CHAPTER FOUR
A/N: Comment-comment din kayo pag may time!
**********
Mataas na ang sikat ng araw nang magising si Lalie kinabukasan. Halos mag-uumaga na kasi siya nakatulog gawa ng pagngingitngit sa ginawa sa kanya ni Mauro. Dumagdag pa sa init ng ulo niya si Attorney Zamora na sa kung anong dahilan ay hindi niya makontak-kontak. Gusto sana niyang isangguni rito ang ginawa sa kanya ng damuho. Natitiyak niyang may laban siya dahil ang don mismo ang nagbigay sa kanya ng mga credit cards na iyon. Hindi niya pinilit ang yumaong asawa. Kusa nitong binigay sa kanya ang mga iyon.
Iinut-inot pa sana siya sa kama nang biglang tumunog ang intercom. Nilingon niya ito at pinaningkitan ng mga mata. Dahil hindi matigil-tigil sa pagtunog, galit siyang bumangon at inangilan ang nasa kabilang linya. Si Aurora, isa sa mga katulong.
"Pasensya na po, ma'am. Pinapagising po kasi kayo ni Attorney dahil tumawag daw kayo kahapon sa kanya?" Medyo ngarag ang tinig ng katulong. Natakot yata sa bangis ng boses niya.
Biglang umiba ang timpla ng mood ni Lalie pagkarinig sa salitang 'Attorney'. Bumaba agad ang kanyang boses. "Nasa ibaba ba ang matandang iyon?"
"Hindi po. Nasa phone lang po. Iko-connect ko po ba sa inyo, madam?"
Madam. Hmm. Mas feel niya ang ganoong tawag. Bago siya umuo rito'y sinabi muna niya iyon kay Aurora. Natigilan ang huli. Parang nalito saglit. Pero nang makaunawa ay sunud-sunod ang pagsagot ng opo.
Pagkarinig sa tinig ng matandang abogado, sinumbong agad ni Lalie ang ginawa sa kanya ni Mauro. Hindi nakapagsalita agad si Attorney Zamora.
"Hello? Atorni? Atorni? Atorni naman! H'wag kayong ganyan!" Nag-panic si Lalie. Akala niya kasi ay binabaan na siya ng telepono ng abogado.
"Oo. Narito pa rin ako, iha. Bueno, titingnan ko kung ano ang magagawa ko tungkol sa mga kanselado mong cards."
"Plis, Atorni. Gawan n'yo na ng paraan agad dahil ang dami ko hong lakad ngayon. Kailangan kong magpaayos ng aking buhok. Ang mga kuko ko sa kamay at paa'y nangangailangan na rin ng manikyur at pedikyur. Ang dugyut-dugyot ko na, Atorni!"
Maririnig ang pagtawa ng abogado. Tila amused na amused ito sa pinoproblema ng kliyente. Hindi naman iyon pinansin ni Lalie. Nagpatuloy ang litanya nito sa kung anu-ano ang kanyang pagkakagastahan ng pera sakaling maibalik ang mga cards niya.
"I'll see what I can do." At nagpaalam na rin si Attorney Zamora.
Nagtungo sa banyo si Lalie at naghilamos. Nagsepilyo na rin siya saka nag-shower. Hindi pa siya tapos magbihis, nag-text ang abogado na nagawan nito ng paraan na mabigyan siya ng panibagong card. Huwag na raw niyang hanapin ang mga nakansela.
Sumigaw at sumuntok sa ere si Lalie sa labis na tuwa. Subalit ang sumunod na text ni Attorney Zamora ay nagpayamot sa kanya. Titanium card ang na-approve sa kanya. Hanggang three hundred thousand pesos lang daw ang credit limit nito.
Tinawagan niya agad ang matanda at nagreklamo. "Ba't gano'n, Atorni?"
