Kamatayan! Ano ang nasa kabila mo?
Kamatayan! Ano ang nasa kabila mo?
Napapagitnaan ng makapal na ulap
Ang iyong kahiwagaan
Nararapat ka bang katakutan
O kaya'y ituring na bituin
Katakutan sapagkat baka wala na
Kapag napatirapa na kami sa'yong paanan
At mahawi ang ulap na pumapalibot sa'yo
Ay doon na ang hangganan
Wala ng karugtong, wala ka ng likuran, wala na
Kamatayan! Ano ang nasa kabila mo?
Bituin kang ituring ng iba
Yaong mga taong natitigib sa kalungkutan
Ganun din ng mga taong may saplot ng paniniwala
Na sa likod ng iyong misteryosong ulap ay lugar ng kaginhawaan
Ang katotohana'y ang pag-ukulan ka
Ng munting oras ay sadya lamang kabaliwan
Ang pagtutuos at pag-aaral sa iyong kalalima'y
Higit pa sa pagsisid
Sa pinakapusod ng karagatan
Ang tanging nakakasilaw na nakatakda'y
Magaganap ka, sa bawat isa sa amin
Ang iyong matalim na karit ay laging nakaamba
Sa isang magulang, kapatid, asawa, o anak
At higit sa lahat, sa aming sarili mismo
Ang isang gaya ko'y umaasa
Na sana'y sa iyong likura'y
Mayroong isang lugar na mas mainam
Sa kung anong mayroon kaming
Mga nilalang sa ngayon
Mundong kadalasa'y naiguguhit lamang
Naming mga tao sa aming pananginip
Mapayapa, walang inggit, patas
Isang paraiso, na kung saan di ka na namin iisipin
Sapagkat doon ay di ka nananahan
Ngunit sa buhay na ito
Tanggap ko, na sa tamang oras
Sa panahong iyong naisin
Ika'y bubulaga at di ko maaring sabihing
"Wag pa't hindi pa ako handa."
Iniisip ko ang iyong kahiwagaan
Di ko maaaring itanggi
Mamamasid sa akdang ito
Kung paano mo ginagambala
Ang mapaglaro kong isip
Gaya nga ng iminutawi ko
Isang kabaliwan ang pagtuunan ka ng oras
At marahil baliw akong nagsulat sa papel na ito
Ang magtanong sabay sigaw nang malakas sa kaparangan
Kamatayan! Ano ang nasa kabila mo?
November 30, 2017 @ 8:48 PM
Mysterious Aries
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top