Damong Ligaw
Sa maling desisyon, isang dalaga'y sumakay
Sasakyang sira, paurong ang andar
Sugat ng maging padalos-dalos
Di maaruk sa lalim, pako'y tagos sa kaluluwa.
Saya'y akala'y dali-daling maaangkin
Hinawakang pangako'y bitag
Paraisong gawa sa hangin
Kaya't nalugmok ang pangarap sa putik.
Damong ligaw binansag ng kanyang pamilya
Sa malahardeng tahana'y dungis
Sagitsit sa kawali, araw-araw ginigisa
Awa sa sarili at higit sa buhay ng nasa sinapupunan n'ya.
Maging mga peste ay nagdiwang sa harden
Isang kamatis na bulok, paghawa'y kanilang idinidiin
Ano nga ba't tao'y nagmamalinis
Tulungan sana ang nadapa'y lalong sinubsob.
Damong ligaw, damong ligaw
Salitang inulit-ulit
Dapat bunutin, dapat lasunin
Limot nilang itong damo'y salamin ang damdamin
Ngunit tumayo ang damong ligaw imbes na yumuko
Damdaming salami'y 'di hinayaang mabasag
Kinamangha ng lahat, namulaklak itong damo
Samyo't ganda'y 'di maitutulad sa anumang bulaklak...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top