Chapter 11

Humikab si Keanna habang nakatingin sa monitor. Antok na antok siya ngunit kailangan niyang maagang gumising. Kararating lang ni Cale galing school at naka-video call sila.

"Sleepy?" Cale chuckled. "I'm cooking sinigang. Nakabili ako ng meat and vegetables. I've been craving some soup tapos nakakita rin ako ng banana. I might fry some tulad ng ginagawa natin? 'Yung fried banana na sinasawsaw mo sa sugar."

Nagpatuloy si Cale sa ginagawa at naghintay ng sagot ni Keanna, pero wala. Sinilip niya ang monitor at napangiti nang makitang nakapikit ang mga mata nito at mukhang bumalik sa pagtulog.

Pinatay niya ang faucet at ipinatong ang dalawang siko sa kitchen counter para titigan si Keanna.

"I miss you, sweetheart," bulong niya bago pinindot ang mute para hindi makagawa ng ingay.

Wala siyang balak patayin ang tawag. Miss na miss na niya si Keanna, pero hindi niya magawang umuwi dahil loaded ang course na nakuha niya. Weekends lang ang pahinga niya at kung uuwi siya ng Pilipinas, dalawang araw ay magugugol kaagad sa flight.

Dalawang buwan na simula nang makarating si Cale sa New York. Naho-homesick na siya ngunit malaking tulong na palagi pa rin niyang nakakausap si Keanna dahil kung hindi, uuwi na talaga siya. It was so hard to live every single day knowing they were miles apart.

Manila to Baguio and vice versa was accessible. The current situation was challenging.

Naalimpungatan si Keanna at biglang napabangon nang maalalang kausap niya si Cale. Dumako ang tingin niya sa orasan. It was already ten in the morning. Nagulat siya dahil alas-sais ang unang gising niya.

Tumingin siya sa phone at nakitang nakapatay na ang tawag.

Twelve hours ang difference ng Pilipinas sa New York at hindi sigurado si Keanna kung natutulog na ba si Cale. Ayaw niyang subukang tumawag para hindi ito maistorbo dahil may pasok din kinabukasan.

Dumiretso ng higa si Keanna. Naramdaman niya ang pagtulo ng luha sa magkabilang mata niya habang nakatingin siya sa kisame dahil nami-miss na niya si Cale.

Ilang oras na nga lang ang mayroon sila para makapag-usap, nakatulog pa siya. Ilang beses na ring nangyayari iyon dahil na rin siguro sa pagbubuntis niya.

Maingat na hinaplos ni Keanna ang tiyan. Apat na buwan na ang dinadala niya. Wala pa ring nakaaalam kung hindi siya at ang doctor na palihim niyang pinupuntahan para sa checkup.

Ipinagpasalamat niyang maliit siyang magbuntis dahil siya lang ang nakaaalam tungkol sa umbok. Madalas din naman siyang naka-hoodie kaya hindi mahahalata unless sasabihin niya talaga.

Nilingon ni Keanna ang pinto nang makarinig ng tatlong katok. Kaagad niyang niyakap ang comforter at tumagilid ng higa.

"Kea?" It was Sarki. "Puwede akong pumasok?"

"Yep," sagot ni Keanna at niyakap ang unan.

Bumukas ang pinto at sumilip ang kuya niya. "Okay ka lang? Hindi ka ba papasok ngayon?"

"Hindi ko pa sure," ani Keanna at tipid na ngumiti. "Parang gusto ko na lang matulog nang matulog, e."

Natawa si Sarki at tumango. "Sige lang. Okay naman sa office. Hindi naman peak season kaya kaya na nina Monica roon. May gusto ka bang kainin?"

Umiling si Keanna. "Wala naman po. Ano ba'ng lunch natin? Umalis ba si Nanay?"

"Hindi. Nasa baba. Galing silang La Union kasi gusto raw bumili ng seafoods ni Nanay. Kararating lang nila. Madaling-araw pala sila bumaba." Natawa si Sarki. "Alis muna ako, punta akong palengke. Nagpapabili si Nanay ng pinya. Naglilihi yata."

