CHAPTER NINETEEN

Ang sakit ng ulo ni Lalie nang siya'y magising kinaumagahan. Hindi niya alam kung bakit. For a while nakalimutan niya na ilang oras silang nag-inuman ni Rihanna sa apartment ng huli. Nang mahimasmasan at maalala ang mga kaganapan ay napahikbi siya.

Dumaan siya sa kanila kahapon para alamin ang kalagayan ng kanyang ina dahil ayon sa kaibigang si Perping ay isinugod daw sa ospital ang Inay niya. Wala sa kanila ang dalawa niyang kuya nang mga araw na iyon dahil parehong nagtatrabaho sa isang konstruksiyon sa Alabang. Mga taga-barangay daw ang nagdala sa Inay niya sa pagamutan sa Maynila dahil hindi ito kinaya ng ospital na malapit sa kanila. Iyon nga dumalaw siya sa Philippine General Hospital o iyong tinatawag na PGH at nanlumo siya nang makita ang ina na nakaratay sa isang higaan sa public ward. Marami itong kasama roon at labis siyang nahabag sa kalagayan nito. Ang payat-payat ng Inay niya at may mga nakakabit sa katawan nito na kung anu-anong tubo. Hindi na siya nakapagpigil at napasugod siya sa silid subalit, pagkakita sa kanya ng ina inubo ito sa sobrang galit. Nang makita itong nangingitim sa tindi ng emosyon, wala siyang nagawa kundi lisanin ang ward at ipakiusap sa kapitana ng kanilang barangay na ito na ang bahala sa nanay niya.

"Pasensya na, Lalie. Mukhang hindi nakatulong ang presensya mo sa kalagayan ng iyong ina. Inakala pa naman namin ay makakatulong ito na mapabuti ang kanyang kalagayan."

Napahilot siya no'n sa kanyang sentido. Dati-rati, naaartehan siya sa mga bida sa pelikula kapag bigla na lang silang tatalikod sa kausap at ma-emosyon na magpahayag ng damdamin sa kawalan, pero iyon nga ang ginawa niya. Inilabas niya ang sama ng loob sa pamilya.

"Masama na ba akong anak, Kapitana? Hindi ko naman ginusto ang mag-asawa ng matandang mayaman. Nagkataon lang na may nag-alok! Aayaw pa ba ako kung iaahon niya ako sa hirap? Para saan ang pakikibaka natin sa araw-araw? Bakit nagpapakahirap sa pag-aaral ang mga tao? Dahil gusto nilang magkatrabaho at makaipon ng pera nang sa gano'n ay yumaman sila. Eh, ganoon din naman ang ginawa ko! Minadali ko lang ang proseso! Sayang kasi ang oras, eh! Ano'ng masama roon? Bakit ayaw nila Itay at Inay niyon?" nag-unahan na no'n sa pagtulo ang mga luha ni Lalie.

Napabuntong-hininga naman ang Kapitana.

"Ewan ko ba sa mga magulang mo, Lalie. Kung ako sa kalagayan nila, magpapatangos na ako ng ilong saka magpapabanat ng pisngi! Siguro'y hindi mo na ako makikita nang walang Gucci sunglasses. Saka iyang si Mommy Dionisia, kokompetensyahan ko iyan sa ballroom!" At natawa pa ito.

Napa-about face dito si Lalie. Umurong ang kanyang mga luha. Napakunot ang noo nito at mayamaya nang kaunti ay nauwi sa isang malawak na ngiti ang lukot ng mukha. Nai-imagine siguro ang Kapitana na nakikipagtagisan ng galing kay Aling Dionisia sa ballroom.

"Saka iyang Kuya Danilo mo, Lalie, ang tigas din ng ulo! Nakows! Sarap tirisin ng mukha kung hindi lang guwapo," sabat naman ni Perping. Nakalapit na pala ito sa kanila. Nagkwento si Perping na pati raw siya ay kinagalitan ng kuya ni Lalie nang minsa'y dalawin nila ito kasama ang mga kapatid na kaibigan din ni Danilo. Pinaratangan pa raw sila na padala ni Lalie.

Suminghot-singhot na naman si Lalie at kumusut-kusot ng ilong. Mayamaya pa, nagbukas ito ng kulay beige na Christian Dior clutch bag. Dinukot roon ang pitaka at nagbilang ng kung ilang lilibuhing pera saka inabot sa Kapitana.

