CHAPTER FIFTEEN
A/N: Merry Christmas and a Happy New Year, everyone! Heto na ang isa pang update. Comment-comment din kayo pag may time. :) Salamat po sa lahat ng sumusuporta rito saan man kayo naroroon. Pwede n'yo pong i-comment ang siyudad o bansa na inyong kinaroroonan para malaman ko kung saan-saan nakakarating ang kuwentong ito. Salamuch!
**********
"Oy, ma'am, madame!" gulat na pahayag ni Mamerta nang muntik nang mabangga ni Lalie sa kamamadaling tumakbo sa hagdanan.
"Anyare?" narinig pa ni Lalie na tanong ni Aurora sa kasamahan bago siya pumanhik. Hindi pa niya nararating ang pinakahuling baitang ng hagdan, naulinigan niya ang boses ni Mauro. Nagtatanong ito sa dalawang katulong tungkol sa kanya. Lalong dumagundong ang puso niya sa kaba. Nag-iinit din ang pisngi niya sa hiya. Kung bakit nasabihan niya ng panget si Mauro. Iisipin no'n na nagpapapansin talaga siya. Gusto niyang kutusan ang sarili.
Nilakad-takbo niya ang pasilyo patungo sa silid. Saka na lamang siya naglakad nang normal nang ilang metro na lang ang layo sa kanyang kuwarto. No'n lang niya na-realize kung gaano siya ka duwag. Ba't siya nagpaapekto nang ganoon? Dapat pinangatawanan niya ang galit. Hindi siya dapat basta na lang nag-walk out at kumaripas ng takbo nang malamang sinundan siya ni Mauro. Baka isipin nga no'n na nagsisinungaling lamang siya kanina nang sigawan itong panget para lamang mapansin nito.
Nagsisinungaling ka naman, girl, eh. Ano pa nga ba?
Pinilig-pilig niya ang ulo. Okay! Guwapo na kung guwapo! Pero hindi niya dapat aminin iyon! Oras na ginawa niya iyon, siya ang talo. May pagkahambog pa naman ang damuhong iyon.
Napapitlag siya nang may maramdamang kalabog sa likuran. Napalingon siya agad. Inakala niyang sinundan siya ng lalaki. Nang wala siyang makita, napahawak siyang muli sa dibdib at napahinga nang maluwag. Pipihitin na lang niya ang seradura nang may biglang nagsalita sa kanyang likuran.
"I have to talk to you."
"Kabayong bading!" naisigaw niya sa gulat. Tila napapiksi rin si Mauro sa kabiglaanan. Nang makabawi ito, napangisi saglit ang damuho at tumigil ilang talampakan ang layo sa kanya.
"Kabayong bading?" ulit nito, nakataas ang isang kilay. May kislap ng amusement ang mga mata ngunit kaagad din iyong napalitan ng seryosong ekspresyon. Inulit pa ang sinabi sa madrasta. "I need to talk to you and it's urgent."
Nawala ang kaninang alalahanin ni Lalie. Napalitan ito ng iba. Mukha kasing napakaseryoso ng pakay sa kanya ni Mauro. Binitawan niya tuloy ang seradura at nakahalukipkip na hinarap ito. Hudyat iyon na handa na siyang makinig kung ano man iyon.
"In my study, please." At nauna na itong naglakad patungo sa hagdanan.
"Anong study? Doon na tayo galing eh!" protesta agad ni Lalie.
"Well, where do you want us to talk? Sa kuwarto mo? Sa akin walang problema."
Sinimangutan ito ni Lalie at padabog na sinundan. Pagdating nila sa study room, minanduan ni Mauro ang madrasta na maupo sa visitor's couch na sa bandang kaliwa lang din ng pintuan. Naglakad ito patungo sa desk at binuksan ang upper drawer. May kinuha itong papeles doon at dinala iyon sa kinaroroonan ni Lalie. Nilapag ni Mauro sa center table ang isang bungkos na papel.
"I want to talk to you about your father and your brother's case."
Pakiramdam ni Lalie, namanhid ang buo niyang katawan. Sa lahat ng pag-uusapan, iyon ang hindi niya inaasahang marinig kay Mauro. Hindi man siya nakakaintindi ng puro Ingles, may nakuha naman siyang iilang kataga roon na nagpaparalisa sa buo niyang pagkatao. Father, brother, at case.
Dapak! Alam na ni Mauro ang tungkol kina Itay at Kuya!
