Kabiguan Ng Manunulat (Ikasyam na Bahagi)
Sino ka'y sadyang may kahirapang ipares
Malalim pa sa pinakaibuturan ang iyong kawangis
Isa kang salamangkerong kapangyariha'y magmulat ng isip
Diyos kang gumagawa ng mundo, mundo ng panaginip
Iginuhit mo sa papel kung paano nagmahalan
Ang mga taong pagita'y kalangitan at kalupaan
Nagawa mong ang simpleng nilalang ay paliparin
Bigyang lakas at ang kasamaa'y kanyang puksain
Sa pamamagitan ng lapis nagawa mong sirain ang oras
Ilang ulit mo ng nilakbay ang kinabukasan at binalikan ang nakalipas
Makapangyarihang tunay mga pumanaw ay kayang muling bigyang buhay
Sadyang kapanipaniwala ang iyong salaysay
Manunulat ano nga ba ang tunay na dahilan?
Gumawa ka ng kwento na laman ay samut saring kaharian
Lumikha ka ng mundo na kailanma'y di nangyari
At sa tunay mong buhay ay sadyang walang nangyayari
Sino ka'y sadyang may kahirapang ipares
Malalim pa sa pinakaibuturan ang iyong kawangis
Isa kang salamangkerong kapangyariha'y magmulat ng isip
Diyos kang gumagawa ng mundo, mundo ng panaginip
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top