"Ilipat n'yo ho ng pribadong silid ang Inay ko. Kapag nagtanong kung sino ang gumastos, pakisabi po na donasyon ni Mayor."

Nanlaki ang mga mata ni Perping pagkakita sa kung ilang lilibuhing pera. Inabutan din ito ni Lalie ng dalawang iisang libong papel. Ganoon din ang Kapitana. Kinilig ang mga ito.

"Lalie, ang sarap! Para akong may sugar daddy!" ang sabi pa ni Perping.

"Lalie, ihanap mo rin kaya ng DOM ang anak ko?"

Pinaningkitan sila ni Lalie ng mga mata saka iniwan sa ospital.

Lingid sa dalaga, may nagmamanman pala sa kanyang mga kilos. Pagkaalis nga niya roon, inalam ng mama ang sinadya niya sa ospital at napangiti ito nang malawak. Parang may naisip ito na isang napakagandang ideya.

**********

Hindi nakatulog nang gabing iyon si Mauro. Sa pinakita kasi ni Lalie, nang bistahan nitong mabuti ang kanyang harapan, tila isa itong napakainosenteng babae. May kutob na tuloy siya na hidni consummated ang kasal ng kanyang ama rito. Pero sa isang banda, pinaalalahan din niya ang sarili na isang magaling na manlilinlang ang kanyang madrasta. Maaaring nagkukunwari lang itong inosente pero ang totoo'y gusto lamang siyang masilo nang maging kanya nang buong-buo ang yaman ng mga Dela Paz.

Napabalikwas si Mauro nang maramdaman ang pag-init ng katawan sa kabila ng mga panlalait niya sa babae. Sapat na ang maalala ang reaksyon nito pagka-aninag sa simbolo ng kanyang pagkalalaki para makaramdam siya ng excitement. Unti-unti tuloy umigkas si Manoy. For the nth time!

"Shit!" namura niya under his breath. Nakadalawang cold shower na siya pero hindi pa rin maampat-ampat ang pag-iinit ng kanyang katawan. Bumalik na naman tuloy siya sa banyo at naglunoy na lang sa malamig na malamig na tubig ng bathtub. He made a mental note to check on how Lalie and his dad lived when he was still in the US. Sayang nga lang at wala siyang matatanungang mga katulong dahil wala nang halos natira sa mga datihan simula nang mag-asawang muli ang kanyang ama.

Makaraan ang ilang sandali'y nakasuot na siya ng puting bathrobe at nagsalin ng vodka sa baso para antukin. It was almost morning na rin. Kailangan na niyang makatulog dahil maaga pa ang alis nila ni Simon mamaya. Mahihiga na lamang siyang muli nang may tumawag sa kanyang cell phone. Si Attorney Zamora. Pinangunutan siya ng noo kasi alas tres na no'n ng umaga. Bakit gising pa ang matandang iyon na ang alam niya'y maagang natutulog at nagigising ng eksakto alas sais ng umaga.

"It's three in the morning, Attorney," pagpapaalala niya rito. He was a bit impatient. Gusto na rin kasi niyang magpahinga.

"I need to talk to you. It's urgent. Guard Lalie well! I received some reliable information that your Ninong is planning to get her by hook or by crook!"

"What? Ano'ng nangyari sa brotherhood promise nila ni Dad? You said, he may be a cold-blooded criminal but he knows how to honor a pact?"

Napabuga ng hangin ang abogado.

"That's what I thought, too. Pero mas nanaig ang kamanyakan ng matanda. Please do as I say. H'wag mong payagang umaalis ng bahay si Lalie nang driver lang ang kasama. May nakapagsabi pa sa akin na minsan ay umaalis pa itong mag-isa."

Nabuhay ang iritasyon ni Mauro kay Lalie. Ilang beses din niya itong napagsabihan tungkol doon at pipilosopohin lang din siya. Hindi pa yata ito nasanay sa kasalukuyang estado sa buhay. Kung sa bagay iilang taon lang din naman ang pagsasama nila ng dad niya. And during those days, ang dinig niya hindi naman bantay-sarado si Lalie. Marahil, panatag ang kalooban ng kanyang ama dahil ang pinuno ng kidnap for ransom syndicate ay matalik nitong kaibigan.

Nakikinikinita na ni Mauro na magagalit na naman ang madrasta kung ipipilit na pasamahan ito ng bodyguard. In the end, ito pa rin ang masusunod. Aalis at aalis pa rin itong mag-isa.

