CHAPTER TWENTY-ONE

Tumulo ang luha ni Lalie nang masilip sa maliit na siwang ng pinto ng pribadong silid ng Inay niya ang dalawang kuya na masayang nakikibalita sa ina. Kasama nila ang tingin niya'y nobya ng mga ito. Natukso siyang lumapit, pero binalaan siya ng kapitana na hwag nang tumuloy dahil baka raw makonek pa ng mga ito na may kinalaman siya sa paglipat sa marangyang silid ng kanyang inay.

"Hindi nga ako ang nagbayad, ang kulit n'yo!" asik niya sa kapitan.

"Gano'n na rin iyon. May tangka ka rin sana, eh."

"Hay, kapogi talaga ng mga kuya mo, Lalie. Ang swerte ng dalawang malalanding iyan. Pero----," at tumigil ito pansamantala at binalingan siya, "pinakagwapo pa rin si Danilo!" Kinilig pa si Perping. Itinirik ni Lalie ang kanyang mga mata.

Bigla niyang nailapat ang pinto nang makitang lumingon sa direksyon nila ang isa niyang kuya.

"Pambihira naman, Lalie, o! Mabibistahan ko na nang mabuti ang hitsura ni Nonoy eh! Ba't mo naman isinara?"

Dinikit ni Lalie ang tainga sa nakalapat na pintuan at wala pang ilang segundo ay hinablot na nito ang kaibigan para lumayo sila roon. Sinenyasan niya rin ang kapitana na bumuntot sa kanila.

"Ano ba? Wala naman kaming atraso sa pamilya mo, eh!" pagpupumiglas ni Perping. Kumawala nga ito at tumigil sa pasilyo saka patakbong bumalik sa pinanggalingan nila.

May narinig na boses-lalaki si Lalie na kausap ng kapitana. Hindi na niya kailangan pang lumingon para makilala kung kanino galing iyon. Sa Kuya Nonoy niya.

**********

Pinagmasdan ni Mauro sa hindi kalayuan ang madrasta habang nakikisilip sa isang pribadong silid. Napag-alaman niya sa isang madaldal na nurse ng ospital na doon pala nakaratay ang ina nito. Naawa siya. Hindi niya lubos maintindihan kung bakit ganoon na lang ang galit ng pamilya nito sa babae. Hindi raw nila nagustuhan ang pagpapakasal ng kanilang unica hija sa isang mayamang don. Iyon ang lumabas sa imbestigasyon ng nakuha niyang detective. Pero naniniwala si Mauro na may mas malalim pang dahilan bukod doon. Tila napapantastikuhan siya sa ganoong rason. Kadalasan kasi ang mga mahihirap kagaya ng kanyang madrasta ay tuwang-tuwa makatisod lamang ng isang napakayamang mapapangasawa.

"Sir, I checked the bill at the cashier's, wala na raw pong dapat bayaran. Fully paid na po ang bills ni Mrs. Masangkay."

Napa-double take si Mauro sa assistant. "Are you sure? That's impossible. Pinaharang ko ang tseke ni Lalie at pina-freeze ko na rin ang checking account niya. Paanong nangyari iyon? Saka ang savings account niya sa bangko ay fully-monitored. Wala siyang nawiwidrong pera na close to fifty thousand pesos so far. Saan siya kumuha ng pambayad eh mahigit nang kalahating milyon ang nagastos ng kanyang ina sa lahat ng procedures na ginawa para sa kanya pati na rin sa nilipatan nitong silid?"

"Sir, hindi ko rin alam." Kakamot-kamot sa ulo ang assistant.

"Tawagan mo nga si Attorney. Baka siya na naman ang may pakana nito!" At tinalikuran niya ang assistant habang abala ito sa pagtawag sa abogado.

Ibinalik ni Mauro ang sunglasses sa mga mata at pasimpleng sinundan si Lalie. Para hindi mahalata nito na siya ang pakay doon ay kumuha siya ng isang brochure sa nadaanan niyang counter. Baka kasi biglang lumingon na lang ang kanyang madrasta at masita siya kung bakit siya nandoon.

"Mauro? Hoy! Ano'ng ginagawa mo rito?"

Sinasabi na nga ba niya! Napalingon ang kanyang madrasta at nakita siya gayong ang layo-layo pa niya. Nakalimutan niyang 20-20 nga pala ang vision nito. Utak lang ang mapurol pero matalas ang mga mata.

Nagkunwari siyang hindi niya ito naririnig dahil abala siya sa binubuklat niyang brochure. From the corner of his eye, nakikita na niya itong todo nakapamaywang na at nakaharang sa kanyang daraanan. No'n lamang siya umangat ng mukha at kunwari'y gulat na gulat na makita ito roon.