Marami itong sinabi na hindi naintindihan ni Lalie. Sa bandang huli, napahinuhod din nito ang babae na makontento muna sa ganoon ka liit na budget. Kailangan daw muna niyang i-prove na kaya niyang pagkasyahin sa pangangailangan ang ganoon ka liit na halaga sa isang buwan.
Dahil hindi nasunod ang gusto, medyo yamot si Lalie nang pumasok sa parlor ng kaibigang si Rihanna. Sinalubong siya ng mga alipores nito at inulan ng mga papuri.
"Tigil-tigilan n'yo akong dalawa, ha? Wala ako sa mood makipaglokohan! Nasaan ang bruhang Rihanna? Tawagin n'yo siya, dali!"
"Hindi ka namin niloloko, manay! Talagang, ang ganda-ganda na ng aura mo. Kamukha mo na si Anne Curtis," sabi pa ng isa.
Sumimangot si Lalie dito. Ang alam niya, mestizahin si Anne. Paano niya maging kamukha iyon? Morena siya. Morena!
Duduruhin na sana ni Lalie ang bading nang bigla itong bumawi. "Anne Curtis na nagbabad sa araw! Nakalimutan mag-sunblock!" Nagtawanan pa sila ng kasama nito. Sinamaan niya ng tingin ang mga ito. Bigla silang napalunok at tumakbo agad sa loob ng parlor para hanapin ang kanilang reyna na si Rihanna.
"Oy, musta ka na? Gosh, sissy! Kahiya ang nangyari---"
Mabilis na nilagay ni Lalie ang hintuturo sa bibig ni Rihanna. "Magpapagupit ako. Iyong maikling-maikli. Gayahin mo ang gupit ni Demi Moore sa Ghost noong araw."
"Demi Moore sa Ghost? Sure ka, te? Ang ikli no'n! Para ka na ring nagpakalbo!"
Pinaningkitan ni Lalie ng mga mata si Rihanna. Mabilis namang tumalima ang bakla nang mapagtantong seryoso nga ang kaibigan sa nais na gupit.
**********
Umakyat ang dugo sa ulo ni Mauro nang makita ang listahan ng actual expenses ng kanyang madrasta kada buwan simula nang maging kabiyak ito ng kanyang ama. Nagsimula lamang sa bente mil noong unang buwan ng kanilang pagpapakasal hanggang sa dahan-dahang umakyat at naging tatlong milyon mahigit na! Sa loob ng mga tatlong taon na pagsasama nila ng kanyang ama, nakagasta ito ng mahigit-kumulang isang daan at dalawampong milyon! Napanganga si Mauro. Nagatataka siya kung paano ang isang babaeng mula sa isang kahig, isang tukang pamumuhay ay maging ganoon ka bulagsak nang makahawak na ito ng pera. Sumakit bigla ang kanyang ulo.
"Sir? Are you still there, sir?" tanong ni Donna, ang sekretarya ng kanyang ama. Ito ang nag-email sa kanya ng monthly expenses ng kanyang madrasta. Nasa report din na binabasa niya ngayon kung ano ang pinagkagastahan ng babae. Halos lahat ng mga iyon ay napunta sa branded shoes, bags, and dresses. Buti sana kung alahas. Maiintindihan niya kung bigla itong nahilig sa alahas at bumili nang bumili ng lahat ng nais. At least ang mga iyon, sa tingin niya, ay investment.
"Thank you for the report, Donna. Iyan lamang sa ngayon."
"Sir, please make sure she doesn't know that I was the one who furnished you a copy of her monthyl expenses. May talim ang dila ng madrasta n'yo."
"Don't worry."
Pagka-hang up ni Donna, pinindot niya ang intercom. Pinatawag niya si Aurora, ang ginawang personal maid ng magaling niyang stepmother. Ang tamis ng ngiti nito nang pumasok sa kanyang study room. He sensed she was trying to look cute for him. Pinangunutan niya ito ng noo. Siguro'y naitindihan ng katulong na wala siya sa mood makipaglokohan kung kaya bigla rin itong sumeryoso bago lumapit sa kanya.
