhibit kahapon?" pasok ng may dilaw na kinang sa tabak. "Malakas ang kutob ko na may hinahanap nga talaga silang partikular na alahas."

"Malamang isang alahas na may espesyal na enerhiya," suhestiyon ng may lilang kinang sa espada.

Ilang beses na napatango ang may pulang kinang sa tabak. "Kung gano'n, kailangang puntahan at manmanan ang Dumaran na 'yan...."


~~~~~~


Matapos ang halos buong araw na pagkilatis ni Arabella sa mga footage sa exhibit, balik pagmamanman siya ulit kinagabihan.

"Copy, Jiao. I'll call you kung may matuklasan pa ako. Over and out."

Tinanggal niya sa tenga ang earpiece at sumakay ng motor. Papalabas ng condo ang isang gray na kotse na alam niyang si Eleanor ang nagmamay-ari. Sinusubaybayan niya ito matapos ibigay ni Jiao sa kanya kanina ang address ng pinagtatrabahuan nito. Kaya alam niya kung saan ito nakatira.

Dis-oras na ng gabi... Magkikita ba kayo ni Cassandra?.. Saan?

Wala na siyang development sa kakamatyag kay Cassandra matapos ang exhibit. Kaya umaasam siya na meron siyang makukuhang magandang resulta kay Eleanor.

Nakasunod siya rito. She made sure na nakadistansiya siya nang husto hanggang sa pumasok ang kotse sa isang abandonadong lote at gusali. At dahil abandonado, nagtataasan ang mga ligaw na halaman at puno sa paligid. Ang sementong kalsada ay lubak-lubak at tinubuan na rin ng mga damo. Ang malamlam na ilaw na nagmumula sa sirang gusali ang tanging nagbibigay liwanag doon. Sa paligid, halos walang makita sa sobrang dilim.

Akalain mong may ganitong lugar sa gitna ng siyudad, aniya sa isipan.

Pumuwesto siya sa makapal na talahiban. Ang motorsiklo niya ay nakaparada nang napakalayo. Mula sa backpack, inilabas niya ang digital night vision monocular. Kasinlaki lang iyon ng kanyang palad at mura lang sa eBay. Mas mainam iyon kaysa sa DSLR camera na may ingay kapag pinindot ang shutter-release button.

Sumipat siya sa lente at nakita niyang namatay ang ilaw ng pumaradang kotse. Lumabas si Eleanor. Sinalubong ito ng isang lalaki na nakasandong puti at may lumabas ding apat pang kalalakihan. Kita ang matipunong pangangatawan ng nakasando at maawtoridad na tindig sa ibang naroroon.

Si Elmer nga, pagkukumpirma ni Arabella sa isipan. Ito ang security personnel sa exhibit. Ang kakuntsaba ni Eleanor. Pagkatapos ngayon ay mukhang meron na naman silang hidden agenda. Sa dinami-rami ng puwedeng tagpuan, doon pa sa patagong lugar.

Ayon kay Jiao kanina, iyon ang nakarehistrong pangalan nito sa Shield One. Tatlong buwan pa lamang itong nagtatrabaho roon.

Holy crap! sambit ng kanyang utak nang inisa-isang sinuri ang apat na kasamahan ng nakaputing sando. May bitbit na mahahabang baril ang mga ito!

At parang may kung anong napansin ang nagngangalang Elmer, dumeretso ito ng tingin at sinuri ang paligid.

Mabilis na yumukod si Arabella! Dumapa siya sa talahiban upang hindi makita. Sinisiguro yata ng nakasando na walang ibang tao roon at walang nakasunod kay Eleanor.

Ilang saglit pa, pumasok na ang lahat sa loob ng gusali. Subalit wala pang diyes minuto ay lumabas muli si Eleanor. Sumakay ng kotse at umalis na.

Maliksing nag-isip si Arabella. Susundan si Eleanor o mag-i-stay ako rito? So far, ngayong gabi lang nagkaroon ng magandang development sa pagmamanman niya.

Siniyasat niya ang paligid. Alam niyang walang hidden cameras doon, pero baka may iba pang mga bantay sa labas ng nasabing gusali. Alam niya agad sa sarili na goons ang mga iyon. O mas malala, pumapatay!

This better be worth my time and effort, aniya, at pagapang siyang lumapit sa gusali nang muling pumasok ang lahat sa loob. Dala niya ang monocular at backpack.

May nakita siyang gibang bintana sa ground floor na tinakpan at sinandalan ng ilang dos por dos na kahoy. Walang ingay at mabilis niyang itinabi ang mga iyon. Kinailangan niyang sumampa sa sirang frame ng bintana upang makaakyat at makapasok. Paglapag sa loob, sinalubong siya agad ng alikabok dahil sa nagulong sahig. Kagyat niyang iniangat hanggang ilong ang suot na dust at windproof motorcycle mask, saka hinayaang maka-adjust ang mga mata sa dilim. Maya-maya, sumilip siya sa wasak na pintuan at pinakiramdaman ang paligid sa labas ng kinaroroonang silid. Nang masigurong walang tao, lumabas siya at napagtantong dati iyong hallway.

Saang silid kaya sila? Sa second floor?

Walang ingay na tinunton niya ang dulo ng hallway na may hagdanan paitaas.

Nasa pinakatuktok na hagdan na siya nang maulinigan ang ilang boses-lalaki at may makitang liwanag. Galing ang liwanag sa sirang flooring ng hallway ng second floor at malaki ang butas doon. Umabot ang sira hanggang sa kisame ng isang silid sa ground floor.

One crawl at a time, aniya habang papalapit sa butas. Her pulse pounding in anticipation. I just hope this flooring will hold up and won't come crashing down... with me on it.

Sumilip siya sa butas, sa ground floor sa ibaba. Natuon agad ang pansin niya sa mesa na may nakalatag na malaking papel. Nakapalibot doon ang limang kalalakihan kanina at seryoso sa pinag-uusapan. Kita niya na ang bawat isa ay may suot na magkakaparehong singsing na may itim na bato. Inilabas niya ang monocular, ipinokus sa malaking papel at binuksan ang recorder. Gamit din ang naka-mute niyang cell phone, kumuha siya ng ilang litrato.

Tumigil sa pagsasalita ang nakaputing sando na tila mayroon na namang naramdamang nagmamatyag. Ibinulsa na ni Arabella ang cell phone sa pants niya at ibinalik ang monocular sa backpack. Aatras na sana siya upang hindi mahuli, nang may biglang sumulpot na kanang palad mula sa likuran niya at tinakpan ang kanyang bibig! Kasabay noon, isang braso ang umangkla sa kaliwa niyang braso at inipit sa kanyang likod.

Nanlaki ang mga mata niya! Parang lalabas ang puso niya sa dibdib sa gulat. She was caught—by one of the thugs!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top