CHAPTER TWO

Alam ni Lalie na wala siyang kasalanan sa pagkamatay ng don, pero sa pinapakita sa kanya ni Mauro at sa mga parinig ng mga inggiterang matrona na nag-ambisyon din noong pakitaan ng interes ng matanda, parang gusto na niyang maniwala na baka nga may kontribusyon din siya rito. Ang hirap ng sitwasyon niya dahil ni hindi niya naiintindihan minsan ang mga pinagsasabi ng nag-iisang anak ng yumao niyang asawa. Tulad ngayon. Sumisigaw ito kung bakit hindi na nagtatrabaho roon ang dati nitong yaya na si Yaya Puring. Aba, malay ba naman niya? Umalis ito pagkadating na pagkadating niya sa mansion.

"Attorney, who else left when I was away?" Medyo kalmado na ang boses ni Mauro.

"As far as I know, your former yaya, the former mayordoma, two maids related to the latter saka ang inyong labandera."

"Jesus Christ! They were all hired by Mom!"

Narindi si Lalie sa boses ni Mauro. Kanina pa kasi nakakalkal ang tutule niya sa mga sigaw nito. Hindi na siya nakatiis at napatayo siya sa harapan ng dalawa at pinamaywangan ang galit na galit na si Mauro.

"Hindi ka ba nakakapagsalita nang mahinahon? Akala ko'y pinalaki ka nang maayos ng iyong mga magulang? Aba'y mahihiya ang magbabalot sa iyo!"

Binalingan siya ni Mauro. Naniningkit ang mga mata nito.

"Don't you dare say that to me! Don't you dare!"

"Ano'ng der-der ka riyan? Manahimik ka! Ka-lalaki mong tao, putak ka nang putak na parang inahin! Yuck! Kadiri! Bakla ka ba?"

Napanganga si Mauro sa tinuran ni Lalie. Tila hindi ito makapaniwala na may magsabi sa kanya ng ganoon. Lalo itong nagalit at mag-aalsa na naman sana ng boses kung hindi dahil kay Attorney Zamora na sumaway dito.

Hinawakan ng matanda ang tuhod ng binata para pakalmahin. Nakinig naman si Mauro. Kung sa bagay, naisip nito, walang kahihinatnan ang usapan nila kung papatulan pa niya ang mal-edukadang madrasta. Imbes na sagutin ang babae, sinamaan na lamang nito ng tingin at nagpatuloy sa pakikipag-usap sa abogado.

Matapos ang pagpupulong nilang tatlo, umalis agad ng bahay si Mauro. Mas nauna pa ito kay Attorney Zamora. Mukhang labis-labis ang galit nito dahil sinabihan ng huli na wala na itong magagawa sa last will and testament ng ama. Mahigpit kasi ang bilin ng don na ibigay kay Lalie ang nararapat ayon sa napagkasunduan nila diumano ng babae.

"Atorni, sa prangkahang salita, pinaglihi ba sa dragon ang lalaking iyon?"

Natawa ang abogado, pero agad din itong nalungkot. "Pagpasensyahan mo na si Mauro, Lalie. Mabait namang bata iyon. Nagkataon lang na---"

"Mabait?! Atorni naman! Kitang-kita n'yo naman ang sama ng ugali! Kapag iyon ay mabait, aba'y wala nang masamang tao sa mundo!" Napaismid pa at napahalukipkip si Lalie. Pinilig-pilig nito ang ulo, dahilan para umugoy ang kanyang dangling earrings na kahugis ng lampara. Umagaw iyon sa tingin ng abogado. Makikitang napangiti ang huli sa kanyang nasaksihan. He seemed amused. Bilang sanay sa pagkilatis ng mamahaling bato dahil dating alahero bago naging abogado, ikinatuwa nitong makita na sobrang proud si Lalie sa mumurahin niyang hikaw.

"Bueno, iha, kailangan ko na ring umalis. Basta tandaan mong nasa iyong pangalan na ang karapat-dapat ay mapunta sa iyo kung kaya h'wag mo na lang pansinin si Mauro."

Kumibot-kibot ang mga labi ni Lalie ngunit hindi naman nito isinatinig ang inis. Tumawa na naman ang abogado at napailing-iling.

**********

Mag-uumaga na nang umuwi sa mansion si Mauro. Amoy-alak ito. Hindi sinasadyang nakasalubong ito ni Lalie nang bumaba siya ng kusina para kumuha ng gatas gaya ng nakagawian sa tuwing hindi makatulog.

"Do not tell me you waited for me?" namumungay ang matang tanong ni Mauro kay Lalie.

Kahit hindi masyadong naiintindihan nang lubusan si Mauro, may pakiramdam si Lalie na iniinsulto siya nito. Nakuha niya kasi ang salitang 'waited'. Sa tanda niya sa English lessons nila noong elementarya, ang waited ay mula sa salitang 'wait' na ang ibig sabihin ay hintay.

