Kabanata 6

NAKITA kong nasa labas si Maulave ng aming bahay kaya bumaba ako para kausapin siya. Ano na naman kaya ang trip nito at nagpakita siya sa akin? Wala na naman sigurong magawa sa kanila. Mayayari na naman ako kay Tiya Ofelia nito eh.

"Oh Maulave, bakit ka narito? Huwag mo muna akong abalahin at maraming pinapaluto sa akin si tiya," sabi ko

"Saglit lang naman ako at saka hindi kita yayayain uminom kaya okay lang," sagot ni Maulave pagkatapos ay ngumiti

"Oh, ano ba kasi iyon? Dapat ay may katuturan iyang sasabihin mo ah?" sagot ko

"Eh kasi, kulang kami sa waitress. Baka gusto mong mag-apply? Kahit ilang oras lang, kada-oras naman ang bayad doon eh," sabi niya

"Eh kung mag-oo ako dyan, baka mapagalitan ako ni tiya. Alam mo naman na ayaw niya akong mag-trabaho dahil wala na siyang uutusan kapag wala na ako rito," sagot ko

"Bahala ka, 100 kada-oras din iyon. Sayang naman kung hindi ka papasok. Sabi mo, gusto mong magpunta sa Maynila hindi ba?" sabi niya

"Oo, bakit? Ano naman ngayon kung magta-trabaho ako dyan? Anong connect?" pagtataka kong tanong

"Hindi ka talaga nag-iisip! Kapag may trabaho ka na ay pwede ka na makaipon para maka-punta sa Maynila!" inis na sagot nito sa akin

Oo nga ano, kapag nakapasok ako sa trabaho ay mag-iipon ako ng pera para makaalis na ako rito. Gagawan ko na lang ng paraan para makaalis ako rito sa bahay. Baka tumakas ako o di kaya ay ipaalam ko na talaga kay Tiya Ofelia ang gagawin ko.

"Sige ba, payag ako. Sabihan mo lang kung kailangan ang simula ng pasok para makapag-handa na ako," sagot ko naman

"Bukas na sana kung pwede ka na," nakangiting sagot ni Maulave

Putragis, paano naman ako makakapag-paalam kay tiya kung bukas na pala ang pasok? Ano na ang gagawin ko? Tatakas na naman ako? Haynaku, walanghiyang buhay naman ito!

"Eh? Bukas na agad? Hindi ba pwede sa makalawa na lang? Magpapaalam pa ako eh, hindi ba sila pipili muna kung sino ang papalit?" hirit ko

"Hindi na pwede, kung makuha iyon ng iba ay hindi na kita kukunin. Gusto mo ba iyon? Hula ko'y ayaw mo," sagot ni Maulave

Ang daya-daya mong babae ka, alam mo kasing kailangan ko ng pera kaya ganyan ka kung makapagsalita. Kung ayaw ko lang talaga kalimutan si Aurello at wala akong balak mag-Maynila ay hindi ko talaga papatusin iyang trabaho na binibigay mo sa akin eh. 

"Oo na, sige na! Bukas na bukas ay papasok ako. Sabihin mo lang sa akin kung anong kailangang dalhin para handa ako bukas kung sakali man na tanungin nila ang pagkatao ko," sagot ko

"Ang lakas ko talaga sa iyo. Sige ha, inaasahan kita bukas! Isusulat ko sa papel mamaya ang mga kailangan pagkatapos ay ihuhulog ko sa bintana ng kwarto mo ha?" sabi ni Maulave

"Sige, umalis ka na habang wala pa si tiya. Kapag nakita noon, baka sumabog iyon na parang bulkan. Hihintayin ko na lang mamayang gabi ang listahan," sabi ko at sumenyas na umalis na siya sa tapat ng bahay namin

Ilang minuto pa ay narinig ko na nga ang ingay ng bibig ni Tiya Ofelia. Buti na lang at naka-alis na si Maulave, kung hindi ay yari na naman kami sa mala-shotgun na bibig nitong tiyahin ko. Bakit ba kasi siya lang ang pamilya ko, ni hindi ko nakita ang mga magulang ko. Haynaku.

"Juanita! Labhan mo na nga ang mga ito! Nasaan ka na ba? Pakalat-kalat lang ang bra't panty mo rito!" aniya Tiya Ofelia

"Opo, papunta na ako dyan! Saglit lang po!" sagot ko naman

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top