Take 5

"Sino bang pinupuntahan mo sa rooftop, Rie? Ilang days ka nang pabalik-balik do'n, a," sabi ni Diane. "May tinatago ka ba sa amin?" Naningkit ang mata niya habang tinititigan ako.

Ang aga kong dumating sa room kasi tatambay sana ako sa rooftop. Hindi ko pa kasi naranasan tumambay sa rooftop ng ganitong oras. Tanging lunch lang yung time na nakakapag-usap kami ng taong 'yon. Kaso nga lang, eto at na-corner ako ng mga kaibigan ko. At malamang sa malamang ay hindi ako titigilan ng mga ito.

Napaisip ako, dapat bang secret yung pagkikita namin ng lalaking 'yon sa rooftop? Wala naman kaming rules sa isa't isa, diba?

Tiningnan ko ang mga kaibigan ko na naghihintay ng isasagot ko. Ayoko namang magtago sa kanila, pero syempre, tingin ko, pag sinabi ko ay kukulitin nila akong ipakilala siya. Ni hindi ko pa nga alam ang pangalan niya, ayoko namang maunahan nila.

"Wala. Gusto ko lang magka-me time kaya ako tumatambay do'n," sagot ko na lang.

Nalukot ang mga mukha nila na parang hindi iyon ang inaasahang sagot ko.

"Kailan naman yung kami?" nag-puppy eyes si Ianne. "Namiss ka na namin, bakla ka ng taon!"

Natawa naman ako. "Ge, mamayang lunch, sabay-sabay tayong kumain para matahimik na ang mga kaluluwa ninyo."

Napapalakpak sila't pinaikot ang kamay bago nag-apir. "Recorded na 'yan!"

Kumunot ang noo ko. "Anong recorded?"

Inangat ni Diane ang cellphone niya tapos pinindot ang button, saka ko narinig ang sinabi kong, "Ge, mamayang lunch, sabay-sabay tayong kumain para matahimik na ang mga kaluluwa ninyo."

"Ebidensya para wala ng kawala!" natatawang wika ni Ianne.

Napailing na lang ako.

♥♥♥


Tinatapik-tapik ng mga daliri ko ang lamesa habang sinasabayan ang beat ng Superman by Five For Fighting na tumutugtog sa earphones ko. Nagbabaka sakali na may mahanap na tamang salita sa gagawin kong message para doon sa lalaking maghihintay sa akin mamaya sa rooftop. Sa totoo lang, hindi ko nga alam kung bakit ko ginagawa 'to kung nung nakaraan nga, nagawa niya akong iwanan sa ere na hindi nagpapaalam.

Bumuga ako ng hangin at napailing. "Bahala na." Nagsimula na akong magsulat. Simple lang naman 'yon dahil ayokong masyadong pinagugulo ang mga bagay-bagay.

Hi,

Mali-late muna ako ng akyat dito or baka hindi muna ako sumulpot ngayong araw. Babawi kasi ako ng lunch kasama ang mga kaibigan ko.

Hope you don't mind. Bawi na lang din ako sayo.

- The Girl Who Can’t Be Named

Wala pa ang mga kaibigan ko. Bumaba kasi sila sa canteen para bumili. Sinadya kong magpaiwan muna para makagawa nitong letter at makapuslit kahit saglit sa rooftop since recess pa naman.

Mabilis kong niligpit ang mga gamit ko at iniwan muna iyon sa upuan nang bumukas ang pintuan at narinig ko ang boses ni Joana na parang naghahamon ng away. Ganyan ang normal na boses niya pero mahinhin naman kung kumilos. Isa siya sa mga kaklase ko.

"Rie, saan punta mo?"

Natigilan ako at napapikit. "Joana... um. Sa banyo sana."

"Talaga? Tara samahan na kita."

Umawang ang labi ko nang lampasan niya ako at ibinaba ang bag niya sa upuan niya. Narinig ko na ang boses niya na sagana sa umaga at daig pa ang nakalunok ng megaphone. Kasalanan iyon nang nage-echo niyang boses sa classroom namin. "Let's go! Let's go!"

Nakabawi naman ako nang hawakan niya ako sa braso. "E ano... dederetso akong canteen pagkatapos. Sasama ka pa rin?"

Tumango siya sabay ngiti sa akin. "Oo, bakit? Tamang-tama, kakain din kasi ako. Wala akong kain kanina. Maaga na 'kong gumising."

Bumuga ako ng hangin at walang nagawa nang hilahin niya ako palabas ng classroom. Buti na lang yung braso kong hawak niya ay wala roon ang sticky note. Nang makapasok kami sa banyo ay magkahiwalay na cubicle ang ginamit namin kaya madali kong nilagay sa bulsa ko ang sulat. Sinubukan ko na ring jumingle kahit hindi naman talaga ako nababanyo. Pero wala, kaya ang ginawa ko, binuhusan ko na lang kunwari ang bowl para kunwari naihi talaga 'ko.

