Kaibigan Lang Pala
Agad na sinuri ni Melody Gonzales ang nakatuping kulay rosas na papel sa ibabaw ng lamesa niya. Nanggaling kasi siya sa ladies' restroom at wala pa iyon kanina.
Liningon niya ang paligid at lahat ng kanyang mga kaklase ay may mga kausap. Hindi niya alam kung kanino nanggaling iyon o kung sino ang naglagay.
"Shy." Tinapik nito ang katabi niya para tanungin. "Alam mo ba kung sino ang naglapag nitong papel na 'to rito?" Isang kibit-balikat lang ang sinagot nito sa kanya at bumalik sa pakikipagtawanan sa mga kaibigan.
Naupo siya sa kanyang upuan at binasa iyon.
Mas bagay sa iyo ang nakangiti.
Walang pasabi na namula ang kanyang mga pisngi kasabay ng pagdating ng guro nila sa huling asignatura sa araw na iyon. Tahimik siyang nakinig at nagparticipate sa klaseng iyon.
Nang matapos ang huling asignatura, agad na nagsitayuan ang mga estudyante sa hudyat ng school bell nila. Hinayaan ni Melody na mauna ang mga kaklase niyang umalis ng silid-aralan at tsinek ang kanyang notebook kung naisulat niya ba ang lahat ng mga dapat ipasa o gawing requirements bago matapos ang taong iyon.
Hindi niya naramdamang nasa classroom pala niya ang matalik na kaibigang si Albert at nasa harapan na niya ito.
"Ang hilig mo talaga manggulat!" Pagrereklamo niya sa kaibigan at tanging ngisi lang ang sinukli nito sa kanya.
"Ang bagal mo talagang kumilos!" Panggagaya pa nito sa kanya at tinulungan itong iligpit ang mga gamit sa backpack niya.
Walang imik na tiningnan niya lang ito na abala sa paglalagay ng mga highlighter, ballpen at notebook sa loob ng bag niya.
Hindi niya namalayang nakatitig na pala siya sa lalaki.
"Oo, alam kong gwapo ako." Natatawang banggit nito at kinindatan pa siya.
"Hoy! Kapal mo talaga!" Pagkokontra niya sa kaibigan para pagtakpan ang pagkapahiya niya.
Hindi maipagkakailang gwapo ang binata. Sa katunayan, marami sa mga kaklase niya ang talagang may crush dito.
At isa na siya doon.
Lihim na may pagtingin sa kaibigan.
Sino ba namang hindi magkakagusto sa kanya.
Matangkad ito, maputi at may singkit na mga mata. Dagdag pa rito ang pagiging gentleman niya at pagiging magalang sa mga nakatatanda sa kaniya.
"Tara na at baka abutan pa tayo ng ulan." Saad nito at habang naglalakad ay hinawakan nito ang kanyang mga kamay na palagi nitong ginagawa kapag atat na itong tumungo papunta sa kung saan.
Napangiti ito sa sarili habang binabagtas nila ang hallway patungong sakayan ng jeep pauwi sa bahay nila.
Habang nasa loob ng jeep, akmang kukuha ng pambayad si Melody pero inunahan na siya ni Albert para bayaran ang pamasahe niya.
"Ang bait mo ngayon ah!" Komento nito sa kaibigan. "Mukhang good mood ka. Anong meron?"
"Maganda lang araw ko ngayon, Melo." Nangingiting sambit niya at nang makitang dumarami na ang pasahero ay bumulong siya rito, "sumandal ka. Ako na aabante."
Sinunod nito ang payo ng kaibigan at hindi pa man sila nangangalahati sa biyahe ay inantok ito bigla. Napapapikit na si Melody at nahuhulog na ang ulo niya sa balikat ng katabi sa sasakyan. Napansin ito ni Albert at idinantay ang ulo nito sa braso niya.
"Masa talaga." Iiling-iling na usal nito. Habang nasa sasakyan pauwi, naging alerto ang lalaki ng maging gitgitan na sa jeep. Rush hour na kasi at hindi na ito nakakapagtaka.