"Oh! What are you doing here?" nasambit pa niya in his practiced surprise tone.

Hindi sumagot ang madrasta. Sa halip ay nakatitig lang ito sa kanya at nakataas ang isang kilay. Halata ngang hindi naniniwalang nagulat siya nang makita ito roon.

"Dumaan lang kami dito dahil may nais akong ipakonsulta." At minuwestra pa niya ang hawak na brochure. "Malayo pa kasi ang ibang ospital samantalang ito'y along the way. May sadya rin kasi kami sa alkalde ng Maynila."

"Ah. May ipapakonsulta! Bakit? May balak ka bang mag-bristfid?"

"Brist what?" Napakunot ang noo ni Mauro habang nakatingin sa madrasta. Nang makuha ang ibig nitong sabihin ay napatingin siya sa hawak na brochure at halos ay mabitawan niya ito nang mabistahang mabuti. Breastfeeding guide pala in Tagalog ang napulot niyang brochure.

Mabilis siyang nag-isip. Mabuti't nakalapit agad ang assistant niyang si Nilo. Nakaisip siya agad ng excuse. Itinuro niya ito habang nagpapaliwanag kay Lalie.

"Nahihirapan ang misis ni Nilo sa pagbe-breast feed ng baby nila. Kaya 'kako dumaan na kami rito para may makonsulta kaming doktor total naman ay madadaanan namin ang PGH papuntang city hall." Hinarap pa ni Mauro si Nilo bago nagpatuloy. Ibinigay niya rito ang hawak na brochure. "O, hayan. Sabi ko sa iyo may makukuha tayong impormasyon dito, eh. Dalhin mo na lang daw dito ang misis mo sa susunod para maipaliwanag sa kanya ng doktor nang personal kung ano ang tamang proseso."

Napamulagat si Nilo at bago pa mahalata ni Lalie, kumurap na si Mauro rito para makuha ng assistant na ginawa na lang niyang rason iyon sa madrasta. Napalunok nang kung ilang beses si Nilo bago ngumiti kay Lalie.

"Yes po, ma'am. Panganay po kasi."

Nakita ni Mauro na umiba ang ekspresyon sa mukha ni Lalie. Tingin niya napaniwala niya nga ito. Ang assistant naman niya'y kakamot-kamot na naman sa ulo dahil hindi naman ito married at ni wala ngang nobya. Isa pa, parang halata naman sa kilos nito na tila binabae, hindi lang katulad ng iba na maingay o pinapangalandakan ang pagiging bakla. Pero tingin ni Mauro hindi naman iyon mapapansin ni Lalie dahil matikas naman ang dating ng kanyang assistant.

"Ah, talaga ba? Hirap si misis mag-bristfid? Kung sa bagay, si Ogie Diaz nga may anak rin eh," sabi ni Lalie sabay talikod sa kanila.

"Who the hell is Ogie Diaz?" tanong niya kay Nilo.

**********

Nang nakabalik na sa kotse si Lalie saka siya may naisip na kung ano. Bigla siyang napahawak sa dibdib nang ma-realize na baka idinahilan lang ni Mauro ang assistant nito pero ang totoo'y para nga rito ang hawak na brosyur. Baka buntis na ang haliparot na arkitik!

"Ma'am Lalie? Okay lang kayo?" Si Mang Simon at tila nag-aalala. "May masakit ba sa inyo? Minura na naman ba kayo ng mga kuya n'yo? Pambihira naman ang mga iyon, oo. Ke lalaking tao, nakukuha nilang murahin kayo?"

"Ha?" Saglit na nalito si Lalie sa pinagsasabi ng katabi niya. Nang maunawaan iyon, sinimangutan niya si Simon. "Buti nga sana kung iyon ang nangyari eh." At nagpakawala siya ng buntong-hininga. Bago pa makapagtanong muli ng driver, sinenyasan na niya itong umalis na sila roon.

Palabas na sila sa parking lot nang mamataan ang pagdating din nila Mauro roon.

"O, si Ser Mauro iyon, ah!"

"Deretso tayo, Simon. H'wag mo nang pansinin ang mga sagabal sa daan."

Napasulyap sa kanya ang matanda at bigla na lang itong nangiti. "May LQ na naman ba kayo ni ser, ma'am?" may himig panunuksong tanong pa nito.

"Masakit ang ulo ko, Simon, baka sa inyo ko ibubuga ang naipong apoy sa sentido ko!"

"Ma'am naman!" At napahagikhik pa ito.

Napatingin sa labas ng bintana si Lalie. Hinihilot-hilot niya ang sentido. Maliwanag na sa kanya ang lahat. Gusto lamang itago sa kanya ni Mauro na ito naman talaga ang may kailangan doon sa hawak nitong brosyur sa pagpapadede.