Nagsalubong ang kilay ni Keanna at sabay silang tumawa ni Sarki bago ito nagpaalam.

Madilim ang kwarto niya ngunit mayroong kaunting liwanag na nakatatakas sa blinds. Medyo malamig dahil medyo maulan at hindi iyon nakatulong dahil mas lalo siyang tinamad kumilos.

Muling binuksan ni Keanna ang phone niya at nakita ang messages ni Cale. Bigla siyang naluha dahil sunod-sunod iyon at naiinis siyang nakatulog siya. Hindi sila nakapagkuwentuhan at hindi niya ito matagal na natitigan.

Miss na miss na niya si Cale, pero hindi niya iyon masyadong ipinahahalata.

Sa tuwing magkausap sila, normal lang ang lahat para sa kaniya kahit na ang totoo, gusto na niya itong makita. Gustong-gusto.


Cale Karev
Sweetheart, good morning.
I miss you so much.
Mag-sleep na ako, ha?
I had a long day.
I'm a little tired.
Those Eyes by New West
0:48
I love you.



Kaagad na binuksan ni Keanna ang Spotify para pakinggan ang binigay na kanta ni Cale. Iyon din ang unang beses niyang pakikinggan iyon at binantayan niya ang number.

Awtomatikong bumagsak ang luha niya nang marinig ang lyrics ng kanta. Tumagilid siya at napahawak sa dibdib kung nasaan ang puso niya papunta sa tiyan para pakiramdaman ang umbok.

Ilang beses siyang humikbi at inulit ang kanta. Paulit-ulit hanggang sa matapos siyang umiyak. Kung puwede lang na hindi, gagawin niya, pero emosyonal siya simula nang umalis si Cale.

Matagal pang nanatili si Keanna sa kama bago niya naisipang bumangon para maligo. Alam niyang malapit nang mag-lunch at tatawagin siya ng parents niya kaya uunahan na niya ang mga ito.

Nang matapos maligo, humarap siya sa salamin at nag-side view. Lumalaki na ang tiyan niya at hindi niya iyon maitatago pa sa mga susunod na araw. Hindi rin nakatutulong na madalas masama ang pakiramdam niya.

Hinaplos niya ang tiyan nang maramdaman ang gutom. Sa hagdan pa lang, naamoy na kaagad niya ang niluluto ng tatay niya at naririnig niya itong kausap ang nanay niya.

"Ang bango." Suminghot si Keanna pagpasok ng kusina. "Tatay, ano 'yan?"

"Sinigang na hipon," ani Keanu. "Bakit hindi ka pumasok? Ayos ka lang ba?"

Tumango si Keanna at lumapit sa tatay niyang pinatay naman ang kalan. Nakita niya sa lababo ang iba't ibang klase ng isda, seafoods, at sa kabila naman ang mga gulay.

"Dumating na rin si Kuya?" tanong ni Keanna.

"Naglilinis sandali ng kotse." Si Tadhana ang sumagot habang nakatingin kay Kea. "Singkit ka na nga, lalo ka pang naningkit. Anong oras ka na natulog? Ba't namamaga 'yang mata mo?"

Natawa si Keanna. "Nasobrahan ng tulog, 'Nay. Sorry po, hindi ako pumasok."

"G lang. Tulungan mo na lang ako mamayang gumawa ng mango float. Nag-request si Tatay," sagot ng nanay niya na inilabas ang plastic ng tuyo.

Paborito iyon ni Keanna ngunit nang maamoy iyon, kaagad na umikot ang sikmura niya at kahit na anong pigil, ay hindi niya nagawa.

Lakad-takbo siyang pumunta sa banyo na malapit sa sala at hindi na siya umabot dahil pagbukas pa lang ng pinto, nasuka na siya. Wala pang laman ang tiyan niya kaya panay tubig iyon na mas lalong nagpahirap sa kaniya.

Masakit sa tiyan, sikmura, at lalamunan. Itinuloy niya ang pagsuka sa lababo.