"Let that bitch worry about her safety. Kahit naman pagsabihan ko iyon susundin pa rin nya ang kanyang kagustuhan. So hayaan n'yo na, Attorney," sagot niya rito but deep inside, he was worried. Hindi niya lang maamin sa abogado.

"Ano ka ba namang bata ka! Maawa ka kay Lalie."

Napabuntong-hininga si Mauro saka nagsabi ng, "I'll see what I can do, Attorney, pero sinasabi ko sa iyo matigas ang kukute ng babaeng iyon!"

**********

May napapansin si Lalie sa lalaking nasa likuran niya. Nang lumiko siya sa kalye nila Rihanna, lumiko rin ito. Noong una inisip lamang niya na baka masyado lamang niya itong hinuhusgahan. Sa loob-loob niya'y hindi naman siguro ito gagawa ng masama sa tanghaling tapat dahil mag-aala una pa lang ng hapon no'n. Tirik na tirik pa ang araw. Isa pa, matao naman ang kalyeng dinadaanan niya. Kaso nga lang, mayroong kakaiba sa mama. Nakakatakot! Kinikilabutan nga siya.

"Hoy, ano ka ba! Kapag ubod ng panget ba at maitim, masamang tao na agad? Lalie, ha? H'wag kang resest! Sumusobra ka na!"

Tama nga naman ang kanyang konsensya. Hindi niya dapat pinaghihinalaan ito nang masama. Hindi naman lahat ng maputi at guwapo gaya ng kanyang stepson ay mabuting tao. Kita mo iyon, balat lang ang maputi at mukha ang mala-anghel. Ugaling halimaw!

Pero napangiti siya agad nang maalala si Mauro. Nagsusuplado man ito, aminado siyang nawiwili rin siya minsan sa katitingin sa nangungusap nitong mga mata at sa mapupula nitong mga labi. Hindi kataka-taka na halos ay araw-arawin itong bisitahin ni Denise. Siyempre, para-paraan. Kunwari may isasangguning disenyo sa planong pagkumpuni ng mansion.

Pagkaalala sa babaeng iyon, kumulo ang kanyang dugo. Nawala tuloy sa isipan niya ang lalaking buntot nang buntot sa kanya. At nawala rin siya sa subdivision nila Rihanna. Nang lumihis siya kanina ng nilikuan, gusto lamang niyang lansihin ang mama, pero siya itong nalito at naligaw! Hindi na niya alam kung nasaan siya. Halos wala na siyang nakikitang naglalakad sa kalsada, pero paglingon niya nandoon pa rin ang panget na mama!

Inatake na ng kaba at takot si Lalie. Hindi na niya nakontrol ang emosyon. Napatakbo siya. At nakita niyang napatakbo rin ang mama. Nakailang metro lang ang nilayo niya nang maabutan siya nito. Tinutukan siya ng isang matulis na bagay sa kanyang tagiliran.

"Walk normally. Don't make it obvious that I have a knife on your side!"

Napamulagat sa narinig si Lalie. Napatingala siya sa mama.

Sarat naman ang ilong, pero walanghiya! Ang ganda ng Ingles ng hayop! Parang Kano!

"Pasensya, bosing. Hindi kita maintindihan!" At siniko niya ito nang ubod-lakas saka tinakbuhan. Nagulat ang mama. Hindi siguro napaghandaan ang reaksyon ni Lalie.

"Tulong, mga kababayan! May panget na mamang gusto akong reypin! Mga kababayan! Tulungan n'yo po ako! May mamang ubod nang panget na gusto akong reypin!" tungayaw ni Lalie habang tumatakbo. Hindi nito alintana ang mataas na takong ng sandals.

May iilang tricycle driver na napahinto at napatingin sa kanya. Tinanong siya kung ano'ng problema, pero nang malingunan nila ang mama ay bigla na lang humaharurot. May mga tao ring nagsilabasan ng kani-kanilang bahay, pero nang-usyuso lang din. Ang ibang nasa kalye na naglalakad nang mga oras na iyon ay nagsipasukan sa kani-kanilang kabahayan. Nanggigil si Lalie.

Nang kung ilang dipa na lamang ang layo niya sa mama, may biglang tumigil na sasakyan sa gilid niya at dumungaw ang kanina pa niya iniisip. Ang naka-dark glasses na si Mauro. Napanganga siay saglit habang pinagmamasdan ang guwapo nitong mukha na lalong pumogi dahil sa sunglasses na suot. Nawala sa isipan niya ang humahabol na mama.

