CHAPTER EIGHTEEN


Sinilip ni Lalie sa sala kung sino ang importanteng bisita ni Mauro at hindi magkandaugaga sa kakaestima ang mga katulong. Ni wala na nga siyang mautusan sa kanila dahil lahat ay nakapokus sa pagsisilbi sa mga ito. Isang matandang nangangamoy datung ang nakita niyang prenteng-prente na nananabako sa harapan ng kanyang stepson. At himala, ni wala man lang sinabi ang damuho tungkol dito samantalang napaka-istrikto nito sa amoy ng tabako. Makauwi nga lang siya buhat sa bar at nangangamoy usok ng sigarilyo halos lalapain na siya sa galit dahil kinakalat daw niya ang mabantot na amoy ng sigarilyo sa buong kabahayan. Iisa lamang ang naisip ni Lalie sa kawalan nito ng reaksyon. May kapangyarihan ang matandang ito. Kasi, sa pagkakaalam niya ang hayop na Mauro ay walang kinatatakutang tao. Hindi ito basta-basta nasisindak ninuman, bata man o matanda.

"Madame," pabulong na tawag sa kanya. Paglingon niya saglit, nakita niya si Mamerta. Sumesenyas-senyas ito sa kanya. "Sino ang sinisilip n'yo riyan?" At nakisilip na rin ang bruhang katulong.

"Tigilan mo nga ako! Umalis ka rito!" asik niya kay Mamerta sa pabulong ngunit naiinis na tinig. Pinandilatan pa niya ito habang itinataboy.

Imbes na magalit at tumalima na, nakisilip lalo si Mamerta. Siniksik ang sarili sa likuran niya kung kaya naiawang niya nang maluwag ang pintuan na nagkokonekta sa foyer at living room. Inangilan niya nang husto si Mamerta. May napalingon sa mga bisita. Tingin ni Lalie ay alalay ng matanda. Mayamaya pa, pati ang huli maging ang kanyang stepson ay napatingin na rin sa direksyon niya. Wala siyang nagawa kundi ang magpakita na lang nang husto.

"Magandang umaga po," magiliw niyang bati sa lahat at nagtuluy-tuloy na sa sala. Nilingon niya nang makadali si Mamerta at sinamaan ito ng tingin.

Kakamot-kamot naman ng ulo ang katulong at bumuntot na rin sa amo.

May tinanong si Mauro kay Mamerta tungkol sa package. Nakuha raw ba nito sa foyer?

"Ay! Oo nga pala, ser!" At tumakbo uli ito pabalik sa pinanggalingan.

"Oo nga pala, Ninong, I guess you remember Lalie, my dad's wife?"

Ninong. Saan ko nga ba narinig ito noon. Napapitik ng daliri si Lalie nang maalala kung saan niya unang nakita ang matanda. Dinala ito ng yumao niyang asawa sa resort sa Batangas. Tandang-tanda pa niya na tila naglaway pa ito nang makita siya in her waitress uniform. Ang standard nilang suot ay lampas-tuhod na A-line dark blue dress na may puting apron sa harap, pero dahil maarte siya at plano talaga niyang makabingwit ng matabang isda, iniklian niya ang suot niya ng apat na pulgada. Naging above the knee tuloy ng waitress uniform niya.

"Kumusta po kayo?" bati niya sa matanda na pinakilala ni Mauro sa kanya bilang Don Fernando rin. Kapangalan ng yumao niyang asawa!

