Walang Kwentang Paksa
Muli kong pinagtagpo ang magkatipang lapis at papel
Upang magkaniig muli't magsilang ng tula
Di sadyang ang umuha ay demonyo o anghel
Di batid ang kanyang kulay mapaitim, puti man o pula
Mabatid ninyo sana ang binunga nitong isip
Kalalimang ang pinag-ugatan ay aking puso
Ipapasilip sa inyo kung paano ako managinip
Upang sa aking bangungut kayo'y makilukso
Mga samu't saring boses na bumubulong
Kaluluwang pagal na sa paghahanap
Walang magawa kundi makisakay pasulong
Ang katawang pagod na sa pagpapanggap
Aray ko! ano ba itong pumasok na paksa
Paksang gasgas na sa kakaulit
Di ba sya nagsasawang kumapit na linta
Pagsipsip nya sa tinta ko'y kanyang sinusulit
Di ba mas magandang magsupling ng biyaya
Magbigay pagasa sa mga nalilito
Magpunla ng bahag-hari sa isipan ng bata
Hindi ang takutin sila, sabihing nasa paligid ang multo
Kaya mag-iiwan na lang ako ng payong kapatid
Upang di kayo mabasa ng ulang lumunod sa akin
H'wag bagtasin dinaanan kong noon na sa ngayo'y sa'kiy naghatid
Nang di mapaslang ang pangarap, tamang landas ay tahakin
Makontento sa mga bagay na hawak ng mundo
Tanggapin ang pagtatapus ay nakaukit na sa mga ulap
Yakapin ang mga paniniwalang ipinunla sa inyo
At h'wag nang piliting mag-apuhap
Dahil wala, walang nandito
Kundi kalungkuta't kasawian
Masaya sa umpisa ang kumalag sa kadena ng mga anito
Ngunit sa dulo nito'y walang katapusang kabiguan
Hay! ito ang pinakamahirap na bahagi ng pasusulat
Na marami ka pang gustong sabihin ngunit tama na
Ito yung tipong paglaglag ng nasa sinapupunan ng papel
Dahil ang kabuluhan ng tulang maisisilang ay wala
Written: June 29, 2015
Mysterious Aries
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top