"Sakay na!" ani Mauro.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Lalie. Dali-dali siyang sumakay sa backseat sa likuran lamang ng nagmamanehong si Mauro. Nilingon pa saglit ni Lalie ang humahabol sa kanya. Wala na ito. Naglahong parang bula.

"Saan na ang panget na iyon?" naibulalas niya.

"Who?"

"Iyong mamang panget! Iyong humahabol sa akin!"

"Hindi ba ilang beses ko nang sinabi sa iyo, h'wag lumabas ng bahay nang nag-iisa? Ang tigas ng ulo mo. Nambulabog ka pa ng mga residente rito. Hindi ka na nahiya."

"Hoy! Kung hindi ako nagsisisigaw, siguro'y ni-reyp na ako ng panget na iyon!"

Nagtaas lang ng kilay si Mauro. Hindi alam ni Lalie kung pinaniniwalaan siya nito o ano. Kahit naman kasi nakikita niya ang mukha ng damuho sa rearview mirror, natatakpan naman ang mga mata nito kung kaya wala siyang kaide-ideya kung ano ang iniisip ng lalaki.

"Ewan ko sa iyo kung hindi ka naniniwala sa akin! Basta kani-kanina lang ay hinahabol nga ako ng lalaking mukhang ewan!"

"Didn't your mom tell you not to say bad things about a person's look? I mean, hindi maganda para sa isang tao ang nanlalait sa mukha ng kanyang kapwa."

Napasimangot si Lalie sabay halukipkip. Nainis siya kay Mauro. Parang pinapalabas nito na ang sama-sama niyang tao. Hindi naman siya manlalait kung mabuting tao ang hudas na iyon.

Makaraan ang ilang sandali, bigla na lang napataas ang boses ni Lalie. "Saglit! Ano ang ginagawa mo sa lugar na ito? Bakit ka nandito? Pakawala mo ang panget na iyon, ano?"

"What?" At biglang natawa si Mauro.

Kumukulo man ang dugo ni Lalie sa lalaki, hindi niya naiwasang kiligin sa sexy na tawa ng hunghang. Pakiramdam niya'y kinikiliti siya nito. Bago pa lumambot ang puso niya ssa kumag, ilang beses niyang pinaalalahan ang sarili na baka nga tauhan lang din nito ang humahabol sa kanya kanina para makumbinsi siyang h'wag nang umalis ng bahay nang nag-iisa.

"Tama ako, di ba?"

"You have a very suspicious mind, Eulalia Masangkay.Bakit ko naman pag-aaksayahan ng panahon ang bagay na iyan? Kung ayaw mo ng bodyguards, bakit ko ipipilit? Sabi ko nga sa iyo, wala sa akin kung kidnapin ka o ano. Hindi naman ako maglalabas ng kahit piso para pantubos sa iyo."

Aba, ang antipatikong ito! Hinahamon na naman ako!

Nawala sa binibintang niya ang kanyang pokus. Nasa paraan kung paano siya nito tawagin. Eulalia Masangkay. Ibig sabihin, hindi nga nito kinikilala na isa na siyang Dela Paz. At ang pinakapinanggigilan niya ang huli nitong sinabi.

"Alam mo, may kutob ako na gusto mo ngang solohin ang pera ko! Hoy! Kahit paano ay pinag-aksayahan ko ng panahon ang erpat mo! Dapat nga pasalamat ka't may kasingganda kong pumatol sa iyong ama nang mga panahong nangungulila siya sa isang anak dahil ang tunay niyang kadugo ay minabuti pang magtrabaho sa hindi nila kompanya sa Istet para lang tikisin ang sariling ama!"

"Istet?" May himig ng kalituhan ang tinig ni Mauro. "Oh, you mean, Sates!" At ngumiti ito.

Sinimangutan ito ni Lalie.

"Ano ba sinabi ko? Di ba iyon din iyon?"

Sinalubong ni Mauro ang mga titig niya sa rearview mirror at napangiti na naman ito. Tumalon-talon sa kiliti ang puso ni Lalie pero pinanindigan na ang paggalit-galitan. Nawala na sa isipan ang kanina'y iniisip tungkol sa kaugnayan ni Mauro sa mamang humahabol sa kanya. Hindi na rin niya ito natanong kung bakit nandoon ito sa subdivision na iyon sa Las Pinas gayong dapat ay may trabaho ito sa Makati. Nauna na kasi ang landi. Kailangan niyang supilin iyon bago pa siya ipagkanulo ng sariling damdamin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top