ALC-DTC: Kabanata 13
Hi sa inyo @Ordinarydreams @KhateKenshelle @lovellelicious @RuthEzekielNavarroPa @yannie07 @annttpmntn @jezzabelle10 @selpmid_ava @CarminaChia @kotorihikari @pitterpatterpan @143Exoxotic @yoriku @NAYUMIBESTSTORY @KrystalKeil @MissGoneGirl @bookwormsincebirth
Thank you so much! :)
ALC-DTC: Kabanata 13
Huminto siya sa kinatatayuan niya at kahit nakatalikod siya sa akin ay kabisado ko ang bawat pagkilos niya. Narinig ko ang mahinang pag ngisi niya na may halong pait. "Wala yon." Simula niya saka huminga ng malalim. "Walang kaso, bunso." Dagdag niya at sa hindi ko malamang dahilan may kung anong tumusok sa puso ko na tunay na kinatatakutan kong maramdaman.
Lumabas na siya ng kwarto ko at naiwan akong nakatulala sa kawalan. Gusto kong pasakitan ang sarili ko dahil pakiramdam ko ay hindi ko rin nagawa ang mga salitang binitawan ko noon, siguro nga ay nakalimutan na o nilipad na ng panahon ang damdamin niyang hindi ko handang tanggapin, pero bakit patuloy pa ring umuusbong yung damdamin ko para sa kanya?
Bakit sa dinami dami ng lalaki sa mundong 'to, sa kanya pa? Sa kanya ko pa naramdaman yung weirdong pagmamahal.
Masaya akong kinalimutan na niya ang nakaraan, pero kasabay non ang pagbuhos ng hinanakit sa buong katawan ko.
Totoo palang nagiging traydor ang puso kapag nagmahal ka. Mas lalo mong hilahin ang pusong kumakawala, mas lalo itong sumusulong pabalik sa kanya. Bakit ganon? Bakit para sa iba ang dali dali lang na magmahal, pero bakit pagdating sa akin? Bakit parang ang hirap hirap? Siguro nga ay unang beses kong naramdaman ito, oo humanga ako noon sa iba, pero sa unang pagkakataon, narinig kong kumatok ang puso ko para sa kanya, para sa kapatid ko.
"Masakit pa ba?" Usisa ni Mama habang hinihilot ang paa ko.
Alas otso na ng gabi at nandito kami ngayon ni Mama sa isang kubo malapit sa pampang ng beach, napaka ganda sa pandinig ko ang paghampas ng alon at ang malamig na hangin ay kumakapit sa katawan ko.
"Hindi na po gaano Ma, pwede na siguro akong bumalik sa Manila bukas." Sabi ko, tinawagan ni Mama si Monet at sinabi ang nangyari sa akin saka sa susunod na araw pa ako makakabalik sa trabaho, naiintindihan naman ni Monet iyon kaya nagpasalamat ako.
Hindi ko pa rin binubuksan ang cellphone ko hanggang ngayon dahil gusto ko munang ipahinga ang sarili ko sa mga trabahong naiwan ko.
"Thank you, Ma." Nakangiting sambit ko at maingat kong iniunat ang paa ko sa upuang kawayan. "Sa susunod kasi mag ingat ka, mabuti na lamang at nandiyan ang Kuya mo para buhatin ka." Nangingiting sambit ni Mama.
Pinagmasdan ko lang si Mama at kita ko sa mga mata niya ang kasiyahan. "Natutuwa akong maayos na kayong dalawa matapos ang apat na taon, naging mas malapit kayo ng kapatid mo at mukhang naiintindihan niyo na ang isa't isa." Kwento ni Mama, ngayon ko lang siyang nakita na ganito kasaya, yung tipong hinding hindi ko nakita sa kanya noon ang mga ngiting ito sa tuwing mag uusap kami tungkol sa amin ni Tyler.
"Sinong mag aakala na makikita ko kayong magkapatid na sobrang successful na sa mga career? Akala ko noon, hindi na ako aabot sa ganitong edad." Pagbibiro ni Mama na siyang sinuway ko.
"Ma naman."
May sakit sa puso si Mama at hindi biro ang mga gamot na pinamaintain ng Doctor sa kanya. Naaalala ko noon nung mag away kami ni Kuya sa harap niya ay nawalan siya ng malay, ramdam ko ang takot sa puso ko non at sa pagkakataong yon nakita kong umiyak si Dad habang buhat buhat si Mama. Ayoko nang mangyari yon, ayoko nang makita pang muli iyon.
Tumawa siya, "I'm serious, Althea. Sa ngayon, hinihiling ko sa Diyos na makita ang magiging apo ko sayo at ang magiging apo ko sa Kuya mo." Halakhak niya, kinagat ko ang dila ko at para bang pakiramdam ko ay may malaking kasalanan ako kay Mama at ang kasalanang yon ay ang mahalin ang taong ipinagkaloob nila sa akin ni Dad na maging kapatid ko.