"Balita ko may dinidate ka raw sa rooftop, sino 'yon?"

Nang lumabas ako ng cubicle ay naabutan ko siyang binabasa ang buhok niya. Tumabi naman ako sa kanya at hinugasan ang kamay ko.

"Baliw! Nagpapahangin lang ako sa rooftop," katwiran ko.

Nakita kong nagtaas siya ng kilay sa salamin habang nasa akin ang mga mata. "Kailangan bang araw-araw 'yan? At dalawang oras mo talaga kailangang magpahangin?"

Talagang kalkulado nila. Pero sabagay, iyon naman talaga ang oras ng lunch namin. Irerelease kami sa klase ng 11:45 a.m. tapos ang balik namin ay 1:00 p.m. mula roon ay magkaklase kami hanggang 4:00 p.m. dahil iyon naman ang uwian namin.

Pero kung iisipin, talagang kulang pa rin sa amin iyon. Feeling ko, kung pagmamay-ari lang namin ang oras, hindi magiging sapat sa amin ang 24 hours na meron ang Earth. Ganoon kagaan ang loob namin sa isa't isa.

"'Di naman."

Lumabas na kami ng banyo at naglakad na papunta sa canteen. Dumaan pa kami sa connected building ng junior high school bago kami nakaabot sa canteen. Kaunti pa lang naman doon ang tao kaya malaya pa kaming makakabili ng mga pagkain namin.

"Anong sayo?" tanong ko sa kanya.

"Turon lang tapos tubig. Ikaw?"

Umikot naman ang mga mata ko sa mga paninda hanggang sa natagpuan nito ang cup noodles. Iyon ang sinabi ko kay Joana pati na rin pala C2.

"Ate, dalawang turon, isang tubig. Tapos, cup noodles saka C2," sabi niya sa tindera.

Inuna ng tindera ang turon at tubig ni Joana bago ito nagtanong. "Anong cup noodles?"

"Bulalo, Ate," ako ang sumagot.

Inabot ko ang bayad ko kay Joana at binayaran niya iyon sa cashier. Ako naman ang kumuha ng order ko at saka dumeretso sa water dispenser para lagyan ng mainit na tubig ang noodles ko.

Habang nilalagyan ko ng seasoning ang cup noodles ay nakarinig kami ng maiingay na grupo ng mga estudyante.

"Nag-chat si Diane, hinahanap ka," sabi ni Joana.

"Sabihin mo punta na lang sila rito."

"Tinatamad daw sila."

Napailing na lang ako. Kahit kailan talaga yung mga babaeng 'yon.

"Papabili raw si Pamela ng barbecue," sabi pa niya. "Sa classroom na lang daw niya bayaran."

Nagkatinginan kaming dalawa. "Sinong bibili?" tanong ko.

"Ikaw na lang. Ako na lang magbabantay rito sa pagkain mo."

Tumango ako bago siya nilampasan. Medyo dumarami na ang mga estudyante rito sa canteen. May iba kasi na wala pa namang klase. Tulad namin, vacant ang sunod na subject. Kaso paano ko nga ba magagawang ipuslit 'tong letter kung ayaw na ako pakawalan ng mga 'to.

Lumapit na ako sa mga paninda at binili ang gusto ni Pamela. Ang alam ko, dapat inuulam yung ganitong pagkain. Kaso para sa kaklase ko, snacks niya lang ito. Napailing na lang ako.

"Ate, dalawang bicho-bicho," sabi ng katabi ko.

Napalingon ako sa kanya nang magtama ang mga paningin namin. Saglit na nanlaki ang mga mata ko.

At ewan... natulala na lang ako.

"Dai, barbecue mo," sabi ng tindera dahilan para makabalik ako sa realidad.

Mabilis ang kabog ng puso ko at agad na inabot ang plastik ng barbecue at binayaran iyon.

"Ito na yung bicho-bicho mo–"

Hindi ko na pinatapos ang sasabihin ng tindera at nagmadaling umalis sa pwestong iyon. Lumapit ako kay Joana at agad na ipinahawak sa kanya ang barbecue ni Pamela saka siya inayang umalis.

Bumuga ako ng hangin nang makalabas kami ng canteen. Nang sigurado akong malayo na kami sa canteen ay napaupo ako sa upuan nang naunang canopy.

"Anong nangyari sayo?" nagtatakang wika ni Joana.

Pero hindi ko siya masagot. Biglang parang hindi ko na alam kung paano magsalita. At sa hindi malamang dahilan, nakaramdam ako ng takot...

... ngayon na nagkita na kami na hindi sa rooftop, tuluyan na kayang may magbabago?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top