Just One Yesterday

Sabi nila, ang isang taong nabuhay ng ganap ay hindi takot sa kamatayan. 

Gayunpaman, hindi ako nabuhay ng ganap ngunit hindi rin ako takot sa kamatay. Sa katunayan, naiintriga ako sa kamatayan.

Saan ako pupunta? Magiging multo ba ako? Walang hanggan ba akong matutulog? Pupunta ba ako sa langit o impyerno? Mabubuhay ulit? Magiging isa ba ako sa mga bituin? Hindi ko alam.

"Hiraya"

Inangat ko ang aking ulo sa pinanggalingan ng tinig ngunit masyadong maliwanag. Ito ang liwanag na sinasabi nilang nakakabulag. Lahat ng mga tanong ko patungkol sa kamatayan ay nasagot.

Kamamatay ko pa lang at ito ang unang bumungad sa akin.

"Hiraya, nakikita ko ang puso mo at alam ko ang hinahangad mo. Bibigyan kita ng isang araw upang mabuhay ulit. Isang araw upang sulitin ang buhay mo. Isang araw upang mamaalam sa mga taong mahal mo," dagdag ng tinig.

Hindi ako nabuhay ng ganap. Maraming pagkukulang sa puso ko.

Hindi ko naranasang umibig ng matagal sapagka't namatay akong matandang dalaga.

"Mamili ka lamang ng petsang nais mong balikan. Maaaring magbabago ang mga pangyayari ngunit malaki ang kapalit niyon. Mga tao lang sa paligid mo ang magbabago. Bibigyan lamang kita ng pagkakataong mabuhay ulit sa araw na iyon at sulitin ang buhay mo. Baguhin mo man o hindi, patay ka pa rin."

Tinakpan ko ang aking mga mata ngunit nakikita ko pa rin ang liwanag. Petsa? Sa edad kong otsenta, nakalimutan ko na ang ibang mga petsa. Dalawang petsa lamang ng buhay ko ang naalala ko: kaarawan ko at ang araw na nakilala ko siya.

"Ika-sampu ng Disyembre 1960."

Sa mga salitang iyon, biglang nawala ang liwanag. Hindi ko na namalayang, nahuhulog na ako pababa.

----

5:00 am

Ito ang mga araw ko noong nabubuhay pa ako. Gigising bago mag-alas singko at ihahanda ang mga ititinda ko sa eskwelahan.

Bumangon ako sa lumang kama ko at binuksan ang bintana sa aking kwarto. Hindi pa sumisinag ang araw ngunit nakikita ko ang mga kulay asul at kahel sa langit.

Nakakapanibago lamang na mas malakas ako ngayon. Tinignan ko ang buong katawan ko, ito ang aking katawan noong bente anyos pa ako. Walang rayuma at walang sakit sa buto. Luminaw na rin ang paningin ko.

Tumingin muli ako sa aking bintana. Natatandaan ko ang mga dating kapitbahay namin at kung paano sila magchismis at magsugal tuwing hapon. Natatandaan ko kung paano ko salubungin ang bawat araw na nagbabalot ng suman.

Ilang sandali, sumilip ang araw sa gitna ng mga bulubundukin. Naririnig ko ang pagtilaok ng mga manok. Nadadama ko ang lamig ng simoy ng umagang hangin.

"Hiraya! Maligo ka na!" tawag sa akin ni Inang. Ito ang araw-araw na pambungad niya sa akin tuwing umaga. Sa petsang ito, ako pa lang ang anak niya. Hindi pa sinisilang ang iba kong mga kapatid.

Mabilis akong tumakbo papalabas ng aking kwarto at nadatnan ko sila ni Amang na nagluluto. Niyakap ko silang dalawa sa likod ngunit nakatanggap ako ng pagpalo ng sandok sa aking ulo.

Hindi ko talaga ugaling maglambing. Ngayon ko lang iyon ginawa.

"Maligo ka na nga, ang baho ng hininga mo," ani ni Amang. Hindi rin pala-lambing ang pamilya ko. Masyado kasing matamis, at ayaw namin 'yun.

Nagtungo ako sa banyo at naghanda tulad ng dati kong gawain. Pagkatapos niyon ay nagbalot ako ng suman upang itinda. Nakakamiss din pala ang haplos ng tubig at hangin. Nakakamiss din maging dalaga.