"Keanna, anyare?" Binuksan ni Tadhana ang pinto ng banyo. "May masakit ba sa 'yo? Bak—"

Nagsalubong ang tingin nila sa salamin. Nilingon ni Keanna ang nanay niya at nakitang nasa likuran nito ang tatay at kuya niyang mukhang nag-aalala.

Huminga nang malalim si Tadhana at isinara ang pinto. Hindi alam ni Keanna kung ano ang nagpatigil sa pagtatanong ng nanay niya.

Nagmadali siyang linisin ang sarili pati na ang banyong nasukahan niya.

Tulad ng inaasahan, nasa sala ang mga ito na naghihintay sa kaniya.

"Okay ka lang ba?" tanong ni Sarki. "May nakain ka bang hindi okay? Gusto mong dalhin kita sa hospital?"

Umiling si Keanna at mabagal na naglakad papalapit sa mga ito. Nakatingin sa kaniya ang nanay niya na nakaupo sa mahabang sofa.

"Masikog ka?" Buntis ka ba? mahinahong tanong ni Tadhana.

Bumilis ang tibok ng puso ni Keanna. Hindi siya nakasagot.

"Keanna." May diin na ang boses ni Tadhana.

Nakagat ni Keanna ang ibabang labi. "Opo, 'Nay."

"Alam ni Cale?" sunod na tanong ng nanay niya.

Mabagal na umiling si Keanna at walang sinabing kahit na ano. Nanatili siyang nakatingin sa nanay niya. Walang galit sa mukha nito.

"Nagpa-checkup ka na ba?" Huminga ito nang malalim.

"Opo." Yumuko si Keanna dahil hindi niya magawang masalubong ang tingin ng mga magulang niya, pati na ng kuya niya.

Magsasalita sana si Keanna nang muling maramdaman ang pag-ikot ng sikmura niya. Kaagad siyang tumalikod at pumasok pabalik sa banyo, isinara ang pinto, at sumuka hanggang sa maramdaman niyang naging magaan na ang lahat.

Humarap siyang muli sa salamin. Nagmumog siya, inayos ang pagkakaipit ng buhok, at sandali pang nanatili sa loob.

"Kea?" Si Sarki iyon at kumakatok sa banyo. "Labas ka na kapag okay na. Nagpabili si Nanay ng sabaw ng bulalo kay Tatay kina Aling Loleng. Higop ka raw ng mainit na sabaw."

"S-Sige, Kuya," sagot niya habang nakatingin sa salamin.

Bumagsak ang luha ni Keanna at pinigilan niya iyon. Natatakot siyang makita ang reaksyon ng parents niya. Alam niyang cool ang mga ito, pero alam din niyang pagagalitan siya lalo sa parteng itinatago niya.

Ilang beses bumuga ng malalim na hininga si Keanna bago lumabas ng banyo. Walang tao sa sala kaya dumiretso siya sa kusina. Nakatalikod ang nanay niya na nagluluto. Wala naman ang kuya at tatay niya.

Kumuha siya ng maligamgam na tubig mula sa dispenser dahil iyon lang ang kaya niyang inumin. Simula nang magbuntis, ayaw niya ng mga malalamig na inumin.

"Salin ko lang sandali," ani Keanu pagpasok sa kusina.

Naupo si Keanna sa dining area hawak ang baso na may maligamgam na tubig. Nakatalikod ang nanay niya na nakaharap sa kalan dahil nagluluto, isinasalin naman ng tatay niya ang binili nitong sabaw, at saktong pumasok naman ang kuya niyang nakatingin sa kaniya at tumango.

Naisip niyang bahala na. Kung ano ang sasabihin ng mga ito, tatanggapin niya.

Kay Tadhana lang naka-focus si Keanna dahil gusto niyang makita kaagad ang reaksyon ng mukha ng nanay niya.

Hindi siya nagkamali nang humarap itong nakataas ang isang kilay at inirapan siya. Lumapit pa itong may hawak na sandok.

"Humigop ka ng sabaw para mainitan 'yang sikmura mo," sabi ni Tadhana. "Nagpa-checkup ka na, 'di ba? Ilang buwan na?"

Ipinaglandas ni Keanna ang hinlalaki sa hawak na baso. "Last week po 'yung huling checkup ko." Sinalubong niya ang tingin ng nanay niya. "Seventeen weeks na po."