"Weted? Hintay? Ano ang ibig mong sabihin? Hinintay kita? Nek-nek mo!"

Pinangunutan ng noo ang binata. "Nek-nek? What the fvck does it mean?"

"Pwede ba? H'wag na h'wag mo akong ini-Ingles? Merkano ka ba?" At ibinulong ang, "Buhusan kita ng mainit na gatas riyan makita mong tarantado ka!"

"What?" Nilapitan ni Mauro si Lalie. Umatras agad ang dalaga. Tila natakot. At mabilis itong tumalilis para umakyat na sa kanyang silid.

Nang nasa sariling kuwarto na saka lamang nakahinga nang malalim si Lalie. Grabe ang tahip ng kanyang dibdib. Hindi niya maintindihan ang sarili. Galit siya kay Mauro ngunit kanina nang makita ito sa ibaba na mukha pa ring fresh kahit lasing na, may kung ano siyang kalandiang naisip. Napatitig pa siya sa namumukol nitong masel sa braso saka sa flat na flat nitong tiyan. Naging halata ang mga iyon dahil hindi na ito naka-long sleeves gaya ng suot kanina pag-alis. Nakasuot na lamang ito ng T-shirt na kulay asul.

Tumigil ka, Lalie! Kaaway mo siya! Hindi siya mabait gaya ng pagbibida ng ama! Nagsinungaling sa iyo si Don Fernando!

Pagkainom sa isang basong gatas ay napasalin pa uli sa pitsel ng isa pa si Lalie. Gayunman, hindi pa rin siya dalawin ng antok. Naiisip pa rin niya si Mauro at ang kakisigan nito. Kinutusan na niya ang sarili dahil sa kung anu-anong kalaswaang pumapasok sa kukote niya.

Mahiya ka naman sa sarili mo, babae ka! Pinagpapantasyahan mo pa ang anak ng iyong yumaong asawa? Nasaan ang iyong delikadeza?

Samantala, si Mauro nama'y hindi rin makatulog sa kanyang silid. Pabiling-biling ito sa higaan. Naiisip niya ang madrasta. Parang naririnig pa rin niya ang mga usap-usapan sa funeral homes nang bisitahin niya ang burol ng ama sa unang pagkakataon. May kutob siyang totoo ang karamihan sa kanyang narinig. Subalit, bakit ganoon? Kung totoong may foul play, bakit hindi umalma si Attorney Zamora gayong matalik nitong kaibigan ang kanyang ama? Ang isa pang hindi niya maintindihan ay ang pananahimik ng mga kapulisan. Inimbestigahan naman diumano ng mga ito ang pagkamatay ng papa niya pero bakit hindi nila nakita ang napansin ng higit na nakararaming mga kakilala nila? Kakutsaba ba ni Attorney Zamora at ng mga pulis sa kanilang bayan ang babaeng iyon?

Nanggigil na naman ang binata. Napabangon siya't napalakad-lakad sa kanyang silid. Sa pag-iisip nito kay Lalie, sumagi sa kanyang isipan ang eksena sa airport. Tandang-tanda pa niya kung paano siya napangiwi sa nakitang get up ng madrasta. Every inch of her outfit spoke of 'low class'. So very tacky! Kaya nga hindi niya ito pinansin dahil nahihiya siyang aminin sa mga nakakita sa kanila na kilala niya ang cheap na babaeng iyon. Gayunman, aminado siyang may hitsura din naman ito. Knowing his dad na mahilig sa magagandang babae, iyong tipong natural at walang bahid ng siyensa, hindi nakakapagtaka na magustuhan nito ang Lalie na iyon.

Napakuyom ng mga palad si Mauro. Nanggagalaiti na naman siya. Alam niya kasing sinadyang akitin ng babaeng iyon ang kanyang ama para makuha ang kalahati sa mana na dapat sana ay buo niyang makukuha.

Nakapagpasya siya. Bukas na bukas din ay hahanap siya ng magaling na detective. Kailangan niyang mabisto ang totoong pagkatao ng kanyang madrasta. Hindi siya makapapayag na ang babaeng naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama ay maging kahati pa niya sa mana!

"If I found out you killed my father, sisiguraduhin kong mabubulok ka sa bilangguan!" nasabi pa niya nang malakas.

KINAUMAGAHAN, kapwa nagkita sa kumedor ang dalawa. Kagagaling lang ni Lalie sa pag-e-ehersisyo kung kaya nakabihis pa siya ng pang-gym, isang kulay itim na hapit na hapit na jogging pants at sleeveless na pang-itaas na umabot lang sa itaas ng pusod. Si Mauro nama'y nakasuot na ng dark blue business suit. Handang-handa nang pumasok sa opisina ng kanyang ama.

"Good morning, ebribadi!" nakangiting bati ni Lalie pagpasok sa kumedor gaya ng kanyang nakagawian. Malakas ang boses niya. Confident na confident. Nang oras na ito'y hindi pa nakita ng babae ang anino ni Mauro na prenteng-prente nang humihigop ng kape habang nakatunghay sa isang pahayagan sa ibabaw ng mesa.