Tumingin ako sa salamin habang nagsusuot ng uniporme. Wala akong sapatos kaya sapat na ang tsinelas ko. Ang ganda ko pala noon. Walang nang mga kulubot sa mukha ko, makinis at morena.

Alam ko ang mangyayari sa araw na ito at alam ko na ang gagawin ko.

Kinuha ko ang bilao ng mga suman at nagmadaling lumabas ng bahay ngunit natigil nang marinig ang sigaw ni Inang, "Kumain ka!"

"Hindi na po! May importante akong gagawin!" Sigaw ko pabalik habang tumatakbo palayo. Naririnig ko pa rin ang sigaw ni Inang ngunit hindi ko na gaano pinansin sa tulin ng aking pagtakbo.

8:00 am

Sa umagang ito ay may higit na kagalakan sa bahagi ko lalo na sa aking mga mata. Sa umagang ito ay may higit pang pag-ibig na naghihintay ng isa pang pagkakataon sa aming kaluluwa. Sa umagang ito ay may higit na malalalim na tamis na sumasalamin sa kalooban ko.

Sa umagang ito ay makikita ko na siya, ang dahilan ng aking pagiging matandang dalaga, dahil ito ang araw na nagkakilala kami.

Nagsimula ang aming klase sa History. Education ang kinukuha kong kurso, hindi dahil gusto ko kundi dahil wala kaming pera pang-matrikula. Kung papipiliin man ako ng kurso, hindi ko pa rin alam ang kukunin ko.

"Ipasa ang inyong mga takdang aralin," bungad ng guro sa harapan.

Nagsisimula na ang mga pangyayari. Alam ko ang mangyayari rito. Magtataka dapat ako na may pinapagawang takdang aralin. Manghihingi dapat ako ng papel sa mga kaklase ko pero sa ngayon, hindi ko ginawa. Aksaya lamang ng oras ko 'yun.

Ilang segundo ang nakalipas, nagpasa sila ng mga papel sa harapan. Kumuskos ang aking mga paa sa ilalim ng mesa habang naghihintay.

May mga ilan na pasikretong bumibili sa akin ng suman upang hindi mahuli ng guro. Pinansin ko naman sila ngunit isa lamang ang hinihintay ko.

Bumukas ang pinto ng silid-aralan.

 Sa wakas, nandito na siya. Matagal ko na siyang nakikita sa eskwelahan na ito subalit ngayon lang kami magkakaroon ng ugnayan.

"Isagani! Lagi ka na lang nahuhuli sa klase." Sermon ng guro sa kaniya.

Gaya ng inaasahan ko, umupo siya sa tabi ko dahil ito lamang ang upuan na bakante. Hindi na ako nag-atubili at kinausap siya ngunit inunahan niya ako.

"Magkano 'yang suman mo?"

Siya ay guwapo mula sa lalim ng kaniyang mga mata hanggang sa banayad na pagpapahayag ng kanyang tinig. Ang kaniyang matatamis na ngiti at mga mata ay siyang nagpapahulog sa akin. 

Alam kong hindi maganda ang pagtatapos ng relasyon namin ngunit hindi ko maipagkakaila na siya pa rin ang tinitibok ng aking puso hanggang pagtanda. Hindi ako pala-lambing at mapagmataas ako, kaya siguro hindi gumana ang relasyon namin.

Susungitan ko dapat siya, ngunit sa aking pagkagulat kabaligtaran ang ginawa ko. Kaya siguro ako binigyan ng pangalawang pagkakataon ay upang matuto sa mga kamalian ko.

"Isang salapi."

"Ang mahal naman," reklamo niya. Nawala ang paggugunita ko sa kaniya nang magreklamo siya. Bumabalik na naman ang dati kong ugali. Mapagmataas at hindi malambing.

"Kung makareklamo ka akala mo naman nagtitinda ka rin. Akin na 'yang takdang aralin mo," Iyan eksakto ang sinabi ko noon, inulit ko lang ngayon.

Syempre natakot siya. Alam kong takot siya sakin. Kaya rin siguro napalayo siya sa akin sa gitna ng relasyon namin dahil sa takot. Mahiyain siya, samantalang makapal ang mukha ko. Hindi ako nakakaramdam ng hiya. 

Inabot niya ang piraso na papel. Imbes na kunin iyon tulad ng ginawa ko noon, sinagi ko ang bilao ng aking suman kaya't nahulog iyon sa gitna namin.

