Kabanata 30

HABANG naglalakad ako sa altar ay naiiyak ako. Nakita ko si Danilo sa dulo, hindi rin mapigil ang kanyang luha dahil sa sobrang saya at kaba. Naroon si Tatay Ronaldo, Tiya Ofelia at ang pamilya rin ni Danilo. Sobrang saya nila para sa amin.

Sinalubong ako ni Tatay Ronaldo at hinawakan saka binigay kay Danilo. Umupo na kami at nakinig sa pari. Ang paksa niya ay tungkol sa pagmamahalang walang hanggan. Ang pagmamahal na dapat naming matutunan ni Danilo. Isasa-puso ko talaga ang lahat ng sinabi ng pari para tumagal kami ni Danilo.

Sinabi ng pari na sasabihin na raw sa isa't isa ang mensahe. Nauna si Danilo kaysa sa akin, may kinuha siyang papel sa kanyang bulsa at saka nagsalita. Naluluha na siya kaya naman hindi ko na rin napigilan na hindi maluha.

"Nagpapasalamat ako sa iyo mahal ko dahil pinayagan mo akong ibigay sa iyo ang apelyido ko. Hindi ko akalain na mangyayari ito dahil alam kong hindi ka pabor noong una sa mga ganitong klaseng selebrasyon. Basta salamat sa lahat, pangako ko na hindi ko sasayangin ang oportunidad na binigay mo sa akin," sabi niya sabay punas ng kanyang luha

"Salamat rin mahal sa pagtitiwala na kaya kong maging nanay sa mga magiging anak mo. Pangako ko sa iyo na hindi ako magiging pabayang asawa. May mga pagtatalo man pero hindi natin hahayaan na maging dahilan iyon para maghiwalay tayong dalawa. Mahal na mahal kita, Danilo ha?" sagot ko

"Mahal na mahal rin kita Juanita," sagot ni Danilo

Nagsalita pa ng konti ang pari pagkatapos ay sinabi niyang pwede na akong halikan ni Danilo dahil opisyal na niya akong asawa. Ginawa naman niya pero parang gusto kong magpakain sa lupa dahil sa hiya. Oo, ginagawa naman namin iyon pero hindi sa harap ng mga kamag-anak ko at sa maraming tao.

Pagkatapos noon ay pumunta na kami sa reception kung saan naghihintay sa amin ang mga bisita. Tiningnan ko sila isa-isa at nagulat ako nang makita na nasa kasal ko si Aurello at Claring kasama ang anak nila. Agad akong tumingin kay Danilo at nagtanong sa kanya.

"Bakit nandito ang pamilya ni Aurello, cupcake? Sin ang nag-imbita sa kanila rito? Hindi ba't nagseselos ka sa kany?" sunud-sunod kong tanong

"Ako ang nag-imbita sa pamilya niya. Ano ka ba? Ang tagal na noon at mag-kaibigan na kami ni Aurello ngayon. Sobrang saya nga niya para sa iyo na ikakasal ka na sa akin eh," sagot ni Danilo

"Ha? Kailan pa kayo naging mag-kaibigan? Bakit naman itinago mo pa sa akin ang bagay na iyon?" tanong ko ulit

"Para masurpresa ka. Huwag na ngang maraming tanong, magsaya na lang tayo. Ang imporatnte ngayon ay tayo nang dalawa hanggang sa dulo," sagot niya sabay ngiti sa akin

Ilang minuto pa ay pinuntahan kami ni Aurello at Claring. Ngumiti kami sa kanila at nagpa-salamat sa pagpunta nila sa kasal ko. Sinabi nila sa akin na sobrang saya raw nila para sa akin dahil nakita ko na ang lalaking makakasama ko sa habang-buhay. Ang hiling raw nila ngayon ay ang maging mabuti akong ina at asawa sa mag-ama ko. Nakakatuwang isipin na natapos ang kwento ko sa ganito. Okay na ako, happy ending na ang kwento.



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top