Prologue


Nakatingin lang ako sa harapan. Nakaupo ako sa wheelchair dahil walang libreng kama sa maliit na ward na puro may mga pasyente rin. Ni hindi ko na naitanong kung ano na ba ang pinagtuturok sa akin ng nurse.

Hindi ako madala sa ospital. Nagtatalo pa sila sa tawag kung dadalhin ba ako sa public hospital o dadalhin sa private. Ang resulta, para lang magamot ako agad, dinala ako sa malapit na group of doctors clinic na kasalukuyang may naka-schedule na surgeon.

Hindi ko masabing inooperahan na talaga ang kamay ko, pero inaalis ang madadaling makitang bubog na bumaon sa palad ko. Hindi nila ako maoperahan nang maayos dahil kulang sila sa sapat na gamit. Ang baby ko naman, dinala na sa ospital. Naiwan ako sa clinic.

Kailangan naming maghiwalay ng anak ko dahil paniguradong susundan siya ng mga gustong pumatay sa 'min. Kasama ni Charley ang papa niya at naiwan ako rito kasama si Sir Clark.

Pinilit kong patawagan sa may-ari ng kainan kung saan kami huminto ni Charley ang telepono sa mansiyon. Nasagot ni Yaya Connie, naibalita niya agad kay Sir Clark.

Baradong-barado na ang ilong ko gawa ng pag-iyak. Nakailang singhot na ako kahit pa inalok ako ng tissue ni Sir Clark. Natuyuan na ako ng luha. Hindi ko na nararamdaman ang sarili kong katawan. Hinuhugot na sa balat ko ang bawat matatalim at malalaking bubog, wala pa rin akong maramdaman.

"Hindi ba talaga puwede?"

Napunta ang tingin ko kay Sir Clark na tinawagan na yata pati lahat ng santong kilala niya para lang maisugod na rin ako sa ospital gaya ng anak ko, pero nakakailang tawag na siya, dine-decline talaga ako.

Madali lang daw palusutin sa ospital ang record ni Charley dahil common ang apelyidong Mendoza. Hindi madaling mate-trace. Pero ang record ko bilang Kiro na biglang naisugod sa ospital, paniguradong malalaman agad.

"Saan? 'Yong pinakamalapit na malayo mo, saan?" naiiritang tanong ni Sir Clark sa kausap niya.

Ganoon kalala ang sitwasyon ko na kahit ang malalapit na ospital sa South Luzon, ayaw akong ipa-admit nang walang approval na hindi ako magpapa-sign ng patient form.

Bawal nga kasi talaga 'yon. Required mag-fill out ng patient's record para malaman ng mga doktor kung sino ba ang gagamutin nila.

Lumapit sa akin ang nurse at nilinisan ang bandang sentido ko. Napapikit ako nang bahagya akong natuluan ng ipinanghuhugas niya sa sugat ko roon. Walang kirot akong naramdaman. Pumipintig lang ang mga balat kong may sugat. Hindi ito klase ng sakit na aaray ako. Klase ito ng sakit na gusto kong kalkalin at kamutin ang mismong sugat sa sobrang pagkairita.

Binalikan ako ni Sir Clark at nakasimangot siyang tumalungko sa harapan ng wheelchair ko. Inisa-isa niya ng tingin ang buong mukha ko at mga braso, binibilang yata kung ilan ang dapat gamutin sa 'kin. Tiningnan pa niya ang kalahating dextrose na nakasabit sa tabi ko.

"Kaya mong magsalita?"

"Yung anak ko . . . ?" pahingal na tanong ko, at wala na akong buong boses na mailabas. Parang kinakayod ng matalim na bagay ang lalamunan ko.

"Okay ang apo ko. Wala naman daw pilay base sa X-ray findings. May hearing test siya bukas para malaman kung may damage siya sa tainga, pero doon muna siya sa ospital. Pinatawagan ko na si Yaya Maggie para magbantay. Hindi rin puwede roon si Cheese, baka may makakilala sa kanya."

"Siguraduhin lang nilang . . . hindi ko sila mahahanap . . ." Matunog ang paglunok ko kahit masakit sa lalamunan. "Iisa-isahin ko sila . . . kapag nalaman ko . . . kung sino sila . . ."

"Saka mo na 'yan sabihin. Maghanap muna tayo ng ospital na hindi delikado para sa 'yo. Tinawagan ko na ang ospital dati ng daddy ko. Nagpa-schedule na 'ko ng operation. Kaso sa North pa 'yon."

Hatinggabi mula nang tambangan kami, sakay ako ng L300 van para lang mailipat ng ibang ospital dahil hindi 24 hours na bukas ang clinic kung saan ako unang ginamot. Mula SLEX, dinala pa ako sa Bulacan para lang maoperahan.

Pagdating doon sa ospital, hindi rin ako dinala sa ward. Inikot pa ako sa likod ng ospital at pinadaan nang palihim sa emergency room para lang matahi lahat ng malalalim na sugat ko sa noo, sa kamay, at sa binti. Tatlong stitch sa noo. Anim sa kamay. Apat sa binti. Pagkatapos operahan, hindi ako pinatagal sa ospital. Hinihingan kami ng result ng X-ray pero walang maibigay si Sir Clark. Siya na raw ang bahala roon. Isinakay uli ako sa van at ibiniyahe papuntang Laguna—sa farm ng mga Vizcarra.

Nakarating na kami sa farm, alas-nuwebe ng umaga kinabukasan.

Paulit-ulit kong isinusumpa ang lahat ng may gawa nito—kahit hindi na sa akin. Kahit sa anak ko na lang.

Siguraduhin lang nilang hindi ko sila matutunton. Oras na malaman ko kung sino ang may pakana ng nangyari sa amin ni Charley, magsisisi talaga silang binuhay pa nila ako.


♦♦♦

Part 1 of Jill of All Trades, available on Telegram

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top