Binalikan niya sa isipan kung nagpakilala ba ito noon sa kanya. Ang tanda niya nagpahanginito na gusto siya pero nawalan siya agad ng gana rito pagka-propose sa kanya ni Don Fernando. Siyempre, sigurado na siya sa isa, susugal pa ba siya rito? Saka kahit matanda lang ang napangasawa niya, kung hitsura lang din ang pag-uusapan mas may hitsura iyon, in fairness. Sabi nga ng mga matatanda niyang kasamahan sa resort noon, hawig na hawig daw ang don sa dating matinee idol noong dekada-50 na si Nestor de Villa, ang laging ka-love team daw ng yumao na ring aktres na si Nida Blanca. Siyempre, hindi niya maisip kung ano ang hitsura ng mga iyon dahil ni hindi nga niya alam ang mga artista noong dekada otsenta na kinabibilangan ng napapanood niyang kontrabida sa TV na si Albert Martinez, iyon pa kaya? Pero pinaniwalaan naman niya ang mga lolang iyon dahil nakikita naman niya noon sa mga lumang litrato ng don na nagkalat sa mga opisina sa resort na may hitsura nga ito noong bata pa.

"Lalie," untag sa kanya ni Mauro. Tila pigil na pigil ang inis nito.

"Ha?" napasulyap siya rito na nalilito. May tinanong ba ito?

"Ang sabi ni Don Fernando, mukhang nakagayak ka, saan daw ang punta mo?" paliwanag ni Mauro at napakagat-labi ito.

Nahalata niya agad ang iritasyon sa hitsura ng damuho. No'n lang napatingin uli kay Don Fernando si Lalie. Pero bago iyon, mabilis niyang sinulyapan ang suot na sleeveless floral dress na binili lamang niya sa isang sikat na online selling platform ng 299 pesos. Natuwa siya na inisip nilang may pupuntahan talaga siya. Ang ibig sabihin ay bongga ang damit. Hindi mukhang pambahay!

"Ay opo. May pupuntahan po. Sige po, mauuna na ako sa inyo," pagsisinungaling niya.

"Ah---hija."

Napalingon si Lalie sa matanda.

He cleared his throat and sat straight. Tila pinalapad pa ang dibdib. Bahagyang pinangunutan siya ng noo. May katangahan man siya paminsan-minsan, pero kung tungkol sa pagkilatis ng galaw ng mga kalalakihan, maaasahan naman ang kanyang kukote. At ang kukote niya'y nagsasabi na medyo nagpapa-macho sa kanya ang don.

Nang mapagtanto iyon, bahagya siyang napangiwi at sa isipan ay ilang beses siyang nagsabi ng, "Eww! Kadiri!" Pero siyempre, kailangan niyang magpakita pa rin dito ng paggalang. Matanda kasi. At sa pagkakatanda niya, kaibigan din ito noon ng yumao niyang asawa.

"Kung iyong mamarapatin ay ihahatid na kita sa kahit saan mo gustong pumunta."

Napaupo nang matuwid si Mauro. Nakita ni Lalie ang pag-aalala sa mukha nito na kaagad din nitong kinontrol nang magtama ang kanilang paningin. Mas nanaig na ngayon ang pagka-aburido sa ekspresyon ng mga mata ng mokong. Natakam tuloy siyang tusukin ito ng tinidor nang tumigil na sa paniningkit sa tuwing naiinis sa kanya.

"Pasensya na po, Don Fernando. May kasama na po ako, eh. Hinihintay na lang po ako sa labas," mabilis na tugon ni Lalie sabay kaway sa don. Nilawakan niya lalo ang ngiti sa matanda para hindi sumama ang loob at hindi na niya hinintay ang sagot nito. Naglakad-takbo na siya palabas ng sala. Sa hardin siya dumeretso. Wala naman kasi siyang lakad talaga.

Hindi na nakita ni Lalie na tila nabunutan ng tinik si Mauro sa ginawa niya.

**********

"What?!" Gulat na may kahalong inis ang reaksyon ni Attorney Zamora nang ikuwento rito ni Mauro kung ano ang ginawa ng ninong niya noong nakaraang araw.

"You heard me, right, Attorney. Pormal nang humingi ng pahintulot sa akin na liligawan daw si Lalie."

"And what did you say?"

"Ang sabi ko, it was not for me to decide kasi hindi naman ako si Lalie. I told him that she was not even around on that day, pero itong babaeng ito pinahiya ako kay Ninong. Biro mo ba naman na lumitaw na lang bigla just as I was telling Ninong that she went somewhere with her friends and I didn't know when she will be back."