Mabilis naman siyang rumesponde. Habang pinupulot namin ang suman, sinadya kong ipaglapit ang mga kamay namin. Nangungulila ako sa haplos ng mga kamay niya. Higit sa lahat, nangungulila ako sa kaniya.

Napakamot siya sa kaniyang ulo at inabot muli ang papel, "Heto 'yung takdang aralin, ano bang gagawin mo rito?"

Bago ko kunin 'yun, tinitigan ko siya ng matagal. Nais kong sabihin sa kaniya lahat ng pagkukulang ko at kung gaano ako nagkamali. Nais kong sabihin sa kaniya na napakabuti niyang tao upang umibig sa akin.

"Kokopyahin, kapalit ng suman," Kinuha ko ang papel ngunit pinadulas ko muli ang aking kamay sa kaniya na siyang nagbibigay ng kilig sa aking mga daliri papunta sa aking puso.

Agad niyang binawi ang kamay niya at inayos ang kaniyang upuan saka tumikhim. Para sa kaniya, ito ang una naming tagpo ngunit para sa akin, ito ang pangalawa.

11:00 am

"Masarap ang suman mo," hindi na ako nagulat sa sinabi niya bagkus ay nginitian ko na lamang siya. Alam ko ang susunod niyang sasabihin kaya inunahan ko na.

"Oo, nais kong kumain kasama ka Isagani."

Sandalian siyang nagulat ngunit agad iyon napalitan ng pamumula sa kaniyang pisngi at tainga. Kilalang-kilala ko na siya. 

Hindi ko lubos maisip kung gaano kaganda ang pangalan niya. Isagani. Sobrang ganda at nahuhumaling ako.

Sabay kaming tumayo at nagtungo sa paborito naming kainan - Lugawan ni Aling Nena. Dito kami madalas kumain noong lagi ko siyang kasama.

Napuno kaming dalawa ng katahimikan habang kumakain. Katapat ko siya ngayon. Nararamdaman kong nahihiya pa rin siya at alam kong umiiral pa sa utak niya ang mga sinabi ko kanina.

Naalala ko na lamang kung paano nagwakas ang ugnayan namin. Ako ang unang lumayo. Ayoko kasi pumasok sa mga pangako. Ayoko ng commitments. Hindi pa ako handa. Sa katunayan, malayo ang relasyon namin sa commitments pero tinigil ko na para hindi na humantong doon.

Akala ko kakausapin niya pa ako matapos niyon. Kahit bilang kaibigan, akala ko kakausapin niya pa ako. Maging siya ay lumayo na rin.

Gustuhin ko man siyang kausapin, hindi ko magawa dahil mapagmataas ako sa sarili ko. Nagpanaig ako sa pride ko. Hindi na kami nag-usap simula niyon. Ni hindi man lang kami nakapagsabi ng 'Mahal kita.'

May mga pagkakataong nahuhuli ko siyang sumusulyap pero alam kong hanggang doon na lang. Tumanda akong siya pa rin ang iniisip ko. Hindi kami nagkaroon ng mga 'paalam.' Ganoon na lamang nagtapos 'yun.

Nabalitaan ko na lamang na wala siyang pinakasalan, dahil ramdam kong ako pa rin. Pride lang talaga. Siguro kung umibig ako ng mas higit pa, magiging masaya kami.

Nabalik ako sa ulirat nang tumikhim si Isagani. Alam ko ang sasabihin niya. Ang saya lang tignan ang reaksyon niya tuwing inuunahan ko siya.

"Hindi mo na kailangan bayaran 'yung suman. Huwag ka nang magtanong kung bakit. Nababasa ko ang tanong sa mukha mo."

Marahan siyang tumawa sa sinabi ko. Ngayon ko na lang ulit nakita ang tawa niya. Ito na ang pagkakataon kong magtanong sa kaniya. Mga tanong na matagal nang nasa utak ko at hindi nasagot dahil sa naudlot naming ugnayan.

"Kung bibigyan ka ng pagkakataong umibig, ano gagawin mo?" gusto kong malaman kung ano ang hinahangad niya sa isang relasyon. Dito ko malalaman ang panig niya. Sa ugnayan namin, laging ako ang gumagawa ng unang mga galaw.

Lagi ko siyang inuunahan, pero syempre kaakibat pa rin niyon ang pride ko. Alam kong nahihiya siya kaya binababaan ko pride ko minsan. Naalala ko ang mukha niya noong inamin kong gusto ko siya. Buong araw ay nagreklamo siya sa akin na dapat siya ang unang umamin.