"Ang Ma'am Lalie ninyo?"
"Tulog pa po, sir, eh."
Tiningnan ni Mauro ang relo niya at kumulo ang kanyang dugo nang makitang alas nuebe na ng umaga subalit nakahilata pa rin sa kama ang magaling na babaeng iyon.
"Gisingin mo. I want to talk to her now."
"Sir? Si Ma'am Lalie po? Gigisingin ko?"
He glared at the woman. Medyo nataranta ito at mabilis na tumalima. Mayamaya pa'y kaharap na niya ang babaeng kinasusuklaman. At nagulat siya sa hitsura nito. Maikling-maikli na ang buhok at may kiskis pa sa magkabilang sides. She reminded him of a famous Hollywood star. Hindi niya lang matandaan ang pangalan. Though he is not the type who likes short hair for women, aminado siyang nagustuhan niya rin ang bagong gupit ni Lalie. Bago pa niya tuluyang maamin na gandang-ganda siya sa babae sa bago nitong hair style, pinilig-pilig na niya ang ulo saka hinarap ito.
**********
Namaywang si Lalie sa harapan ni Mauro nang hindi agad ito nakaimik.
"Ano? Ipapatawag mo ako tapos ni hindi mo naman ako kakausapin? Magtititigan na lang ba tayo rito? Wala akong panahon para riyan! Bisi ako!" At tatalikod na sana si Lalie nang magsalita ang binata. Kalmado ang boses ng huli pero hindi maikakaila ang galit.
"Mr. Gonzales, the bank manager, informed me yesterday that Attorney Zamora applied a card on your behalf. So, nalansi mo na naman ang abogadong iyon?"
Tumawa nang mapakla si Lalie. "Hindi ko siya nalansi. Kung pinakinggan mo sana nang maigi ang huling habilin ng iyong ama, malalaman mong malinaw na nakasaad doon na may karapatan ako sa ari-arian ng pamilya n'yo. Hati nga tayo, eh. Hati! Gets mo iyon? 'Kala ko ba matalino ka?"
"And if you were listening---I mean---kung inintindi mo rin ang bilin ng ama ko, dapat alam mo ring hinabilin ka niya sa akin? Na may karapatan akong i-manage ang finances o mana na iniwan niya sa iyo! Ang ibig sabihin no'n, kung puputulin ko ang mga credit cards mo nang sabay, maaari kong gawin bilang manager ng finances mo. Capisci (Understand)?"
Natigilan si Lalie. Makikitang tila napaisip ito. Rumehistro ang takot sa kanyang mukha. Subalit, kaagad din itong napalis. Ngumiti ito kay Mauro nang nakaloloko.
"Gusto mo akong gantihan, ano? Well---tingnan natin!"
At tumalikod na agad si Lalie. Bago pa siya makarating ng pintuan ay mabilis na naiharang ni Mauro doon ang katawan.
"I'm not done with you, yet." Mahina ang tinig ni Mauro ngunit puno ng awtoridad.
Napatingala si Lalie kay Mauro dahil naka-rubber shoes lang siya nang oras na iyon. Balak kasi sana niyang tumakbo sa treadmill bago mag-almusal. Kaya heto at kontodos gym outfit siya. Isang sleeveless maroon work out top at kakulay din nitong tights.
Ramdam ni Lalie ang mainit na hininga ni Mauro sa kanyang pisngi. Hindi niya maitindihan kung bakit, pero parang natuliro siya bigla. Nang ma-realize ang naging epekto nito sa kanya, napakurap-kurap siya at sinikap niyang mapangatawanan ang galit dito.
"Paraanin mo ako!"
Napakurap-kurap din si Mauro na parang naalimpungatan. Tapos nakita ni Lalie na nangunot ang noo nito. Ang pangungunot ay naging simangot. At ang simangot ay napalitan uli ng galit. Ramdam na naman niya ang pagpupuyos ng kalooban nito sa hindi niya malamang dahilan. Marahil, naisip ni Lalie, naalala na naman nito ang kanyang mga pinagkagastahan. Umismid siya rito. Bakit siya kasi nangingialam?
