/6/ Bumabagabag
Kabanata 6: Bumabagabag
ENROLMENT for 3rd year students
Aaminin ko na hindi ko pala talaga kayang iraos ang isang araw sa loob ng eskwelahan na 'to nang wala si Taisei. At ngayong hawak ko na ang registration form na may tatak na 'ENROLLED' ay para akong nabunutan ng tinik—mali, hindi pala dapat ako makaramdam ng ganito dahil hindi pa naman nagsisimula ang totoong laban. Marami pa akong hindi alam sa bagong mundo na pinasok ko at lalong marami pa akong hindi alam tungkol kay Sari—sa kung sino siya rito at kung sino ang mga taong nakakasalamuha niya.
Nakalagay sa reg form ang subjects at schedule na kinuha ko, sa tulong ni Taisei kung paano ang sistema rito. Isang himala na walang close friend ni Sari ang nakasabay namin sa enrolment kaya medyo nakalusot ako sa pagpapanggap ngayong araw. Karamihan sa mga subjects na kinuha ko ay minor at isang major. Maximum 28 units lang ang pwede i-enrol at kumuha lang ako ng 11 units para mas marami akong bakanteng araw at oras... Aanhin ko ba ang kumpletong units dahil hindi rin naman ako magtatagal dito.
"Suko ka na ba?" At nandito rin nga pala ulit kami ni Taisei sa HQ ng Pluma. Kahapon ay nagpunta kami sa Recto para magpagawa ng pekeng medical certificate tungkol sa 'amnesia' na sakit ko.
"Wala bang ibang pumupunta rito sa HQ niyo?" Tanong ko sa kanya dahil noon ko pa napapansin na kami lang ang tao rito palagi.
"Hindi pa kasi nagsisimula ang klase kaya wala pang pumupunta rito. Si Reuben napadaan lang dito kahapon dahil enrolment ng second year. At saka inutusan ko sila na magpahinga lang muna sa bahay para sa CompEx."
"CompEx?"
"Competitive Exam, annual exam 'yon para sa editorial board including senior staff para i-determine kung sino ang mga bagong editors." At itinuro niya sa dingding ang nakasabit na tarpaulin, hierarchy 'yon ng organization na 'to mula Editor-In-Chief hanggang sa Junior Staff. "At dahil hindi ka naman si Sari, hindi ka na magte-take ng CompEx para sa akin kaagad mapunta ang position ng EIC."
Hindi na ako nakapagsalita pa dahil binalik niya ulit ang atensyon niya sa pagbabasa.
"Tingin mo kaya ko bang maging siya?" Bigla kong naitanong sa kanya ang bumabagabag sa isipan ko. Huminto naman siya, sinarado ang binabasang libro at tumingin sa akin.
"Practice can attain perfection, Sarumi." Sagot niya sa akin. "Basta't susundin mo ang mga sasabihin ko sa'yo, wala kang magiging problema sa pagpapanggap bilang si Sari."
"Kung ganoon, bakit hindi mo ituro ngayon kung ano'ng dapat kong gawin?"
"Una, itsura, walang problema, halos wala kayong pinagkaiba, mula sa buhok, katawan—pero ang kilos. Pangalawang kailangan mong tandaan ang kilos niya."
"Malaki ba ang pagkakaiba namin?"
"She's a proactive member of this organization. As a student journalist, she's expected to be more approachable."
Medyo napangiwi ako dahil kilala ko ang sarili ko, hindi ako ganoon. Tsaka ko naalala na noong mga bata pa lang kami ay mas bibo si Sari kaysa sa akin.
"Hindi ko yata kaya maging extrovert, Taisei."
"Hindi naman porke approachable ay extrovert na. Siguro sabihin na nating hindi ka kasing active ni Sari pero pwede mong idaan sa gestures."
"Gestures?"
"Pala-ngiti si Sari, kahit hindi niya kilala ay nginingitian niya. Siguro iyon ang pinaka-asset na mayroon si Sari. Siya ang nilalapitan at kinakausap dahil sa trait niya na 'yon. So ang dapat mong gawin? Ngumiti ka lang, minsan hindi mo naman kailangang sumagot palagi o magsalita."
Dapat tine-take down ko 'yung mga sinasabi niya pero may habit ako na madaling matandaan lahat ng sinasabi ng bawat tao.
"Sa mga sinasabi mo ay parang madali lang ang gagawin ko." May himig ng nawawalan ng pag-asa ang boses ko.
"Sarumi, remember this. In this world, all people must learn to adapt in their environment for their survival. You have to behave like what others do but you can always think differently."
"Ang labo."
"Don't be stupid. Iyan pa pala ang isa sa mga trait ni Sari, malakas ang presence of mind ng taong 'yon, competitive, charismatic, obnoxious, cunning—"
"Teka lang, teka lang." Awat ko sa kanya dahil parang nalulunod ako sa dami ng mga sinasabi niya. "Naiintindihan ko na ang sinabi mo. Hindi ako magiging si Sari dahil hindi ko alam kung ano'ng nasa isip niya pero kaya kong magpanggap basta gayahin ko lang ang kilos niya panlabas."
"Exactly."
"At pangatlo, pagkatapos ng kilos, kailangang alamin mo ang mga tao sa paligid niya. Kailangan mong matutunan ang background ng bawat taong nakakasalamuha ni Sari—mga kaibigan, classmates, professors at kung sinu-sino pa."