"Bakit mo naman natanong 'yan? Umiibig ka na ba?" tanong niya.

Nais kong sabihin 'Oo umiibig ako sayo' pero hindi na muna.Baka layuan niya ako, "Hindi, gusto ko lang alamin saloobin mo bilang isang lalaki."

Hinigop niya muna ang natitirang lugaw bago tumugon, "Syempre, hindi ko iiwan. Hangga't may rason pa upang manatili, mananatili ako."

Kasinungalingan. Iniwan niya rin ako gaya nang iniwan ko siya.

"Kung lumayo ang babaeng iniibig mo at nalaman mong ayaw na niyang ituloy dahil hindi pa siya handa, anong gagawin mo?"

Sandali siyang natigil at nag-isip bago tumingin muli sa akin. 

"Irerespeto ko desisyon niya. Iintindihin ko siya pero lalayuan ko rin muna baka kailangan niya muna mapag-isa."

Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit siya lumayo, "Tapos? Ano pa gagawin mo?"

"Wala. Hihintayin ko siyang bumalik."

2:00 pm

Natapos ang aming klase. Kalahating araw lamang kami pumapasok, 'di tulad ng nadatnan kong bagong henerasyon na magdamag nasa eskwelahan. 

Maagang umuuwi si Isagani upang tumulong sa bahay nila, ngunit hindi naman masama kung hingin ko ang araw na ito na kaming dalawa lamang diba?

Tinapik ko sa balikat si Isagani na ngayo'y nagliligpit ng kaniyang mga kwaderno,"Pwede mo ba akong samahan?"

Kumunot ang noo niya at siguro'y nag-iisip kung uuwi pa o hindi, "Saan?"

Kinalikot ko ang aking mga daliri at nag-isip. Hindi pwede sa plaza, baka hindi siya pumayag. Dapat 'yung kapani-paniwala, "Uh sa silid-aklatan. Magpapaturo sana ako sayo."

"Sige ba. Basta libre mo ako meryenda."

Tumango ako sa kaniya at sabay kaming nagtungo sa labas upang bumili muna ng pagkain. Sa totoo lang, matalino siya. Sobrang talino.

Kinapkap ko ang bulsa ko, may dalawang piso pa rito. Kung kumulang man, kukuha ako sa mga pinagtindahan ko.

Bumili ako ng dalawang Pepsi at Kropek sa nagtitinda sa harapan ng eskwelahan. Ito ang paborito naming kainin pagkatapos ng klase.

"Paborito mo rin ba 'yan? Nachambahan mo yata gusto kong pagkain." Natutuwang sambit niya at kinuha sa akin ang softdrinks at kropek. Muling nagtama ang aming mga balat.

"Syempre, paborito ng bayan 'to eh."

Pinanood ko siyang sumipsip ng Pepsi mula sa straw. Nais ko siyang haplusin. Nais ko siyang yakapin. Nais kong gawin ang mga bagay na hindi ko nagawa at sabihin ang mga salitang hindi ko nasabi.

"Anong pangarap mo sa buhay Isagani?"

Naglalakad kami ngayon papunta sa silid-aklatan habang kumakain.

"Magiging musikero ako. Tapos syempre gusto ko ng mga anak at asawa. Labing dalawang mga anak, sapat na 'yun. Lahat sila tuturuan kong tumugtog. Ikaw?" sambit niya habang nakatingin sa malayo at parang nangangarap.

Mahilig mangarap si Isagani. Hindi siya tumitingin sa nakaraan, kundi lagi ang hinaharap ang tinitignan niya. Kung alam niya lang na tatanda rin siyang binata. Nakakaguilty lang na ako ang dahilan niyon. Sinira ko pangarap niya.

"Ako? Uhm parehas tayo ng pangarap." Parehas, kasi gusto ko kasali ako sa mga pangarap niya.

Nagtungo kami sa silid-aklatan matapos kumain. Habang naghahalungkat ako ng mga libro sa siyensya, sinilip ko siya sa mga upua't lamesa. Pinanood ko siyang, bumuklat ng mga libro. Pinanood ko siya kung paano hanginin ang buhok niya dahil sa bentilador.

Siya ay binatang puno ng mga pangarap.

Napapaisip pa rin ako kung paano ko mababago ang mga pangyayari at tuparin ang mga pangarap niya. Iwan ko na lang kaya siya rito, pero baka matuloy ang pagkikita namin sa susunod na araw kung gagawin ko 'yun.