"Ang gwapo at ganda siguro ng mga magiging apo ko!" Ngisi ni Mama, magsasalita na sana ako pero biglang dumating si Tyler.
"Anong pinag uusapan niyo ha?!" Halakhak niya, dala dala niya ang kape na tinimpla niya sa loob. Inabutan niya si Mama at nilapag naman niya sa kawayang lamesa ang isa pang tasa ng kape na nakatapat sa akin.
Ngumisi si Mama at inilapag sa mesa ang kapeng iniabot ni Tyler bago niya ito hinila sa braso para paupuin sa tabi ko. Humilig si Mama sa balikat niya at nangingiting nagsalita si Mama. "Kailan mo ako bibigyan ng apo? Twenty seven years old ka na ngayon, wala ka pa ring asawa." Panunuya sa kanya ni Mama, bumaling siya sa akin at tinanggap ko rin ang pagtitig niya. Blangko ang emosyon niya at sa pagkakataong ito ay nahihirapan akong basahin iyon.
"Mag asawa ka na nga, baka mamaya hindi ko pa maabutan yang apo ko." Halakhak ni Mama at binitawan ang braso ni Tyler saka umalis sa pagkakahilig sa balikat niya. Tumingin siya kay Mama. "Saan ka pupunta, Ma?" Usisa niya, ngumiti si Mama at niyakap ang sarili. "Papasok na ako sa loob, dadating na ang Daddy niyo. Maya maya pumasok na rin kayong dalawa, mahamog na. Ty, si Althea ha?" Paalam ni Mama saka naglakad na patungo sa villa.
Namayani naman ang katahimikan sa aming dalawa hanggang sa ako na rin ang kusang bumasag non. "Kailan mo balak sabihin kay Mama yung kay Ella?" Tanong ko sa kanya, hinayaan ko ang mga mata ko sa labas ng kubo at naramdaman kong tumitig siya sa akin.
"Kumusta na yung paa mo?" Pag iwas niya sa tanong ko, kung sabagay, wala akong karapatang makialam sa buhay niya. At isa pa, isang linggo nalang ay darating na rin si Lola at ang girlfriend niyang si Ella.
"Maayos na kumpara kahapon." Matabang na sabi ko.
Narinig kong huminga siya ng malalim. "Naka turn off pa rin ang cellphone mo? Tumawag sa akin si Cash, nag aalala siya sayo." Sabi niya, hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin ang luhang nakita ko sa kanya noong araw na umamin sa akin si Cash. Bumaling ako sa kanya at ganoon rin siya sa akin.
"Umiiwas ako sa trabaho." Sagot ko sa kanya.
"Ganun ba? Baka may problema kayo ni Cash, nagsisimula palang kayo pero bakit parang may kakaiba sa mga ikinikilos mo? Masaya ka ba?" Sunod sunod na tanong niya na nagpaangat sa labi ko. No, tumigil ka nga Althea, natural lang na mag alala sayo ang isang ito dahil kapatid ka niya.
"Uhm,wala." Pag tanggi ko at nag iwas na ako ng tingin sa kanya.
Hindi na rin siya umimik kaya naman tumayo na ako at sinubukan kong maglakad kahit pa medyo kumikirot pa ang paa ko. Ramdam ko ang pagtitig niya sa akin pero binabaliwala ko iyon, kailangan kong makalayo sa lugar kung saan naroon siya dahil pakiramdam ko ay may sasabog sa kaliwang bahagi ng dibdib ko at hinding hindi ko matatanggap iyon.
Kahit lumulubog sa buhangin ang paa ko ay sinikap ko pa ring maglakad, pero ilang sandali pa ay bigla akong lumutang sa ere dahil sa pagkarga niya sa akin sa paraang bagong kasal! Tumama sa ilong ko ang after shave na mint na ginamit niya mula sa pagkakaligo at ang pabangong madalas na niyang gamitin noon pa ay naaamoy ko rin.
Mabigat at malalim ang kanyang paghinga. Ramdam ko ang init ng bisig niyang nakapulupot sa balikat at alak-alakan ko. "Napaka tigas ng ulo mo. Hanggang ngayon hindi ka pa rin humihingi ng tulong sa akin." Sumbat niya.
Tama naman siya, noon pa man ay hindi ako tumatanggap ng tulong sa kanya. Palagi kong idinadahilan sa kanya na ayokong sumbatan niya ako katulad ng unang beses na sumbatan niya ako, pero ang totoo ay ayokong masanay na palagi siyang nandiyan sa tabi ko. Mahirap at higit sa lahat alam kong mas lalong lalalim ang pagkakahulugan ko sa kanya.
