CHAPTER NINE
A/N: Katatapos ang ng Miss U. Ang sakit sa heart! Sige, back to reality na. Comment-comment din kayo here pag may time!
**********
"Ang bwisit na baklang ito! Sinabi ko na ngang papunta na ako, eh!" bubulung-bulong ni Lalie habang nagmamadali palabas ng mansion. Muntik na siyang matapilok sa suot niyang five-inch Christian Louboutin shoes na gawa sa transparent PVC at pinalamutian ng kung ilang rhinestones.
Natigil si Lalie sa harap ng kanilang front door nang hindi makita roon ang paborito niyang sasakyan. Ang kulay puting Mercedes-Benz Sedan. Pagkakita niya sa driver niyang si Mang Simon na pakape-kape sa gilid habang nakikipag-usap sa hardinero, nagsalubong ang kanyang mga kilay. Bakit hindi pa ito nakabihis? Aba'y may lakad sila!
"Mang Simon, ang sasakyan? Saka ba't hindi pa kayo nakahanda?"
Nagulat naman ang matanda. "Ho?"
"Narinig n'yo ako, Mang Simon. Nasaan na ang sasakyan? Aalis tayo ngayon! Heto nga at late na ako sa lakad ko!"
Napakamot-kamot sa ulo si Mang Simon. Medyo nalilito ito. "Eh, ma'am..."
Iyon naman ang paglabas ni Mauro in his usual dark blue Oscar dela Renta business suit. Nakasuot pa ito ng dark glasses na nagbibigay sa kanya ng mysterious look. Napatitig tuloy sa lalaki si Lalie at pansamantalang nakalimutan ang tinatanong sa matandang driver.
Napakurap-kurap pa si Lalie nang tanggalin ni Mauro ang sunglasses nito at titigan din siya. Pigil na pigil niya ang pagsinghap lalo pa nang makita niyang nangungunot ang noo nito. Iyon bang tipong yamot na yamot sa kanya. Napatingin tuloy siya sa kanyang suot na itim na square pants at itim ding blusa. Sleeveless ang top niya at parang dalawang magkahiwalay na tela na paekis ang pagkakalapat sa harapan niya. Tila ang mga boobies niya ang puntiryang takpan lamang nito kung kaya may kapiranggot na bahagi ng kanyang tiyan ang exposed gano'n din ang likurang bahagi ng baywang. Dahil sa disenyo ng blusa, kita ang kanyang maumbok na cleavage.
Napangiti si Lalie nang lihim nang maisip na dahil sa kanyang alindog kung bakit titig na titig sa kanya si Mauro ngayon. Tingin niya, nag-init ito nang makita ang kanyang pusod. Pasimple niyang sinulyapan ito at satisfied siya sa nakita. Buti na lang at metikuluso niyang nilinis ito kanina habang nagsa-shower. Ang ganda ng feeling niya na napukaw ang pagnanasa ng suplado at aroganteng stepson subalit kailangan din niyang maggalit-galitan dito sa ginagawa nitong pagtitig sa kanya. Siyempre, 'ika nga nila'y mag-asta siyang Santa Clara!
Pinangunutan din si Lalie sa naisip. Pakiramdam niya hindi tama ang Santa Clara. Pero kiber. Basta may Clara. Iyon na iyon.
"Hindi ka ba naturuan ng nanay mo na bawal tumitig nang tulo-laway sa isang magandang babae?"
Nagtaas ang isang kilay ni Mauro at bigla itong napa-ismid.
"That's not the reason why I stared at you. You know that. I am irritated at your get up!"
Natigilan saglit si Lalie. Wala siyang natindihan sa sinabi nito dahil ang bilis ng pagkakabigkas nito sa mga salitang Ingles. Pero aaminin ba naman niya iyon? Baka isipin kasi ng hinayupak na wala talaga siyang alam gayong bumalik siya sa hayskul. Naisipan na lang niyang idaan lahat sa taray. Sabi nga ng BFF niyang si Rihanna, ang babaeng maganda raw ay lalong gumaganda kapag nagtataray!