Habang pinapanood siya, pinukaw niya ang emosyon ko. Mga alaala kasama siya ay paulit-ulit na naglalaro sa isipan ko.

Paano namin natutunan mahalin ang isa't isa?  Bakit namin nahanap ang bawat isa kung maghihiwalay lang rin kami sa dulo?

Buong buhay ko lagi akong napapaisip kung gaano kasayang ang pagkakataon. Habang lumilipas ang mga araw, lagi akong napapaisip ng maraming bakit.

Matutuwa ba ako ngayong may isang araw na magkasama kami? Ito ba talaga ang gusto ko? 

Ngayon ko lang napagtanto kung gaano kaganit ang buhay pag-ibig ko dahil kinulang ako sa pagbigay ng pag-ibig. 

Kung hindi namin kayang magpaalam, bakit hindi kami pinagtagpo muli?

Kumawala ako ng buntong hininga at kumuha ng libro sa Physics. Umupo ako sa tapat niya at nagpaturo sa susunod na leksyon namin. 

5:00 pm

Marami siyang mga binabanggit kaso napupuno ang isip ko ng mga bagay-bagay habang lumilipas ang oras. Nasasayang na ang isang araw ko.


"Naintindihan mo ba?" tanong niya.

"Oo. Hindi naman importante ang Physics. Mas importante ang pagmamahal," wika ko sa kaniya.

Sinara niya ang libro at tumawa muli, "Kanina ka pa nagpapakalugmok sa pag-ibig. Magdadapit hapon na pala, uwi na ako. Bukas ulit."

Tatayo na sana siya ngunit hinawakan ko siya sa braso. "Sandali!"

Nagtataka niya akong tinignan, ngunit nawala iyon sa mukha niya at umupo ulit, "Kung magkikita man tayo bukas at sa susunod na mga araw, may hihilingin sana ako."

Humigop muna ako ng maraming hangin bago humarap sa kaniya, "Mangako kang hindi mo ako mamahalin."

Inaasahan ko siyang tumawa subalit kabaligtaran ang ginawa niya. Seryoso ang kaniyang mukhang nakatitig sa akin na para bang alam niya rin ang mangyayari sa amin o baka gusto na niya ako bago kami magkita. Hindi ko alam.

"Sino ka upang diktahan ang damdamin ko? Paano kung nagugustuhan na kita?" 

Wala ito sa pangyayari ng buhay ko. Nagbago na nga. Mas nauna na siyang umamin kaysa sa akin.

Nanatili ang tinginan naming dalawa. Hindi ko nababasa ang mga emosyon niya ngyon ngunit alam kong namumuo na ang luha sa mga mata ko. Mali ito. Mahal ko siya, pero tama na. Nadadamay ang mga pangarap niya.

"Kasi hindi tayo pwede. Hindi tayo tinadhana kaya itigil mo na 'yan," tumayo ako sa upuan ko at umalis sa silid-aklatan. Kailan ba ako magiging handa? Bakit naiinis pa rin ako sa mga salitang 'gusto,' 'mahal,' at 'tadhana'? Hindi ba ako karapat-dapat umibig?

Kilala ko si Isagani. Hindi siya 'yung tipong naghahabol sa babae dahil sa hiya niya. Gaya ng inaasahan ko, wala pumigil sa aking paglalakad pauwi. Hindi ko na siya narinig. Wala akong narinig na 'Hiraya, sandali!'

Nananaig na naman ang pride sa aming dalawa.

8:00 pm

"Inang, Amang. Mag-igib lang po ako tubig," pagdadahilan ko sa kanila. Kailanman, hindi ko sinabing umiibig ako. Hindi ako malapit sa kanila. Siguro dahil ako ang panganay at kailangan magmukhang matatag ako sa kanila. 

Kailangan hindi ko maipakita ang kahinaan ko. Kaya siguro hindi ko nasasabi ang mga sikreto ko. Kaya siguro mas malapit sila sa mga kapatid ko.

"Sige, bili ka na rin Suka," utos ni Inang mula sa kusina. Lumapit ako sa kaniya at dahan-dahan na niyakap siya sa likod.

Pasensya na kung hindi ko man lang masabi ang 'mahal kita Inang at Amang.' Pasensya na kung matigas ang puso ko. Pasensya na kung hindi ako malambing katulad ng mga kapatid ko. Iyan ang mga gusto kong sabihin sa kaniya ngayon.