Maingat niya akong inihiga sa kama ko at ikinumot sa katawan ko ang blanket. Pilit kong iniiwasan na magtagpo ang mga mata namin dahil alam kong hindi ko kakayanin iyon.
"Thank you." Bulong ko at tumagilid na ako para hindi ko na siya makita.
Naramdaman ko ang paglalakad niya palabas ng kwarto ko kasunod non ang pagbukas sara ng pintuan. Ipinikit ko ang mata ko at hinayaan kong lumandas ang luha doon hanggang sa makatulog na ako.
Kinabukasan, kahit maaga akong nagising ay hindi ko na siya naabutan pa dahil may biglaang meeting daw ito kasama si Kuya Ethan. Isinabay na lamang ako ni Dad pauwi ng Manila bandang alas dos ng hapon, nakakalakad na rin naman ako kahit papaano pero umiika ika pa ako.
Saktong alas tres naman ay nakarating na rin kami ng Manila.
"Thanks, Dad!" Sambit ko nang makababa na ako ng kotse ni Dad saka kumaway na ako. "Are you sure kaya mo na?" Kunot noong tanong sa akin ni Daddy, ngumiti ako at tumango sa kanya.
"I'm sorry, my Princess, gusto kitang ihatid sa unit mo pero 15 minutes late na ako sa board meeting." Paumanhin ni Dad, ngumisi ako at tumango sa kanya. "Ano ka ba, Dad? Maayos na ako, kayang kaya ko na!" Sabi ko at kumaway na ako sa kanya.
"Alright, alis na ako. Tumawag ka lang kapag may problema. I love you, anak." Paalam niya. "I love you, Dad!" Sigaw ko at kumaway ulit ako sa sasakyan niya nang paharurutin niya iyon.
___
"Oh my god! Sana ay hindi ka na muna pumasok!" Sigaw ni Monet nang makitang iika ika akong naglakad patungo sa swivel chair ko, halos bumuga ako ng malalim na hininga nang makaupo ako doon.
"Two days na akong absent, saka isa pa isang linggo nalang ay magbubukas na tayo ng first boutique natin sa mall." Suway ko sa kanya, binuklat ko ang mga papeles na nakapatong sa ibabaw ng table ko at binasa ko isa isa iyon.
"Haay naku, Althea Lauren! Tawagan mo lang si Rhea kapag may kailangan ka, ano ba kasing katangahan yang ginawa mo at namaga ng ganyan ang paa mo?" Pagalit niya sa akin saka tinignan ko siya ng masama.
"Wow ha? Tanga talaga?" Halakhak ko sa kanya, ngumisi siya at umiling. "Oh siya! Hindi sinasadiyang katangahan nalang." Sabi niya saka namaywang sa harap ko, napatawa nalang ako sa pinagsasasabi niya.
"Siya nga pala, pinapaayos ko na yung mini kitchen mo dito ngayon. Yung board room bagong pintura na yon at may mga bagong gamit na rin doon." Litanya niya na tinanguan ko lang habang abala ako sa pagbabasa.
"Maiwan na kita diyan." Paalam niya sa akin, naririnig kong parang may kung anong bumabagsak doon sa mini kitchen ko pero sinawalang bahala ko na iyon dahil baka yun ang sinasabi ni Monet na pinapaayos niya.
Pero hindi ako matigil sa pakikinig ng pagbagsak na yon dahil naaabala ako sa ginagawa ko! Mabilis akong tumayo at halos magmura na ako sa isip ko dahil sa pagkirot ng paa ko!
Bubuksan ko na sana yung pinto sa kitchen pero nakalock iyon kaya naman kumatok ako ng sunod sunod. Ilang sandali pa ay nagbukas iyon at umangat ang labi ko nang makita ko si Cash na may hawak na martilyo at pawis na pawis. Naka-top less lang siya at maong pants.
Kumurap kurap ako nang mapatingin ako sa katawan niya na mukhang napansin naman niya. Tumikhim ako at tumalikod.
"I'm sorry!" Sabi niya, "O..okay na." Aniya, humarap ulit ako sa kanya at ngayon ay naka-tshirt na itim na siya.
"Bakit ikaw ang gumagawa niyan?" Usisa ko sa kanya at nginuso ko ang sirang built in cabinet doon sa pader. "Ah, ako na ang nagprisinta kay Monet. Dalawang araw na rin akong pabalik balik rito, nagbabaka sakaling pumapasok ka na, napansin kong sira 'to kaya naman ginawa ko na." Aniya, kahit pawis pawisan na siya ay masasabi kong napakakisig pa rin niyang tignan.
Lumunok ako at umiling sa kanya. "Hindi mo naman kailangang gawin yan." Suway ko at tumungo ako doon sa mahabang sofa saka umupo.