"Why do you have this?"
Napahawak si Lalie sa kanyang leeg sabay atras nang dumaiti ang mainit na palad ni Mauro roon nang tangkain nitong hawakan ang pendant ng suot niyang kuwintas.
"Regalo ito sa akin ni Fernando."
Namula ang mukha ni Mauro. At nabatid ni Lalie na iyon ay dahil sa matinding galit.
"That's Mom's necklace. Regalo niya iyan sa mommy ko nang ikinasal sila." Mahina ang tinig ni Mauro ngunit naroon ang nag-uumapaw na ngitngit.
Natigilan sa narinig si Lalie. Bumalik sa kanyang alaala ang gabing binigay sa kanya ng don ang naturang kuwintas. Nakita niya iyon sa ibabaw ng tokador ng kanilang silid. Nagtanong siya kung bakit nakasabit lamang iyon sa alarm clock. Tinanong siya agad ng matanda kung nagandahan siya roon. Nang sinabi niyang, 'oo', kaagad nitong dinampot ang kuwintas at isinuot sa kanyang leeg.
Gusto sanang ikuwento ni Lalie iyon kay Mauro subalit nang makita niya kung gaano ka espesyal ang kuwintas na iyon sa binata ay nag-atubili rin siya. Tuso siya, may pagka-bruha rin madalas at medyo walang hiya pero alam din naman niya kung paano magbigay ng konsiderasyon. Galit siya sa lalaki ngunit hindi rin niya maatim na lalong walanghiyain ang alaala ng mga magulang nito.
Bago pa niya maproseso ang reaksyon ay kaagad na gumalaw ang kanyang mga kamay. Sa isang iglap ay nahubad niya ang kuwintas at nilagay pa sa palad mismo ni Mauro.
"Hayan. Okay na tayo?" pagtataray niya. "Ngayon, paraanin mo na ako!"
Napatitig si Mauro sa kuwintas sa palad. Biglang nagbago ang ekspresyon sa mga mata nito matapos tingnan at busisiin ang pendant. Walang imik itong bumalik sa kanyang study table.
Natigilan naman sa nakitang reaksiyon ng binata si Lalie. Napalingon siya rito. Parang may ideya na siya kung bakit ito malungkot. Ang nakaukit kasi sa likuran ng pendant ay ang mga katagang, "my treasure". Sa harapan ay hugis pusong pinuno ng mga brilyantitos.
Drama. Iyon ang pilit na inisip ni Lalie para hindi siya makisimpatiya kay Mauro. Kung sa kanya rin nangyari ang gano'n, na ang kuwintas na naging simbolo pala ng pagmamahal ng ama sa ina ay binigay nang gano'n-gano'n lang sa pangalawang asawa, marahil ay sasama rin ang loob niya.
Bakit ka ba nakikisimpatiya sa lalaking iyon? Hindi ba magkaaway kayo? Magkaaway kayo! Kinatok pa niya ang sentido..
Napabuntong-hininga si Lalie at dali-dali nang lumabas ng study room. Kailangang tumigil siya sa kaiisip ng nararamdaman ni Mauro nang mga sandaling iyon. Hindi na niya kasalanan kung nilapastangan ng don ang alaala ng yumaong asawa. Gayunman, medyo nagi-guilty siya.
Ibinuhos na lang ni Lalie ang atensyon sa pagtakbo sa treadmill para kahit paano'y may iba siyang pagtuunang-pansin. Mahirap na. Baka tuluyang lumambot ang puso niya sa damuhong iyon at sumunod siya sa lahat nitong gusto. Pinaghirapan din naman niya ang tinatamasa ngayong ginhawa eh. Kaya, hindi pwede! Kaaway niya iyon. Kaaway!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top