"Hoy, walang modong lalaki! Kung gusto kong mag-get up nang maaga karapatan ko iyon! Wala kang K na pigilan akong magpunta kung saan ko gustong pumunta!"
Napaawang nang bahagya ang mga labi ni Mauro. Ang galit sa mukha nito ay dahan-dahang nawala. Medyo lumambot bigla ang ekspresyon sa mga mata nito nang muling magsalita.
"Hindi ka na dapat nagsususuot ng may takong dahil delikado sa kondisyon mo. Iyon ang ibig kong sabihin at wala nang iba."
"Ha? Delikado sa kondisyon ko? Ano ba ang kondisyon ko?" Nalito si Lalie.
Ano ba ang pinagsasabi ng hinayupak na ito?
Imbes na sagutin siya ni Mauro, tinalikuran siya nito. Hinarap ng lalaki si Mang Simon na aliw na aliw sa palitan nila ng maaanghang na salita. Nagseryoso lang din ang matanda nang hinarap ng among lalaki.
"Mang Simon, handa na ba ang sasakyan ko?"
"Yes, ser! Handang-handa na po. Kayo raw po ang magmamaneho ngayon sabi ni Aldus?"
Si Aldus ay ang binatang driver ni Mauro. Ito lagi ang naghahatid sa lalaki sa opisina. Kakakakuha lang din dito ng stepson niya dahil palagi niyang nakakaladkad kung saan-saan si Mang Simon na dati-rati'y naka-destino kay Don Fernando.
Tumango si Mauro kay Mang Simon. Si Lalie nama'y nainis. Hinanda ng matanda ang gagamiting sasakyan ng stepson niya, pero ang sa kanya'y hindi? Hindi ito maaari! Nagpuyos ang kanyang kalooban. Pinamaywangan niya at pinaningkitan ng mga mata si Mang Simon subalit bigla siyang napaatras nang dumating ang kulay orange na Strada ni Mauro. May guhit na itim ito sa bandang gilid na nasa ibabaw lamang ng pangalawang gulong. Napasipol si Lalie sa isipan pagkakita rito. Naisip niya agad na bagay na bagay iyon sa personalidad ng suplado niyang stepson. Lalaking-lalaki kasi ang dating ng sasakyan.
Nang ma-realize ni Lalie na tila pinupuri pa nang lihim ang taste ng binata, pinabagsik niya kunwari ang mukha. Hindi siya dapat mag-iba ng ekspresyon sa mukha. Baka isipin ni Mauro na madali siyang patiklupin. O pakiligin.
"Sakay na."
Dahil abala sa kung anu-ano ang iniisip, tila nagulat si Lalie nang makitang nasa driver's seat na si Mauro. Binaba pa nito ang bintana sa gawi ng driver at senyasan siyang pumasok na sa passenger's seat. Pinangunutan siya ng noo. Si Mauro ang maghahatid sa kanya sa parlor ni Rihanna? NO! Imposibleng magmamagandang-loob ang hinayupak na aroganteng lalaking ito!
"Ako, makikisabay sa iyo? Nek-nek mo! Baka iwan mo pa ako sa gitna ng EDSA."
"What do you think of me?"
Napahalukipkip si Lalie sabay tingala nang kaunti for effect. Alam niyang iyong anggulong iyon ang pinakamaganda niya. Lalo kasing nae-emphasize ang kinis at ganda ng kanyang leeg.
"Sasakay ka na ba o ipapakaladkad kita kay Mang Simon papasok ng sasakyan?"
Napangisi si Aldus, ang batang driver na naghatid ng Strada sa harapan ng mansion. Si Mang Simon nama'y napakamot-kamot ng ulo. "Ser naman. H'wag n'yo na ho akong idamay sa away n'yo ni Ma'am Lalie."
Tiningnan ni Mauro nang masama si Mang Simon. Napatayo nang matuwid ang matanda. Kulang na lang ay mag-hand salute ito. Sa katarantahan nito'y napalapit pa kay Lalie sabay hawak sa siko ng huli. "'Lika na, ma'am," sabi pa nito.