Narinig kong sumunod siya sa akin at umupo doon sa single sofa na kaharap ko. "Tungkol sa nangyari nung nakaraang linggo." Simula niya, nagtaas ako ng tingin sa kanya. Hindi man niya sabihin ay ramdam kong may hinanakit siya sa akin.
"Cash..." Tawag ko sa kanya, ngumiti siya na may halong pait. "I know, I'm sorry alam kong nabigla kita." Paumanhin niya at gumuhit sa mukha niya ang lungkot.
"Hindi ko manlang naisip na baka hindi tayo pareho ng nararamdaman. Masyado kitang napressure nung gabing yon." Patuloy niya.
"Cash.."
Tumawa siya at pinigilan akong magsalita.
"Pwede pa rin naman tayong maging magkaibigan katulad ng dati hindi ba? Pero, Althea gusto kitang ligawan habang mas lalo mo akong kinikilala." Pakiusap niya sa akin habang nakangiti.
Tinitigan ko lang siya sa mata at hindi ko alam kung paano ko siya sasagutin sa paraang hindi ko siya masasaktan.
"Hindi ko kailangan ang sagot mo ngayon, Al. Pag isipan mo sana." Nakangiti pero may hinanakit na sabi niya saka tumayo na. "Paano, mauna na ako. Maayos na pala yung cabinet sa mini kitchen mo." Paalam niya sa akin at umalis na rin siya ng opisina ko.
Mariin kong ipinikit ang mata ko at hinilot ko ang sintido ko.
Dalawang araw na rin kaming naging abala sa trabaho at sa dalawang araw na yon ay kasama namin si Tyler, at ngayong ikatlong araw nagpa-practice na ang mga model na kaibigan ni Winnie suot ang mga designs na gawa niya.
Nakahalukipkip si Tyler at diretso ang titig sa mga rumarampa doon sa stage. "Ayoko ng design na yan." Sambit niya, siniko ko si Rhea at mabilis niyang isinulat iyon.
"Nakita ko na yan sa designer nila Luke, ayokong isipin nila na kinuha natin ang idea nila." Dagdag pa niya at saka humarap siya sa akin. Tinitigan niya ako, "Okay na yung ibang damit, pwera lang dun sa isang yon. May mga invitations na ba kayo?" Usisa niya, tinanguan ko siya bilang sagot. Nasa invitation lists kasi sila Kuya Ethan dahil isa yon sa business din ni Tyler.
"Good."
"Oh my god! Excuse me lang po!" Sigaw iyon ng isang staff namin na may dala dalang dalawang box at nahaharangan ng ilang kalalakihan na nag aayos ng lights effects para sa darating na event ngayong Sabado.
Bumaling si Tyler sa kanya at ilang sandali pa ay nilapitan niya ito at kinuha ang dalang box, sa paglabas ng ugat sa braso niya at sa pag depina ng biceps niya ay masasabi kong mabigat nga ang box na yon.
"T..thank you po, Sir!" Sigaw ng staff namin. Ibinaba ni Tyler sa isang upuan iyon at huminga ng malalim saka tinignan ang babae. "Walang kaso. Sa susunod humingi ka ng tulong sa mga lalaking staffs dito, babae ka pa naman, hindi ka dapat nagbubuhat ng ganyang kabigat. Ano bang laman ng mga yan?" Tanong niya, namula ang pisngi ng babae at hindi ko alam kung bakit umawang ang bibig ko.
"Ah..eh, mga flyers po yan. Ipamimigay bukas." Nauutal na sagot nito.
Tumango tango si Tyler, tinapik niya sa balikat ito. "Alright, kung may kailangan ka pa humingi ka lang ng tulong sa akin o sa mga katrabaho mo dito." Payo niya bago pa siya tuluyang naglakad pabalik sa akin.
Itinikom ko ang bibig ko at nag iwas ako ng tingin sa kanya. Ganyang ganyan siya noong nag aaral palang kami sa Zambales, lahat ng babae tinutulungan niya maliban sa akin o dahil madalas ko siyang tanggihan?
"Patapos na rin ang practice, mukhang maayos na rin ang mga kailangan para sa Saturday. Wala ba kayong plano para sa mga staff niyo? I mean, small party para pang good luck sa lahat." Suhestiyon niya sa akin.
"Meron, bukas ng gabi."
"At kailangan nandun ka!" Biglang sigaw ni Monet mula sa likod ko na kararating lang. Humawak siya sa braso ko at kumaway kay Tyler.
"Hello, Ms.Lim." Malalim na bati ni Tyler sa kanya habang nakangiti at umapila na naman ang dimples niya.
"Hi! Pumunta ka bukas!" Masiglang bati ni Monet sa kanya. "Of course, matatanggihan ko ba ang imbitasyon mo?" Halakhak ni Tyler, kumunot ang noo ko at tumitig ako kay Monet.
