Salitang Awa
Gising! Bumangon ka! Salitang Awa
At mata'y imasid sa mga taong sayo'y umasa
Sana'y paikutin mo ang gulong, pagkat ito'y tila sira
Upang nasa itaas nama'y medyo bumaba
Ito sila, mga taong nabiyayaan ng boses na paos
At sa kanilang puso'y may dagang tumatahan
Na sa pagkahapo sa hirap idinaan na lang sa dalangin
Pagkat ang yumaman sa dahas at itinaga sa bato na di gagawin
May'roon silang kariktan ngunit ito'y pumanaw
Pagkat mukha nila'y laging nahaharap sa may kalan
Maging peste ay sa kalamnan nila'y nagdiriwang
Kapalit ay mabigyan ng kaunting laman ang tiyan
Pagkat tunay na sa puso'y may lubhang nakakasakit
Kung sa isang dukha'y malakas na bagyo'y dumating
Walang sa kanya'y magnais na dumamay
Walang tunay ang puso na mag-aabot ng kamay
Mangyaring marami ng pumanaw na tulad nila
At ngayon isang mula sa kanilang lahi ang muling umiiyak
At di na maikubli sa ngiti ang kanyang hirap
Kaibigan ito siya't isang hinga na lang
Di mo ba kayang ipamahagi ang ilang sandali ng iyong buhay
Di mo ba aabutin ang madungis niyang kamay
Hahayaan mo na lamang ba na kaluluwa niya'y ngayon na'y lumisan
Salitang Awa, hindi pa huli ang lahat...
written: Nov. 2, 2000 @ 12:30 pm
Mysterious Aries
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top