Pintuan Nang Kapahamakan
Kung babalikang tunay pintuang binuksa'y agad isasara
Ngayo'y marka ng patalim sadyang di na mabura
Kalungkutang binangka'y nilunod ako ng pilit
Di marunong lumangoy kaya napainum ng mapait
Ang luha'y umalon na sya'ng tanging pananggalang
Pagsisisi nga sa huli ang sya'ng masusumpungan
Kung sakaling ako'y nakinig lamang sa mga aral na inihaplos
Marahil di nawala sa daan, kung inunawa ko lamang ng lubos
Ang bawat ginintuang aral na minarka ng ating kasaysayan
Di sana napaslang ang puring pinakaiingatan
Datapwat maganda sa simula ang sya'ng hangarin
Ang tumulong sa kapwa't maghatid ng sariwang hangin
Sa pintuang binuksa'y maraming nagsidaing
Hanggat wala na sa aking maiwan ni isang kusing
Napilitang magnakaw upang itulong sa iba
Kaban ng baya'y natutunan ngang ibulsa
Di napansing buhay ay tila gumuguho
Dahil napakatamis palang mabuhay sa paraiso ng luho
Ang matawag ng iba na kagalang-galangan
Maningning ang pangalan sa kanluran man o silangan
Ngunit sa huli nanaig ang katotohanan
Nabisto ng masa ang ginawang kalokohan
Ngunit nang dahil sa yama'y madali ko lang iyong nalusutan
Magkaganon may pinagharian ako ng kalungkutan
Tila langgam na kumagat sa aki'y nagdulot ng lason
Umakyat sa isip at sa puso'y bumaon
Konsensya'y naghari't ako ay nilamon
Hangga't ang patalim sa hinagpis ko'y sya'ng tumugon
Natagpuan nila akong nawalan ng malay
Dugo'y umaagos mula sa sugat na aking hinalay
At nang matauha'y ito na ang aking salaysay
Na sana sa iba'y magkaroon ng saysay
Kung babalikang tunay pintuan ng pulitikang binuksa'y agad isasara
Ngayo'y marka ng patalim sa aking pulso'y sadyang di na mabubura....
written: February 17, 2015 - 9:45 pm
Mysterious Aries
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top