Napanganga si Tadhana sa narinig habang nakatingin kay Keanna. "Shuta ka, bhie. Seventeen weeks na? Gaga ka, ang galing mong magtago! Kelan mo nalaman?"

"N'ong eight weeks po." Napangiwi si Keanna.

"Ay wala, mas magaling pala ako," pagmamalaki ni Tadhana na nilingon si Keanu. "Ako, four months ko nalaman. Akala ko tumataba lang ako. Ikaw, bakit mo nalaman?"

"Sa mens tracker ko po," sagot ni Keanna.

Naningkit ang mga mata ni Tadhana. "Bakit hindi mo sinabi sa 'min? Bakit may pagtago? Ano, taguan ng anak tayo rito? Mana ka sa akin, gano'n?"

Hindi nakasagot si Keanna dahil mukha nga lalo sa parteng hindi alam ni Cale ang tungkol sa ipinagbubuntis niya.

"Hala ka, wait!" Napanganga ang nanay niya. "Alam ba ni Cale 'to?"

Kinagat ni Keanna ang ibabang labi bilang sagot sa tanong ni Tadhana. Na-gets naman kaagad nito iyon dahil bumuga nang malalim na paghinga, nilingon si Keanu, at sabay pang natawa.

"Confirmed, anak ko nga 'to." Umiling si Tadhana. "Bakit hindi mo sinabi kay Cale? Hanggang ngayon, hindi niya alam?"

Nag-init ang mga mata ni Keanna dahil sa tanong ng nanay niya na naging dahilan para ang namumuong luha ay maging hagulhol. "K-Kasi po kapag nalaman niya, hindi siya aalis. Nakaplano na lahat, e. Kaya po hindi ko na lang sinabi."

"Ayan kasi, ba't hindi ninyo binalot?" Nag-tsk pa si Tadhana.

"Nanay." Sinapo ni Sarki ang noo dahil sa sinabi ng nanay nila.

Nagsalubong ang kilay ng nanay nila. "Totoo naman, a! Pero okay lang. Nandito na tayo, wala nang magagawa. Mali ka, bestie. Dapat hindi mo tinago."

Natawa si Keanu.

"Tawa-tawa ka riyan?" Umirap si Tadhana at muling hinarap si Keanna. "Alam ko namang lodicakes mo ako, pero sana naman hindi sa parteng 'to. Virgi—" Tumigil ito at umiling. "Ayaw na kitang tawaging Virginia, hindi ka na virgin!"

"Nanay!" Si Sarki iyon at nangasim ang mukha. Ang singkit na mga mata ay lalong naningkit. "Nanay, mga words mo."

Ngumuso si Tadhana. "Ang sungit naman netong lalaking 'to!" Umirap pa at hinarap si Keanna. "Alam mo ang history at wala akong planong mag-historical ngayon dahil baka mapunta 'yun sa hysterical. Naiintindihan ko kung bakit mo tinago, pero bakla ka! Kung hindi pa ako nag-uwi ng tuyo, hindi ko malalaman? Akala ko ba besties tayo?"

"Natakot po ako," pag-aamin ni Keanna sabay hikbi.

"Saan ka natakot? Gagang 'to parang hindi bespren!" pagmamaktol ni Tadhana. "Samantalang dati, kada mens mo, naka-report pa sa 'kin. Ngayon, may apo na ak—" Tumigil sa pagsasalita at umupo nang maayos sa tabi ni Keanna. "Shiyet. Lola na ako!"

Mixed emotions si Keanna habang nakatingin sa nanay niya dahil ang inakala niyang mabigat ay mapupuno pala ng kalokohan. Napapa-facepalm ang tatay at kuya niya sa mga lumalabas sa bibig ng nanay nila.

Kung tutuusin, dapat sanay na siya, pero nangibabaw pa rin ang takot.

"Sa susunod na checkup, sasama ako. Ilang taon na 'yung huling pagbubuntis ko, gusto kong ako magluluto ng foods mo." Tumayo si Tadhana at nilapitan si Keanu. "Kausapin mo 'yang anak mo."