Dati naman ay galit na galit siya sa isang 'to. Ngayon naman ay parang nagbago ang ihip ng hangin.
"Good. Thank you pala ulit sa pagpalit kahapon ng light bulb sa unit ko. Kung hindi dahil siguro sayo eh nangangapa pa rin ako sa dilim." Ngisi ni Monet.
"No problem, Ms.Lim." Ngisi niya na nagpalabas pang lalo sa napakalalim na dimples niya.
"Alam mo na, hindi ako magaling mangapa sa dilim kagaya mo." Tawa ni Monet na mas lalong nagpadikit sa dalawang kilay ko.
Bumaling ako kay Tyler na hindi matigil sa kangingisi. "Diyan naman ako expert. Sa pagkapa kapa sa dilim." Dagdag ni Tyler na nagpapuno ng halakhak nilang dalawa ni Monet. What happened?!
"Oo na! Ikaw na ang magaling!" Sigaw ni Monet at hinampas sa braso si Tyler na mas lalong nagpatawa sa kanilang dalawa.
Tumingin si Tyler sa wrist watch niya.
"I'm sorry, I have to go.." Sabi niya habang nakatingin sa akin. "O..okay."
Sandali niyang ibinaba ang tingin sa paa ko. "Mabuti naman at maayos na ang paa mo." Ngiti niya at humaplos ang mainit niyang palad sa braso ko saka humakbang palapit sa akin. Sandaling huminto sa pagpintig ang puso ko nang halikan niya ako sa pisngi.
"Bye." Bulong niya sa tainga ko at sumunod niyang hinalikan sa pisngi si Monet bago tuluyang umalis ng studio.
Nakatulala pa rin ako sa kawalan. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na hinalikan niya ako sa pisngi ko pero bakit hanggang ngayon ay kumakawala pa rin ang kaluluwa ko sa mga halik niya?
"May kasalanan ka sa akin!" Biglang bumitaw ng padabog si Monet sa akin. "Huh?" Tanong ko.
Nagtaas siya ng kilay. "Ineexpect ko na ikaw ang unang babati sa akin ngayong araw na ito! Pero tanghaling tapat na hindi mo pa rin ako binabati." Pagtatampo niya, sandaling napakunot ang noo ko at kasunod non ang pag awang ng labi ko.
"Oh my god.. Happy birthday, Monet. I'm sorry!" Sigaw ko at niyakap ko siya, hinampas niya ako sa likod ko at ramdam ko ang pagtatampo niya. "Tsk, kung hindi lang kita best friend!" Sigaw niya sa akin.
"Gosh, I'm sorry, masyado lang busy." Pagpapalusot ko sa kanya kahit na ang totoo ay nakalimutan ko talaga. God, Althea, bakit hindi mo naalala?
"Nagugutom na ako! Kailangan mo akong ilibre at gusto kong i-try yung restaurant na sinasabi ng mga pinsan ko." Masiglang sabi niya at hinila na niya ako palabas.
Napatawad na ako ni Monet sa pagkakalimot ko ng birthday niya, pero gumugulo sa isip ko ang pinag uusapan nila kanina ni Tyler. Pagkapa? Magaling? Madilim? What the...kung ano anong sumasagi sa isipan ko! Pinagmasdan ko si Monet na ngayon ay ngumingisi habang nagmamaneho.
Tumikhim ako at bumuwelo. "Monet?" Tawag ko sa kanya, "Uhm?" Sagot niya sa akin.
Sandali akong nag isip kung tama bang tanungin ko siya tungkol sa ginawa nila ni Tyler kahapon? Baka mamaya ay kung anong isipin ni Monet? Baka isipin niya masyado akong malisyosa? Pero hindi, gusto ko lang malaman kung may...nangyari ba sa kanila? O kung may namamagitan na ba sa kanila?
Kung si Monet naman ang magugustuhan ni Tyler ay ayos lang sa akin. Di bale na, hindi nalang ako magtatanong. Personal na buhay na nilang dalawa iyon.
"W..wala!" Sabi ko, ngumuso si Monet.
"Mabait din naman pala ang Kuya mo? Nakakatawa pa, sumakit ang tiyan ko kahapon kakatawa sa mga kalokohan niya." Kwento niya, tumango tango ako at nginitian siya.
"Hindi na ngayon, Kuya mong hilaw?" Tumatawang pang aasar ko sa kanya, ngumisi siya. "I'm sorry, Althea, ayoko lang maniwala sa kwento mo noon na may puso yang Kuya mong hinog." Sambit niya na nagpahalakhak sa akin dahil sa pagbabago niya ng tawag kay Tyler.
Tama, magiging masaya ako para sa kanilang dalawa kung sakaling may namamagitan sa kanila. Pero natigilan ako nang maalala kong may Ella Reyes na paparating mula sa Japan.
"Monet!" Sigaw ko.