Hindi yumakap pabalik si Inang pero ramdam kong nagustuhan niya ang yakap ko. Nais kong sabihin na naghihirap ako tulad ng normal na tao. Nais kong sabihin na nalulungkot ako. Nais kong sabihin na nasasaktan din ako.

Nais kong sabihin na hindi ko siya mabibigyan ng mga apo gaya ng pangarap niya. Nais kong sabihin na nasira ang buhay ko dahil sa kakulangan ng pag-ibig.

Humiwalay ako sa yakap niya at sinunod ko si Amang. Ganun pa rin ang nilalaman ng utak ko. Sobra ang pagpipigil ko ng mga luha ngayon upang hindi nila makita. Naiinis ako sapagka't sarili kong ugali ay hindi ko mabago dahil sa pride.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na sabihin ang mga matatamis na salita ngunit walang lumalabas sa bibig ko. Siguro nga'y hindi ako karapat-dapat magkaroon ng pangalawang pagkakataon.

Umalis na ako sa kabig ni Amang. Sapat na siguro ang yakap upang ipakita na mahal ko sila. Nilagay ko ang pirasong papel sa bulsa ko at binitbit ang timba.

Hindi naman talaga ako mag-iigib. Tinahak ko ang daan patungo sa bahay nila Isagani. Pagkakataon na upang babaan ang pride ko.

Medyo malayo-layo ang bahay nila sa amin, ngunit 'di yun alintana.

11:00 pm

Mahigit isang oras na akong naghihintay sa tapat ng bahay nila subalit hindi ko machambahang tawagin si Isagani. Iniisip na siguro nina Inang at Amang na nawawala na ako o kaya nahulog na sa kanal.

Huminga ako ng malalim at kumatok sa kanilang bakal na tarangkahe. Nakailang katok na ako hanggang sa nakita kong may nagbukas ng ilaw sa kanilang bahay.

Lumabas ang nanay ni Isagani, "Sino 'yan?"

"Kaklase po ni Isagani. May kailangan lang po akong ibigay at sabihin," ani ko habang dumudungaw sa bahay nila.

"Pasok ka, gabi na," paanyaya ng nanay niya.

"Hindi na po. Saglit lang ito tsaka aalis na rin po ako."

Tumango ang nanay niya at pumasok sa loob, "Isagani!"

'Di kalaunan, lumabas ng bahay si Isagani. Naka-shorts siya at manggas. Kinusot-kusot pa niya ang mata niya bago lumabas sa kanilang tarangkahe, "Oh, Hiraya, anong ginagaw--"

Hindi na natapos ang sasabihin niya nang sunggaban ko siya ng yakap.

Sa pagyakap ko ang mundo ay parang tumigil. Walang oras, walang hangin, walang ulan. Puro kung magmahal si Isagani. Hindi makasarili, hindi mapaghigpit at libre.

Naramdaman kong lumambot ang katawan niya at nakiyakap na rin. Ito ang pag-ibig na hinihintay ko.  Ito ang una naming yakap. Una at huli. Ang isang pag-ibig na tulad nito ay dapat mahalin sa buhay. Ngunit hindi ako 'yun.

Hinaplos ni Isagani ang buhok ko at mas hinigpitan ang yakap. Sa yakap niya, parang naramdaman kong pinapatawad niya ako. Naramdaman kong naiintindihan niya ako.

Hindi nagtagal, humiwalay si Isagani sa yakap, "Para saan 'yun?"

"Pamamaalam," maikli kong sambit.

Tumingin muna siya sa paligid at sa loob ng bahay nila upang suriin kung may nakatingin, "Pamamaalam? Aalis ka na?"

"Siguro, aalis na ako. Gabi na," kinapkap ko sa aking bulsa ang piraso ng papel, "Heto. Kalimutan mo na ako Isagani."

Umuwi na ako sa bahay at magdamag na nagsulat ng mga liham para sa aking mga magulang at kaibiga. Kung makikita pa nila ako sa susunod na araw, mabuti iyon. Iyon na pala ang mga huling salita na sinabi ko kay Isagani bago ako maglaho sa mundo. 

----

Sinalubong ulit ako ng nakakabulag na liwanag.

"Tapos na ang isang araw mo. May mga binago ka. Binanggit ko kanina na malaki ang kapalit kapag binago mo," bigkas ng tinig.

