Take 1

Fuck uncertainties. 

“Malapit na tayong mag-college. Anong balak niyo?” 

Ito yung tanong na nakakapag patigil talaga sa akin sa mga ginagawa ko eh. Ramdam ko yung pressure. I mean, halos nagsisimula pa lang ang taon namin sa Grade 12 tapos college na agad ang pinag-uusapan? 

“Sabi ni mama mag-teacher raw ako. ‘Yon kasi yung line of industry namin,” ani Ianne, isa sa kaibigan ko.

“‘Yon ba gusto mo?” tanong ko sa kanya.

Simula pa lang nung Grade 10 kami, magkaka-tropa na kami. Yung nagtanong kung anong balak namin sa college, si Diane ‘yon. Siya yung parang leader sa grupo namin, alam ang gusto kaya pinupush niya rin kaming alamin ang gusto namin. Si Ianne naman, mabait. At masunurin sa magulang, paboritong anak ‘yan. 

Tatlo lang kami. Pero mas madalas, dalawa lang sila. May sarili kasi akong mundo. 

“Hmm…” napaisip siya. “Magugustuhan din naman. Wala kasi akong plano talaga sa buhay ko. Kaya okay sa akin na may plano ang magulang ko para sa akin.”

“Aww,” na-touch na sinabi ni Diane. “It’s good that you’re happy with their decisions for you, Ianne. Hindi lahat kayang maging masaya para sa desisyon ng magulang nila sa kanila.”

Sila lang ang nagkakaintindihan. Lugi naman kasi yung maagang humiwalay sa magulang. Kailanman, hindi ako magiging masaya na may nagdedesisyon para sa akin. Iyon ang madalas naming pag-awayan ng magulang ko nung nasa puder pa nila ako, kaya ayon—lumayas ako para wala na kaming pag-awayan.

“Ikaw ba, Rie? Anong plano mo?” balik na tanong sa akin ni Ianne.

Tumayo na ako at binitbit ang black sling bag na lagi kong gamit. Gusto kong tumambay sa rooftop ngayon. Mahangin. 

“Ako?” tanong ko pa. “Maging praktikal.”

Kumunot ang noo nilang dalawa. “Paanong praktikal?”

Nagkibit-balikat ako. “Hindi ko afford ang college. Baka tumigil ako.” 

Parang micdrop. Hindi na kasi nakapagsalita pa yung dalawa kaya umalis na ako doon. 

Lunch naman na kaya may isang oras pa ako para tumambay sa rooftop. Dumukot naman ako ng lollipop na lips sa bulsa ng uniform ko sabay subo habang naglalakad sa hallway. 

Minsan, nakaka-aesthetic dito. Madalas, hindi lalo na ‘pag may mga balabag na mga estudyante na kala mo pagmamay-ari yung hallway kung magharutan. 

Fourth floor lang naman yung rooftop namin. Pero dahil bawal tumambay, hindi ko nga alam kung para saan pa’t may ganito, sa kabilang dulo ng building ako pumunta kung nasaan yung isang fire exit. Wala kasi masyado nagawi doon. 

Pagdating ko sa rooftop, sumalubong yung malamig na hangin, nakangiti pa ako–dito lang ako nakakangiti–habang sinasalubong yung pagyakap no’n sa katawan ko. Pagyakap?! 

Kaso natigilan ako pagdating ng rooftop. 

May kumakanta at nagi-gitara kasi ng When I Look At You ni Miley Cyrus. Buti nga hindi pa naulan. Maganda rin naman ang boses. Pero dahil nahahati ang rooftop namin, may daanan naman papunta sa kabila dahil nga dalawa ang daanan pababa ng rooftop, hindi ko makita kung sino yung kumakanta.

“Ganda ng boses ah,” sabi ko nang pumunta ako sa kabilang parte ng rooftop. 

Natigilan naman yung lalaki sa pagi-gitara niya. Nanlaki yung mata niya pero pinigil lang din agad, muntik na nga akong matawa. Ayaw sigurong magpahalata.

Tiningnan niya pa kung may kasunod ako bago tumingin ulit sakin. “Tatambay ka rito?”

Tumango ako. “Bawal ba? Sa pagkakaalam ko, bawal kahit sino eh.”

Tinalikuran ko siya at kinagat yung lollipop. Dinig ko yung crack. Kinuha ko na lang din yung stick tapos tinapon. 

“Bawal pero nandito ka?” 

Napa-slight smile ako do’n. Matalino siya ah. Hinarap ko siya ulit. “Oo naman. Bakit hindi? Nandito ka nga eh.”

Hindi ko alam kung saan ko nakukuha lakas ng loob basagin siya pero mukhang ayos naman. Parang madali siyang makapalagayan ng loob.

“Ano palang pangalan mo?” tanong niya.

Masyado pang maaga, bulong ng utak ko. Hindi ko alam alin ang masyado pang maaga kung tanghali na ngayon at matirik din ang araw?

“Sikreto para bibo!” natatawang wika ko. “Ikaw muna.”

Ngumiti siya. Paano ko ba idi-describe? Hindi naman nang-aasar. “Sige, sikreto na rin muna ‘ko.”

Smart.

Tapos, biglang pumasok sa isipan ko yung tanong kanina ni Diane. “Anong balak mo sa college?”

Muli siyang ngumiti. Sa pagkakataong ‘to, super genuine na. “Maging professional photographer.”

Parang may kung anong dumagan sa puso ko nang marinig ko ‘yon.

Ako kaya? 

Hanggang kailan kaya ako mawawalan ng plano?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top