Natawa si Attorney Zamora. "That's typical of Lalie."

"I think Ninong is now thinking I am trying to make alibis just so he could not get near Lalie. Ang sarap talagang pitikin sa sentido ang babaeng iyon." At napahilot-hilot ng sentido niya si Mauro.

"But she flatly refused the don's offer, right? She may be a litte inadequate in the academic type of intelligence, but I think she is brilliant when it comes to men. Natunugan niya marahil ang motibo ng matandang iyon." At natawa na naman ang abogado.

"D'you think so?" Duda si Mauro.

Tumangu-tango si Attorney Zamora.

"Positive. Sigurado ako na sanay na sa ganoong atensyon ang batang iyon."

"Hindi na iyon bata, Attorney. Halos magkaedad na kami no'n eh. I am turning twenty-eight na in a few months. Sigurado ako na ganoon din siya halos."

"Yeah. But compared to me, you guys are way younger, so I can still call you both as 'bata'. Anyways, hindi naman tungkol kay Lalie ang pinunta ko ngayon dito. May nakapagsabi sa akin na may dinadalaw ang ninong mo sa isang eskwelahan sa Alabang. Pinaimbestigahan ko sa kaibigan kong detective at alam mo kung ano ang nadiskubre nito? Mayroong bata roon na tila pinoprotektahan ng ninong mo. Morena ang bata, malaking bulas, at maganda. Medyo hindi maganda ang pakiramdam ko rito, hijo. If ever totoo ang kutob ko, masasabi kong lumalala ang kahayukan sa babae ng matandang iyon. Aba'y ni wala pa nga raw onse anyos ang batang iyon, eh!"

Tumawa sa narinig si Mauro.

"O, what's funny? Hindi ba disconcerting ito sa iyo? Ako'y naaawa doon sa batang iyon, kung sino man iyon. Dapat malaman na agad ng mga magulang no'n kung anong klaseng tao ang lumalapit sa kanilang anak nang sa gano'n ay maprotektahan nila ito."

"I think you're talking about Rorik's daughter, Attorney. Wala iyon. Iba ang motibo ng Ninong sa kasong ito. Politically-motivated ito. Apo ng senador na nakaalitan niya noon ang kaaway ng bata. Matagal na niyang gustong tablahin itong senador na ito, hindi niya lang magawa dahil ayaw niyang magmukhang kontrabido. You know Ninong, right? Kaya --- I think he's trying to hit two birds with one stone. He's getting even with Senator Lee and at the same time, he's trying to look like a hero to everyone in that school lalo na sa ibang mga magulang ng mga bata doon na alam kong galing lahat sa mayayamang pamilya. Ninong could always use their admiration for his charitable acts later. Alam kong may plano iyon. At walang kinalaman doon ang anak ni Rorik."

"Rorik who?"

"Architect Rorik Rojas, the one who was supposed to do the renovations of this house kaso naipit sa iba niyang commitments sa Cebu at sa Singapore."

"Ah. Iyong anak-anakan ba kamo ng isa ring matalik na kaibigan ng Dad mo?"

"Yes. That's him."

"I thought he was in the States."

"Bumalik na siya for good. And speaking of that child, sigurado akong hindi makakapayag iyon na malalagay sa panganib ang anak. For sure, he is doing something to protect his baby."

"If that's the case, nabunutan ako ng tinik. All right, may isa pa akong pakay sa iyo. Iyong tungkol naman sa kaso ng ama't kapatid ni Lalie. May nakapagsabi sa akin na may lumalapit na ngayon sa naiwang pamilya ni Lalie sa Barangay Pulang Lupa. Baka hindi na makapaghintay ang don. I think he is planning to either buy or blackmail the family. I just hope it's the former. Kung blackmail kasi, baka may halong death threats. Mahirap iyon."

Doon natigilan si Mauro. Nawala sa isipan niya na mayroon pa palang kapamilya si Lalie sa barangay nila. He made a mental note to ask Simon to check on them later.