Nagsalubong ang kanyang mga kilay nang sumagi sa kanyang isipan ang malanding larawan ni Denise. May kutob siyang hindi tungkol sa disenyo sa mansion ang pinupunta-punta nito sa kanila.

Shit! Naunahan pa ako ng p*ta!

Nang ma-realize ang pinagsisintir, bigla siyang natigilan. Pinilig-pilig niya agad ang ulo. No! Hindi siya dapat nagkakaganito.

"Naunahan nino, ma'am?"

"Simon, utang na loob! Magmaneho ka lang diyan!"

No'n lang din na-realize ni Lalie na napalakas ang kanyang mga sinabi.

**********

"Positive, Attorney. Mahigit-kumulang six hundred thousand pesos ang nagastos ni Ninong sa nanay ni Lalie. Napa-check ko na kay Nilo ang total bill at fully paid na raw iyon. Na-confirm na rin ng private detective ko."

Napahimas-himas ng baba ang abogado. He looked worried.

"It's time you do something big to protect Lalie, hijo. Your Ninong is up to something unless you do something about it as quick as you can."

Pinangunutan ng noo si Mauro. Medyo nalilito. "I have her moves monitored, Attorney. Kahit ayaw niya ng bodyguards, pasekreto ko siyang pinapabantayan. Mahirap nang ipa-kidnap siya ni Ninong for ransom at ipatubos pa sa akin. I will never pay her ransom, Attorney. I mean it."

Napangiti ang abogado. "That's not what I meant, hijo. I do not think that's enough to protect Lalie. Kayang-kaya ng mga tauhan ng ninong mo na ipadukot pa rin ang iyong madrasta kahit paikutan mo siya ng bodyguards. What I mean is---you need to marry her. That way your ninong would honor the----"

"What? Are you kidding me? No way! No, Attorney! You're out of your mind!"

Napabuga ng hangin ang matandang abogado. Napahilot-hilot pa ito ng kanyang sentido. Inabot sa kanya ang hawak-hawak nitong daily newspaper. Pinasadahan niya ang headline sa naturang dyaryo. At bigla siyang napabasa sa main article nito.

"This is the school where Rorik's daughter go to!"

"Yes, indeed. Sumabog daw ang isang gusali kamakailan. Pinaimbestigahan na rin iyan ng kaibigan mo at ang sabi sa initial report ay dahil lang sa mga hinalong chemicals ng mga estudyante sa Science Lab. Pinaglaruan daw ng mga bata. But then ayon sa isang report ng mga pulis na ngayo'y ni-retract nila, may nagtanim daw ng home-made bomb doon."

"Pina-retract?"

"Yes. I have some contact in the PNP Muntinlupa. May bumulong sa akin na somebody influential told some higher ups to stop the report before it reach the media. Sino nga lang ba ang may posibleng motibo sa pangyayari?"

Napaisip si Mauro.

"Well, it could be Senator Lee. I guess he did not like what the school did to her granddaughter and he wants everyone to know he's a tough enemy to make."

"That's the most logical assumption, right? But then, alam mo kung sino ang may lihim na galit kay Senator Lee dahil sa pagharang nito sa iilang money-making projects ng ninong mo. Iyong planned railway na magdudugtong sa Laguna at Pampanga. Nilalakad ng ninong mong makuha ang proyektong iyon pero hinarangan ng senador at mga kasama niya. Napunta tuloy sa iba."

Hindi nakapagsalita si Mauro.

"Still---I cannot marry her, Attorney. That's final," mariing banggit ni Mauro at iniwan ang abogado sa sofa sa visitor's lounge ng opisina at bumalik siya sa desk niya.

**********

Lakad-takbo ang ginawa ni Lalie sa parking lot ng Southmall. At nakita niya na binilisan din ng mama ang pagsunod sa kanya. Kinabahan siya. Kung bakit sa dinami-dami ng tao lagi sa SM, siya lang mag-isa ang naglalakad sa parking lot na iyon nang ganoong oras.

Mabilis siyang pumasok sa sasakyan at pinaandar ito. Mahirap na kasing bumalik sa mall. Malayo-layo na rin siya sa entrance. Tiyak na maaabutan siya nito kung sakali. Kung kailan kasi kailangan niya ng presensya ng gwardya, saka naman wala ni isa sa kanila sa likurang bahagi ng mall.

May panginginig na ini-start niya ang kotse. Mabilis niya itong nailabas ng parking lot. Dahil uwian na halos ng karamihan, ang tindi ng traffic. Sa ibang pagkakataon ay maiinis siya sana sa kung ilang dyipni na nakapaikot sa sinasakyan niyang kotse, pero nang mga oras na iyon ay ikinatuwa pa niya. Nakita niya kasi sa side mirror na ang layo pa ng sasakyan ng mama. May bus pang nakaharang na hindi malaman kung saang lane nakapila.