Pagkarinig sa matinis na tinig ng madrasta, awtomatikong pinangunutan ng noo si Mauro. Saglit lang itong napasulyap sa may bandang pintuan at ibinalik din agad ang atensyon sa binabasa.

"Good morning, ma'am," magalang namang sagot ng tatlong katulong na nandoon. Lihim na nagpalitan ng tingin ang mga ito. Hindi kasi lingid sa kanila ang alitan ng dalawang amo. Nang mga oras na iyon, halatang wala pang kinikilingan ang mga ito. Dahil isang linggo pa lang silang nagtatrabaho roon, mas nauna lang ng ilang araw nilang nakilala ang among babae. At sa loob ng maikling panahon, nakitaan nila ito ng kabutihan ng puso. Gayunman, dahil ilang taon lang naman ang tanda sa dalawang amo, hindi rin nakaligtas ang mga ito sa karisma at gandang lalaki ni Mauro. Kada tingin nito sa kanila'y para nang sinisilihan ang kanilang mga singit. Kaya medyo may simpatiya na rin sila sa among lalaki.

"Ay, hindi pala good ang morning," nakangising sabi ni Lalie nang masulyapan si Mauro sa hindi kalayuan. Umismid agad siya sa direksiyon nito saka pakendeng-kendeng na dinampot ang kape niyang nasa mesa. Dadalhin sana niya ito sa hardin at doon iinumin pero napatid siya ng kung ano at natapon ang kape sa imported na carpet ng kumedor. Nanlaki ang mga mata ni Lalie nang makita ang pagkalat ng kulay brown na likido sa imported nilang carpet na kulay krema.

"Punyeta!" naibulong niya saka napalingon siya kay Mauro na ngayo'y nakatitig na sa mantsa sa carpet at sa kanya.

"Can't you do anything right?" Napakagat-labi pa ito na tila nagpipigil ng galit. Sa halip na makita itong nagpipigil ng galit, ang tingin ni Lalie rito ay nagpapa-cute sa kanya. Nagtagumpay naman ang damuho, sa loob-loob niya. Lalo kasi itong gumwapo sa kanyang paningin. Kung gaano niya ito kabilis na pinuri sa isipan, ganoon din niya kabilis pinagmumura.

Sa pagpa-panic ni Lalie na namantsahan ang mamahaling carpet, lalo niyang natapon ang natitirang laman ng tasa. Hindi lamang iyon, nabitawan pa niya ito kung kaya nasaid ang laman at nagpagulung-gulong pa sa sahig.

Naitiklop ni Mauro nang malakas ang dyaryo at hinampas pa ito sa mesa. Napapitlag naman sa gulat at kaba si Lalie. Nilingon niya ang binata at inasiman ng tingin. Nagkatitigan sila. Si Mauro ang unang bumawi ng tingin. Tumayo ito at mabilis na dinampot ang attache case sa katabing upuan at walang pasabing umalis ng kumedor.

"Hindi ko po sinasadya, amo!" pahabol na sigaw dito ni Lalie. Sarkastiko ang tinig.

Hindi lumingon sa kanya si Mauro.

Nang wala na ito saka lang hinayaan ni Lalie na dumaloy ang kanyang mga luha. Pinakita niya sa mga katulong ang totoo niyang nararamdaman.

"Naku, naku! Ang mahal nitong carpet! Ang mahal nito! Baka hindi na makuha ang mantsa ng kape! Paano na? Sa Italya pa namin binili ito ni Don Fernando!"

"H'wag ho kayong mag-alala, ma'am," nakangiting sabi ng pinakamatandang katulong. Sa hitsura nito'y makikitang nasa tatlumpo o higit pa ang edad nito. "May pampaalis po sa mantsa."

Sinang-ayunan ito ng dalawa pang kasama. Namangha sa narinig si Lalie.

"Weh? Talaga? Hindi nga?"

Napangiti ang mga katulong. Si Lalie nama'y napahikbi pa lalo. Iniisip nitong pinapakalma lamang siya ng mga katulong.

Samantala, hindi rin nakatiis si Mauro. Napaatras ito para lihim na silipin ang kaganapan sa kumedor. Nakita ng binata ang pag-iyak ni Lalie. Wala na ang pretensyosang babae na nakita niya kanina nang pakendeng-kendeng pa itong dumampot ng isang tasa ng kape sa mesa. Larawan na ito ngayon ng isang inosente at tila walang kaalam-alam na dalaga. No'n niya napansin kung gaano ito ka naive. She looked refreshing in his eyes given than he is used to sophisticated women.

Bago pa niya aminin sa sariling napakaganda ng babae kung umaktong natural lang, tumalikod na agad siya para tuluy-tuloy nang lumabas ng bahay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top