**********

Hindi pa napipindot ni Lalie ang walong numerong passcode sa front door, bumukas na ito at bumalandra ang nakatim-bagang mukha ng kanyang stepson habang nakahalukipkip. Nakasuot lamang ito ng puting bathrobe at base sa namamasa-masa pang buhok ay katatapos lang sigurong mag-shower. Langhap na langhap pa nga niya ang shower gel nito at medyo kiniliti nito ang kanyang ilong. Gustung-gusto niya ang amoy na iyon.

"Bakit ngayon ka lang?"

Sa isipan ng isang kagaya ni Lalie na tipsy pa rin nang kaunti kahit ilang beses nang pinahigop ni Rihanna ng mainit na chicken soup, ang dating ng tanong ni Mauro ay tila sa isang istriktong ama. Hindi alam ni Lalie kung bakit, pero natawa siya sa tono ng pananalita nito. Bago pa niya mapigilan ang sarili ay napabunghalit siya ng tawa sa harapan ng lalaki.

"Ano kamo?" pang-iinis pa niya rito.

Pinaningkitan siya ng mga mata ni Mauro. Biglang sumeryoso si Lalie at pinamaywangan pa ang lalaki.

"Alam mo, minsan, bwisit na bwisit ako sa iyo! Kay sarap dukutin ng tinidor iyang bwisit na matang iyan nang hindi na makapaningkit sa akin! Nasaan na ba si Mamerta? Mamerta! Mamerta!"

Bago pa maka-react si Mauro sa sinabi niya, nasa harapan na nila si Mamerta at kabuntot nito si Aurora na tila kagigising lang.

"Bigyan mo ako ng tinidor!"

"Ho? Tinidor po, ma'am---madame?"

"Tinidor nga raw eh! Ano ba!" asik dito ni Aurora.

Bahagyang nagtaas ng kilay si Mauro na tila naa-amuse na naiinis na hindi maintindihan sa sinabi niya sa katulong. Lalo siyang nainis dito.

"Tinidor nga! Mabuti pa si Aurora sa iyo! O, ikaw ang kumuha ng tinidor! Dali!"

"Ho? Ako po? Eh di ba po si Mamerta ang inuutusan po ninyo?" tila nalilito namang sagot ni Aurora. Binelatan ito ni Mamerta.

"Bwisit kayong dalawa! Ang tatanga ninyo!"

Kakaripas na sana ng takbo ang dalawa papunta sa kusina nang pagtatawagin ni Mauro.

"Go back to sleep, both of you. Nababaliw lang ang Ma'am Lalie n'yo. Ako na ang bahala sa baliw na ito. Sige na. Pasensya at pati kayo'y nagising dahil sa tungayaw nito."

"Ano'ng baliw? Sino'ng baliw? Hindi ako baliw! Hindi ako baliw!" sigaw pa ni Lalie. Sinugod nito ng suntok sa dibdib si Mauro.

"Hey! What the fvck!" At hinuli ni Mauro ang mga kamay ng babae. Tutuhurin pa sana ito ni Lalie nang mabilis itong umiwas.

Sa kakapigil nito kay Lalie, kumalas ang buhol ng bathrobe at tumambad sa paningin ni Lalie ang kabuuan ni Mauro sa loob ng bathrobe. Naka-boxer shorts lang pala ito ng kulay puti. Dahil puti, naaninag niya ang ulo ng ano. At napahumindig siya at nanlaki ang mga mata nang mapagtanto niya na lubos na pinagpala si Mauro sa aspetong iyon. Ang blessing ay lalong naghumindig nang titigan niya lalo.

"Stop staring at me! Didn't your mother tell you not to stare at a man?" singhal sa kanya ng lalaki habang binubuhol muli ang bathrobe.

Pagkarinig ni Lalie ng salitang mother, nag-iba ang hitsura nito. Nalukot muli ang mukha nito at napahagulgol. Humahagulgol itong umakyat ng second floor. Naiwang nagugulumihanan si Mauro.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top