"Diyos na mahabagin, ingatan N'yo po ako at ang aking sasakyan. Plis. Tulungan N'yo po akong makarating sa amin sa Southvale!" sambit niya sabay hawak sa rosaryo na nakalawit sa dashcam screen niya na nakalapat sa rearview mirror.

Naalala niya si Simon. Sana nagpapilit siya kanina sa matandang iyon. Kung bakit nagmatigaas siyang lumakad mag-isa.

Nang umarangkada na ang mga sasakyan, binilisan na rin niya ang pagmaneho. Nakahinga siya nang maluwag nang makaliko na papasok sa Daang Hari. Ilang kilometro na lang at Southvale na. Kailangan pa niyang magdasal pa.

Kalalampas niya lang ng Landers ng mamataan ang nakabuntot na kulay asul na Innova. Sa pagitan ng pagdadasal ay napamura siya nang malutong. Diniinan pa niya ang gas pedal. Mula fifty kilometers per hour umarangkada ng saisenta hanggang mag-sitenta ang takbo ng sasakyan niya. Gayunman, naabutan siya ng humahabol sa kanya sa bandang Shell. Inunahan siya nito at hinarangan pa. Napasigaw siya sa kabiglaanan. Buti na lang at maagap siyang napapreno.

Nakangising lumabas ng sasakyan niya ang mama at nililis nito ang laylayan ng asul na polo shirt. May nakabukol sa tagiliran nito. May lumabas din sa passenger's side ng mama. Armado rin ito. Pati na ang dalawang bumaba rin mula sa backseat.

Nanginig sa takot si Lalie. Kahit ilang beses siyang kinatok ng mama, hindi siya nagbaba ng salamin. Napayupyop lamang siya sa manibela habang nananangis. Nagdasal siya nang nagdasal. Naisip niyang may babasag ng salamin ng kanyang bintana pero nakalipas na ang kung ilang minuto wala siyang narinig na ganoon. Sa halip may tila komosyon siyang naramdaman sa paligid. Pag-angat niya ng mukha tumatakbo na pabalik sa asul na Innova ang apat na armadong lalaki at may dalawang puting Everest na nakatigil na rin sa hindi kalayuan. May anim na kalalakihang may armas din. Tila ang mga ito ang nanakot sa mga sakay ng Innova. Nagsibalik na rin ang mga ito sa sinasakyan nang makarinig ng sirena ng patrol car.

"Miss." Kinakatok siya ng pulis. Saka lamang nagbaba ng bintana si Lalie. "Okay lang ba kayo?"

No'n lang naging kalmado si Lalie. Tumangu-tango siya sa pulis.

"Tara, ihatid na natin si Ma'am kahit sa entrance man lang ng village nila," sabi nito sa mga kasamahan. Binalingan siya uli ng mamang pulis at tinanong kung kaya pa niyang magmaneho.

Binaba ni Lalie ang gear lever from park to drive at tumango sa pulis. "Kaya po."

Pagdating sa mansion doon lamang natakot nang husto si Lalie. No'n niya lang na-realize ang kaseryosohan ng sitwasyon. Sising-sisi na siya tuloy kung bakit nagmatigas siya kay Mauro na hindi magdala ng bodyguards.

Halos hindi makababa ng sasakyan niya si Lalie. Nanginginig ang kanyang mga tuhod. Na-unlock pa naman niya ang pintuan bago bumigay. Lalo siyang napahagulgol nang makitang nakaabang sa labas ng sasakyan ang dalawa nilang katulong na sina Mamerta at Aurora.

"Madam!" halos ay sabay pa nilang naibulalas. "Buti't nandito na kayo. Kanina pa kayo hinihintay ni Ser Mauro!"

Hindi alam ni Lalie kung paano niya nakayanan ang paglakad papasok ng kanilang mansion sa tindi ng pangangatog ng kanyang tuhod. Pagpasok niya sa loob, nandoon na ang labis na nag-aalalang si Mauro. Nang makita siya nito, tila nabunutan ito ng tinik.

"Eulalia! Oh God! Thank you and you made it here safely."

Nagulat si Lalie sa reaksyon ni Mauro. Tila may alam ito sa pinagdaanan niya sa Daang Hari.

Bago pa makabawi si Lalie sa gulat na alam ni Mauro ang tungkol doon, napamulagat siya sa sunod nitong ginawa. Bigla na lang kasi itong napaluhod sa harapan niya at gamit ang isang singsing na tila gawa sa puwet ng baso ay napatanong sa kanya ng, "Eulalia Masangkay, will you marry me?"

"Ha?!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top