Tinabig ni Lalie ang kamay ni Mang Simon at tiningnan ito nang masama. "Kakampi ka pa sa walanghiya mong amo!" asik niya rito.
"Ma'am kasi po---"
"Mang Simon bring her here! Now!"
"Ma'am. Plis, ma'am. Maawa po kayo. Mayroon pa po akong dalawang anak sa kolehiyo."
Tinapunan ni Lalie ng matalim na titig ang matandang driver bago padabog na umikot papunta sa passenger's seat ng sasakyan. Nang makapasok na siya'y tiningnan niya nang masama si Mauro. Wala naman itong naging reaksiyon. Nagsuot lang ng sunglasses at nagkabit ng seatbelt bago pinaandar ang sasakyan.
**********
Namangha si Mauro na naging tahimik bigla ang kanyang madrasta. Strange. Ni hindi man lang nagtanong kung saan sila patungo. Saka lang ito umalma nang bigla niyang itinigil ang sasakyan sa harapan ng St. Luke's Medica Center.
"Sino ang dadalawin natin dito? May tsek ap ka ba? Sana'y hindi ka na lang nagprisintang maghatid sa akin sa pupuntahan ko!"
Sinulyapan ni Mauro ang madrasta. He had to admit, kahit ilang beses niyang sinabihan ang sarili na ito ang babaeng nagpadali ng buhay ng kanyang ama, hindi pa rin niya maikakaila na she looks phenomenal. Naa-amaze siya na ang isang kagaya ng kanyang stepmom ay marunong din palang magmukhang sopistikada nang hindi mukhang trying hard. Nakatulong pa ang maikling gupit nito. She really reminded him of Demi Moore sa movie nitong ghost noon.
When he realized he praised her a lot in his head, pinagalitan niya ang sarili. He also reminded himself to concentrate on his task.
"Bumaba ka na. Nandito na tayo."
Hindi na nagpaliwanag pa si Mauro. Binuksan niya ang pintuan sa gilid nito at pinababa ang babae. Wala itong nagawa kundi ang sumunod. Nagtangka pang salagin sana ang mga kamay niya. Inakala siguro na bubuhatin niya ito. Napangiti na lang nang lihim si Mauro.
In your dreams!
He led the way to Dr. Reyes' clinic sa second floor. Ito lamang ang kakila niyang ob-gyne doon. Dati niya itong kaklase sa high school.
"Sino ba ang may sakit, ha? Ikaw ba? Ano ba ang sakit mo? Tililing? Dapat sa mental tayo pumunta eh!" asik ni Lalie sa kanya. Hindi na maipinta ang mukha nito sa iritasyon.
Saka lang sumagot si Mauro nang nasa harapan na sila ng klinika ng ob-gyne. Sinalubong sila ng mismong doktor. Pagkakita nito kay Lalie, tila namalik-mata ang binata.
"Your step---stepmom?"
Tumangu-tango si Mauro. He knew what his doctor friend was thinking. Alam din niyang nabighani ito kay Lalie. Sinong lalaki ba naman ang hindi? Mukhang siya nga lang yata ang nakakaisip nang normal kapag kaharap ang madrasta. The rest of the male population go crazy.
Tumikhim-tikhim si Mauro para kunin ang atensyon ng kaibigan niyang doktor.
"Oh. Please come in." Tumawa-tawa pa si Dr. Reyes.
"Ano ang gagawin natin dito? May---may sakit ka? Hala!" Eksaheradang napatakip kunwari sa bunganga si Lalie para ipakita ang madramang pagkabigla. Batid ni Mauro na if ever totoong may sakit siya, never siyang kaawaan nito. At never itong mabibigla. Baka humagalpak pa ng tawa.
"Please come in, Mrs. Dela Paz."
Napasulyap sa kanya si Lalie. She began to look worried.
"Relax. You'll be all right."