Tinakpan ko ulit ang mga mata ko sa nakasisilaw na liwanag, "Ano po 'yun?"

Bigla na lamang humina ang liwanag at sa harapan ko ay isang parihabang balangkas kung saan may dalawang mag-asawa masayang nagkakantahan sa salas habang tumutugtog ang labing dalawa nilang anak.

Tumulo ang mga luha ko na parang tubig mula sa isang talon, na dumulas sa aking mukha. Pakiramdam ko ay nanginginig ang mga baba at bibig ko tulad ng isang maliit na bata. Patuloy kong pinanood ang pamilya.

Naririnig ko ang aking sariling mga hikbi, tulad ng isang nabalisang bata. Ito ay tumatagal ng higit pa sa aking inaasahan.

Nag-iba bigla ang pinapakita sa balangkas. Sa kalagitnaan ng entablado, naging sikat na musikero ang lalaki. Matapos siyang tumugtog, nagtungo siya sa likod ng entablado.

Mula roon, kinuha niya mula sa kaniyang bulsa ang isang papel. Ito ang papel na binigay ko sa kaniyang noong isang gabi.

"Mawawala ka sa kanilang mga alaala," ani ng tinig.

Pinanood ko si Isagani na naka-kunot noo habang binabasa ang papel. Nag-iba ulit ang pangyayari, sa pagkakataong ito ay nasa loob na ng kwarto si Isagani habang binabasa pa rin ang papel. Mas matanda na siya kung titignan at nalilito pa rin siya.

Naalala ko pa rin lahat ng mga sinulat ko roon.

Disyembre 10, 1960


Mahal kong Isagani,


Sana nasa mabuti kang kalagayan. Siguro nga'y hindi mo naiintindihan ang mga kinikilos ko nitong araw. Hindi ko lang maipaliwanag sayo lahat.


Nagsisinungaling ako kapag sinabi kong hindi ako nangungulila sayo, kasi may katiting na kirot sa puso ko tuwing naalala kita. Mahal kita. Hindi ko 'yan nasabi sayo kahit isang beses. Sa katunayan, mahal pa rin kita hanggang pagtanda. Ngunit hindi ibig sabihin niyon ay gusto kong magkatuluyan tayo dahil ngayon ay naiintindihan ko na. 


Salamat. Salamat dahil ikaw ang pinaka-una't huling inibig ko. Kung hindi dahil sayo, hindi ko malalaman kung paano umibig ng tunay. Salamat sa kropek, pepsi at lugaw at sa lahat ng mga alaalang nabuo natin.


Mali tayo. Sobrang mali sa umpisa pa lang. Hindi kita sinisisi dahil hindi kita nakatagpo sa hinaharap. Sa totoo lang, hindi pa ako handang mangako. Iba-iba tayo ng gusto sa buhay. Huwag mo rin sanang sisihin sarili mo.


Pasensya na dahil mapagmatigas ako at mahirap ibigin. Pasensya na dahil lumayo ako sayo at pinaghintay pa kita. Sana naghanap ka na lang ng bago ngunit hindi kita masisisi kung ako pa rin tinitibok ng puso mo. Pasensya na dahil nasira ko ang pangarap mo. Hindi iyon natupad kahihintay sa akin. Kaya siguro nanaig ang pagiging mapagmataas ko dahil bala hindi tayo para sa isa't isa.


Isa kang mabuting tao. Hindi ako nababagay sayo. Mahihirapan ka lang kapag kasama mo ako. Kaunting pagmamahal lamang ang mabibigay ko. Marami kang talento at pangarap. Matalino ka. Sana makita mo 'yun, dahil ako nakikita ko ang mga kakayahan mo.


Kung minahal kita ng higit pa siguro magiging masaya tayo, ngunit ang pag-ibig na iyon ay mahirap para sa akin. Nahihirapan ka na siguro dahil kasama mo ako.


Mahihirapan tayo dahil maraming tayong mga alaala sa isa't isa. Labis kitang gusto pero kailangan na kitang palayain. Kailangan na kitang iwan. Ito lamang ang kayang kong gawin. Ito ang makakabuti sa atin. Maaari ka nang magpatuloy sa buhay kasama ako bilang mga alaala mo.


Kalimutan mo na ako at mamuhay ka ng maligaya. Tandaan mo lamang na lagi kitang mamahalin.


Kalimutan mo na ako.


Nagmamahal,

Hiraya.


************************************

#JustOneYesterday

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top