"Paano ko 'yon malalaman? Hindi ba kaya nga tayo nagpagawa ng medical certificate about sa amnesia kuno?"
"Ugh." Umikot ang mga mata niya dahil nauubusan na siya ng pasensya. Hindi ko siya masabayan sa mga plano niya. "Look, pagtatawanan ka nila kapag sinabi mong may amnesia ka at nakalimutan mo silang lahat. Ang medical certificate na 'yon ay para lang sa emergency situations, katulad ng wala kang maipalusot kapag hindi nagtugma ang mga ginawa o sinabi mo bilang Sari, at saka mo ipapakita sa kanila ang papel na 'yon at sabihing, 'Sorry, naaksidente kasi ako.'"
"Mas nakakatawa 'yang sinabi mo. Emergency? E 'di sana hindi na lang tayo nagpagod kahapon magpagawa ng pekeng medical certificate na 'yan."
Napa-face palm saglit si Taisei. "Basta, may paggagamitan ka niyan sa first day of school. Sasabihin ko sa'yo kung ano ang silbi ng papel na 'yan."
"Paano ko makikilala ang mga tao sa paligid niya sa loob ng institusyong 'to? Kilala mo rin ba ang mga kaibigan ni Sari?"
Umiling si Taisei. "Nope, hindi naman kami galing sa iisang college dahil magkaiba kami ng course. Pero matutuwa ka kapag nalaman mo na si Sari ang tipo ng tao na mahilig gumawa ng character profile dahil isa siyang aspiring novelist. Siyempre di mo 'yon alam."
"Character profile para sa nobela niya?"
"Sari likes to collect people's background. Sa pagkakaalam ko, mahilig siyang gumawa ng portfolio para i-compile ang mga taong nakikilala niya, ilalagay doon ang description nung tao, ugali nito at iba pa.
"Portfolio ba kamo?" Kaagad kong kinuha mula sa bag ko ang black portfolio na may tag na 'P.T.U.' sa gitna. Ngayon ko lang 'to bubuksan at nang makita ko ang loob nito ay napatingin ako kay Taisei. "Totoo nga." Sinilip din niya 'yon para kumpirmahin ang sinabi niya.
ZHUANG, TAISEI N.
Age: 20
Gender: M
Birthday: January 17, 1995
Unang-una siya sa Character Profile ni Sari. Marami pang ibang may character profile at base sa tag sa portfolio ay mukhang naglalaman nga ito ng mga kakilala ni Sari sa loob ng campus.
Hindi ko tuloy maiwasang mamangha dahil tila biglang nasolusyunan ang mga bagay na pinuproblema ko. Katulad na lang nito.
"Great, hindi ka na mahihirapan. Pag-aralan mong mabuti 'yan. Pati na rin ang campus na 'to, try mo ring gumala para hindi ka ma-bore dito sa HQ." Naalala ko rin na may University Handbook sa bag ko. "At yung mga subjects mo—"
"Kaya ko naman ang mga subjects ko, isang Economics, Philosophy at isang Art major." Hindi naman sa pagmamayabang pero matalino raw ako ayon sa ibang tao. At ang Arts? Iyon talaga ang pangarap ko, pangarap na parehas namin ni Sari noong mga bata pa lang kami.
Tumangu-tango si Taisei at muling nagbasa ng libro. "Next week ang simula ng klase, may ilang araw ka pa para maghanda."
Pero may isang tanong pa rin ang bumabagabag sa'kin.
"Ahm, may tanong pa sana ako."
"Ano 'yon?" Hindi siya tumingin sa akin.
"Tungkol sa Suicide Virus Case." natigilan siya. "Bakit gustung gusto mong malaman ang katotohanan sa likod nito?"
Sa pagkakataong 'to ay tumingin sa akin si Taisei, tumitig muna ng ilang sandali bago magsalita. "Kailangan ko ang katotohanan para ilathala ang impormasyon sa lahat. Iyon ang ipinangako ko bilang student journalist, Sarumi. Kung alam mo lang kung gaano kabulok ang sistema ng unibersidad na 'to. Turno en Contra, turn and attack ang maxim ng Pluma." Akala ko ay tapos na siya nang may idagdag pa siya. "At gusto kong gawing comeback issue ang Suicide Virus Case para bumalik ang dating prestihiyosong reputasyon ng organisasyong 'to. Naniniwala ako na magiging big hit sa buong campus kapag na-resolba ko ang kaso."
So ginagawa niya ang lahat ng 'to para sa organisasyong 'to? Para sa kasikatan at kapangyarihan? Wala na lang akong ibang naging reaksyon kundi tumango. Tumayo ako at napakunot naman siya.
"Saan ka pupunta?" Tanong niya sa'kin.
"Baka nakakalimutan mo ang tunay kong agenda, Taisei." Sagot ko sa kanya pero hindi niya lubos na naunawaan. "Mahaba pa ang araw, maghahanap ako ng trabaho."
Iyon naman talaga ang dahilan ko kung bakit ako pumayag na lumuwas ng Maynila. Kung ginagawa niya ang bagay na gusto niya para sa kasikatan at kapangyarihan, ginagawa ko 'to para sa pera.
At bumabagabag sa'kin ang bagay... na para sa hustisya. Hustisya sa kung ano man ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Sari. Lalabas ako ng HQ na taas noo at nakangiti dahil magmula sa araw na 'to, puno man ng walang kasiguraduhan, ako na si Sari Sumiyaya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top