Gusto niyang magtago sa ilalim ng sofa. Oo nga't eskandalosa siyang babae, madalas na palengkera pa, pero nahihiya rin siyang malaman ng ibang tao ang tungkol sa kanyang ama at kapatid. Hindi sa ikinahihiya niya ang mga ito. Ayaw lamang niyang husgahan ng ibang tao ang dalawa dahil alam niyang inosente ang mga ito. Saka itong lalaking kaharap niya ay mababa na ang tingin sa kanya noon pa man, eh di lalo na ngayong alam nito na nakapiit ang dalawa niyang kapamilya!
**********
"Ano'ng pinagsasabi mo riyan?" pagtataray agad ng kanyang madrasta.
Naalala niyang mahina pala ito sa salitang Ingles. Isinalin muna niya sa Tagalog sa isipan ang nais sabihin bago ito binigkas nang dahan-dahan sa babae.
"Ang sabi ko, nais kong pag-usapan natin ang tungkol sa kaso ng iyong ama't kapatid."
Naningkit ang kanyang mga mata.
"Naintindihan ko na kanina pa! Hindi mo na kelangan i-translet sa Tagalog dahil gets ko na ang sinabi mo. Ang ibig ko lang sabihin ay 'ano'ng pake mo?' Ba't nangingialam ka?"
Umuusuok na naman ang mga mata ni Lalie. Tingin ni Mauro kumukulo na naman ang dugo nito sa kanya. Mas lalong nagliliyab ang tingin niya rito ngayon dahil kung bakit of all colors orange pa ang naisipang pangkulay ng buhok. Tuloy nagmumukhang may nagliliyab na apoy sa tuktok ng bungo nito. Nairita na rin ngayon ang binata. Nais lang naman sana niyang makatulong.
Humirit pa siya one more time. "Ninong ko ang warden sa Bilibid noon."
"Su?"
"Huh?" Saglit na nalito si Mauro. Napakurap-kurap siya nang maintindihan kung ano ang ibig sabihin ni Lalie. Hindi na lang niya pinansin iyon. He continued. "Napag-alaman kong na-frame up lang ang ama mo't kapatid. Marami akong kilalang magagaling na criminal lawyers. Kayang-kaya nilang mailabas ng Bilibid agad-agad ang kapamilya mo."
"Sabi ko nga, ba't nangingialam ka? Ang kulit mo! Saka, sino nagsabi sa iyo na bubulatlatin mo ang tungkol doon? Wala namang nag-utos, di ba?"
Nanlalaki sa galit ang mga mata ni Lalie. Nakatayo na ito habang nakapamaywang sa kanya.
Ang weird din ng babaeng ito. Ngayong galit na galit na'y sobrang hina naman ng tinig. Alam lang niyang galit ito sa intensity ng mga titig at sa mabilis na pagtahip ng dibdib.
"Sabi ko nga, nais ko lamang makatulong."
"Pwes! Hindi ko kailangan ang tulong mo!" asik pa nito bago padabog na nag-walk out sa study room.
Naipagpag na lamang ni Mauro ang isang bungkos ng papeles na nakalap niya tungkol sa kaso. Ipapakita sana niya iyon kay Lalie. Nakasaad sa mga iyon ang detalyadong report ng nautusan niyang detective tungkol sa pagkaka-frame up sa ama't kapatid ng madrasta. Sayang. Akala niya'y maging peace offering na niya iyon sa babae. Nagsasawa na sana siya sa bangayan nila araw-araw.
**********
Pupungas-pungas na pinagbuksan ni Rihanna ng pinto si Lalie. Halatang kagigising lang ng bakla. Hindi na naghintay ang babae na i-welcome siya ng kaibigan sa apartment nito, agad-agad na itong pumasok.
"Gosh, girl. Ano na naman ang happening at ang aga-aga mong napasugod dito? Halos kakatulog ko lang bruha ka!" At naghikab pa nga ito nang ilang beses bago sumalampak sa carpeted floor paharap sa sofa na inuupuan ni Lalie. Nag-iba lang ang tono ni Rihanna nang mapansin ang kakaibang ekspresyon sa mukha ng kaibigan.
"Alas sais na, ah," ani Lalie sabay tingin sa Rolex niya.
"Yeah. Alas sais pa lang," sagot naman ni Rihanna, nakairap sabay hikab. "O, ano na naman ang drama? Ba't napadpad ka na naman dito nang ganito ka aga?"