"What? Kung makasigaw ka naman!" Tanong niya sa akin na mukhang gulat na gulat. "Papatol ka sa may girlfriend?!" Sigaw ko sa kanya.
Tumawa siya. "Anong sinasabi mo diyan?!" Naguguluhang tanong niya, "Tinatanong kita kung papatol ka sa may girlfriend?" Ulit ko sa kanya, sandali siyang nagfocus sa pagliko para iparada ang kotse niya sa parking space na nakita niya sa labas ng restaurant na napili niya.
"Gotcha." Hinga niyang malalim.
Pero natigilan siya at mukhang may nahuli ang atensyon niya. "Well, hindi ako kagaya niyan." Aniya at ngumuso doon sa lugar na tinitignan niya. Bumaling rin ako sa tinitignan niya at kumunot ang noo ko nang makita ko si Tyler at Kate?
Nakangiti si Kate habang nakasabit ang kanyang kamay sa braso ni Tyler at naglakad papasok ng restaurant.
"Hindi ba, may girlfriend na yang Kuya mo? Ella Reyes? Hindi ko na matandaan ang pangalan niya." Pag uusisa niya.
Nagmadali akong bumaba ng kotse at ganoon rin siya. "Huy! Teka! Susugurin mo? H'wag ganyan." Suway ni Monet sa akin at lakad takbo ang ginawa namin papasok sa resto.
"Table for two, Ma'am?" Salubong sa amin ng receptionist. "Yes, please? Gusto ko malapit sa table nun." Sagot ko at inginuso ko ang pinagdalhan ng isang receptionist kela Tyler.
Ngumiti ito sa akin at kumuha ng menu bago kami inalalayan papunta sa table namin.
"Please have a seat." Malambing ang boses ni Tyler nang hilahin niya ang upuan para kay Kate, hinaplos ni Kate ang braso niya at nginitian ito. "Thank you, babe." Mas malambing ang boses ni Kate ngayon.
"Ma'am dito nalang po?" Tanong na receptionist. "Ah, no. Gusto ko doon." Sabi ko at hinila ko si Monet papunta doon sa gilid ng bintana kung saan kaharap ang table nila Tyler. Paupo na sana si Tyler pero napahinto siya. "Al?" Hindi makapaniwalang tanong niya, bumaling ako sa kanya at iniangat ko ang labi ko.
"Oh! Hi!" Bati ko at ngumiti ako, kung may award lang sa pinaka-plastik na ngiti ay para sa akin na yon. "What are you doing here? Monet?" Kunot noong tanong niya.
Umupo na ako at hinila ko din si Monet para umupo doon sa kaharap ko. "Uhm, mag la-lunch kami." Sabi ko at tinanggap ko ang menu mula sa receptionist.
"Dito?" Hindi makapaniwalang tanong niya, kitang kita ko sa mukha niya ang pagkagulat. Tumango tango ako.
Sandali niya akong tinitigan at kumunot ang kanyang noo habang hinuhubad ang coat na suot at isinabit iyon sa likod ng upuan, bago siya tuluyang naupo sa tabi ni Kate. "Althea?" Biglang bati ni Kate sa akin, kinawayan ko siya at nginitian.
"Oh my god. Al, mas lalo kang gumanda." Bati niya sa akin, ngumiti ako at tumango saka itinuon ko na ang mga mata ko doon sa menu. Ngayon ko lang napansin na puro seafood ang nandito sa restaurant na ito.
"Hmm, masarap ang sinigang na hipon dito." Bulong ni Monet sa harap ko at mukhang nawala na sa isip niya sila Tyler dahil sa mga pagkain. Ako naman ay hindi mapakali dahil sa mga pagkaing nakikita ko sa menu, allergy ako sa seafood at alam kong ikamamatay ko yon kapag nakakain ako non. Kaya pala ganoon nalang ang pagtataka niya na dito kami kakain ni Monet.
Naalala ko noon ang huling atake ng allergy ko ay nung first year high school ako, foundation week noon at may mga finger foods sa bawat booth. Aksidente akong nakakain ng maliit na hipon na nasa loob pala ng lumpia.
Ayoko namang sirain ang plano ni Monet sa pagkain na gusto niya at isa pa ako itong nakalimot sa birthday niya.
Tumawag na si Monet ng server at hinayaan ko na siyang umorder. "Ayaw mo namang umorder diyan,kaya ako nalang ang pumili ng kakainin mo." Sabi ni Monet, wala siyang alam tungkol sa allergy ko dahil hindi pa naman kami kumakain sa isang seafood restaurant mula nang magkakilala kami.
Tumunog ang cellphone ko kaya dinukot ko iyon sa bag ko at halos mabulunan ako sa sarili kong laway nang mabasa ko ang pangalan niya.
From: Mr.Cortezano
Magpapakamatay ka ba?