Narinig ni Keanna ang sinabi ng nanay niya. Natawa siya, pero expected na rin niyang kauusapin siya ng tatay niya kaya siya na mismo ang nag-aya.

Sa garden sila nagpunta. Magluluto na rin muna ang nanay nila ng sinigang na hipon na paborito niya at tutulong daw ang kuya niya.

"Kailan mo balak sabihin kay Cale?" Iyon ang bungad ni Keanu at naupo sa harapang upuan ni Keanna. "Naiintindihan ko 'yung rason mo, pero kailangan niyang malaman, e."

Yumuko si Keanna, nilaro ang sariling mga kuko. Malumanay ang pagkakasabi ng tatay niya, never naman nagalit ang mga ito sa kanila, pero ramdam niya ang lungkot sa boses nito.

"Been there, Kea," pagpapatuloy ni Keanu. "Alam mo, hindi ko na lang sinabi sa nanay na I literally questioned myself why. Mapapatanong kasi bakit hindi sinabi? Lalo sa kaso ninyo ni Cale. Kami ni Nanay, medyo understandable pa. We're stangers and we don't have connections. Pero kayo kasi ni Cale, in a relationship kayo, e."

"Kasi po 'yung plano." Bumagsak ang luha ni Keanna.

Ngumiti si Keanu at tumango. "Pero deserve pa rin niya at may karapatan siyang mag-decide kung tutuloy ba siya o hindi kasi anak ninyo 'yan, Kea. Hindi ako galit, hindi ako magagalit, pero mas makabubuti kung sasabihin mo sa kaniya."

Naisip ni Keanna si Cale at parang hindi niya kaya.

"Sana pinag-usapan ninyong mabuti ang tungkol diyan. Sana you guys used protection dahil meron kayong plano, hindi 'yung ikaw lang mag-isa ngayon, hindi 'yung naglilihim ka sa dapat na alam niya," pagpapatuloy ni Keanu. "Unfair sa part mo na mag-isa ka, Kea, but it's so unfair on Cale's part na wala siyang alam sa sitwasyon mo. He deserves to know."

Nagtuloy-tuloy ang pagdaloy ng luha ni Keanna.

"Magiging masakit kasi sa kaniya 'yan, Kea. I've been there." Hinawakan ni Keanu ang kamay ni Keanna. "Hindi ako makikialam, but I don't agree on hiding."

"Opo, 'Tay," sagot ni Keanna.

Nagpaalam ang tatay niya na tutulong muna sa nanay nila sa pagluluto ng uulamin nila. Ilang beses na siyang humiling ng sinigang na hipon at dahil iyon sa pagbubuntis niya.

Sakto namang lumabas ng bahay si Sarki at mayroong hawak na bowl. Hindi alam ni Keanna kung ano iyon, pero tama siya nang makitang avocado iyon na mayroong ice at condensed milk na paborito nilang dalawa.

"Inunahan mo 'ko," natatawang sabi ni Sarki na tumabi sa kaniya at inakbayan siya. "Magkakapamangkin na 'ko."

"Bata pa kasi bebe mo." Suminghot si Keanna. "Kuya, galit ba si Nanay?"

Sarki snorted and shook his head. "Tingin mo magagalit 'yun? Sabi nga niya maghahanap na siya ng damit sa ukay-ukay kaya dapat babae 'yang anak mo dahil gusto raw niya 'yung nakita niyang dress na pang-ballet noong nakaraan."

"Nanay talaga." Pinunasan ni Keanna ang luha.

"Sabihin mo na kay Cale 'yan. Kung ano man ang desisyon niya, hayaan mo siya. Tatay 'yun, e. Bata pa naman kayo, marami pa siyang time na itu—"

"Two years lang naman, Kuya. Okay lang naman siguro?" tanong ni Kea.

"Hindi okay," diretsong sagot ni Sarki. "Kea, hindi tayo pinalaki ni Nanay na sinungaling, 'di ba?"

Tumango si Keanna. "Pag-iisipan kong mabuti, Kuya."




T H E X W H Y S

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #thexwhys