Mabilisang kinuwento ni Lalie ang tungkol sa pag-uusap nila ni Mauro. Tumayo siya sa harapan ni Rihanna at nagpaikot-ikot sa sala. Napatirik naman ang mga mata ng kaibigan sa kasusunod sa kanya. Napatayo na nga rin ito at nakapamaywang na pinagsabihan si Lalie.
"Maupo ka nga. Nahihilo ako sa iyo eh."
"Iyon na nga, bakla! Nalaman na ni Mauro ang tungkol sa Itay at Kuya ko. Sigurado akong tawa nang tawa sa akin ang damuho ngayon. Napatunayan lamang niya na totoo ang kutob niya sa akin simula't sapol --- na g-galing ako sa hindi mapagkakatiwalaang pamilya!" At napahagulgol bigla si Lalie.
Sanay na si Rihanna sa drama ng kaibigan pero sa tuwing napapahagulgol ito'y natataranta pa rin siya.
"Hoy! Ano ba? Ang usapan natin walang iyakan." Pero hinila nito si Lalie at niyakap nang mahigpit. Hinagud-hagod pa nito ang balikat ng kaibigan.
Kumalma ang pakiramdam ni Lalie. Kumalas ito saglit sa pagkakayakap ni Rihanna at bigla na lang nagsabi ng, "Tama ba ang ginawa ko? Tinanggihan ko agad-agad ang alok ng damuhong iyon na tulong para kina Itay at Kuya."
Bago makasagot si Rihanna, napahikbi na naman si Lalie. "Mali ako, ano? Hindi ko dapat pinairal ang pride ko. Dapat nilunok ko na lang iyon at tinanggap ang alok niya. Naku, naku."
"Maging honest ako sa iyo, girl. Yes, mali ang ginawa mong pagtanggi."
Pagkarinig doon tila batang pumalahaw si Lalie.
"Ano ka ba? Kukutusan na kita riyan, eh! Patapusin mo nga ako! Bwisit na 'to!"
Sinikap ni Lalie na pigilin ang paghikbi. Suminok-sinok siya nang pino.
"Mali ang pagtanggi mo sa tulong dahil sabi ko nga sa iyo nang paulit-ulit, mas maraming kilalang criminal lawyers ang stepson mo. However---hep, hwag munang humirit. Sa isang banda, tama lang din ang ginawa mo."
Pinangunutan ito ng noo ni Lalie, Halatang nalito lalo ang huli.
"Hindi ba ikaw na rin ang nagsabi? Galit na galit kamo ang itay at kuya mo sa pagpapakasal mo kay Don Fernando? Hindi ka na nga pinapapunta sa Bilibid eh. Sigurado ako na kapag ipagpilitan mo ang pagtulong sa kanila mula sa koneksyon ng mga dela Paz, lalong maba-bad shot sa iyo ang erpat mo. Kung bakit kasi saksakan sila ng pride. Ano mapapala nila sa pagmamatigas? Pinapahirapan lang nila ang nanay mo. Hay naku!"
"Su tama ang ginawa ko?"
"Tama kung pagbabasehan ang magiging reaksyon ng itay at kuya mo. Pero mali kung gusto mo namang maresolba na ang kaso."
"Naguguluhan ako, bakla!"
"Para mabilis ang usapan, tanungin mo muna ang sarili mo. Ano ang mas matimbang? Ang galit ng itay at kuya mo sa oras na malaman nilang tinulungan silang makalaya ng isang dela Paz o ang saya ng nanay mo kapag nakalaya na sila pareho?"
Napaisip si Lalie. Hindi na ito nagsalita pa. Mayamaya ay nagpaalam na itong umalis.
**********
Panay ang exercise ng madrasta niya nitong huli. Dati-rati'y naka-confine lang ito sa gym nila na nasa basement ng bahay, pero ngayon kahit sa harapan ng swimming pool nagwe-weights. Ang hindi niya maintindihan bakit kailangan dalhin doon ang pag-e-ehersisyo kung malawak naman ang gym nila? Ano na naman ang drama nito? Magpasiklab? Kung sa bagay, kitang-kita sa well-toned nitong mga braso't balikat na alaga ang katawan sa ehersisyo. Medyo na-guilty nga siya dahil iyon ang hindi na niya nagagawa lately dahil sa abala sa pagpaplano sa renovation sa mansion at sa pagsu-supervise sa distribution ng mga produkto nila sa iba't ibang market. Idagdag pa roon ang problema sa FDA ng isa nilang processed milk powder. Personal niyang binantayan ang pag-aasikaso roon ng kanilang piling empleyado.