"Pasensya, nakatulog ako." Wika ni Melody nang makarating sila sa kanto nila. Magkapitbahay lang kasi ang dalawa kaya palagi silang sabay umuuwi.
"Nagpapakapuyat ka na naman ba sa kdrama mo?" Tanong niya habang bitbit ang bag niya. "Atsaka bakit ang dami mo na namang dalang gamit? Tingnan mo nga, ang bigat ng bag mo! May locker naman tayo pero parang hindi sulit ang binabayad nila Tita Song dahil sa ginagawa mo—"
"—Bert." Pagpuputol niya sa kanya at huminto sa paglalakad. Tumingala siya para tingnan ang kaibigan sa mata bago natatawang nagpaliwanag, "hindi ako nagkdrama kagabi. May pasok tayo ngayon. Kaya mabigat ang backpack ko ay dahil mag-aadvance reading ako para sa lessons next week. Ano, okay na?"
Tinitigan pa siya nito ng matagal bago tumango. "Buong locker mo yata ang laman nito. Ang bigat!", pagrereklamo pa nito.
"Akin na nga! Ako na magbubuhat!" Yamot na sambit ni Melody pero hindi ito binigay ni Albert sa kanya.
"Ilang hakbang na lang nasa bahay niyo na tayo oh." Sagot nito sa kanya habang buhat-buhat ang backpack niya. Walang nagawa ang dalaga kundi ang sundin ang kaibigan.
May isang parte sa kanya ang nagiguilty sa asal niya sa binata dahil tinulungan naman siya nito pero hindi mapagkakailang kinikilig siya sa pakitungo ng kaibigan niya sa kanya.
"Oh, hijo! Nandito na pala kayo!", binati ng kanyang inang si Sonia nang makita niya silang dalawa sa labas ng gate ng bahay nila.
"Hi po, Tita." Lumawak ang ngiti nito at nagmano sa kanyang ina. Inabot niya na rin ang bag ng kaibigan rito.
"Jusko! Ang bigat naman nito! Buong locker na ba ang inuwi mo, anak?" Pagbibiro pa nito sa kanya at namula ang dalaga sa pagpupuna nito sa gamit niya. "Salamat, Bert, sa pagbubuhat ng gamit ni Melo ha." Pumasok agad sa loob ng bahay ang ina ni Melody at naiwan ang dalawa sa gate.
"Melo, stargazing tayo mamaya! Hindi natuloy yung ulan. Ang ganda ng langit ngayon oh!" Pag-aanyaya nito sa kanya habang nakatingala sa kalangitan. Napatingin rin sa langit si Melody at sumang-ayon sa plano ng kaibigan. "May sasabihin na rin pala ako sa'yo mamaya. Sige, kita tayo mamayang alas-onse ng gabi!" Pahabol nito at agad na tumakbo sa bahay nila na katabi lang nila Melody.
Naalala niya ang rosas na papel kanina sa klase pati na rin ang mga hindi maipaliwanag na kilos ni Albert sa mga nakalipas na araw at namuo ang pag-asa sa kanyang dibdib. Panahon na nga ba para umangat ng isang lebel ang kanilang relasyon?
Agad na pumasok si Melody sa bahay at nagpalit ng damit at naghapunan. Sabik na siyang malaman ang sasabihin ng kaibigan.
Sumapit ang alas-onse ng gabi at katulad ng nakasanayan ay nagkita sila sa tambayan nila sa harapan ng bahay nila. Naabutan niyang nakaupo na sa swing ang binata. Umupo siya sa kabilang swing at tumingala sa kalangitan.
"Ang ganda ng langit no?" Komento ni Albert na bumasag sa katahimikan.
"Oo nga eh." Gusto na niyang tanungin ito pero wala siyang lakas ng loob.
"Melody." Bigkas nito sa pangalan niya at napatingin siya rito.
"Kami na ni Eliza." Banggit nito na siyang nagdulot ng kirot sa kanya. "Hindi ko sinabi agad sa'yo na nililigawan ko siya dahil takot akong maudlot ito. Ang saya ko, Melo!"
Mali pala siya ng akala. Hanggang magkaibigan lang pala talaga sila.
End
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top