"Ano'ng kahibangan ito, Mauro?" asik ni Lalie sa mahinang tinig. Tila kinabahan na ito.
Gayunman, nang pahigain ito sa hospital bed ni Dr. Reyes sumunod lang din ito kahit nalilito. Saka lang ito umalma nang maramdaman ang malamig na gel ng ultrasound sa tiyan. Bigla itong napabangon at pinanlisikan ng mga mata ang doktor.
"Ano ba'ng ginagawa mo sa akin, Dok?" Napaupo bigla sa kama si Lalie. Tiningnan nang masama ang dalawang lalaki, lalung-lalo na si Mauro.
"I am checking your baby."
Kahit Ingles iyon, tingin ni Mauro nakuha ni Lalie ang key words nitong 'check' at 'baby'. Umalma agad ito. Halos ay isigaw ang sagot.
"Baby?! Sino'ng may baby?!"
Napangiwi si Mauro sa reaksyon ng madrasta. Nahiya siya sa kaklase. He had to apologize to Dr. Reyes for Lalie's behavior.
"Hindi ba't sabi ni Mamerta ay buntis ka? I am just doing you a favor. Total naman kadugo ko ang batang iyan---kapatid ko sa ama---tungkulin kong masigurong malusog ang batang tanging remembrance sa akin ni Dad."
Napanganga si Lalie sa narinig. "Hindi ako makapaniwala na mas pinaniwalaan mo si Mamerta kaysa sa akin! Sinabi ko na nang ilang beses na HINDI AKO BUNTIS! HINDI! Ang hirap bang intindihin iyan?"
Napatingin si Dr. Reyes kay Mauro. Tila nagtatanong kung ano ang gagawin nito.
"Okay. Then, prove it. Narito na rin lang tayo sa klinika ni Dr. Reyes patunayan mong hindi ka nga buntis. Magpa-check up ka."
Inakala ni Mauro na papalag na naman ang madrasta. Ang laking gulat niya nang mahiga ito agad sa kama at madaliin pa ang kaibigan niyang doktor para isagawa ang ultrasound. Gaya nga ng sinasabi ni Lalie, walang laman ang tiyan nito. Ang ibig sabihin ay nagsasabi nga ng totoo ang babae na hindi ito buntis.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakahinga nang maluwag si Mauro. But then, he thought he had to put a facade. Kailangan niyang ipakita sa madrasta na hinayang na hinayang siyang walang iniwang munting alaala ang ama. Baka kasi isipin ng babae na kaya siya natuwa ay dahil ayaw niyang may kaagaw sa mana. O di kaya isipin pa nitong he's attracted to her kaya ayaw niyang buntis ito sa ibang lalaki kahit na ang lalaking iyon ay ang kanyang ama.
Nang pabalik na sila sa kanyang sasakyan, tinarayan siya ng babae. He had to put on his dark sunglasses kahit nasa loob sila ng ospital para maitago niya ang mukha. Hiyang-hiya kasi siya sa ginagawa nito. Ang lakas pa man din ng boses. Ilang beses na nga niya itong nasaway pero parang lalo pang tinataasan ang pitch ng tinig.
"I should have brought my ear phones," sabi na lang ni Mauro nang silang dalawa na lang sa loob ng Strada. Pinaandar agad niya ang makina para kung magsalita man ang babae'y at least may kaagaw sa atensyon nito.
Just when he thought she would continue on calling him names or shout at him, she suddenly became quiet. Kung kailan dalawa na lamang sila sa loob ng Strada saka naman tumahimik. Tsk, tsk. Sinulyapan niya ito para tsekin kung ano na ang ginagawa. Nakita niya itong nakatingin lang nang deretso sa daan. She looked kind of sad.
Hindi alam ni Mauro kung bakit, pero bigla na lang siyang nakaramdam ng kung ano ring lungkot. He felt the urge to grab her shoulder and give her a tight hug. Nang ma-realize niya ito, kumurap-kurap siya at pinilig-pilig ang ulo. Kinutusan pa niya ang sarili. He had to stop this nonsense.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top