Dederetso na sana siya sa loob ng bahay nang makasalubong ang dalawang katulong na hindi magkandaugaga sa pagdala ng tray ng pagkain at bihisan sa pool area. Hindi siya nakatiis.
"Mamerta!"
"Ser! Sandali lang po, ser!" Kumaway lang ito saka patakbong hinatid sa madrasta ang dala-dala nitong tuwalya at bathrobe.
Tinawag niya muli ang katulong. Sumenyas na naman ito sa kanya na saglit lang. Medyo nainsulto siya sa ginawa nito. Hindi ba dapat siya ang unahin dahil siya naman ang authentic na amo? Saka ano itong kapritso ng Eulalia na ito na sa tabi pa ng pool magbubuhat ng dumbbell tapos aaligagain ang mga katulong sa kung anu-ano niyang utos?
Hindi na niya hinintay na matapos si Mamerta kay Lalie. Nilapitan na niya ang mga ito. Pinaningkitan pa niya ng tingin si Aurora habang nagse-set ng breakfast ng madrasta sa maliit na mesa na dala-dala nito kanina. Japanese style ang table na iyon kung kaya masyadong mababa.
"Well, well, well. Kagaling naman at dito mo pa naisipang mag-ehersisyo."
Hindi siya pinansin ni Lalie. Tingin naman niya nakita siya nito pero nagbulag-bulagan. Nilapitan niya ito at tinanggal sa tainga nito ang isang earphone. Saka lang nag-react si Lalie.
"Ano ba? Anong problema mo?" asik nito sa kanya.
Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. At no'n niya napansin na nakapaa lang din ito at dahil naka-leggings ng hanggang kalahati ng binti lang, exposed ang malaking bahagi niyon pati paa. No'n lang napansin ni Mauro kung gaano kaganda ang mga paa ng madrasta. Walang-wala ang mga modelong dini-date niya dati. Lumaki ito sa hirap pero pang-prinsesa naman ang mga paa, lalung-lalo na ang mga daliri roon. Wala siyang foot fetish, pero halos mapa-sipol siya nang mga oras na iyon.
Nang ma-realize na puring-puri niya ang exposed skin ng madrasta, tahimik niyang pinagalitan ang sarili. To cover it up, nagkunwari siyang nagagalit na rin sa mga katulong.
"I asked you both what the fuzz was aallabout pero inuna n'yo pa munang pagsilbihan ang Mahal na Reyna bago niya ako sagutin," naiinis niyang sabi sa mga ito.
Nagtinginan ang dalawa. Si Mamerta na ang sumagot sa kanya. "E, ser, kayo na ho ang tumawag kay Ma'am Lalie na Mahal na Reyna, eh siyempre siya talaga uunahin namin. Ser lang po kayo, si Ma'am Lalie po ay reyna!" pamimilosopo pa sa kanya ng katulong.
"Mamerta, gusto mo bang maghanap uli ng trabaho?"
"Ser, biro lang po, ser! Auring, 'lika na!" At hinila na nga nito si Aurora at sabay silang napatakbo pabalik ng mansion. Naiwan silang dalawa ni Lalie sa pool.
Nagpapahid na ng pawis ang madrasta niya. Dahil nakasunod ang mga mata niya sa ginagawa nito, nahagip na rin ng kanyang paningin ang exposed nitong midriff. Makinis iyon at walang extra fat. Tila kuminang pa sa sikat ng araw ang morenang balat ng kanyang stepmother.
Pinilig-pilig na naman niya ang ulo saka seryoso itong pinagsabihan.
"Sa susunod, sa gym ka mag-ehersisyo h'wag dito. Ano'ng pumasok sa kukote mo at dito mo naisipang magpakitang-gilas? Hindi mo ba naiisip na baka pagnasaan ka ng mga hardinero? Tingnan mo sila, nakatitig sa iyo."
Iginala ni Lalie ang paningin sa mga hardinerong nagti-trim ng mga puno sa hindi kalayuan sa pool. Napakagat-labi naman si Mauro nang makita na abala ang mga ito sa ginagawa at tila walang pakialam na halos ay body stocking na lang ang suot ng Ma'am Lalie nila sa tabi ng pool.
"Saan ang sinasabi mong nagnanasang hardinero?" hamon nito. Nakapamaywang na. "Ang sabihin mo, ikaw kamo iyon! Kunwari ka pa! Kita mo, namumukol na iyang harapan mo, o!"
Awtomatikong napatingin si Mauro sa ibaba at narinig niya ang paghagalpak ng tawa ni Lalie. Kasabay n'yon ay iniwan na siya nito sa pool.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top