Lumingon ako sa kanya at tumalbog ang puso ko sa lalim ng pagtitig niya sa akin. Si Kate naman ay abala sa appetizer na kinakain niya ngayon. "Are you out of your mind?" He mouthed, nag iwas ako ng tingin sa kanya at itinago ko ang cellphone ko.
Nakatingin si Monet doon sa aquarium na may buhay na crab at lumalangoy langoy pa iyon. Nagkunyari pa siyang naglalaway habang sinusundan niya ng tingin iyon.
"Mamaya ay nasa tiyan na namin kayo ni Althea." Halakhak ni Monet at para siyang bata na naglilikot. "First time kong kakain ng fresh seafood kahit pa madalas kami mag vacation ng family ko sa Palawan, Capiz at Bora. Marami raw kasing fresh seafood doon pero ni minsan hindi ko pa na-try, naaawa kasi ako sa kanila." Patukoy niya doon sa mga buhay na seafood.
"Ngayon ba hindi ka naaawa sa kanila?" Lumulunok na tanong ko, tumawa siya at hinampas ako. "Unang beses lang naman eh saka isa pa, isa yan sa mga nakasulat sa goal list ko ang makakain ng fresh seafood sa birthday ko dahil never ko pang na-try. At ayon sa goal list ko, ikaw dapat ang kasama ko. Don't worry, mangungumpisal ako after nito." Pagbibiro niya na nagpatawa sa akin.
May gamot naman. Kaunti lang ang kakainin ko, magpapanggap akong busog pa ako. Tama, ganoon nalang para hindi ko masira ang araw ni Monet.
"Hey, kumain ka na." Narinig ko ang boses ni Kate. "Ah, yeah." Sagot ni Tyler sa kanya.
Ilang sandali pa ay dumating na ang pagkaing inorder ni Monet, halos pumalakpak pa siya dahil sa amoy nito. Panay naman ang tunog ng cellphone ko pero hindi ko na pinansin iyon.
"Come on, babe. Mamaya na yang business na yan, kumain ka na muna. Amina nga yang cellphone na yan." Iritable ang boses ni Kate mula sa kabilang mesa at nang matapos niyang sabihin iyon ay tumahimik na sa katutunog ang cellphone ko.
Nagsimula nang kumain si Monet habang ako naman ay panay ang lunok sa nakahain sa harap namin ni Monet. "Hey, kain na!" Hampas niya sa braso ko, tinanguan ko siya at nagsabaw ako sa kanin ko ng sinigang na hipon. Nilagyan naman ni Monet ng crab ang plato ko habang ngiting ngiti.
Isang subo ko palang ng kanin na may sabaw ng sinigang ay nahirapan na akong lunukin iyon dahil nandoon pa ang lasa ng hipon.
"Ang sarap diba?" Aniya, tumango ako at ngumiti. "Tikman mo yung crab! Sabi ng mga pinsan ko steamed ang luto niyan." Anyaya niya at tinuro ang crab sa plato ko, ngumiti ako at tumango.
Panay ang inom ko ng tubig para pigilan ang ubo ko. Kaunti lang ang kinain ko pero pakiramdam ko ay naninikip na ang dibdib ko.
"Let's go?" Nahihirapang anyaya ko kay Monet nang matapos na siyang kumain. Ngumiti siya at tumango, gusto pa sana niyang magdesert pero busog na rin siya.
"Hindi ka naman kumain." Bulyaw sa akin ni Monet habang nag mamaneho, panay naman ang inom ko sa bote ng tubig.
"Kumain ako. Busog pa talaga ako." Mahinang sagot ko, pinipigilan ko ang paglabas ng hirap kong paghinga dahil ayokong mag alala siya. "Ah, Monet, uuwi muna ako ha?" Sabi ko sa kanya at mabuti nalang ay medyo malapit na kami sa tower ng unit ko.
"Oh? Sure, sige. Mamaya tatawagan kita, bar tayo, sasama sila Axel." Anyaya niya, tumango ako.
Ilang sandali pa ay nagpaalam na ako sa kanya at nagmadali akong bumaba sa kotse. Halos habulin ko na ang paghinga ko at napansin ko na ang pantal sa kamay at braso ko. Hinawakan ko ang labi at mata ko at naramdaman ko ang pamamaga non!
You're dead, Althea.
Uminom ako ng tubig at halos maubos ko na iyon. Hirap kong binuksan ang unit ko at dumiretso ako sa kusina saka sumuka ng sumuka sa sink!
Pilit kong inabot ang asukal sa cabinet at kumain ako ng isang kutsara non pero sa tingin ko ay huli na rin dahil umiikot na ang paningin ko.
Magkakasunod na pag door bell ang umalingawngaw sa unit ko at kasunod din non ang malakas na pagkatok! Kahit nahihilo ako ay sinikap kong makapunta sa pinto at pagkabukas ko non ay bumungad sa akin si Tyler na hinihingal at punong puno ng pag aalala ang mukha!
"Papatayin mo ba ang sarili mo?!!" Sigaw niya! Namumula ang mukha niya dahil sa galit sa akin.
Magkakasunod na mura ang narinig ko sa kanya. "I..I'm sorry, Tyler." Nahihirapang bulong ko, kumunot ang noo niya.
Lumapit siya sa akin at hinawakan niya ako sa magkabilang braso ko. "Damn it. Hindi ka pa rin nagbabago, binabaliw mo pa rin ako sa katigasan niyang ulo mo!" Sigaw niya sa akin hanggang sa tuluyan nang nagdilim ang paningin ko.
___
Dahan dahan kong iminulat ang mabigat kong mata. Maging ang kamay ko ay mabigat rin dahil sa dextrose na nakatusok doon. "How are you feeling now?" Bumaling ako sa kanan ko at nakaupo sa gilid ko si Tyler habang hawak hawak ang kamay ko.
Pinilit kong umupo nang hindi inaalis ang kamay niya sa kamay ko. "T..thank you." Bulong ko.
"Ano bang tumakbo sa isip mo? Alam mong bawal sayo." Sermon niya sa akin, tumawa ako at umiling. "Nakalimutan ko kasi ang birthday ni Monet." Sagot ko.
"At pinarusahan mo ang sarili mo? Stupid ng reason mo. Magpapakamatay ka dahil sa kaibigan mo?" Galit na bulyaw niya, ngumiti ulit ako.
"Buhay pa naman ako ah." Ngisi ko, mas lalong lumalim ang titig niya sa akin at kunot na kunot ang noo niya. Marahan kong hinila ang kamay ko palayo sa kanya at huminga ako ng malalim.
"Humihinga pa ako." Bulong ko at nag iwas ako ng tingin sa kanya. "Hinding hindi kita patatawarin kapag nawala ka." Bulong niya sa akin.
Lumunok ako dahil sa pagwawala ng puso ko. "Kung mawawala ka, mawawala din ako." Dagdag pa niya, bumaling ako sa kanya at hindi ko kinaya ang mga titig niya.
Kinagat ko ang dila ko at tinapik ko ang balikat niya. "Tama na yan, Kuya. Buhay pa naman ako." Bulong ko at humiga na ulit ako saka tinalikuran ko siya upang iwasan ang pagtitig niya.
Pasimple kong hinampas hampas ang dibdib ko. Kailangan kong maalis ang nararamdaman kong 'to. Narinig ko ang pag galaw ng inuupuan niya at ang paghakbang niya at ialng sandali pa ay halos kumawala ang puso ko dahil inilipat niya ang upuan kung saan ako nakaharap at doon siya naupo.
"Gusto kong makita yang namamaga mong mukha." Nanlaki ang mata ko at nakita ko ang nakakalokong pag ngisi niya!
"Wa-what?" Naguguluhang tanong ko, ginalaw niya ang bagong cellphone niya at iniharap sa akin ang screen non at halos ibato ko sa kanya pabalik ang cellphone niya nang makita ko ang namamaga kong mukha!
Yung mata kong parang pantal na tinubuan ng mata, yung labi kong sobrang kapal! Shit! Mabilis akong nagtalukbong at narinig ko ang pag ngisi niya, pilit niyang hinihila ang kumot pero hindi ko pinayagan iyon.
"Nahihiya ka pa? Ilang beses ko nang nakita na ganyan ang mukha mo." Pang aasar niya sa akin.
Nakakahiya talaga! Noon ay ayos lang sa akin na makita niya akong ganito, pero bakit ngayon ay nababalutan na ako ng hiya?
_________
Kailangan pa kitang asarin para matabunan ang pagkailang na nararamdaman mo.
Nakakatakot.
Nakakatakot isugal ulit yung puso ko, kahit pa ramdam kong may pag asa. Dahil alam kong hindi pa sapat para sa kanya iyon para matutong lumaban. Damn. Kita ko sa mga mata niya, maging sa mga luha at pagkapit niya sa kamay ko noong unang beses kong inamin sa kanya ang nararamdaman ko...
Noong unang beses na hinayaan kong lumandas yung lintik na luha ko sa harapan niya, ramdam ko sa hawak at pagtitig niya na....
May pag asa para sa aming dalawa.
***
AN: Sorry sa late update! :/ Basta salamat sa paghihintay. Huhu. May mga pinagdadaanan lang ako. Lol.
Al and Ty POV ang update na 'to. Pero ginutom ako ni Tyler sa POV niya, bitin daw muna. Haha.
Balak ko sanang palitan ang title nito, pero pag iisipan ko pa. :)
Salamat ulit babies. God bless!
Love lots.
Ash...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top